Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Japan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Japan. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 25, 2019

Filipino sociologist Randy David, gagawaran ng Fukuoka Grand Prize


Ni Florenda Corpuz

Gagawaran ng Fukuoka Prize 2019 award
si Prof. Randy David sa gaganaping award
ceremony sa Fukuoka City sa darating na
Setyembre.
Gagawaran ng parangal ng Fukuoka City ang pamosong sociologist mula sa Pilipinas na si Prof. Randolf “Randy” David.

Nakatakdang tanggapin ni David ang Grand Prize, isa sa tatlong parangal na ibibigay ng Fukuoka Prize 2019, sa gaganaping award ceremony sa Fukuoka City sa darating na Setyembre.

Siya ang kauna-unahang Pilipino na makakatanggap ng pinakamataas na pagkilala ng Fukuoka Prize simula nang ito ay itatag noong 1990 na layong kilalanin ang mga natatanging ambag ng mga indibidwal, grupo at organisasyon para pangalagaan at itaguyod ang mga natatangi at magkakaibang kultura ng Asya.

Ayon sa Fukuoka Prize 2019, napili bilang Grand Prize laureate si David dahil siya ay “a dynamic part in achieving social justice in the Philippines by sharing his knowledge not only with the students through his university lectures but also more widely with the general public through TV programs and newspaper columns.”

Kinilala rin siya dahil sa kanyang pagsisikap “for intellectual and cultural exchanges and mutual understanding among Asian countries through cooperative links with the United Nations University and Japanese university lecturers and intellectuals.”

Bukod kay David, kikilalanin din ang kontribusyon ng historian na si Leonard Blussé ng The Netherlands (Academic Prize) at Japanese playwright at stage director na si Sato Makoto (Arts and Culture Prize).

Si David ay professor emeritus of sociology sa University of the Philippines. Isa rin siyang newspaper columnist.

Kabilang sa mga Pilipinong ginawaran ng Fukuoka Prize ay sina Leandro Locsin (architect), Marilou Diaz-Abaya (filmmaker), Reynaldo C. Ileto (historian), Kidlat Tahimik (filmmaker) at Ambeth Ocampo (historian).





Lunes, Mayo 27, 2019

Pagbisita ni Duterte sa Japan ngayong Mayo, kinumpirma ng Malacañang


Ni Florenda Corpuz

Nakisalamuha si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga botante sa
Davao City noong nakaraang halalan. (Presidential photo)
Tiyak na ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan ngayong Mayo matapos itong kumpirmahin ng Malacañang.

Sinigurado ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo kamakailan.

“Sure na pupunta siya roon,” pagtitiyak ni Panelo nang tanungin ng isang mamamahayag.

Ito na ang magiging pangatlong pagbisita ni Duterte sa Japan simula nang siya ay mahalal bilang pangulo ng Pilipinas noong 2016 – una noong Oktubre 2016 at sumunod noong Oktubre 2017.

Nakatakdang dumalo si Duterte sa 25th International Conference on the Future of Asia na gaganapin sa Mayo 30 at 31 sa Tokyo.

Ayon sa conference program, magbibigay ng keynote speech ang Pangulo sa pangalawang araw ng global conference na isa sa pinakamalaki sa Asya.

Bukod kay Duterte ay nakatakda rin dumalo rito sina Malaysian Prime Minister Mahathir bin Mohamad, Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina, Cambodian Prime Minister Hun Sen at Lao Prime Minister Thongloun Sisoulith.

Magugunitang kinansela ang nakatakda sanang pagbisita ni Duterte sa Tokyo noong Hunyo 2017 para daluhan ang 23rd International Conference on the Future of Asia bilang isa sa mga keynote speakers sa imbitasyon ng Nikkei Inc. dahil sa kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.

Linggo, Mayo 5, 2019

Manila-Osaka flight ng AirAsia lilipad na simula Hulyo 1

Ni Florenda Corpuz


Inanunsyo ng AirAsia na sisimulan na nila ang kanilang kauna-unahang flight sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan nang paglulunsad ng kanilang araw-araw na serbisyo sa Manila-Osaka na ruta simula sa Hulyo 1.

Ang Osaka ang magiging pang-walong international destination ng AirAsia mula Pilipinas na mag-uugnay sa mga Pilipino sa Osaka.

“The launch of direct flights between the Philippines and Japan is a milestone occasion, and we’re excited to connect our capital, Manila with Osaka,” pahayag ni AirAsia Philippines President and CEO Dexter Comendador.

“Being able to travel directly and affordably to Osaka is fantastic news for Filipinos and we’re confident this new route will serve as a gateway for guests to connect to other popular destinations in Japan such as Kyoto and Nara.

“We are also excited to welcome guests from Osaka and its neighbouring regions to the Philippines. This international route will contribute to the government’s target of 8.2 million visitors this year,” dagdag pa niya.

Lilipad ang AirAsia mula Maynila patungong Osaka (Z2 188) 8:30 ng umaga at lalapag ng 1:15 ng hapon habang ang Osaka patungong Maynila naman (Z2 189) ay aalis ng 1:50 at lalapag ng 4:55 ng hapon.

Para ipagdiwang ito ay naglabas ng all-in promotional fares ang AirAsia sa pagitan ng Manila at Osaka simula sa presyong Php1,990 (one-way travel only). 

Ang Osaka ang pangatlo sa pinakamalaking lungsod sa buong Japan. Ilan sa mga popular na tourist attractions dito ay ang Osaka Castle, Sumiyoshi Taisha at Shitenno-ji Temple. Matatagpuan din dito ang mga sikat na amusement parks tulad ng Universal Studios Japan at Legoland Discovery Centre. 

Kilala rin ang lugar sa tawag na “Nation’s Kitchen” kung saan hindi makukumpleto ang pagbisita rito kung hindi susubukan ang mga popular na pagkain tulad ng takoyaki, okonomiyaki at kushikatsu.

Sa kasalukuyan ay bumibiyahe ang AirAsia sa 13 international destinations mula sa Maynila kabilang ang Kuala Lumpur, Kota Kinabalu, Bangkok, Bali, Seoul, Taipei, Kaohsiung, Shanghai, Guangzhou, Shenzhen, Hong Kong, Macau at Ho Chi Minh City. 

Martes, Abril 30, 2019

Japan papasok sa Reiwa era simula Mayo 1


Ni Florenda Corpuz


Simula Mayo 1 ay papasok na ang Japan sa Reiwa era kasabay nang pag-upo ni Crown Prince Naruhito sa Chrysanthemum Throne bilang bagong emperador ng bansa kapalit ng kanyang ama na si Emperor Akihito na bababa naman sa trono sa Abril 30.

Nitong Abril 1 ay inanunsyo ni Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga ang pangalan ng bagong era pagkatapos ng espesyal na pagpupulong ng Gabinete kung saan itinaas niya ang isang karatula na nakasulat ang kanji characters nito.

Ayon kay Suga, ang pangalan na “Reiwa” ay hango mula sa “Manyoshu,” ang pinakalumang koleksyon ng tula ng Japan. Ang unang kanji character na “rei” ay sumisimbolo sa “good fortune” habang ang pangalawang kanji character naman na “wa” ay nangangahulugang “peace” o “harmony.”

Ang tula kung saan ito hinango ay naglalarawan sa “ume” (Japanese apricot flower) na namumulaklak sa panahon ng tagsibol matapos ang panahon ng taglamig.

Ang Reiwa ang pang-248 na era name ng Japan simula nang itatag ang Chinese-style system noong 645. Ito ang unang beses na kinuha ang era name ng bansa mula sa classical Japanese literature imbes na sa Chinese.

“On May 1, His Imperial Highness the Crown Prince will accede to the Imperial throne, and this new era name will be used from that day forward. I ask for the understanding and cooperation of the people on this.

“The government is taking all possible measures to prepare for this historic succession to the Imperial throne from a living Emperor – the first such instance in approximately 200 years – to take place smoothly, and for the Japanese people to celebrate the day with one accord,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa isang press conference na ginanap matapos ang pag-anunsyo.

“Era names have, together with the long-standing tradition of the Imperial Household and a profound wish for the peace and security of the nation and the well-being of the people, woven together the history of our nation that spans almost 1,400 years,” aniya.

Ang pangalan ng era o “gengo” sa Japan ay ginagamit sa mga barya, kalendaryo, papeles at iba pa. Ginagamit din ito sa Japan sa pagbibilang ng taon.

“Era names are also integrated into the hearts and minds of the Japanese and support the Japanese people’s inner sense of unity. It is my sincere wish that this new era name will also be widely accepted by the public and take root deeply within the daily lives of the Japanese people,” dagdag pa ng lider ng Japan.

Pagbaba sa trono

Kasabay nang pagbaba sa trono ni Emperor Akihito, 84, ay ang pagtatapos din ng Heisei (achieving peace) era na nagsimula noong Enero 8, 1989.

Nagsimula ang Japan sa pagpili sa pangalan ng bagong era simula noong Meiji Period tuwing may bagong emperador na uupo sa trono.

Sa panayam kay Emperor Akihito nitong Pebrero sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng pag-upo niya sa Chrysanthemum Throne ay sinabi nito na patuloy siya sa pag-iisip kung paano siya magiging magandang simbolo sa taumbayan.

“Ever since I ascended the throne, I have spent my days praying for the peace of the country and the happiness of its people, as well as contemplating how I should behave as a symbol,” pahayag ng Emperor.

“The journey to figure out the idea of a symbolic emperor, as defined by the Constitution, has been endlessly long, and I hope my successors in the next eras to come will keep exploring an ideal form of this symbolic role and build on the version from this departing era,” aniya.

Matatandaan na noong 2016 ay nagbigay ng talumpati ang Emperor na nagbibigay senyales ng kanyang hangarin na bumaba na sa trono dahil sa kanyang edad at kalusugan. Siya rin ang kauna-unahang emperador na bababa sa kanyang trono sa loob ng 200 taon.
                                                                                                                                
Bagong simbolo ng Japan

Ipinanganak noong 1960 si Crown Prince Naruhito, 59, na siyang panganay sa tatlong magkakapatid. Siya ang magsisilbing ika-126 na emperor sa kasaysayan ng Japan at sinasabing hinog na para mamuno sa Imperial Throne sa dami na ng ginagawa nitong opisyal na trabaho.

Maging siya mismo ay tahasang nagsasabi na handa na siya sa mga responsibilidad.

“When I think of what is coming up, I feel very solemn,” pahayag ni Crown Prince Naruhito noong kanyang kaarawan nitong Pebrero.

Lumaki sa Tokyo, nagtapos si Crown Prince Naruhito sa Gakushuin University ng kurso sa kasaysayan. Pagkaraan ay nag-aral siya sa Merton College ng Oxford University ng kursong history transportation sa loob ng dalawang taon.

Siya ang kauna-unahang tagapagmana sa trono na pinayagang mag-aral sa ibang bansa. Nilarawan niya ang kanyang pag-aaral sa Oxford na “happiest years of my life” sa isang libro na inilathala.

Nakilala rin si Crown Prince Naruhito sa matagal niyang panliligaw kay Princess Masako at ang pagprotekta niya sa kanya lalo na noong mayroong matinding pressure na mag-anak ng lalaki.

Mayroong anak sina Prince Naruhito at Princess Masako na si Aiko, 17.


Lunes, Marso 4, 2019

Tokyo 2020 medal project, tagumpay

Malapit na makumpleto ang kailangan na recycled metals para sa
paggawa ng mga medalya na gagamitin sa 2020 Olympic
 at Paralympic Games. (Kuha mula sa Tokyo 2020)

Inanunsyo ng Tokyo Organising Committee of the Olympic and Paralympic Games kamakailan na malapit na nilang maabot ang target para sa koleksyon ng mga recycled na metal mula sa mga luma at sirang mobile phones at electronic gadgets para gamitin sa paggawa ng 5,000 medalya na igagawad sa mga mananalong atleta sa Tokyo 2020.

Ayon sa komite, matatapos ang kanilang kampanya para sa Tokyo 2020 Medal Project sa darating na Marso 31.

“Thanks to the huge levels of support from the public and companies across Japan and from national and international athletes, it is estimated that the remaining amounts of metals required to manufacture all Olympic and Paralympic medals can be extracted from the devices already donated,” saad ng Tokyo 2020 sa isang pahayag.

Inilunsad ang proyekto noong Abril 2017 at nitong nakaraang Nobyembre 18 ay mayroong humigit-kumulang sa 2,400 NTT Docomo stores at 1,594 municipal authorities sa buong Japan ang nagsisilbing collection centers para sa mga luma at sirang mobile phones at electronic gadgets.

Nakakolekta naman ng humigit-kumulang sa 47,488 tonelada ng discarded devices ang mga municipal authorities habang mahigit sa limang milyong gamit na mobile phones naman ang nai-donate sa mga NTT Docomo stores hanggang noong Oktubre 2018.

“The targeted amount of bronze – some 2,700kg – was already extracted from these by June of last year. By October 2018, 28.4kg of gold (93.7% of the targeted 30.3kg) and 3,500kg of silver (85.4% of the targeted 4,100kg) had been sourced from the donated devices.”

Samantala, ilulunsad ang disenyo ng Tokyo 2020 Olympic and Paralympic medals sa darating na summer ngayong taon.

Linggo, Marso 3, 2019

Pope Francis, bibisita sa Japan sa Nobyembre

Ni Florenda Corpuz


            Si Pope Francis noong siya ay bumisita sa Pilipinas noong 2015. 

(Kuha mula sa Malacañang Photo Bureau)
Nakatakdang bumisita si Pope Francis sa Japan sa darating na Nobyembre.

Ito mismo ang inanunsyo ng Santo Papa sakay ng papal plane patungong Panama kamakailan para daluhan ang isang pagtitipon ng mga batang Katoliko.

“I will go to Japan in November,” aniya sa tanong ng isang mamamahayag na Hapon kung plano ba niyang bumisita sa bansa.

Hinimok din niya ang mga tao na maghanda.

Ayon kay Alessandro Gisotti, ang interim Director ng Holy See Press Office, ang Apostolic Voyage of the Pope to Japan “is in the phase of being studied.”

“As the Holy Father has already said on other occasions, he has a great desire to go to this country,” dagdag pa niya.

Ito ang magiging kauna-unahang papal visit sa Japan matapos ang halos 40 taon kasunod nang pagbisita rito ni Pope John Paul II noong 1981 kung saan siya ay lumuhod at nagdasal sa harap ng Hiroshima Peace Park.

Matatandaang hiniling ni Prime Minister Shinzao Abe pati na rin ng mga alkalde ng Hiroshima at Nagasaki na bisitahin ni Pope Francis ang dalawang prepektura para palaganapin ang kamalayan tungkol sa mga panganib na dulot ng nuclear weapons.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Consular Outreach Mission ng Philippine Consulate General matagumpay na naisagawa


Ni Nestor Puno

Ang mga staff ng Philippine Consulate General-Osaka at Aichi International
Plaza, at mga miyembro ng Philippine Society in Japan-Nagoya.
Maayos at matagumpay na naisagawa ang Consular Outreach Mission ng Philippine Consulate General sa pamumuno ni Consul Lenna Eilleen C. De Dios-Sison. sa Nagoya. Ito ay sa pakikipagtulungan ng mga kasapi ng Philippine Society in Japan (PSJ Nagoya), at Filipino Migrants Center (FMC). Ang nasabing outreach ay ginanap nitong nakaraang Pebrero 16 sa Aichi International Plaza at Pebrero 17 sa Nagoya International Center.

Ayon kay Consul De Dios-Sison, mayroong 740 aplikante ang naserbisyuhan sa loob ng dalawang araw na outreach kabilang ang 474 na nakapag-renew ng kanilang passport at 266 sa iba’t ibang consular services.

Sa pangkalahatan, naging mabilis ang proseso ng passport application dahil sa patakarang “pre-processing” bagamat may mga aplikante na naantala dahil sa kakulangan ng kanilang requirements. Tumanggap din ng mga konsultasyon hinggil sa mga usapin sa consular services.

Dumadaan sa pre-processing ang passport renewal sa outreach. Kailangang maipadala ang application at mga requirements sa Konsulado sa itinakdang schedule upang mapabilang dito. Hindi pwede ang walk-in dahil hindi nila masusuri ang status ng aplikante sa araw ng outreach.

Ito rin ay para mapabilis ang proseso at mas marami ang makapag-renew, ang impormasyon ng bawat isa ay ipinapasok na sa computer bago pa ang nakatakdang outreach para pagdating ng araw na ito ay kukunan na lamang ng picture, magbabayad, at hihintayin ang kumpirmasyon ng impormasyon. Kaya marami ang nagugulat dahil madaling natatapos ang proseso.

May itinakdang petsa kung kailan lamang pwedeng ipadala ang passport application, hindi pwedeng mas maaga rito o lagpas sa itinakdang petsa.  May pagkakataon din na isinasara agad ang petsa ng tanggapan kapag napuno na ang slots ng aplikante. Pagkatapos nito, maglalabas ang Konsulado ng listahan kung anong araw at oras dapat dumating sa lugar na pagdadausan ng outreach.

Ang ibang consular services, tulad ng Report of Birth, Report of Marriage, LCCM, authentication of documents, notarization, NBI, at iba pa ay hindi na dumadaan sa pre-processing at hindi na kailangan ng appointment. Maaaring pumunta sa naturang outreach anumang araw at anumang oras, tiyakin lamang na kumpleto ang dokumentong dala para maiwasan ang pagka-antala ng proseso.

Sumangguni sa PCG o kaya sa Facebook account ng Philippine Consulate General Osaka  para sa schedule ng susunod na outreach program at iba pang detalye ng mga kailangang impormasyon.


Lunes, Pebrero 4, 2019

Japanese films, talents nominado sa 14 na kategorya sa Asian Film Awards


Ni Florenda Corpuz

Dumalo si Sakura Ando (pangalawa mula sa kaliwa) sa
 ika-30 Tokyo International Film Festival. (Kuha ni Din Eugenio)

Papangunahan ng 2018 Palme d’Or winning film na “Shoplifters” ang mga Japanese films at talents na nominado sa 13th Asian Film Awards na gaganapin sa TVB City sa Hong Kong sa Marso 17.

Nakatanggap ng anim na nominasyon ang nasabing pelikula kabilang ang Best Film, Best Director para kay Kore-Eda Hirokazu, Best Actress para kay Sakura Ando at Best Supporting Actress para kay Mayu Matsuoka, na nagsilbing 31st Tokyo International Film Festival ambassador.

Nominado naman sa Best Actor category si Koji Yakusho para sa pelikulang “The Blood of Wolves” na naging focus ng retrospective tribute sa 31st TIFF kasabay nang pagdiriwang nito sa kanyang ika-40 anibersaryo bilang aktor.

Kabilang naman si Shinichiro Ueda sa mga nominado bilang Best New Director para sa pelikulang “One Cut of the Dead,” isa sa biggest at longest-running hits sa Japanese box office noong nakaraang taon.

Magsisilbi naman bilang Celebrity Juror ang Academy Award at Tony Award nominee na si Ken Watanabe.

Ang AFA Academy o AFAA ay binuo ng TIFF katulong ang Hong Kong International Film Festival at Busan International Film Festival upang itaguyod ang Asian cinema at ang mga talento nito.

Martes, Enero 29, 2019

Ika-45 anibersayo ni Hello Kitty ipagdiriwang sa Sanrio Puroland



Gugunitain ng Sanrio Puroland, na kilala rin sa tawag na Hello Kitty Land Tokyo, ang ika-45 anibersaryo ni Hello Kitty sa pamamagitan ng mga serye ng selebrasyon ngayong 2019. Sisimulan ang pagdiriwang kasabay nang paglulunsad ng “Sweets Puro,” ang unang seasonal event ng theme park para sa taon.

Nagsimula ang pagdiriwang ng Puroland noong Enero 12 pati rin ng sister park nito na Harmonyland.

May konseptong “My First Kitty,” iniimbitahan ang mga Hello Kitty fans para sa isang memorable Hello Kitty experience.

Sa pagbubukas pa lamang ng theme park ay may pagkakataon na silang makilala at mabati si Hello Kitty sa Lady Kitty House na napapalamutian ng mga kulay rosas at lila. Mayroon din mga special anniversary rosettes na idinisenyo sa 45 popular na makasaysayang Hello Kitty styles mula 1974 hanggang 2017.

Iikot naman sa temang “Sweet and Strawberries” ang Sweets Puro na tatagal hanggang Marso 12. Popular ang strawberry picking sa Japan sa pagitan ng mga buwan ng Enero at Mayo.

Mayroon din bagong illumination show tampok ang kulay rosas. Tatawagin itong “Ichigo Ichie” na ang ibig sabihin ay “once in a lifetime” at galing din sa salitang “ichigo,” na nangangahulugang strawberry sa salitang Hapon. Para markahan ang event ay magsusuot ang karamihan sa mga karakter sa Puroland ng mga strawberry costumes.

Marami rin makikitang anniversary photo spots sa loob ng theme park tulad ng strawberry carriage na napapalamutian ng mga regalo para kay Hello Kitty. Makakapagpalitrato rin ang mga Hello Kitty fans sa Puroland Lady Kitty House photo studio kasama si Hello Kitty habang suot ang kanyang special 45th anniversary robe na nababalutan ng flower petals.

“Hello Kitty has been spreading joy for 45 years amongst an ever increasing fan base covering all age groups,” ani Kentaro Kawai ng Sales Department ng Sanrio Entertainment Co. Ltd., ang operator ng Puroland.

“We are grateful to all fans and visitors and want them to have a wonderful and uplifting experience at Sanrio Puroland and to feel being a part of the spirit of this celebration which is only possible because of them,” dagdag niya.

Mararating ang Puroland 30 minuto sa pamamagitan ng train mula sa Shinjuku at isang oras naman mula sa Tokyo Station. Nagkakahalaga ang ticket ng ¥3,300 para sa mga matatanda at ¥2,500 para sa mga bata tuwing Lunes hanggang Biyernes habang nasa ¥3,800 para sa mga matatanda at ¥2,700 para sa mga bata tuwing Sabado at Linggo.

Martes, Nobyembre 6, 2018

Miss International 2018, gaganapin sa Tokyo Dome sa Nobyembre 9


Ni Florenda Corpuz


Muling paglalabanan ng mahigit sa 70 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo ang Miss International Beauty Pageant 2018 crown sa coronation night ng prestihiyosong patimpalak ng kagandahan at katalinuhan na gaganapin sa Tokyo Dome Hall sa Nobyembre 9.

Isa sa tatlong pangunahing beauty pageants sa buong mundo, ang Miss International Beauty Pageant 2018 ang ika-58 na edisyon ng patimpalak mula nang ito ay inilunsad noong 1960 sa Long Beach, California, U.S.A.

Nagsisimula nang dumating sa Japan ang mga naggagandahang kandidata upang makibahagi sa ilang mga kaganapan bago ang coronation night na may kinalaman sa kulturang Hapon at iba pang exchange events.
           
Kabilang sa mga kandidata ang pambato ng Pilipinas na si Maria Ahtisa Manalo, 21, accountancy graduate mula sa Candelaria, Quezon.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Manalo na ang isusuot niyang national costume ay gawa ni Amir Sali habang ang kanyang gagamiting evening gown naman ay gawa ni Michael Cinco.

Nakatakdang ipasa ni Miss International 2017 Kevin Lilliana ng Indonesia ang korona sa tatanghaling Miss International 2018 habang kokoranahan din ang mga runners-up na kabilang sa Top 5 at special award winners.

May anim na Miss International titleholders ang Pilipinas na kinabibilangan nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013) at Kylie Verzosa (2016).

Miss International 2018 gaganapin sa Tokyo Dome sa Nobyembre 9


Ni Florenda Corpuz

Susubukan ni Maria Ahtisa Manalo, 

kinatawan ng Pilipinas, na makuha
 ang titulo ng Miss International, na gaganapin
 sa Japan sa darating na Nobyembre 9. 
(Kuha ni Din Eugenio)
Muling paglalabanan ng mahigit sa 70 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo ang Miss International Beauty Pageant 2018 crown sa coronation night ng prestihiyosong patimpalak ng kagandahan at katalinuhan na gaganapin sa Tokyo Dome Hall sa Nobyembre 9.

Isa sa tatlong pangunahing beauty pageants sa buong mundo, ang Miss International Beauty Pageant 2018 ang ika-58 na edisyon ng patimpalak mula nang ito ay inilunsad noong 1960 sa Long Beach, California, U.S.A.

Nagsisimula nang dumating sa Japan ang mga naggagandahang kandidata upang makibahagi sa ilang mga kaganapan bago ang coronation night na may kinalaman sa kulturang Hapon at iba pang exchange events.
           
Kabilang sa mga kandidata ang pambato ng Pilipinas na si Maria Ahtisa Manalo, 21, accountancy graduate mula sa Candelaria, Quezon.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Manalo na ang isusuot niyang national costume ay gawa ni Amir Sali habang ang kanyang gagamiting evening gown naman ay gawa ni Michael Cinco.

Nakatakdang ipasa ni Miss International 2017 Kevin Lilliana ng Indonesia ang korona sa tatanghaling Miss International 2018 habang kokoranahan din ang mga runners-up na kabilang sa Top 5 at special award winners.

May anim na Miss International titleholders ang Pilipinas na kinabibilangan nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013) at Kylie Verzosa (2016).