“Alam mo ang pagsasama ng mag-asawa parang
kasing-tibay ng kamang ito. Kayang kargahin ‘yung nakaraan, ‘yung kasalukuyan,
at ‘yung hinaharap.
Ito ang maririnig sa trailer ng pinakabagong family
drama ng Star Cinema na pinamagatang “Three Words to Forever” tampok ang
pagbabalik-pelikula ng isa sa pinakamamahal na tambalan sa showbiz noon at
ngayon – ang tambalang Richard Gomez at Sharon Cuneta mula sa direksyon ni
Cathy Garcia-Molina, na ipinapalabas na sa mga sinehan ngayon.
Bahagi rin ng cast ang mga beteranong sina Freddie
Webb at Liza Lorena, gayon din sina Tommy Esguerra, Joross Gamboa, Marnie
Lapus, Tobie Dela Cruz, at Kathryn Bernardo.
Tampok din sa pelikula ang theme song na “Show Me A
Smile” na kinanta ng mga Tawag ng Tanghalan boys na sina Francis Concepcion,
Mackie Empuerto, at Kiefer Sanchez.
Kilala ang blockbuster director na si Cathy
Garcia-Molina hindi lang sa mga minahal na love stories kundi pati sa mga hit family
dramas, mula sa “Four Sisters and a Wedding” (2013) tungkol sa apat na babaeng
magkakapatid at pagpapakasal ng kanilang bunso at nag-iisang lalake sa pamilya,
at “Seven Sundays” (2017) na umikot naman sa apat na magkakapatid at kung
paanong nagsama-sama muli ang mga ito nang malamang may taning na ang buhay ng
kanilang ama.
Ngayong taon, pamilya muli ang sentro ng kwento kung
saan tinatalakay din nito ang mga totoong pagsubok sa isang kasal at pagsasama na
umiikot sa tatlong henerasyon ng isang pamilya.
Dito ay magsasama-sama muli ang mga miyembro ng
pamilya para ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng mga magulang ni Tin (Kathryn
Bernardo) na ginagampanan nina Richard at Sharon at kasama ang kanyang
kasintahan na si Kyle (Tommy Esguerra) at Lolo Cito (Freddie Webb) at Lola
Tinay (Liza Lorena).
Sa kabila ng tila perpektong pamilya, lingid sa
kaalaman ng lahat ang mga sikreto at tototong saloobin ng bawat isa na matagal
na nilang itinatago na unti-unting magdudulot ng lamat sa samahan ng buong
pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento