Huwebes, Pebrero 21, 2013

Pinoy Gazette: Online


Bukod sa halalan na magaganap sa darating na Mayo, isa sa kinapapanabikan ng grupo ng Pinoy Gazette ay ang pagdiriwang nito ng ika-17 anibersaryo bilang nangungunang diyaryong Pilipino sa Japan. Hindi namin akalain na sa mahigpit na kumpetisyon sa larangan ng pamamahayag ay mananatiling matatag ang Pinoy Gazette sa paghahatid ng makabuluhang balita at istorya para sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho  ngayon sa iba’t ibang lugar sa Japan.

Mahirap maging isang Overseas Filipino Worker (OFW) dahil hindi madaling mangibang-bansa upang makipagsapalaran sa lugar na iba ang paraan ng pamumuhay kumpara sa nakagisnan na. Lalong mahirap ang mapawalay sa pamilya – ang pangungulila dahil hindi mo sila makita at mayakap araw-araw, at ang lungkot kapag hindi ka man lamang nakadalo sa pagtatapos ng iyong anak sa kolehiyo at iba pang mahahalagang okasyon.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na nasa sirkulasyon ang Pinoy Gazette – upang maghatid ng impormasyon at istorya na kagigiliwan ng mga OFW sa Japan, na kahit paano’y malibang sila sa pagbabasa at malimutan ang pagkawalay sa pamilya kahit na sandali lamang. Ito ang naging inspirasyon ng Pinoy Gazette kaya’t sa pagdaan ng panahon ay patuloy itong nag-iisip ng iba’t ibang paraan para maabot ang bawat Pilipino sa Japan, na ngayon ay tinatayang nasa humigit-kumulang 300,000.  

Kaya’t napagdesisyunan ng grupo na maglunsad ng isang blog upang lalo pang maabot ang ating mga kababayan sa Japan. Nilalaman ng blog na ito ang mga balita at istorya na lumalabas sa diyaryo kada buwan. Marahil, may ilan sa inyo ang hindi madalas nakakakuha ng kopya ng Pinoy Gazette kaya’t  minabuti namin na ilagay ang ilang istoryang aming nailathala – online.

Dahil sa bandang huli, hindi mahalaga kung kami man ang nangungunang diyaryong Pilipino sa Japan o hindi dahil mas mahalaga sa amin na mabasa niyo ang Pinoy Gazette sa kahit na anong pamamaraan.

(Mayroon na rin pong official fan page ang Pinoy Gazette, http://www.facebook.com/pinoygazetteofficial. Like Us!)

6 (na) komento:

  1. Very well said, Ms. EIC! Mabuhay!

    TumugonBurahin
  2. mabuhay sa mas eksplusibo, eksplusibo at naglalagablab na Pinoy Gazette!

    Mabuhay sa EIC na pambato ng Bulacan, slasher na Senior Graphic artist at sa oozing sa creativity na junior layout artist ng pambihirang newspaper na ito!

    TumugonBurahin