Lunes, Pebrero 25, 2013

Tuklasin ang kagandahan ng Nikko


“Don`t say wonderful until you`ve seen Nikko.”
                 
Ito ang pinakapopular na kasabihan sa Japan bilang kanilang pagmamalaki sa ganda ng Nikko na napapaligiran ng mga bundok at kaluntian, makasaysayang templo at dambana, at kung saan maaaring makapagtika, malayo sa ingay na dala ng siyudad. Matatagpuan ang Nikko sa Tochigi Prefecture na halos dalawang oras ang layo mula sa Tokyo at dinarayo ng mga bisita tuwing panahon ng tagsibol at taglagas.

Sinasabing nadiskubre ang Nikko 1,200 taon na ang nakalipas sa Daiya River. Noong 16th century, hinabilin ni Shogun Tokugawa Ieyasu bago siya mamatay sa kanyang tagapagmana na magtayo ng maliit na templo sa Nikko upang doon ilagak ang kanyang mga labi at maging tagapagbantay sa kapayapaan at kaayusan sa Japan. Natupad naman iyon ngunit nireporma ni Iemitsu, ang ikatlong tagapagmana ni Ieyasu, ang maliit na templo sa naggagandang arkitektura na nakatayo ngayon.


Bukod sa pagiging popular bilang mauseleo ni Shogun Tokugawa, nakalista rin ito bilang isa sa UNESCO’s World Heritage dahil ipinapakita nito ang sinaunang kultura ng Japan. Naiiba ang mga templo at dambana sa Nikko dahil sa kakaiba at espesyal na wood carvings at mga palamuti. Isa na sa mga popular na wood carvings ay tatlong unggoy na nagsisilbing bantay ng banal na kabayo. Ipinakakahulugan ng tatlong unggoy ang “see no evil,” “hear no evil,” at “speak no evil.” Itinatampok din nito ang Yomeimon Gate na tinatawag na “Twilight Gate” dahil kapag nandito ay makikita mo ang lahat ng magagandang tanawin hanggang sa sumapit ang takipsilim.

Isa rin sa popular na lugar sa central Nikko ay ang Chuzenjiko, isang lawa na napapaligiran ng mga puno, bulaklak at halaman. Ito ay matatagpuan sa paanan ng sagradong bulkan, Mount Nantai, at upang mapuntahan ay kailangan sa Irohazaka Winding Road dumaan. Naging kilala ang daan na ito dahil sa “48 hairpin turns” at halos nasa 400 meters in altitude. Dati ay hindi ito pinapadaanan sa mga kababaihan at mga kabayo upang hindi umano makasira sa kagandahan ng lugar subalit binago ang patakaran na ito. Maaaring makapasok sa Umagaeshi --  na ang ibig sabihin ay pagbabalik ng kabayo – ang mga sasamba sa Mount Nantai.


Hindi rin dapat palagpasin ang pagkain ng “yuba,” isang pagkain na gawa sa soy milk na pinapakuluan upang makolekta ang “yellowish sheets” at ginagawang tofu skin na tinatawag na “Nama-yuba” habang ang pinatuyong bersyon nito ay tinatawag naman na “Hoshi-yuba.” Popular ito noon sa mga mongha dahil mayaman ito sa protina. Ngayon, inihahain na ito bilang “sashimi”, ginagamit na “nori” o spring roll skin para balutin ang ilang sangkap at pagkatapos ay piprituhin. Hindi matatagpuan ang yuba kahit saan sa Japan kaya’t mainam na tikman ito habang bumibisita sa Nikko.

Ilan pa sa makikita sa Nikko ay ang Kegon Waterfall, Nikko Natural Science Museum, Futarasan Shrine, Italian Embassy Villa, Akechidaira Plateau  at Ryuzu Waterfall. Kaya samantalahin ang panahon ng tagsibol upang makapamasyal sa itinuturing na cultural heritage site ng Japan.

1 komento: