Ipinapakita ang mga post na may etiketa na concert. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na concert. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 7, 2016

Divas Live: Pagsasanib-pwersa ng lima sa pinakamagaling na female artists sa bansa



Sa kauna-unahang pagkakataon, isang espesyal at katangi-tanging kolaborasyon ang magaganap sa pagitan nina R&B Queen Kyla, Pop-Rock Princess Yeng Constantino, Queen of Theme Songs Angeline Quinto, Soul Supreme KZ Tandingan, at West End Diva Rachelle Ann Go sa iisang entablado na mangyayari sa Nobyembre 11 ngayong taon sa Araneta Coliseum. Lahat sila ay contract artists ng Cornerstone Talent Management.

Kaabang-abang kung paano ang magiging kumbinasyon ng limang boses na magkakaiba at may sari-sariling istilo.

Magkakaiba man, lahat silang lima ay nagsimula sa industriya sa pamamagitan ng singing contest. Si Kyla, unang sumali sa Tanghalan ng Kampeon ngunit una siyang nanalo sa Hamon sa Kampeon ng DZRH noong 1991. Si Rachelle Ann naman ay nagsimula sa Search for a Star ng GMA-Viva noong 2004 bilang grand champion nito.

Itinanghal naman na grand star dreamer si Yeng sa unang edisyon ng Pinoy Dream Academy sa ABS-CBN noong 2006. Para kay Angeline naman, bilang winner ng Star Power: Search for the Next Female Pop Superstar noong 2011. X-Factor Philippines naman ang kay KZ nang manalo ito noong 2012 sa unang edisyon ng contest.

R&B Queen

Pinakamatagal na sa industriya sa kanilang lima si Kyla na kamakailan lang ay nag-uwi ng parangal sa Myx Music Awards para sa favorite remake at favorite media sountrack (On The Wings of Love). Mula nang makitaan siya ng potensiyal ni Al Quinn, naging bahagi na siya ng That’s Entertainment, naging kinatawan ng bansa sa 4th Yamaha Music Quest sa Japan noong 1995, third prize sa Metropop Young Singers’ Competition hanggang sa pumirma siya ng recording deal sa EMI Philippines.

Inilabas niya ang kanyang debut album noong 2000, ang “Way To Your Heart” ngunit ang piano-driven ballad na “Hanggang Ngayon” ang kanyang breakthrough hit, ang kanta na nagpanalo sa kanya bilang MTV Viewers’ Choice for Southeast Asia sa 2001 MTV Video Music Awards at siyang kauna-unahang East-Asian female artist na makakuha ng parangal sa MTV VMA. At mula noon, sunud-sunod na parangal na ang natanggap ni Kyla sa industriya. Mayroon na siyang walong studio albums, isang EP, at apat na compilation.

West End Diva

Itinaas naman ni Rachelle Ann ang bandila ng bansa sa London kamakailan nang gumanap siya bilang Gigi Van Tranh sa pinakabagong edisyon ng “Miss Saigon” sa West End at nasundan ito ng isa pang malaking pagganap sa “Les Miserables” bilang si Fantine. Nagtanghal din si Rachelle Ann kasama ang iba pang cast ng musical kamakailan sa bansa. Siya rin ang napili ng Disney para kantahin ang “A Dream is a Wish Your Heart Makes” para sa 2015 live-action Cinderella movie. 

Bago sumabak sa ibang bansa, aktibo na si Rachelle Ann sa musicals dito sa bansa gaya na lang ng debut musical role niya bilang Ariel sa The Little Mermaid at bilang Jane Porter sa “Tarzan.” Nagwagi rin ng Silver Prize ang kanyang kantang “From the Start” sa Shanghai Music Festival 2005 at Best Song para sa “Isang Lahi” sa Astana International Song Festival 2005 sa Kazakhstan.

Pop-Rock Princess

Kung mayroon isang kantang nagbunsod sa karera ni Yeng, ito ang“Hawak Kamay” na unang narinig habang nasa PDA pa siya, ngunit isinulat niya ito noong 14-taong-gulang pa lang siya. Inspirasyon ng kanta ang kanyang malapit na pinsan na umalis para manirahan sa ibang lugar. Naging bahagi ang kanta kalaunan ng kanyang debut album na “Salamat” at theme song ng pelikulang “Kasal, Kasali, Kasalo.”

Sari-saring parangal din ang natanggap na ni Yeng at mayroon nang limang studio albums at naging bahagi ng maraming compilation albums. Sumabak na rin siya sa pagpepelikula sa indie film na “Shift”, hosting sa “The Voice Kids” at kasalukuyang hurado sa “It’s Showtime – Tawag ng Tanghalan.”

Queen of Theme Songs and Soul Supreme

Ilang pagsubok din muna ang dinaanan ni Angeline bago nakapasok sa industriya. Sumali muna siya sa maraming contest bago siya nagwagi sa Star Power. Malaki naman ang paghanga niya kay Asia’s Songbird Regine Velasquez na itinuturing niyang inspirasyon at impluwensiya.

Gaya nina Kyla, Rachelle Ann at Yeng, isa ring platinum artist si Angeline na may lima nang studio album. Napanood na rin siya sa pelikula, “Born to Love You,” “Four Sisters and a Wedding,” “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?” at “Beauty in a Bottle.”


Napahanga naman ng “Mahal Ko o Mahal Ako” singer na si KZ ang lahat nang kumanta siya ng jazzy version ng “Over the Rainbow” at rapping skills sa “Ready or Not.” Naging bahagi rin siya ng Himig Handog P-Pop Love Songs sa kantang “Scared to Death” na nagwaging 4th place. Nagpakita rin siya ng kakaibang talento sa The Singing Bee nang manalo siya dito, gayondin bilang 4th place sa finals ng “Your Face Sounds Familiar Season 2 kamakailan. 

Martes, Marso 29, 2016

‘Richard Marx Live in Manila’ delights fans with favorite 80s and 90s hits

Ni Jovelyn Javier


Muling nagtanghal ang isa sa pinaka-successful, most enduring musician at Grammy-winning American singer-songwriter-producer na si Richard Marx sa mga masugid na Pinoy fans para sa second leg ng “Richard Marx: The Solo Tour Live in Manila” na ginanap kamakailan sa Kia Theatre sa Cubao, Quezon City.

Bago dumating sa bansa, hinarana muna ni Marx ang mga Malaysians sa kanyang well-received show sa Kuala Lumpur. Huling nagtanghal si Marx sa bansa noong 2011 sa Araneta Coliseum. Nagpa-unlak din ang singer-songwriter ng isang guest appearance sa “Tonight with Boy Abunda” sa ABS-CBN isang araw bago ang concert.

Timeless hits

Kapag nabanggit ang pangalang Richard Marx, kahit sino ay maiisip agad ang kanyang mga timeless hits mula sa kanyang halos tatlong dekadang karera sa musika gaya ng “Now and Forever,” “Right Here Waiting,” “Hold On to the Night,” “Should Have Known Better,” “Don’t Mean Nothing” at marami pang iba. Ito iyong mga klase ng mga kantang hinding-hindi malilimutan kahit gaano pa magbago ang panahon. Walang araw na dadaan na hindi natin mapapakinggan ang isa sa mga ito sa radyo na mga paborito rin ng mga disc jockeys na patugtugin.

Nostalgic and relaxed

Sobrang nostalgic at relaxed ang pakiramdam kapag pinapanood at pinapakinggan si Marx kumanta, na wari ay dinadala ka niya sa mga panahon nang unang lumabas ang mga kanta niya at nabihag ka sa puro magagandang musika lamang o ika nga ay “the good old days.” 

Binati ni Marx ang mga excited na tagahanga sa mga kantang “Endless Summer Night” (1988) na  summer love song at inspired ng kanyang Hawaii trip sa dating asawang si Cynthia Rodes, “Take This Heart” (1992), “Satisfied” (1989 – 2nd of three consecutive #1 on Billboard 100), “Keep Coming Back” (1991) at “Hazard” (1992 – 3rd #1 on Billboard Adult Contemporary chart).  Sinundan ito ng “Chains Around My Heart” (1991) at “Until I Find You Again” (1997).

Si Marx din ang nagsulat at nag-produce ng iba pang iconic hits na “This I Promise You” (‘N Sync), “Dance With My Father” (co-written with Luther Vandross) at “To Where You Are” (Josh Groban).

Espesyal na bahagi rin ng show nang samahan siya ng kanyang tatlong anak na sina Brandon (guitar), Lucas (piano) at Jesse (drums) sa big screen kung saan tumugtog sila kasabay ng pag-awit ng kanilang ama sa kantang “Save Me.”

Sinabayan naman ng harmonized clap  ng fans ang tono ng “Angelia” nang hindi sinasadyang matanggal ang microphone at guitar amplifier habang kumakanta siya na ikinatuwa ng singer nang magsalita siya pagkatapos ng kanta.

Siyempre, ‘di nakumpleto ang gabi na hindi naririnig ang Should Have Known Better, Hold On to the Night, Now and Forever, Right Here Waiting at Don’t Mean Nothing na kanyang debut single.

Early beginnings

Maagang namulat sa musika si Marx sa murang edad pa lang dahil na rin sa impluwensiya ng amang si Dick Marx na isang jazz musician at jingle company founder. Nang siya ay teenager, nakilala niya si Lionel Richie at hinikayat siyang pumunta sa Los Angeles at nagsimulang maging backup vocals at songwriter para sa kanya hanggang kina Madonna, Whitney Houston at Barbra Streisand.

Nakatrabaho rin niya sina Kenny Rogers, Eagles, Chicago at David Foster. Hanggang sa nadiskubre siya ni Bruce Lundvall ng EMI/Manhattan Records at inilabas ang kanyang self-titled debut album. Ngayon, nag-iisa pa rin si Marx sa music history kung saan nasa top 5 ng Billboard charts ang kanyang unang pitong singles.

Naglabas din si Marx ng bagong all-original 11-track album, ang “Beautiful Goodbye” (2014) tampok ang “Whatever We Started,” “Suddenly,” “Inside,” “Beautiful Goodbye,” “Forgot to Remember,” “Turn Off the Night,” “Have A Little Faith,” “Like the World is Ending,” “To My Senses,” “Getaway” at “Eyes on Me” at bonus tracks na “Just Go” at “Moscow Calling.”

Biyernes, Nobyembre 13, 2015

Lifehouse charms Manila fans for the third time

Ni Len Armea

Lifehouse band sa kanilang Manila concert
nitong Oktubre. (Kuha ni Jude Ng)
Ito na ang ikatlong beses na dumating sa bansa ang California rock band na Lifehouse ngunit patuloy pa rin ang suporta na natatanggap nila sa kanilang Pinoy fans dahil dinagsa pa rin ng mga ito ang kanilang concert, “Out of Wasteland” Tour na titulo ng kanilang bagong album.

Malakas na hiyawan at palakpan ang naging reaksiyon ng rock fans sa Mall of Asia Arena kamakailan nang lumabas sa stage ang mga miyembro ng Lifehouse na binubuo nina Jason Wade (vocalist), Rick Woolstenhulme Jr. (drummer), Bryce Soderberg (bassist) at ang bago nilang miyembro na si Steve Stout (guitarist).

Una nilang kinanta ang carrier single ng kanilang bagong album na “Hurricane” na sinundan ng “All In,” “Between the Raindrops,” “One for the Pain,” at “Stardust.” Kagagaling lamang ng banda na mag-concert sa ilang bansa sa Europa bago tumulak sa bansa.

“It's good to be back here. We tell our friends, the favorite place we go to play in the world is here in Manila,” ani Jason na ikinakilig ng mga fans.

Tinanong din ni Jason ang mga manonood kung sino sa kanila ang “old school Lifehouse fans” na halos lahat ay nagtaas ng kamay na naging hudyat para kantahin nila ang ilan sa mga old hits na nagbigay sa grupo ng international fame. Nakisabay ang mga fans sa pagkanta ni Jason ng kanilang mga lumang kanta gaya ng “Whatever it Takes,” “Sick Cycle Carousel,” “Halfway Gone,” “You and Me,” at “Broken.”

Huling kanta naman nila ang pinakapopular nilang kanta na “Hanging by a Moment” kung saan halos lahat ng fans ay nagtayuan at binigyan sila ng masigabong palakpakan pagkatapos.

Nagkaroon din ng acoustic set kung saan tinugtog ng banda ang “Everything,” “Spin,” at “Nerve “Damage.” Ilan pa sa kinanta nila ay ang “Runaways,” “First Time,” “Broken,” at “Flight.”

Pagkatapos ng kanilang concert ay ipinahayag ni Soderberg ang kanyang pagkamangha sa suportang ibinibigay sa kanila ng Filipino fans at nangakong muling babalik sa bansa para mag-concert.

“The Philippines... I’m speechless every time,” tweet ng bassist ng grupo. “That was one for the books,” dagdag pa niya.

Nakilala ang banda noong 2001 matapos na maging hit ang kanilang unang album na “No Name Face” at sa loob ng 16-taon ay nanatili sa paggawa ng musika na minahal ng kanilang mga taga-tangkilik.

Huwebes, Nobyembre 12, 2015

RnB Queen Kyla: ‘Flying High’ at 15

Ipinagdiriwang ng RnB Queen na si Kyla ang kanyang ika-15 anibersaryo sa music industry at magiging kulminasyon ng selebrasyon nito ang upcoming concert na pinamagatang “Flying High” na gaganapin sa Nobyembre 20 sa Kia Theater, Cubao. Inilabas din kamakailan ang limited edition 15th anniversary album na “My Very Best” mula sa PolyEast Records at mabibili na sa record bars at iTunes.

Inaabangan na ang pagkanta niya ng kanyang breakthrough hit na “Hanggang Ngayon” at bersyon niya ng “On The Wings of Love” na theme song ng Primetime Bida teleseryeng pinagbibidahan nina James Reid at Nadine Lustre sa Flying High concert. Ilan lamang sina Jay-R, Erik Santos, Angeline Quinto at KZ Tandingan sa mga guest performers niya.

Shift to ABS-CBN and Cornerstone

Pagkaraan ng 15 taon ay nananatili pa rin na matibay ang musika ni Kyla sa OPM at isa na sa mga nirerespetong singers ng bansa. Ngayon, siyam na studio albums na ang nailunsad niya, apat na compilation at 11 Awit Awards. Nakatrabaho rin niya sina Brian McKnight na nagsulat at featuring sa kantang “My Heart” mula sa “Journey” album, Ronan Keating, Blue, Keith Martin at Fralippo Lippi.

At sa kabila ng tagumpay niya sa karera, higit na mahalaga pa rin kay Kyla ang mas lumalaki pang dedikasyon at pagmamahal niya sa musika. Hindi rin napigilan ng singer na balikan ang mga panahong kumakanta siya sa lounge bars noong nasa kolehiyo siya. Aniya, noo’y jazz at standards ang mga kinakanta niya na malayo sa ginagawa niya ngayon.

Malaking pagbabago din ang paglipat ng singer sa ABS-CBN mula sa mahigit 10 taon niya sa GMA. Aniya, hindi naging madali ang desisyon ngunit para sa kanya ito na ang sagot sa kanyang dasal ng bagong tapang at direksyon, gayon din bilang bagong bahagi ng Cornerstone Entertainment na siyang nag-aasikaso na ng kanyang karera.

Ibinahagi ng singer ang sayang magtrabaho sa isang bagong kapaligiran kasama ang mga bagong kasama. Hindi rin niya naitago ang kagalakan at kaba na makakasama na niya ang mga idolo niya sa ASAP gaya na lang nila Gary Valenciano at Martin Nievera.

Kyla and her early years

Sa murang edad pa lang ay nakitaan na si Kyla ng malaking interes at talento sa pagkanta at musika dahil na rin sa pagkakalantad nito sa soul at jazz music collection ng kanyang mga magulang. Sampung taong gulang pa lang siya nang manalo sa DZRH “Hamon sa Kampeon.” Naging grand champion noong 1993 ang kanyang bersyon ng “I Am Changing” ni Jennifer Holiday.

Naging bahagi rin siya ng “That’s Entertainment” na afternoon variety show ng GMA nang madiskubre ng direktor na si Al Quinn at kinatawan ng bansa sa ikaapat na Yamaha Music Quest sa Japan noong 1995. Nagtapos din siya bilang third place sa ’97 Metropop Young Singers’ Competition. Sumali ulit ngunit hindi pinalad na mapasama ang “One More Try”  sa top 12 ngunit dito na siya napansin ng EMI Philippines.

At noong 2000 ay inilabas niya ang kanyang debut album na “Way to Your Heart.” Higit siyang nakilala sa second single na Hanggang Ngayon na nanalo ng MTV Viewers’ Choice Award (for Southeast Asia) sa 2001 MTV Video Music Awards at nagtakda sa kanya bilang kauna-unahang East Asian female artist na nagwagi sa MTV Video Music Awards. Tumanggap din siya ng dalawang tropeo sa MTV Pilipinas Awards, ang Best New Artist at Video of the Year.

Nakilala rin siya sa versatile qualities ng kanyang boses: airy/raspy singing voice, soulful RnB, paggamit niya ng vocal style na melisma, scat singing at vocal range ng mahigit sa 4 octaves.

Huwebes, Mayo 28, 2015

Darren Espanto: From ‘The Voice’ stage to MOA Arena

Ni Len Armea


Naging mabilis ang pag-usad ng music career ni Darren Espanto simula nang maging runner-up siya sa “The Voice Kids” noong nakaraang taon. Simula ng matapos ang palabas, dumagsa ang mga proyekto sa 13-taong-gulang na bata tulad ng kanyang first solo concert sa Music Museum at ang pagkakaroon niya ng self-titled debut album, “Darren.”

Lahat ng proyekto na kanyang gawin ay pumapatok gaya ng kanyang album na noong lumabas nitong Disyembre 2014 ay agad na nag-number one sa music stores at maging sa iTunes chart at naging gold record kaagad.

Inamin ni Darren sa ibinigay sa kanya na mini-presscon ng MCA Music na hindi siya makapaniwala sa tagumpay na kanyang nakamit sa loob ng halos isang taon simula ng pumunta siya ng Pilipinas mula sa Calgary, Canada kung saan siya lumaki.

“It’s been less than a year since The Voice Kids. After po ng show, parang ang bilis po ng mga pangyayari and up until now I’m still adjusting but I’m enjoying everything that I do and I’m taking things step by step,” pahayag ni Darren sa panayam ng Pinoy Gazette.

Kaya naman puspusan ang paghahanda ni Darren sa gaganaping major concert sa Mall of Asia Arena sa darating na Mayo 29 bilang regalo sa kanyang mga fans partikular na ang Darrenatics. Pinamagatang “Darren Espanto D birthday Concert,” aminado ang binatilyo na kinakabahan siya lalo na’t malaking venue ang Mall of Asia Arena na kayang pumuno ng 20,000 katao.

“I was a bit nervous but I’m very excited because it’s my first time to perform at MOA Arena. Meydo kinakabahan po ako sa magiging reaction ng tao pero sabi po nila the sales are going well and it’s almost sold out. I’m hoping that it’s going to be a soldout concert,” pag-amin ni Darren.

Kaya naman puspusan ang kanyang paghahanda at pag-eensayo upang mabigyan ng magandang palabas ang libu-libo niyang tagahanga na nagpahayag ng pagsuporta sa kanyang birthday concert. Nagdiriwang ng kanyang kaarawan si Darren ngayong Mayo 24.

Sinabi ni Darren na maraming sorpresa ang kanyang ihahanda partikular na ang pagkanta niya ng medley songs, ballads at acoustic. Mayroon din dancing production numbers na aniya ay kakaiba dahil unang beses niya itong gagawin sa concert.

“Marami pong pasabog and there are things that I’ll be doing for the first time. I am very happy and excited to perform the setlist.

“Mayroon pong acoustic, marami pong medley anf ballads. We’re going to do production numbers that I hope have the same effect as when we’re doing The Voice Kids. Marami pong surprises, there’s a lot of dancing, too,” ani Darren na binansagang “The Total Performer.”

Ilan sa special guests ni Darren sa concert ay ang “The Voice of the Philippines” Season 1 and 2 Grand Champion Mitoy Yonting at Jason Dy, at ang runner-up na si Alisah Bonaobra, host/actor Robi Domingo at marami pang iba.

Kung mayroon man natutuhan si Darren sa mga nagaganap sa kanyang karera, ito ay ang pagiging mapagpakumbaba sa gitna ng tinatamasang kasikatan. Kaya naman hindi maikakaila na magiging isa sa pinakamalaking pangalan sa music industry si Darren sa mga darating na panahon.

“Always stay humble. Without humility, you wouldn’t go as far as you would want to go and always look back to where you started. Sa The Voice po, hindi mo kailangang manalo para mapatunayan ang sarili mo. Just keep doing your best, sabi po sa akin ni coach Sarah [Geronimo],” pagtatapos ni Darren.







  

Lunes, Agosto 4, 2014

‘Damo Nga Salamat’ concert naging matagumpay

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio

TOKYO, Japan – Naging makulay at puno ng kasiyahan, kantahan, sayawan at kainan ang naganap na pagdiriwang ng Filipino community sa ika-116 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Daan-daang lider at miyembro ng Philippine Assistance Group (PAG) at iba’t ibang organisasyon kasama ang mga opisyales at tauhan ng Embahada sa pangunguna ni Ambassador Manuel M. Lopez at kanyang maybahay na si Madame Maria Teresa L. Lopez ang pumuno sa Sun Pearl Arakawa noong Hunyo 14.

Nakisaya ang lahat ng dumalo sa thanksgiving concert, na pinamagatang “Damo Nga Salamat,” upang gunitain ang kasarinlan ng Pilipinas at pasalamatan ang mga tumulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City at iba pang lugar sa kabisayaan.

Sa kanyang welcome speech, pinasalamatan ni Lopez ang Japan, mga mamamayan nito pati na rin ang mga Pilipinong nakabase sa bansa para sa tulong na kanilang ipinahatid sa mga biktima ng bagyong Yolanda na tumama sa Pilipinas noong nakaraang taon.

“Kami po ay lubos na natutuwa dahil kitang-kita po namin ang pagmamalasakit ninyo sa ating mga kababayan. I hope you will continue to pray and remember the victims of the typhoon, as we all know rebuilding lives and communities certainly take a long time,” ani Lopez.

Nagtanghal sa selebrasyon na may temang, “Damo Nga Salamat,” ang wika ng pasasalamat sa diyalekto ng mga taga-Tacloban, ang Beatles-inspired band mula Tacloban City na REO Brothers na biktima rin ng bagyong Yolanda. Tinugtog ng apat na magkakapatid na sina Reno, Ron Joseph, Raymart at Ralph Evasco Otic ang mga sikat na awitin ng The Beatles at Beach Boys pati na rin ilang Pinoy hits na talaga namang nagpaindak sa mga manonood.
           
Kumanta rin sa pagdiriwang ang Japan-based Pinay jazz singer na si Charito kasama ang kanyang banda.

Nakisali rin sa kasiyahan ang dating AKB48 member at half-Filipino, half-Japanese na si Sayaka Akimoto.

Hinarana naman ng grupong FilCom Chorale ang mga manonood sa pangunguna ni Dr. Mel Kasuya.

Matapos ang thanksgiving concert ay nagkaroon ng isang reception kung saan pinagsaluhan ng mga bisita na binubuo ng ilang Japanese parliamentarians, ASEAN Diplomatic Corps, Foreign Ministry officials, Japanese businessmen at mga pinuno ng iba’t ibang organisasyon sa Filipino community ang mga paboritong pagkaing Pinoy tulad ng adobo, menudo, pansit at relyenong bangus.

Ipinahatid naman ni Nobuteru Ishirara, Minister of the Environment, ang pagbati ng pamahalaang Hapon sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.