Taun-taon inaabangan ng lahat ng
Pinoy ang ina-anunsyong eksaktong petsa ng mga regular at special holidays mula
sa gobyerno sa ikalawang bahagi ng taon. At ngayon na inilabas na ang mga
opisyal na petsa para sa taong 2016, hudyat na ito para sa nakararaming Pinoy
travel buffs na planuhin at itakda ang mga petsa ng kanilang mga inaasam-asam
na bakasyon ngayong taon.
Ayon sa Proclamation No. 1105, limang
long weekend ang nakatakda na sa taong ito: Pebrero 6-8 bunsod ng selebrasyon
ng Chinese New Year ng Pebrero 8, Marso 24-27 dahil sa Holy Week, Agosto 27-29
dahil sa National Heroes Day, Oktubre 29 – Nobyembre 1 para sa All Saints Day,
at Disyembre 30 – Enero 2 ng sunod na taon para sa Pasko at Bagong Taon.
Nariyan din ang EDSA People Power
Revolution (Pebrero 25), Araw ng Kagitingan (Abril 9), Labor Day (Mayo 1),
Independence Day (Hunyo 12), Ninoy Aquino Day (Agosto 21), Bonifacio Day
(Nobyembre 30), at national holidays para sa Eid’l Fitr at Eidul Adha ng ating mga
kababayang Muslim na iaanunsyo pa lamang sa mga susunod na buwan.
Ngunit anu-ano nga ba ang mga
masasayang piyesta at mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng ating bansa? Sa
tulong ng Awesome Planet, narito ang ilan sa mga kaabang-abang na pista at iba
pang mahahalagang pangyayari ngayong taon.
Sa buwan ng Pebrero, nariyan ang
Tinagba Festival na isinasagawa tuwing Pebrero 11. Ipinagdiriwang ng pista ang
mga biyaya ng masaganang ani at inaalay ang mga kilalang produkto ng Iriga sa
pamamagitan ng isang tradisyonal na ritwal, at binubuo ng mga makukulay na
bullcarts at kasuotan ng mga taga-Iriga sa kanilang espesyal na pagtatanghal.
Gaganapin naman sa Zamboanga sa
Pebrero 26 ang Dia de Zamboanga kung saan nagtatagpo rito ang dalawa sa
pinakamalaking relihiyon sa bansa, ang Katolisismo at Islam. Bagaman
magkaibang-magkaiba, dito makikita ang respeto at pagkakaisa ng bawat isa.
Para sa lahat din ang Philippine
International Hot Air Balloon Fiesta na nasa ika-20 taon na sa Clark Field,
Pampanga sa Pebrero 11-14. Maliban sa naglalakihan at makukulay na hot air
balloons, mayroon din iba pang aktibidades gaya ng aerobatics, skydiving,
paragliding, remote control aircraft, aviation discipline exhibition, at kite
flying.
Pagdating ng Marso, maghanda na sa
Strawberry Festival sa Marso 2 sa La Trinidad, Benguet. Bilang pangunahing contributor
ng strawberry sa bansa, rito nagtitipon-tipon ang mga negosyante sa agro-sector
at mga turista. Huwag kaligtaan ang Strawberry lane sa Municipal Park at
tangkilikin ang mga produkto ng ating mga kababayan sa Benguet. Nariyan din ang
strawberry competition, pastries section at siyempre ang masiglang mga sayawan
at parada.
Tuwing Marso 13 naman ginagawa ang
Pintados Festival sa Passi City, Iloilo na tampok ang mga artistikong pagtatanghal
ng mga mananayaw na nakasuot ng tradisyonal na regalia, at kapansin-pansin din
ang kanilang mga simetrikong disenyo ng kanilang mga tattoo sa katawan. Huwag
din palampasing makita ang Karosa Parada, carabao painting contest, food
festival, The Garden Show, at grand coronation night ng Search for Pintados.
Kung papunta naman ng Oriental
Mindoro, isama sa bibisitahin ang Banana Festival sa Marso 18 – 19 sa Baco. At
dahil ang ‘Pinas ay kilala bilang top importer ng iba’t ibang klase ng saging
sa ibang bansa, nararapat lang na ipagbunyi ang isa sa ipinagmamalaki nating
industriya ng sagingan. Kaabang-abang ang banana cookfest kung saan
maglalaban-laban ang mga bisita sa pinakamasarap na banana meal plans.
At kung mahilig naman sa sasakyan,
nariyan ang Manila International Auto Show sa Abril 1 sa Maynila; Magayon
Festival sa Abril 10 sa Legazpi, Albay; Mango Festival sa Abril 19 sa Zambales;
Aliwan Fiesta sa Abril 23 sa Pasay City; at Binirayan Festival sa Abril 27 sa
Antique, Visayas.
Maliban naman sa paboritong
Pahiyas Festival sa Lucban tuwing Mayo 15, gaganapin din sa Mayo ang SuMaKaH
Festival sa Antipolo at Babanti Festival sa Isabela (Mayo 1), Carabao Festival
sa Pulilan, Bulacan (Mayo 14), Sarangani Bay Festival (Mayo 15), at Obando Festival
(Mayo 17).
Pagpatak ng Hunyo ay gagawin ang
Lechon Festival sa Balayan, Batangas (Hunyo 24) at Kasadyaan Festival sa
Tacloban City (Hunyo 29).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento