Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ASEAN-Japan Centre. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ASEAN-Japan Centre. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Agosto 6, 2015

Kultura at turismo ng Northern Luzon ipinakilala sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


   Ipinakilala ni Edgar Banasan sa mga lumahok ang ilan
sa mga tradisyonal na bamboo instruments ng Kalinga.
(
Kuha mula sa ASEAN-Japan Centre)
Ipinakilala sa mga Hapon ang tradisyonal na kultura, turismo at mga instrumentong musikal ng Northern Luzon sa isang seminar na ginanap sa ASEAN-Japan Centre sa Onarimon kamakailan.

Pinangunahan nina Ayaka Yamashita at Edgar Banasan, co-founders ng jewelry brand na EDAYA na ang inspirasyon ng disenyo ay nakuha mula sa mountain tribes ng Northern Luzon, ang pagtitipon bilang mga lecturers ng seminar na dinaluhan ng aabot sa 45 partisipanteng Hapon mula sa iba’t ibang lugar sa Tokyo.

Si Yamashita ay isinilang sa Fukuoka noong 1985. Nang magtapos sa kolehiyo sa University of Tokyo, nagtungo siya sa Northern Luzon upang magsagawa ng pananaliksik tungkol sa “Minority and Arts.” Dito ay nakilala niya si Banasan at matapos makuha ang kanyang master’s degree ay sinimulan nila ang EDAYA noong Hulyo 2012.

Ang tubong-Kalinga naman na si Banasan ay kilalang master of traditional bamboo musical instruments maker and player. Tumugtog na siya kasama ang Ramon Ubusan Folkloric Group at si Grace Nono.

Nagsimula ang seminar sa lecture ni Yamashita kung saan niya ipinakilala ang ethnic at cultural background ng Northern Luzon, partikular ang mga lugar kung saan namumuhay ang mga tao ng Kalinga. Tinukoy din niya ang mga pamosong tourist spots sa Northern Luzon kabilang ang Banaue Rice Terraces.

Ipinakita naman ni Banasan ang ilan sa mga traditional bamboo instruments ng mga tao ng Kalinga tulad ng balingbin (Bamboo buzzer), tongatong (bamboo tube) at olimong (nose flute).

Namangha ang mga dumalo sa galing at ganda ng tunog ni Banasan at tumaas ang kanilang interes sa Pilipinas partikular sa kultura ng mga tribo.

Bukod sa seminar, nagkaroon din ng jewelry, photo panel at traditional costume exhibit.

Huwebes, Abril 16, 2015

Mga produktong gawang Pinoy tampok sa trade exhibit sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa ASEAN-Japan Centre
Tokyo, Japan – Bumida ang mga produktong Pinoy sa tatlong araw na ASEAN Showcase na ginanap sa ASEAN-Japan Centre sa Onarimon kamakailan.

Ang mga produktong pang-interior at lifestyle ang naging atraksyon sa trade exhibit na may temang “ASEAN Showcase the Philippines: Innovation, Creativity, Naturally Philippines.”

Kabilang sa mga produktong ibinida ay ang mga bag, sapatos, accessories, pottery at gardening items na karamihan ay gawa sa pinya, abaka at sungay ng kalabaw. Agaw-atensyon din ang mga bag gamit ang bamboo basket na gawa ng lokal na tribo sa pamamagitan ng tradisyonal na kasanayan.

Labing-apat na kumpanya mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas ang naimbitahan sa trade exhibit. Sila ay inirekomenda ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), at pinili ng Japanese trade expert na ipinadala ng ASEAN-Japan Centre.

Ang nasabing mga kumpanya ay kinabibilangan ng Adante Leyesa Atelier, Ai-She Footwear, Aranaz, CSM Philippines, Inc., Delza's Native Products, Floreia, Julie Anne's Handicrafts, Kilus Foundation Multi-Purpose Cooperative, Lolo Bobby Handicraft, Marsse Tropical Timber Plantations Inc., Nature's Legacy Eximport, Inc., Nooks Manufacturing Intl. Corp., Oricon Corporation at Papel Handicrafts.

Dinaluhan ng humigit kumulang 950 katao ang trade exhibit na patunay sa popularidad ng produktong Pinoy sa mga Japanese buyers na nagsabing mataas ang kalidad ng mga ito. Habang 140 business meetings naman ang isinagawa kung saan ilang kumpanyang Hapon ang nag-trial order sa mga exhibitors.

Ang ASEAN-Showcase ay isang country-specific trade exhibition na ino-organisa ng ASEAN-Japan Centre upang i-promote ang export ng mga ASEAN Member States sa Japan.