Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Philippine Embassy in Tokyo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Philippine Embassy in Tokyo. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Mayo 29, 2016

Mga Pinoy ligtas sa lindol sa Kumamoto - Ambassador Lopez

Ni Florenda Corpuz


Walang Pilipino ang nasawi sa magnitude 6.5 at 7.3 na lindol na tumama sa Kumamoto Prefecture sa rehiyon ng Kyushu kamakailan.

Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez, ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at ang Konsulado sa Osaka ay nakikipag-usap sa Filipino community sa Kumamoto at walang kababayan ang nasawi o malubhang nasugatan sa magkasunod na lindol.

Patuloy din ang kanilang monitoring para masiguro na maayos ang kundisyon ng mga Pinoy sa lugar.

“We have checked with our Filipino community leaders in Kumamoto. No one was reportedly injured in the latest earthquake,” pahayag ni Lopez sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC) kamakailan.

May isang Pilipino ang na-trapped sa ilalim ng sasakyan ngunit ito ay nailigtas din.

May mga kababayan na lumikas sa mga evacuation centers habang may ilan din na natulog sa kotse.

Base sa datos ng Ministry of Justice, nasa 10,767 dayuhan ang naninirahan sa Kumamoto Prefecture kung saan aabot sa 1,600 ang mga Pilipino na karamihan ay may mga asawang Hapon.

Umabot sa 49 katao ang nasawi sa lindol habang daan-daan naman ang nasaktan.

Samantala, sa advisory na inilabas ng Japan Meteorological Agency, pinaalalahan ang lahat na patuloy na mag-ingat sa aftershocks.

“Seismic activity in the Kumamoto prefecture and Oita prefecture areas in Kyushu is still ongoing. There is concern about buildings and houses collapsing, and landslides may occur. Remain aware of your surroundings and exercise caution regarding earthquakes as well as rainy weather, as the combination can be hazardous.”

Martes, Nobyembre 26, 2013

Embahada inulan ng tulong para sa biktima ng bagyong ‘Yolanda’



Nagdagsaan ang tulong sa Embahada ng Pilipinas mula sa iba’t ibang tao, kababayan, at mga kumpanya sa Japan para sa mga nasalanta ng bagyong "Yolanda" sa Visayas region kamakailan. Isa sa nakakuha ng atensiyon ay ang anim na taong gulang na Japanese na si Shoichi Kondoh na pumunta sa Embahada kasama ang kanyang ina para ibigay ang naipon niya sa kanyang alkansiya na nagkakahalaga ng Y5,000.

Nagbigay din ang isang Japanese na kinilalang si Kenji Hirakawa ng Y200,000 sa ngalan ng kanyang ama na namatay sa Pilipinas at hindi na niya nakilala pa.

“My father lies sleeping in a mountain somewhere in Luzon,” pahayag ni Hirakawa sa kanyang liham na nakalakip sa ibinigay niyang donasyon.

Ani Hirakawa, sanggol pa lamang siya ng umalis ang kanyang ama para pumunta sa Pilipinas bilang miyembro ng Japanese Imperial Army noong World War II at hindi na nakabalik sa Japan simula noon.

“I am enclosing here Y200,000 for all the troubles my father may have caused to the Filipino people,” dagdag pa nito.

Personal din na iniabot ni AEON Co. Ltd at AEON 1% Club Board Chairman Naoki Hayashi kay Philippine Ambassador Manuel Lopez ang donasyon ng kumpanya na nagkakahalaga ng Y10 milyon para sa mga nasalanta ng bagyo. Ipinarating din nito ang kanilang pakikisimpatiya sa nangyaring trahedya.

Agad rin nagpaabot ng donasyon ang Keidanren sa pamamagitan ng mga kinatawan nito na si Nobuko Sanui at Yumi Shimmyo na nagkakahalaga ng Y1 milyon. Ipinahayag din ni Sanui ang pakikiramay ni Keidanren chairman at director general na si Yoshio Nakamura sa mga naging biktima at naapektuhan ng bagyong ito.

“[My] sincere condolences and heartfelt sympathy to all the victims, their families, and friends who have been affected by the calamity. I [earnestly believe] that [the] people of the Philippines would be able to overcome the disaster and rebuild their homeland,” pahayag ni Nakamura sa kanyang ipinadalang sulat.

Tumulong din ang New Komei Party (Komeito) ng Y1 milyong donasyon na ibinigay ng pangulo nito na si Natsuo Yamaguchi kasama si Councillor Kozo Akino, M.D. Nagpaabot din sila ng liham ng simpatya para kay Pangulong Benigno Aquino III at sa sambayanan.

Ilan pa sa mga nagbigay ay sina Koji Suwa ng CocoJapan, Masuori Takahashi ng Cooperative Assoc. Amity, Kazunori Sakamoto ng Biz Asset, Terumitsu Hoshi ng FRP JHK Corporation, Chiba Prefecture partikular ang Hata Elementary School, Shigeo Kanaya, Kumiko Umeda, Yasushi Takahashi at marami pang iba.

Ipinaabot naman ni Ambassador Lopez ang kanyang pasasalamat sa mga tumulong sa ngalan ng gobyerno ng Pilipinas. Aniya, agad na ipapadala ang mga nalikom na donasyon sa gobyerno ng Pilipinas sa lalong madaling panahon upang makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima sa Tacloban, Samar, Leyte at Cebu.



Lunes, Mayo 27, 2013

Senator Angara, pinarangalan ni Emperor Akihito


Senador Angara at Ambassador Lopez

Dahil sa kanyang malaking kontribusyon sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Japan, pinarangalan si Senador Edgardo Angara ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun ni Emperor Akihito sa Imperial Palace, Tokyo kamakailan lamang.

Bukod sa parangal na ito, mismong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang nagbigay din ng certificate na kasama ng naturang award. Labis na ipinagpasalamat ni Angara na personal na pumunta sa Japan para tanggapin ang naturang parangal.

“I am deeply humbled by this recognition from the government of Japan. This honor is a testament to Japan’s abiding interest in the enhancement of their ties with the Philippines. I am resolved to continue my own long-standing advocacy of further strengthening the bonds of friendship and cooperation between our peoples,” pahayag ni Angara pagkatapos ng awarding rites.

Matatandaan na noong 1988 ay itinatag ni Angara ang Philippine-Japan Parliamentarians Association (PJPA) kung saan siya rin ang tumayong pangulo. Pinangunahan din niya ang kauna-unahang PJPA delegation na bumisita sa Japan para makipagpulong sa ilang miyembro ng National Diet at iba pang opisyales.

Isa rin si Angara sa sumuporta sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) na naipasa sa Senado noong 2008.

Ibinibigay ang Order of the Rising Sun sa mga indibiduwal na nagkaroon ng malaking kontribusyon sa international relations, pagtataguyod sa kulturang Hapon, pangangalaga sa kalikasan, at pagsulong sa mga programang nakakapagpaunlad ng lipunan.

Ilan sa mga nabigyan na ng Order of the Rising Sun, na binuo noong Abril 1875, ay sila Singaporean Prime Minister Lee Kuan Yew, dating UNICEF executive director Carol Bellamy, dating Brookings Institution president Michael Armacost, dating Foreign Affairs secretary at UNGA president Carlos P. Romulo at dating Ambassador to Japan Alfonso Yuchengco.