Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Gerald Anderson. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Gerald Anderson. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Mayo 9, 2019

Gerald Anderson at Julia Barretto, unang beses magtatambal sa romantic-drama na ‘Between Maybes’


“Between Maybes is a story of two people who have lost control of their own lives. One is a famous actress and one is the son of OFW parents who were deported from Japan.” 

Ito ang pagbabahagi ni writer-director Jason Paul Laxamana sa isang Twitter post ng Black Sheep tungkol sa bagong pelikula na pinamagatang “Between Maybes” tampok ang bagong tambalan nina Gerald Anderson at Julia Barretto. 

Aniya, ang lokasyon ng pelikula, ang siyudad ng Saga sa isla ng Kyushu ang pangunahing inspirasyon sa likod ng kwento ng Between Maybes dahil sa “brand of quietness” sa naturang lugar. Inilarawan din niya ito bilang perpektong lokasyon para maihiwalay ang sarili sa lahat. 

Isang eksaminasyon ng pagkakabukod 


Dagdag pa ng direktor, isinulat niya ang mga karakter nina Louie (Gerald Anderson) at Hazel (Julia Barretto) na kung saan ang tema ng kanilang mga problema sa buhay ay sinolusyunan nila sa pamamagitan ng “isolation.”

Aniya, bunsod ito ng kagustuhan niyang siyasatin ang mga dahilan kung bakit kailangang ihiwalay ng mga tao ang kanilang sarili mula sa mga bagay-bagay. 

“It can be because of trying to escape from something stressful. At the same time, it can be a way of regaining control of your life,” ang pagbabahagi pa ni direk Paul, na siyang direktor din ng 2018 Black Sheep romantic-comedy na “To Love Some Buddy.” 

Sentro ng kwento ang pagtatagpo ng landas nina Louie at Hazel sa tagong prepektura ng Saga at ang mga sandali ang  pagsasama nila kung saan sila’y makakahanap ng katuwang sa isa’t isa sa tamang panahon sa gitna ng kinakaharap na pansariling problema. 

Bagaman magkaiba ang mundong ginagalawan, si Hazel na isang aktres na nahaharap sa ilang pagsubok sa kanyang karera at hindi sanay mag-isa, si Louie nama’y isang simpleng tao na nakikita ang kakulitan at pakikisama ni Hazel bilang bagong karanasan sa kanyang buhay. 

Kakaibang tambalan nina Gerald at Julia 

“Lahat naman kasi tayo we have times in our lives na parang gusto natin ng tahimik, gusto natin lumayo sa kung ano’ng magulo sa buhay natin—‘yung trabaho natin o minsan personal life sa family natin. ‘Yun talaga ang foundation ng story na ito eh, keeping it simple—you’re not losing yourself and finding yourself; and how ‘yung malayo sa ugali mo, how someone can help you find yourself again.”

Ito ang pagbabahagi ni Gerald sa kanyang tingin sa pelikula at kanyang karakter. Dagdag pa ng Kapamilya leading man, masaya siya na maganda ang materyal ng kanilang istorya, gayon din ang unang beses niyang makatrabaho si direk Paul at pagkakaroon ng bagong leading lady.

“Kinikilig ako sa fact na iba ‘yung makikita sa background ko; hindi ‘yung mga jeep or mga opisina natin dito, iba, iba siya. Mababaw ang kaligayahan ko eh, so ‘yung feeling na parang Hollywood star na nakakapag-shoot sa ibang bansa; and it’s for Black Sheep, so exciting,” ang masaya pang kwento ng aktor. 

“It’s a fresh new tandem. I don’t think it’s anything anyone ever expected na magkakatambalan. There will be exchange of wisdom, I feel like I’m gonna grow from him and this project,” ang pahayag naman ni Julia sa karanasan niyang makatambal si Gerald na marami nang matagumpay na pelikula at seryeng nagawa sa kanyang karera. 

Dagdag pa ng aktres, espesyal ang pagganap niya bilang si Hazel dahil naiintindihan niya ang pinagdadaanan ng karakter na ang pakiramdam ay pagod na at wala ng kontrol sa kanyang buhay.

Lunes, Abril 11, 2016

Gerald Anderson and his learnings in showbiz 10 years after


Nagdiriwang ngayong taon ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson ng kanyang ika-10 anibersaryo sa showbiz simula nang makilala siya bilang third big placer sa “Pinoy Big Brother: Teen Edition” noong 2006. Pagkatapos ay inilunsad siya ng Star Magic, ang homebased talent agency ng ABS-CBN, bilang isa sa mga up and coming actors na dapat abangan.

Ani ng aktor, natutuhan niya sa 10 taon sa showbiz ang pagpapahalaga, pagmamahal at konsentrasyon sa ginagawa mo na dahilan kung nasaan siya ngayon sa kanyang karera. Natutuhan na rin niyang tanggapin ang hindi magandang bahagi ng showbiz gaya ng mga kontrobersya at pagkawala ng privacy.

Dagdag pa niya, gusto niya matandaan bilang aktor na ginagawa ang lahat ng makakaya sa mga proyekto at maging inspirasyon sa mga nakababata sa industriya. Nakatakda na rin gumawa ng bagong pelikula ang aktor.

‘Always Be My Maybe’

Napanood kamakailan si Gerald sa post-Valentine romantic-comedy movie ng Star Cinema na “Always Be My Maybe” kapareha ang “Pasion de Amor” star na si Arci Muñoz at mula sa direksyon ni Dan Villegas. Tungkol ito sa kwento ng mga heartbroken na sina Jake at Tin-Tin at ang relasyon na walang labels.

Maganda ang pagtanggap ng publiko sa bagong tambalan nina Gerald at Arci na fresh ang dating ng chemistry. Positibo rin ang opinyon ng mga kritiko sa pelikula na tinawag na “romance done right” at “refining the rom-com genre.” Kamakailan, kinumpirma na kumita na ang pelikula ng Php100 milyon at napapanood pa rin sa sinehan.

Trademark roles in TV and movies

Hindi naman binigo ni Gerald ang tiwala sa kanya at nagpakita ng malaking potensiyal at natural na galing sa pag-arte sa mga proyekto niya sa telebisyon at pelikula.

Tumatak sa mga manonood at mga kritiko ang magagandang performance niya sa mga teleseryeng “Sana Maulit Muli” (2007), “My Girl” (2008), “Tayong Dalawa” (2009), “Kung Tayo’y Magkakalayo” (2010), “Budoy” (2011-12), “Bukas Na Lang Kita Mamahalin” (2013), “Dyesebel” (2014), at “Nathaniel” (2015).

Itinanghal siyang Prince of Philippine Movies and Television at kinikilala rin na Action Drama Prince ng Pinoy television. Pumatok din agad sa publiko ang tambalan nila ng kaparehong PBB Teen alumni at big winner ng edisyong ‘yon na si Kim Chiu na kalaunan ay naging kasintahan ng aktor at pinangalanang Most Popular Loveteam ng tatlong beses mula sa Guillermo Mendoza Box Office Awards.

Recognitions and loveteams

Nagkasama ang tambalang Gerald – Kim sa maraming serye at pelikula gaya ng “First Day High,” “I’ve Fallen For You,” “Paano Na Kaya,” “24/7 in Love” at “Till My Heartaches End.” Sinundan ito ng pagkakapareha niya kay Sarah Geronimo sa “Catch Me I’m In Love” at “Won’t Last a Day Without You” pagkatapos nilang maghiwalay ni Kim.

Una namang pinarangalan ang talento niya bilang Best Single Performance by an Actor sa PMPC Star Awards for Television at Gawad Tanglaw para sa kanyang pagganap sa “Maalaala Mo Kaya: Lubid” episode. Napukaw din niya ang puso at atensyon ng publiko at mga eksperto sa pagganap niya sa teleseryeng “Budoy” bilang isang mentally-challenged at ginawaran siya ng Best Performance by an Actor ng Golden Screen TV Awards, Gawad Tanglaw at KBP Golden Dove Awards.  

Nagpakitang-gilas ulit siya sa Maalaala Mo Kaya episodes na “Bituin” (2014) at “Class Picture” (2015) episodes na kinilala ng Gawad Tanglaw at Best Supporting Actor sa indie film na “On the Job” mula sa Gawad Pasado Awards.

Philanthropy work

Aktibo rin ang aktor sa mga volunteer works, isang halimbawa na lang ang pagtulong niya sa mga kababayan noong Typhoon Ondoy at dito niya naisip magpatayo ng isang foundation. At kamakailan ay ipinagdiwang ng Kapamilya star ang kanyang ika-27 na kaarawan kasabay ng isang benefit dinner at launch ng Gerald Anderson Foundation Inc., (GAF) na ginanap sa Le Rêve sa Diliman, Quezon City sa pagkalap ng pondo at orientation na layuning sanayin ang mga aso para sa search and rescue operations.

Bilang dog-lover, mahalaga aniya ang mapanatili na nasa magandang kundisyon ang mga aso kaya’t malaki sa pondo ang mapupunta sa kanilang pagkain at vitamins. Sa ngayon, apat na trained dogs ang nasa organisasyon. Nakaatas sa kapatid na si Ken ang training na ginagawa sa Clark, Pampanga.

Misyon din ng foundation ang bumisita sa mga barangay para tulungan ang mga residente na sanayin ang kanilang mga aso ng mga safety drills at hiling ni Gerald na mas marami pa ang tumulong at sumuporta sa adhikain niyang ito.

Lunes, Oktubre 6, 2014

Philippine Festival 2014 matagumpay na ginanap sa Ueno Park

Ni Florenda Corpuz


Philippine Festival 2014 (Kuha ni Din Eugenio)
TOKYO, Japan – Nakiisa ang magandang panahon sa matagumpay na pagdiriwang ng dalawang araw na Philippine Festival 2014 na ginanap sa sikat na pasyalan na Ueno Park sa lungsod ng Tokyo noong Agosto 30 at 31.

Dumalo sa opening ceremony sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at maybahay na si Madame Maria Teresa L. Lopez, Philippine Festival 2014 Chairperson Jenavilla Bibal Shigemizu, Japanese Ambassador-Designate to the Philippines Kazuhide Ishikawa, House of Representatives at Japan-Philippines Parliamentary Friendship League (JPPFL) Members Yukio Ubukata, Kensuke Miyazaki at iba pang JPPFL Members na sina Kenji Kosaka, Takeshi Maeda at Masayoshi Nataniya, Deputy Director-General of the Southeast and Southwest Asian Affairs Department of MOFA Makita Shimokawa at iba pang dignitaries.

“This Festival is an opportunity to members of the Filipino community in Japan to get-together again. There are more than 225,00 Filipinos residing here and I am sure we will see many of them in this two-day event,” pahayag ni Lopez.

“In keeping with the Festival’s theme of ‘Bayanihan, Tulong sa Bayan,’ I hope you will continue to lend a hand on typhoon victims back home who are still working to rebuild their lives and community,” dagdag nito.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Lopez sa tulong ni ipinahatid ng Japan sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

May temang “Bayanihan, Tulong sa Bayan,” ipinamalas sa kapistahan ang yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga tradisyonal na kanta at sayaw mula sa mga iba’t ibang personalidad at grupo sa Filipino community; mga paboritong pagkaing Pinoy tulad ng adobo, pansit, mga kakanin at halu-halo na mabibili sa mga booths pati na rin mga handicrafts at souvenirs; mga palaro; at serbisyo para sa mga kababayan.

Inabangan ng mga manonood na umabot sa halos 150,000 sa dalawang araw na pagdiriwang ang pagtatanghal ng mga guest artists mula sa Pilipinas na sina Gerald Anderson, Richard Poon, Imelda Papin, Blakdyak, MMJ Magno Brothers, Eric Nicolas, Sunshine Garcia at Aiko Climaco. Pinagkaguluhan din sa pagdiriwang ang Kapuso heartthrob na si Aljur Abrenica na sorpresang dumalo sa pagdiriwang.

Ang Philippine Festival 2014 ay proyekto ng Filipino community sa Japan sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at Ministry of Foreign Affairs of Japan (MOFA). Layon ng pagdiriwang ang mag-reach out sa Filipino community sa Japan at palaganapin ang pag-unawa at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino sa bansa. Ang kinita sa pagdiriwang ay ido-donate sa charity.