Lunes, Pebrero 25, 2013

Antonio at Rosario: Kuwento ng pagkamit ng indulto


Mr. and Mrs. Antonio Enriquez
“Dream Come True” ang nasa isip ni Rosario na mas kilala sa pangalang Rose noong ikinasal sila ni Antonio Enriquez dahil matutulungan na niya ito na makakuha ng visa dahil hindi ito dokumentado sa Embahada ng Pilipinas.

Si Antonio ay tubong Nueva Ecija at si Rosario naman ay tubong Ilo-ilo sa Panay.

Si Rosario ay nagtatrabaho bilang isang kasambahay ng isang Expat family sa Japan na may hawak na visa bilang “Designated Activities” ng mahigit dalawang taon nang makilala niya si Antonio. 12 taon nang hindi dokumentado sa Japan si Antonio noong mga panahon na iyon. 

Dalawang taon din silang magkasintahan bago nagdesisyon na magpakasal noong ika- Setyembre 25, 2002 sa isang legal na seremonyas na pinamunuan ni Consul Lourdes Tabamo sa Embahada ng Pilipinas.

Minsan ay itinanong ni Rosario si Marian Tanizaki ng Philippine Help Center kung mayroong isang indulto o amnesty ang mga Pilipinong matagal na sa Japan na naninirahan bilang isang hindi dokumentadong migrante.

Sa loob ng simbahan kung saan sumasamba si Rosario ay nabigyan siya ng impormasyon na mayroong panibagong mga alituntunin ng indulto para sa isang Pilipinong hindi dokumentadong at halos 20 taon nang naninirahan sa Japan. Nabuhayan ng pag-asa si Rosario matapos malaman na may pagkakataon itong ipaglaban ang karapatan ng asawa na tumira sa Japan.

Sinamahan ni Tanizaki si Antonio at Rosario para makilala ang abogado para maihanda ang mga legal na papeles bago harapin at sumuko sa Immigration authorities ng Japan.

Inabot ng anim na oras ang paglilitis at nangamba si Rosario sa posibilidad na maaaring makulong o mapabalik ng Pilipinas ang kabiyak. Samantala, umapela ang human rights lawyer nina Rosario para sa visa application ni Antonio sa Immigration.

Laking pasalamat ni Rosario dahil nabigyan sila ng liham ng Immigration na nagsasaad na hindi na siya maaring sitahin dahil siya ay sumuko na sa mga awtoridad. Pagkatapos ng pagsuko, inatasang kumuha ng Alien Card si Antonio sa Munisipyo nila subalit nakasaad pa rin doon na wala pa siyang visa.

Mahigit na anim na buwan ang pagproseso ng mga papeles para sa Immigration. Habang naghihintay ng resulta ay naramdaman ni Rosario na parang nawalan na sila ng privacy dahil lahat na ay inusisa sa kanila ng Immigration. 

Sinabi ng Immigration na si Antonio ay hindi maaaring magtrabaho ng kahit ano at kailangan nasa bahay lang siya sa buong magdamag. Minsan binisita siya ng isang opisyal at sinabihan siyang umuwi na sa Pilipinas dahil walang mangyayari sa kanya sa Japan at hindi siya maaaring mabigyan ng visa dahil Designated Activities lamang ang visa ni Rosario.

Minsan inanyayahan silang dalawang mag-asawa na pumunta sa Immigration para ma-interview at inisip ni Antonio na ito na ang kanyang pagkakataon para mabigyan ng visa.

Apat na buwan ang nakalipas nang pinatawag na muli ng Immigration si Antonio at sa pagkakataong ito ay nabigyan na siya ng “Karihomen” na ibig sabihin ay mayroon na siyang pansamantalang kalayaan. 

Sa ikaapat na buwan, bago siya bumalik sa Immigration para sa pagtatak ng Karihomen, ay nakatanggap si Antonio ng isang tawag na nag-uutos na dalhin niya ang kanyang pasaporte at Alien Card.

Sa sobrang pag-alala ay tinawagan ni Antonio ang kanyang mga kaibigan at sinabi ng mga ito na maaaring mabigyan na siya ng visa ngunit kabaligtataran naman ang sinabi ni Tanizaki. Aniya, asahan na nila ang masamang balita at mag-empake na dahil kung hindi siya mabibigyan ng visa ay ipapa-deport na ito kaagad sa Pilipinas. 

Kasama si Tanizaki, pumunta ng Immigration ang mag-asawa para sa pinakahuling paglilitis ni Antonio. Pagkaraan ng dalawang buwan, ipinatawag na naman sila Antonio at Rosario at doon ay natanggap na nila ang balita mabibigyan na siya ng visa.

Nagbunga ng magandang resulta ang kanilang paghihintay at paghihirap sa paniniwalang hindi sila pababayaan ng Diyos. Napaiyak na lamang si Antonio habang walang maintindihan si Rosario sa mga sinasabi ng abogado. 

Pagkalipas ng 22 taon ay umuwi sa Pilipinas si Antonio para makita ang kanyang mga mahal sa buhay ngunit bumalik din siya sa Japan dahil nasanay na sila sa buhay Japan.

Sa kasalukuyan si Antonio ay nagtatrabaho sa isang malaking korporasyon at si Rosario naman ay nananatili pa rin sa kanyang trabaho sa Expat family sa Tokyo at sa pagkakataong ito ay hindi na Designated Visa ang hawak nito kundi isa nang Long Term Resident Visa.

(Nailathala sa Enero 27, 2013 issue ng Pinoy Gazette)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento