Ipinapakita ang mga post na may etiketa na JAXA. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na JAXA. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Disyembre 3, 2017

Japanese astronaut Soichi Noguchi, sasali para sa bagong ISS mission sa 2019

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa JAXA

Masayang inanunsyo ng Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) kamakailan na napili ang Japanese astronaut na si Soichi Noguchi bilang crew member ng International Space Station (ISS) Expedition 62/63 na magsisimula sa huling bahagi ng taong 2019.

Ito na ang magiging pangatlong spaceflight para kay Noguchi. Inilunsad siya bilang mission specialist (MS) sakay ng Space Shuttle para sa kanilang Return to Flight mission noong Hulyo 2005 matapos mapili bilang JAXA astronaut noong 1996. Nagtrabaho rin siya sakay ng ISS sa loob ng 161 araw bilang flight engineer ng ISS Expedition 22/23 matapos ilunsad bilang kauna-unahang Japanese left-seater para sa Soyuz spacecraft noong Disyembre 2009.

“I am extremely honored as I may be able to witness a big turning point in the history of manned space flights,” pahayag ng 52-taong-gulang na si Noguchi sa ulat ng Kyodo na inilathala sa Japan Times.

Tinatayang mananatili sa kalawakan sa loob ng anim na buwan si Noguchi. Ilan sa mga trabaho niya bilang ISS flight engineer ang pagpapanatili ng mga pasilidad ng ISS kabilang ang “Kibo,” scientific experiments at pagmamanipula ng Mobile Servicing System (MSS).

Nakatakdang magsimula ang pagsasanay para sa kanyang pananatili sa ISS sa Nobyembre 20.


Ayon sa JAXA, si Noguchi ang magiging ika-11 Japanese astronaut na makakapaglakbay sa kalawakan.

Linggo, Disyembre 11, 2016

Backup weather satellite inilunsad ng Japan

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa MHI/JAXA
Matagumpay na inilunsad ng Japan ang kanilang backup at successor next-generation weather satellite na tinawag na “Himawari-9” sa Tanegashima Space Center kamakailan.

Lulan ng H-IIA Launch Vehicle No. 31 rocket (H-IIA F31) na gawa ng Mitsubishi Heavy Industries Ltd, kinumpirma ng Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) na maayos na humiwalay dito ang Himawari-9 humigit-kumulang 27 minuto at 51 segundo matapos itong umangat sa lupa.

Nakapasok ito sa geostationary orbit na matatagpuan 35,800 kilometro mula sa taas ng equator, 140 degrees east longitude 10 araw makalipas itong lumipad mag-isa.

“At the time of the launch, the weather was fine, a wind speed was 6.1 meters/second from the north-east and the temperature was 21.3 degrees Celsius,” pahayag ng JAXA.

Nahuli ng isang araw ang paglulunsad nito dahil sa masamang panahon.

May bigat na aabot sa 1.3 tonelada, magsisimula ang operasyon ng Himawari-9 sa taong 2022 at matatapos sa 2029 bilang kapalit ng Himawari-8 na inilunsad noong Oktubre 2014. Ito ang magbibigay ng observational data sa loob ng mahigit sa 30 bansa at rehiyon sa Asya Pasipiko sa loob ng 15 taon.

Tulad ng Himawari-8, ang Himawari-9 ay may kakayahang makapagbigay ng mas pinabuting now casting at numerical weather prediction at mas mapabuti ang environmental monitoring. Mas may kakayahan din ito na i-monitor ang galaw ng bagyo sa karagatan. Kaya rin nitong sukatin ang volcanic dust distribution matapos ang pagsabog ng bulkan. Made-detect din nito ang mga ulap na mabilis na mabuo na nagiging sanhi ng malakas na pag-ulan. Kaya nitong magkuha ng mga imahe kada 10 minuto at i-cover ang buong Japan sa agwat na 2.5 minuto.

Ang Himawari ay salitang Hapon na may kahulugang “sunflower.”


Ang JMA ay nagsimulang magpatakbo ng geostationary meteorological satellite taong 1978 kung saan sila ay nakakapaglabas ng mga datos na nakatutulong upang maiwasan ang mga sakuna na dulot ng mga weather conditions sa rehiyon ng Asia-Oceania. 

Miyerkules, Abril 6, 2016

X-ray astronomy satellite na susuri sa black holes inilunsad ng Japan


Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa JAXA
Matagumpay na inilunsad ng Mitsubishi Heavy Industries, Ltd. at Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) ang H-IIA rocket lulan ang X-ray astronomy satellite na susuri sa misteryo ng black holes.

Mula sa Tanegashima Space Center, lumipad ang H-IIA rocket 5:45 p.m. Pebrero 17 habang humiwalay naman dito ang X-ray astronomy satellite na tinawag na ASTRO-H humigit kumulang 14 minuto at 15 segundo matapos itong umangat sa lupa.

“The satellite is currently in good health,” pahayag ng JAXA.

“ASTRO-H is the eye to study the hot and energetic universe. Therefore we name ASTRO-H, ‘Hitomi,’ dagdag pa ng ahensya.

Ang Hitomi ay salitang Hapon na may kahulugang “pupil or entrance window of the eye - the aperture.”

Ang ASTRO-H ay may habang 14 na metro at bigat na 7.2 tonelada. Ito ang itinuturing na pinakamabigat na scientific satellite na ginawa ng Japan katulong ang NASA at iba pang ahensya. Mula sa final orbit nito kung saan iikot ito sa mundo sa altitude na 580 kilometro ay oobserbahan nito ang kalangitan. Inaasahan na magsisimula ang operasyon nito sa Agosto.

Taglay ng ASTRO-H ang apat na X-ray telescopes at dalawang gamma-ray detectors. Ang mga datos na makakalap nito ay gagamit para pag-aralan ang misteryo ng black holes.

Inaasahan na isasagawa ng ASTRO-H ang misyon nito sa loob ng tatlong taon kung saan mahigit sa 200 mananaliksik mula sa Japan at iba’t ibang bansa sa mundo ang mag-aaral nito.

Ang ASTRO-H ang pang-anim na X-ray astronomy satellite na inilunsad ng Japan; una ang Hakucho satellite na inilunsad taong 1979. Habang ito naman ang ika-30 paglulunsad sa H-IIA rocket na nagbigay dito ng 97 porsyentong success rate.

Umabot sa $271 milyon ang kontribusyon ng Japan sa proyekto habang naglagak naman ng $70 milyon ang NASA.


Martes, Mayo 6, 2014

Global rainfall satellite inilunsad ng NASA, JAXA

Ni Florenda Corpuz
Kuha ng NASA/Bill Ingalls


Isang Japanese rocket ang inilunsad kamakailan sa Tanegashima Space Center, Tanegashima Island, Kagoshima Prefecture, dala ang isang high-tech na instrumento na susukat sa dami ng ulan at niyebe.
           
Sakay ng H-IIA rocket ang $900 million satellite na tinawag na Global Precipitation Measurement (GPM) Core Observatory na joint Earth-observing mission ng NASA at Japan Aerospace Exploration Agency o JAXA.

“With this launch, we have taken another giant leap in providing the world with an unprecedented picture of our planet's rain and snow,” ani NASA Administrator Charles Bolden.

“GPM will help us better understand our ever-changing climate, improve forecasts of extreme weather events like floods, and assist decision makers around the world to better manage water resources,” dagdag pa nito.

Idinisenyo ang GPM para makapagbigay ng mas detalyadong impormasyon tungkol sa global precipitation. Made-detect din nito ang mahinang pag-ulan at pagpatak ng niyebe.

Inaasahan na malaki ang maitutulong ng GPM sa pagpapabuti ng kapasidad ng Tropical Rainfall Measurement Mission o TRMM na joint mission din ng NASA at JAXA na inilunsad noong 1997 at hanggang ngayon ay patuloy pa rin.   
           
“It is incredibly exciting to see this spacecraft launch,” sabi ni GPM Project Manager Art Azarbarzin. “This is the moment that the GPM Team has been working toward since 2006. The GPM Core Observatory is the product of a dedicated team at Goddard, JAXA and others worldwide. Soon, as GPM begins to collect precipitation observations, we'll see these instruments at work providing real-time information for the scientists about the intensification of storms, rainfall in remote areas and so much more.”


Ang GPM ay una sa limang earth science missions na planong ilunsad ng NASA ngayong taon. Ito ay binuo sa Goddard at pinakamalaking spacecraft na ginawa rito. Taglay nito ang dalawang instrumento na susukat sa dami ng ulan at niyebe kada tatlong oras – ang  GPM Microwave Imager mula sa NASA at Dual-frequency Precipitation Radar (DPR) na nilinang naman ng JAXA at National Institute of Information and Communication Technology, Tokyo.