Ipinapakita ang mga post na may etiketa na OFW. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na OFW. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Hunyo 17, 2018

Aireen Oikawa: Pinay on the Rise


Isa si Aireen Oikawa, na kasalukuyang naninirahan sa Iwate-ken, sa mga Pilipina na gumagawa ng sariling pangalan sa pagkanta. Nito lamang ay siya ang napiling kumanta ng “If We Believe in Love,” kung saan siya rin ang composer, para sa music video ng pelikulang “Maid in London” na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann, Matt Evans, at Polo Ravales sa ilalim ng Viva Films. Ipapalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas ngayong darating na Hunyo 13.

Subalit, hindi naging madali para sa 42-taong-gulang na Pinay ang magkaroon ng karera sa pagkanta sa Japan at tuparin ang pangarap na maging singer-songwriter. Puspusang pag-eensayo at pagsali sa mga singing contests ang ginawa ni Aireen para sanayin ang sarili sa pagkanta at magkaroon ng sapat na karanasan para magtanghal.

Noong bata pa lamang siya ay pinanghihinaan siya ng loob dahil sa hindi siya madalas manalo sa singing contests.

“Sa Bulacan, nasabak ako sa mga singing contest sa iba’t ibang barangay tapos maraming beses na talo ako kasi maraming magagaling sa Bulacan. Lagi akong nagmumukmok kapag natatalo ako tapos sinasabi ko sa pamilya ko na ayoko nang sumali,” pahayag ni Aireen sa Pinoy Gazette.

“Pero sabi ng tatay ko sa akin, ‘paano mo malalaman na mananalo ka kung hindi ka sasali uli.’ Iyong singing contests ang naging training background ko,” dagdag pa ni Aireen na ipinanganak sa Bicol at lumaki sa Bulacan.

Napasali sa isang female band sa Sampaloc, Manila si Aireen noong siya ay 16-toang-gulang at pagkaraan ng dalawang taon ay lumipad siya sa Japan para maging entertainer.

Matiyaga at may pangarap, nagsikap si Aireen at hindi nagsayang ng oras sa pagtatrabaho at pagpapayaman ng kaalaman para mapagbuti ang sarili at mapaghusay ang talento. Aniya, hindi niya iniisip ang mga sakripisyo at hirap dahil sa kanyang pananaw ay bahagi ito upang maging matagumpay sa larangang napili.

“Ako kasi kapag pumasok sa isang bagay, I make sure na mag-stand out ako. Katwiran ko kasi, nandito na ako so why not make the most out of it. Lahat naman tayo may kanya-kanyang kakayahan. Pagyamanin mo ang bagay na alam mong kaya mong gawin at magiging masaya ka,” ani Aireen na nakapag-asawa ng Japanese sa edad na 30.

“Importante kasi na masaya ka sa ginagawa mo,” paninindigan ng Pinay na isa rin asawa, ina, radio DJ at songwriter.

Ilan sa mga piyesang kanyang inawit at isinulat ay ang “Ika’y Biyaya,” “Lahat Para Sayo,” at “Hanggang Kailan.”

Patuloy si Aireen sa pag-aaral ng bagong kanta at lengguwahe ng Japan, pag-alam sa mga pasikot-sikot sa radio broadcasting, at paghingi ng payo mula sa mga tao na mas bihasa sa kanya pagdating sa pagkanta at pagtatanghal.

“Huwag mahiyang magtanong at matuto sa ibang tao. Maging mapagkumbaba na napakaimportante kapag nasa entertainment world ka. Kailangan marunong kang mag-adapt sa lahat ng sitwasyon at taong makakaharap mo,” ani Aireen.

Sa huli, simple lamang ang kahulugan ng tagumpay para kay Aireen.

“Para sa akin, ito iyon malaman mo na suportado ka ng pamilya mo at mga kaibigan mo sa gusto mong gawin at kasama mo silang natutuwa sa mga nangyayari sa career mo,” pagtatapos ni Aireen na nangangarap din na makapagtayo ng restaurant business sa Pilipinas at makagawa ng music video na isasali sa international competition. 

Linggo, Hunyo 12, 2016

Epekto ng social media sa mga OFWs

Ni Rey Ian Corpuz

Ang social media ay ang paggamit ng mga website o applications na nagbibigay ng oportunidad sa mga tao upang makipag-usap o makisalamuha sa pamamagitan ng pag-post o pagsagot ng mga nilalaman nito tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba.

Simula nang naging mas pangkaraniwan ang iPhone kaysa sa mga flip-top cellphones dito sa Japan, mas dumami ang gumagamit na mga OFWs ng social media sites. Lalo pa nitong pinarami ang bilang ng mga gumagamit noong nagkaroon ng lindol noong March 11, 2011 na kung saan mas naging mainstream ang pagpasa ng impormasyon at komunikasyon ng mga OFWs sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa Japan at maging sa kanilang kamag-anak sa Pilipinas at ibang bansa.

Sa ngayon walang aktwal na datos ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) o Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o kahit embahada kung ilan ang mga OFWs dito sa Japan ang may e-mail, Facebook, Twitter o Instagram upang makipag-ugnayan sa kamag-anak o kaibigan. Pero ang tiyak ay halos lahat ng mga Pilipino ay nagbababad sa social media halos buong araw. Sa realidad, mas nakadepende tayo sa social media para sa halos lahat ng bagay.

Benepisyong naibibigay ng social media sa mga OFWs
1. Balita at impormasyon. Noon, kailangan pa nating i-access ang websites ng bawat news agencies like Inquirer at GMA pero ngayon, kailangan mo lang i-like at i-add ang kanilang mga pages o accounts at automatic na lalabas ang kanilang mga news sa iyong Facebook page.

2.  Palabas sa TV tulad ng drama at sitcom sa Pilipinas. May mga free content minsan na ina-upload ang mga sikat na channels sa Pilipinas na pwede nating panoorin. Pero mas marami pa rin ang mga illegal na ina-upload sa iba’t ibang sites pati na rin sa Facebook. Sa pamamagitan nito, mas nakakatipid ang mga OFWs kaysa mag-subscribe sa kanilang produkto.

3. Tawag, video call at chat sa mga kaibigan at kamag-anak. Noon, kailangan mong bumili ng call cards tulad ng KDDI na pang-tawag abroad o ‘di kaya ay mag-load ng Brastel. Ngayon kailangan lang may internet ka upang matawagan o makausap mo sila. Maliban sa LINE at Viber, ang Skype, Yahoo Messenger, at Facebook ay mas sikat para sa mga video calls. Mas tipid sa gastos dahil hindi mo na kailangan bumili ng call cards hindi kagaya noon.

4.  Nalalaman natin ang lokasyon ng bawat isa. Dahil sa check-in feature ng Facebook, pwede nating ipaalam na pumunta ka sa ganitong lugar. Malalaman din natin kung sino sa mga kaibigan o kamag-anak natin ang nakapunta na sa ganitong lugar sa pamamagitan ng feature na ito.


5.   Alam natin ang pagkain o lugar dahil sa litratong kinuha. Ang turo ng mga madre sa amin dati sa Catholic school ay dapat magdasal muna bago kumain. Ngunit sa panahon ngayon, picture muna ng pagkain o selfie bago kumain. Nakakatakam at minsan nakakainggit ang mga pino-post ng mga kaibigan natin sa social media.

6.  Nakakapanood tayo ng live broadcast dahil sa Facebook. Sa panahon ng kampanya noong eleksyon, nakakapanood tayo ng live broadcast sa kampanya ni Mayor Duterte sa tulong ng live streaming ng Facebook.


7.   Nakakahingi kaagad tayo ng saklolo sa oras ng kagipitan. Ang mga OFWs sa ibang bansa na namaltrato o naabuso ay pwedeng mag-record ng video at i-post ito sa Facebook para humingi ng saklolo. Marami nang mga OFWs ang na-rescue dahil naging “viral” ang kanilang mga videos.

8.   Nakakakuha tayo ng kasagutan at opinyon sa ibang tao. Malaking tulong ang social media upang sumangguni sa opinyon ng ibang tao. Tulad ng mga tanong na, “Okay ba sumakay sa Jetstar pa- Manila?,” “Anong resort ba ang pinakamura at maganda sa Boracay?,” “Bukas ba ang embassy this Friday?” at marami pang iba.

9.   Kahit sino pwedeng maging blogger o reporter. Kahit sino pwedeng maging reporter o blogger. Gawa ka lang ng page at mag-post ka ng mga updates with pictures.

10. Mas naging mapagmasid tayo sa mga kalokohan ng nasa posisyon. Sa nakaraang limang taon, maraming mga kalokohan na ang nakunan ng video na nai-upload sa Facebook at YouTube ang kumalat na kung saan ito ay nagbigay ng kasagutan sa mga naging biktima.  

11. Mas madaling sumikat sa social media. Maraming naging instant sikat sa social media. Kung hindi napapansin ang iyong talento subukan mong i-upload ito sa Facebook o Youtube.

12. Pagbebenta ng mga produkto o serbisyo. Noon, kailangan house-to-house o word of mouth. Limang taon noon, kailangan may website ka kung gusto mong magbenta ng mga produkto. Ngayon, social media lang ang kailangan mo. Lahat pwedeng i-benta (pwera lang illegal), picture lang at i-post. Sa Japan, karaniwang negosyo ng mga OFWs ay mga bags, damit, mga 2nd hand na gamit at minsan mga decorative cakes na pang-birthday.


13. Public information campaign/support group ng komunidad. Kung kayo ay may organisasyon, pwede kayong gumawa ng Facebook page na pwede ninyong gamitin upang magpalitan ng mga ideya at impormasyon.

Lunes, Marso 28, 2016

Jericho Rosales, dumalo sa Osaka Asian Film Festival

Ni Florenda Corpuz

 Antoinette Jadaone, Dan Villegas at Jericho Rosales
kasama si Hiroyuki Yamamoto (moderator) sa symposium
na ginanap sa National Museum of Art, Osaka kamakailan.
(Kuha ni Din Eugenio)

Pinasaya ng aktor na si Jericho Rosales ang kanyang mga tagahanga sa Osaka nang siya ay bumisita sa lungsod para daluhan ang 11th Osaka Asian Film Festival (OAFF) kung saan ipinalabas ang kanyang pinakabagong pelikula na “Walang Forever.”

Pinangunahan ni Echo ang pagdalo sa festival kasama ang direktor na si Dan Villegas at screenwriter na si Antoinette Jadaone. Katambal niya rito ang aktres na si Jennylyn Mercado.

“To be here at OAFF means a lot to us because this is a proof that our film is special,” saad ng magaling na aktor na hindi ininda ang karamdaman para lamang makadalo.

Dumalo rin ang tatlo sa isang symposium na ginanap sa National Museum of Art, Osaka kung saan mas naipaliwanag nila ang tema ng kanilang pelikula at naibahagi ang kultura at kalagayan ng industriya sa Pilipinas.

“It’s my first time to attend a festival as a director so I’m really happy to be invited here by OAFF,” ani Villegas na dumalo rin noong nakaraang taon bilang producer naman ng pelikulang “That Thing Called Tadhana.”

Bigo man ang “Walang Forever” pati na rin ang “Sleepless” ng first time director na si Prime Cruz na maiuwi ang Grand Prix (Best Picture Award) na nasungkit ng Korean movie na “My Sister, The Pig Lady,” ay nakuha naman ng mga ito ang paghanga at respeto ng mga hurado at manonood mula Japan at iba pang bansa sa Asya.

Mainit din na tinanggap ang “Honoy Thy Father” na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz sa direksiyon ni Erik Matti na ipinalabas sa Special Programs (New Action! Southeast Asia) section ng OAFF.

Samantala, namasyal din si Echo sa mga popular na tourist spots sa Osaka tulad ng Umeda Sky Building at Dotonbori kung saan siya nakasalubong ng mga tagahangang OFWs. Tuwang-tuwa ang mga ito na makita ang idolong aktor na masaya namang nagpaunlak ng litrato.

“Thank you for the support. I know how hardworking OFWs are. Mahal ko kayo,” sabi ni Echo sa mga ito.

Ang Osaka Asian Film Festival ay taunang film festival na may temang “From Osaka to All of Asia!” Layon nitong pasiglahin ang ekonomiya ng lungsod at palakasin ang turismo nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga manonood na makapanood ng mahuhusay na pelikulang Asyano at suportahan ang mga Asian filmmakers at filmmaking sa lungsod.

Lunes, Nobyembre 2, 2015

Kamalayan sa ating kapaligiran

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Salamat sa Diyos at nakaraos din sa isang proyekto na para sa pag-aaral ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Tokyo, Saitama, at Chiba kamakailan. Ito ay ang “Reaching Out to the Periphery” seminars na isinagawa ni Jesuit Priest at Doctor in Ministry Fr. Nilo Tanalega, na marahil ay kilala na natin sa pangalan pa lamang dahil ilang beses na siyang na-quote ng inyong lingkod sa aking mga artikulo, at ni Doctor in Psychiatry at Consultant sa Makati Medical Center sa ‘Pinas na si Dr. Liza Rondain. 

Ito po ay isang charity o apostolate (hindi po business dahil donation lang po ang ibinigay ng mga participants at ng mga sponsors) upang ibalik sa Diyos ang Kanyang mga biyaya sa atin sa pamamagitan ng paglago sa ating sarili at pagbabahagi ng ating sariling paglago sa iba. Ang goal po ng proyekto na ito ay upang mapagtanto o maintindihan natin ang ating sarili at ang bawat tao kung bakit may pattern ang ating pag-iisip at pagkilos, at paano mababago sa tamang panahon.  

Ang pagkakaiba sa ating nakalakihang kapaligiran, mga pangyayari sa buhay ng bawat tao, at paraan ng pagpapalaki ng ating mga magulang ang elemento na bumubuo ng ating pagkatao. Alam man natin o hindi ang mga pinagdaanan ng ibang tao dapat ay matuto tayong umunawa sa iba gaya ng pag-unawa natin sa ating sarili. Ito ay tinatawag na “empathy” o paglagay sa sarili sa kalagayan ng iba. Upang makaunawa sa ibang tao, ang dapat itanong sa sarili bago manghusga ay, “kung ako ang nasa kalagayan niya, maaapektuhan ba ako?

Sa katunayan, ayon kay Erik Erickson, German-born American developmental psychologist and psychoanalyst, kailangan maranasan, maunawaan, matanggap at kayang dalhin ng bawat tao mula pagkasilang hanggang katandaan ang mga maganda at kahit hindi man magandang pangyayari sa buhay upang maging mature sa tamang edad ang isang tao. 

Dahil kung hindi maunawaan, ‘di matanggap, at ‘di kayang dalhin ng isang tao ang bawat estado ng kanyang paglaki o pagtanda ay nagbabadya ng ‘di angkop na pag-uugali sa kanyang edad. 
Sa pagsasalaysay ni Dra. Rondain ng pagkatao ng isang tao ay ginamit niya ang mga sumusunod na walong “Stages of Human Development” ni Erik Erickson with both extremes in every stage:  

1. Basic trust vs. basic mistrust (0-1 year old) — kailangang maipadama ng magulang o tagapag-alaga ng bata ang tamang pagpapakita ng tiwala at pag-aruga sa bata upang magkaroon din siya ng tiwala sa iba at pag-asa sa buhay anuman ang mangyari sa kanyang paglaki;

2. Autonomy vs. Shame (1-3 years old) — kailangang maipakita ng magulang o tagapag-alaga ng bata ang mga paggawa na ayon sa kakayanan at kaligtasan ng bata at hindi dapat pigilan ang bata bagkus ay gabayan at turuan kung ano ang tamang paraan ng paggawa hanggang sa kayang gawin mag-isa gaya ng pagkain mag-isa gamit ang kutsara at tinidor, paghawak sa sariling milk bottle, pagligpit ng mga laruang ikinalat;

3. Purpose, Initiative vs. Guilt (3-6 years old) — training the child how to read and write, do some simple household chores, errands. Ito upang ang bata ay magkaroon ng magandang pananaw sa buhay na may kaya siyang gawin at nakakatulong sa iba;

4. Competence, Industry vs. Inferiority (6-11 years old) — training the child how to do his best at home, school, or any field upang hindi magkaroon ng inferiority complex;

5. Fidelity, Identity vs. Role Confusion (12-18 years old/adolescent) — training  the child how to express his views or opinions while at the same time respecting other’s opinions, and knowing one’s role as a child respecting authority like parents, teachers, etc.;

6. Intimacy vs. Isolation (18-35 years old/first stage of adulthood) — having a closely knit and loving members of a family will encourage children to love to go home early, or they will get married at the right mature age and will have the same closely knit and loving members of their own family, dahil kung  hindi po ay maghahanap ang bata ng kabarkada o kakaibiganin niya sa labas ng pamamahay niya; 

7. Generativity vs. Stagnation (35-64 years old/second of adulthood) — a successful adult in this stage feels a sense of purpose and accomplishment and usefulness in any of the following:  raising children, chosen career, or volunteer activities; 

8. Wisdom, Integrity vs. Despair (65 years old & over) — if understood by the person, there is acceptance and detachment of what has happened in the past, whether successful or not, and readiness to face inevitable death, otherwise there will be despair o pagkadismaya sa kanyang buhay.

Iyan po ang mga dapat na tandaan natin upang maintindihan natin kung paano ang responsible parenting at gabay sa pakikisama sa iba upang ganap na maunawaan na sa bawat pagkatao o pag-uugali ng isang tao ay may dahilan.  

It’s either we will be inspired by others, or we have to learn a lesson from them, so that good or bad experience will make us a better person in the end, without necessarily judging or discriminating others. 

Ang sabi nga po ni Fr. Nilo minsan sa inyong lingkod, na ayaw kong kalimutan upang maintindihan ko ang aking sarili at ang iba, “now we understand a little.” In addition, I always remind myself this: not that I know but that I understand only a little compared to God, who is all knowing, and therefore understands everything, and is the source of everything good.”

Linggo, Hulyo 12, 2015

Paglahok sa 2016 eleksyon

Ni Rey Ian Corpuz

Bilang isang OFW at kahit na tayo ay permanent resident visa holders dito sa Japan, importante bilang isang Pilipino na makilahok sa nalalapit na eleksyon. Totoo na talagang nakakawalan ng gana ang pagboto dahil sa ang mga nahahalal sa mga posisyon na kalimitan ay nasasangkot sa mga katiwalian pero responsibilidad pa rin natin ang piliin ang kandidatong nararapat.

Ayon sa istatistika, may mahigit 200,000 Pilipino ang naninirahan sa buong Japan, pangatlo sa pwesto kasunod ng mga Instik at Koreano. Kung tutuusin ay maliit na bilang lamang ito kung ikukumpara sa bilang ng mga botante sa Pilipinas na umaabot ng milyun-milyon. Subalit sa pangkahalatan, kung ang lahat ng mga OFW at mga permanent resident visa holders sa ibang bansa gaya ng Saudi Arabia, USA, Australia, UK at marami pang iba ay tiyak na aabot din tayo ng milyun-milyon.

Sa talaan ng Philippine Statistics Authority noong 2012, nasa 2.2 milyon na ang mga Pilipino ang nagkalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Karamihan ay nagtatrabaho bilang guro, engineer, nurses at mga skilled labor.

Sa tingin ko, kung ang mga 2.2 milyong OFWs ay boboto sa bisa ng Overseas Absentee Voting Act ay magiging isa tayong malaking sektor ng mga Pilipino na kayang maghalal ng isang presidente, bise presidente o mga senador.

Ano nga ba ang Overseas Absentee Voting Act?

Matagal na itong aprubadong batas na nagbibigay oportunidad sa lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa labas ng Pilipinas na bumoto tuwing may eleksyon. Ibig sabihin, hindi mo na kailangang umuwi ng Pilipinas para bumoto. Kailangan mo lang ay magparehistro sa pinakamalapit sa Philippine Embassy o Consular Office. Ipapadala lang sa iyo ang abiso sa pagboto sa inyong bahay. Hindi mo na kailangang lumiban sa trabaho para lang pumunta sa embahada o consular office para lang bumoto.

Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nagparehistro dahil sa tingin ko magiging makulay ang darating na eleksyon. Karamihan sa mga Pilipino rito sa Japan ay walang pakialam masyado sa nangyayari sa eleksyon sa atin dahil unang-una karamihan ng nahahalal ay mga trapo at kurakot. Nakakasawa kung baga.

Sa bagay kung wala ka ba namang pagpipiliang magandang alternatibo, nakakawalan ng gana talagang bumoto. Ang mga Pilipino din sa Japan ay napakaabala sa trabaho na ultimo Sabado o Linggo ay may trabaho. Kulang din sa panahon upang siyasatin at kilatisin ang mga kumakandidato. Basta para sa karamihan, ay sikat o maamo ang mukha, eh tiyak iboboto natin. Tama ba?

Pero sa panahon ng social media kagaya ng Facebook at mga online news sutes, madali lang natin malaman ang background ng mga tatakbo sa eleksyon. Tiyak at nakikita ninyo rin ito sa mga libreng videos na ina-upload ng mga TV networks sa kanilang Facebook accounts.

Malapit na ang May 13, 2016 elections. Labing-isang buwan na lang. At ang deadline para sa rehistro ng Overseas Absentee Voting ay hanggang Oktubre na lamang. May napupusuan ka na ba?

Sana naman tayong mga OFWs ay maghalal ng karapat-dapat na presidente. Sawang-sawa na po tayo sa mga pangako ng mga pulitiko.

May tatlo pong dahilan kung bakit tayo nakikipagsapalaran dito. Una, dahil in-demand iyong skills natin dito at nagkukulang sa workforce ang Japan. Pangalawa, baka kayo po ay nakapag-asawa ng Hapon kaya napili ninyo na rito manirahan. At pangatlo, baka walang magandang trabaho sa Pilipinas kaya napilitan tayong mangibang-bayan.

Karamihan sa profile ng karamihan sa Japan, pasok ito sa pangalawa, o ang pagkakaroon ng asawang Hapon pero ang pangatlo na kung saan hindi kayang ibigay ng ating bansa ang magandang trabaho ang nagtutulak sa halos lahat ng mga Pilipinong mangibang bansa. Kasali po ang inyong abang lingkod sa pangatlo.

Parami na ng parami ang bilang ng OFWs sa iba’t ibang bansa na nagpapadala ng pera sa Pilipinas. Maganda para sa ating lokal na ekonomiya pero ang tanong, hanggang kailan po tayo magiging OFW sa ibang bayan?


Sana po ay magkaroon na po ng long-term solutions ang ating pamahalaan na dagdagan ang trabaho para sa lahat upang hindi na tayo mangibang-bayan. Ang 200,000 mahigit na mga OFWs sa Japan at ang dalawang milyong OFWs sa buong mundo ay kayang maghalal ng karapat-dapat na pangulo kaya maging mapagmasid at maging wais po sa ating desisyon. 

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Usapang OFW at paliparan

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga babasahin sa Internet ang sunud-sunod na naglabasan nitong unang bahagi ng buwan ng Oktubre na may kaugnayan sa pandaigdigang palapagan o international airport ng Pilipinas. Una at may katagalan ng usapin ay ang pagtutol ng mga OFW laban sa bagong patakaran ng terminal fee na inihain ng Manila Airport Authority, ang pagtasa na ang Ninoy International Airport (NAIA) bilang numero unong “worst airport” sa buong mundo, at ang maramdaming pahayag na trauma sa airport bilang karanasan mula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle.

Simula sa November 1, 2014 ay ipapatupad na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa pamamagitan ng Manila Airport Authority (MMA) ang patakarang Integrated Passenger Service Charge (IPSC). Sa pagpapatupad ng bagong patakarang ISPC, kasama na sa serbisyo ng lahat ng airlines sa buong mundo ang pangongolekta ng ISPC sa halaga ng bibilihing ticket ng eroplano. Sa kasalukuyan at bago ipatupad ang ISPC ay exempted ang mga OFW sa airport terminal fee.

Batay sa pagpapatupad ng ISPC ay maaring i-refund ng mga OFW ang terminal fee sa mga itinalagang lugar ng DOTC-MMA. Maaaring magawa ang pag-refund ng mga OFW kung may kahabaan ang pananatili sa Pilipinas kagaya ng bakasyon o espesyal na okasyon. Subalit mahirap at imposible ang pag-refund, kung hindi man malaking sagabal, sa mga OFW na gipit sa oras dahil sa pangangailangang makabalik agad sa trabaho abroad o sa panahon ng emergency ang dahilan ng pag-uwi sa Pilipinas.

Kaya sa naturang patakaran ISPC ay malinaw na nilabag at hindi inirespeto ng DOTC at MMA ang probisyon ayon sa batas ng Migrant Act of 1995 at iniyamendahan ng Republic Act No. 1022 na malinaw na nagsasabing exempted sa pagbabayad ng airport terminal fee ang mga OFW.

Sa probisyon mismo ng ISPC na kasama ang pagkuha ng refund ng OFW ay pag-amin mismo ng ahensya na inalis nila ang munting benepisyo sa mga OFW para sa libreng airport terminal fee na ginagarantiyahan ng batas.
    
Nakakapagtaka rin ang probisyon ng ISPC sa paglikha ng trust fund sa ilalim ng MMA na magsisilbing busluan ng mga hindi nai-refund na terminal fee ng mga OFW. Walang linaw kung ano ang basehan sa ilalim ng batas ang paglikha ng MMA ng trust fund at kung ano ang pangalan ng trust fund na ito.

Tinatayang mabilis na aabot kaagad sa milyun-milyong piso ang papasok sa trust fund ng MMA mula sa hindi makokolektang airport terminal fee ng mga OFW na gipit sa oras sa sandaling pananatili sa bansa.
Malinaw na nakasaad na ang layunin ng ISPC ay nakatutok lamang para paluwagin ang daloy ng mga pasehero sa airport. Walang pagtukoy ang patakaran para pag-igihin o pagandahin ang mga international airport.

Nanatiling tahimik at walang pagtutol sa napalathalang pahayag ng Airport Sleeping Community na ang NAIA ang tinaguriang worst international airport sa buong mundo. Para sa mga OFW at mga immigrants sa iba’t ibang bansa na regular na bumibiyahe ay may damang pagsang-ayon sa pahayag ng Airport Sleeping Community kung hindi man naiinis, nahihiya, at nalulungkot sa mga pangitain ng lugar ng palapagang pandaigdig sa lupang tinubuan.

Hindi lamang sa tuwinang bumibiyahe ang mga Pinoy sa abroad nakakadama ng pagkadismaya sa ating international airport. Kasama na rin ang hindi maipaliwanag na kahihiyan sa pagtanggap ng puna mula sa mga local ng bansang tinitirahan na bumisita sa Pilipinas sa naging negatibong karanasan sa ating airport. Ang mga punang natatanggap ng mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa mula sa lokal na mamamayan ay magsisilbing pagpiga ng kalamansi sa sugat na matatamo mula sa patakarang ISPC na nag-alis sa benepisyo ng mga OFW sa exemption nito sa airport terminal fee.

Trauma naman ang karanasan ng ating giliw na Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle kung ang airport ang pag-uusapan. Ayon sa naging pahayag ni Archbishop Tagle halaw sa Internet edition ng CBCP News “Alam ninyo ang airport ay naging traumatic na lugar sa akin. Hindi dahil sa panganib ng pagbiyahe, kundi sa mga nakikita at nadidinig, lalo na ang mga nanay na kinakausap ang anak sa airport, nagpapaalam sa pagkawalay. At makikita mo kung papaano nabibiyak ang kanilang mga puso.”

Isa si Archbishop Tagle sa tatlong “Delegadong Presidente” sa idinaos na Third Extraordinary General Assembly of the Synod of Bishops on the Family sa Rome, Italy. Sa nasabing pagtitipon ay hindi maipaliwanag ang kinasasapitan ng Pilipino sa ibayong dagat at ang kanilang mga pamilya, at pagpapahayag ng pagasa na ang realidad sa pangingibang bansa ay mabigyan ng pagtuon ng kaniyang ka-Synod Fathers.

Ayon sa pahayag ni Archbishop Tagle sa nasabing okasyon, “ang isang madramang epekto ng kahirapan ay migrasyon, na nagiging pansamantalang sanhi, subalit kadalasang matagal na pagkakawalay ng pamilyan Pilipino dahil sa pang-ekonomiyang kagipitan.  Tanggap na may pagkawalay ng mag-asawa, at ng magulang at anak. Hindi dahil sa hindi sila maaaring magsama sa isa’t isa. Hindi dahil may sagabal sa komunikasyon. Hindi rin dahil sa may alitan. Sila ay magkawalay dahil mahal nila ang isa’t isa. At ang mahusay na tunguhin ay ang pagpapakita ng pagkalinga, at pagmamahal, at suporta sa pagkawalay.” 

Ang palapagang panghimpapawid ay lugar ng pagtitiyak ng pagmamahal sa tuwinang namamaalam ang mga OFW sa mahal sa buhay. Sa gusaling ito rin naghihintay ang ipapadamang sabik na pagmamahal sa pagbabalik mula sa matagal na pananatili sa ibang bansa ng mga OFW. Ang gusali ay lugar ng pagpapahayag ng tiyak na pag-ibig at pagkalinga sa isa’t isa ng bawat asawa, anak, magulang at mga mahal sa buhay ng OFW.


Sa kabila ng itinakda ng batas ay pilit namang inalis ng patakarang ISPC ang munting benepisyo ng mga OFW na maging libre sa airport terminal fee.  Kaya kung iuugnay ang winika ni Archbishop Tagle at naging trauma sa airport, mistulang ang DOTC-MMA at ang patakarang ISPC lamang ang tanging walang pusong ipinapadamang pagkalinga, pagmamahal at suporta sa mga OFW at pamilya na nasa loob mismo ng gusali ng paliparang panghimpapawid.

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Inaasam na pagbabago

Ni Rey Ian Corpuz

Bilang isang OFW, nakakainis na marinig sa balita na ang mga magagaling nating pulitiko at mambabatas ay sangkot sa pangungurakot. Sabi nila, minana raw natin ito sa mga mananakop na Kastila kasi halos lahat daw ng mga bansang dating kolonya ng Espana ay mahihirap na bansa.

Marahil totoo pero hindi ako naniniwala na hindi natin kayang magbago sa ating sarili. Nagiging palusot lang natin na dahil sinakop tayo ng mga Kastila. Mahigit 400 na taon na ang nakakalipas simula noong masakop tayo ng Espanya, nasaan na ba ang bansang Pilipinas?

Kaliwa’t kanan ang kurapsyon sa ating gobyerno. Dahil nakikita ng mga tao sa baba na ang kanilang mga pinuno sa taas ay nagbubulsa ng pera mula sa kaban ng bayan ay ganoon din ang kanilang ginagawa. Minsan, napagtanto ko na tayo rin mismo ang may kasalanan.

Halimbawa, karamihan sa ating mga OFWs, kaya nasanay ang mga nangongotong sa Immigration at Customs sa Pilipinas dahil pinipilit nating magpuslit ng mga bawal na bagay. Mga pasalubong na dapat i-quarantine tulad ng mga manggang hilaw, bagoong, tinapa at kung anu-ano pav na dapat huwag nang ipilit na bitbitin sa eroplano. Tayo mismo ang nagbibigay ng dahilan upang sila ay gumawa ng kalokohan. Tama ba? Kaya dapat, kagaya rito sa Japan, ang bawal ay bawal. Kapag sinabing hindi pwede, huwag ipilit ang hindi pwede.

May kakilala ako dati na gustong mag-export ng mga sasakyan sa Pilipinas. Tinanong niya ako kung may kilala raw ba ako sa Customs na baka pwedeng makamura. Ang sabi ko naman ay huwag nang magnegosyo kung may “under the table” na gagawin. Sabi ko sa kanya ay dapat baguhin na natin ang ating pag-uugaling ganyan. Buti naman at hindi na niya binalak magnegosyo ng mga lumang sasakyan. Kung magnenegosyo ng export, dapat bayaran ang tax  na naaayon sa batas. Hindi na dapat idaan sa bigayan ng pera papunta sa bulsa nang kung sinuman sa gobyerno.

Marami din sa atin ang nagrereklamo hinggil sa mga mandurugas na taxi driver lalo na sa Maynila. Sa labas pa lang ng paliparan ng NAIA ay naglipana ang mga taxi na kontrata at humihingi pa ng dagdag na pera kasi matrapik daw at kung anu-ano pa. Di ba tayo rin ang dahilan kung bakit sila naging ganoon? Karamihan kasi sa ating mga OFWs ay galante masyado.

Dahil galing abroad, okay lang sa atin na magbigay ng extrang pera kaya karamihan sa kanila  ay naging gahaman na. Ang mahirap pa ay akala nila na lahat ng sumasakay sa NAIA ay mga may perang OFWs. Kung alam lang nila ang hirap at pagod ng mga OFWs natin. Kaya sa susunod, mas mainam na sakto lang ang hlagang ibibigay. Huwag magbigay ng sobra-sobrang tip para hindi lumaki ang ulo ng mga ito.

Hinggil sa mga kurakot na pulitiko sa atin ay tayo ang nagluklok sa kanila kaya “we get what we deserve” ika nga sa wikang Ingles. Ibig sabihin, kung naging maingat tayo sa pagpili sa iluluklok sa gobyerno, sana ay mas napabuti pa ang ating bayan.


Kaya sa darating na halalan, sana’y maging aral sa maraming Pilipinong botante at maging sa OFWs na bumuboto sa pamamagitan ng absentee voting ang mga isyung naglalabasan ngayon hinggil sa pangungurakot ng mga pulitiko. Responsibilidad natin bilang mabuting Pilipino na maghalal ng tamang mga lider na pagyaman ng bansa ang adhikain at hindi ng kanilang bulsa.

Martes, Pebrero 25, 2014

Gaano mo kamahal ang iyong bayan?

Ni Al Eugenio

Nakasunod sa isang babaeng OFW si Chris sa harap ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang marinig niyang tinanong ito kung saang bansa siya papunta. “Sa Saudi po,” sagot ng naturang OFW. Sunod na tanong ng immigration officer, “alam mo ba ang pangalan ng hari ng Saudi Arabia?” Napaisip ang babae at nang sa palagay ng immigration officer na hindi niya kayang sagutin ang tanong ay nagwika ito muli ng “ok, ganito na lang, ilan ang kapatid ng hari ng Saudi Arabia at kailan pa siya nakaupo bilang hari?” Namula ang mukha ng OFW at mapapansin sa kanya ang pag-aalala na parang kung hindi niya masasagot ang mga tanong ay baka hindi na siya matuloy na makaalis.

Bilang isa ring OFW ay alam ni Chris ang mga pinagdaraanan ng bawat isa sa ating mga naghahanapbuhay sa ibang bansa. Hindi na niya napigilan ang sarili na tanungin ang naturang immigration officer kung bakit pa kailangang malaman ng OFW ang sagot sa mga itinatanong nito. Hindi na sumagot ang officer at tinatakan na lamang ang passport ng nasabing babaeng OFW.

Marami sa ating mga kababayang OFW ang napapaglaruan at maaaring napapagsamantalahan bago sila makaalis ng ating bansa at ganoon din kung sila ay dumarating galing sa bansang kanilang pinagtrabahuhan. Siguradong marami na rin sa atin ang nagkaroon na ng iba’t ibang karanasan.        

Mayroon pa rin sa ating mga kababayan na sa halip na tulungang umangat sa kasalukuyang kinakatayuan ang kapwa, ay parang hindi sila makapayag na sila ay nauungusan. Kadalasan, kung hindi rin lang naman niya  kamag-anak, kakilala o kaibigan  ang paglilingkuran,  madalas  ay gagawaan pa niya ito ng problema. Kung makakalusot ang kanyang diskarte, maaari pa niya itong pagkaperahan.

Hindi po naman natin nilalahat ngunit marami sa mga nanunungkulan ay walang sapat na kaalaman sa serbisyo publiko.   Marami sa kanila ay napasok lamang sa kani-kanilang mga pwesto dahil sa mayroon silang malakas na padrino. Hindi nila ganap na nauunawaan na ang maglingkod sa  kanilang mga kababayan ang una nilang tungkulin kaya sila sumusweldo.       

Sa paninirahan natin dito sa Japan, nasanay na tayo sa mga kaugalian ng mga Hapon tungkol sa kaayusan. Maayos na pamamalakad ng kanilang pamahalaan, maayos na serbisyo para sa mga mamamayan. Halimbawa, tulad ng mga city o ward office,  kapag tayo ay lumapit sa kanilang tanggapan, kahit na isang minuto na lamang ang nalalabi bago ito magsara ay buong lugod pa rin tayong aasikasuhin hanggang sa maibigay sa atin ang  ating  kailangan. Hindi sila naiinis sa lahat ng gusto nating itanong.  Minsan kung natagalan silang maibigay ang iyong kailangan, sila pa ang humihingi ng paumanhin dahil sa matagal mong paghihintay. Bagamat ang ibang serbisyo rito ay may bayad, ang halaga ay mura lamang. 

Ang kaayusan ng mga Hapon sa kanilang paligid at pag-aalaga ng kanilang kalikasan ay kasabay na rin tayong natututo na ito ay ingatan. Alam natin na sa bawat puno na pinuputol para gamitin sa pagtatayo ng mga bahay ay siguradong mayroong itinanim na kapalit sa kung saang kabundukan. Mapapansin natin ang mga ito kapag tayo ay nagpupunta sa malalayong lugar, pantay-pantay na nakahilera ang mga ito at mayroon pang mga label na siyang nagpapatunay na ang mga punong iyon ay inaalagaan. Lagi nilang isinasaisip ang susunod na henerasyon.

Bihira na sinasabi ng mga Hapon na mahal nila ang kanilang bansa. Dahil para sa kanila, hindi makatotohanan na bigkasin lamang ang mga katagang ito. Sa kabila nito, dahil sa kanilang pag-iingat sa kanilang kapaligiran at kalikasan, sa kanilang pag-iintindi sa kanilang mga mamamayan, sa kanilang pagpapahalaga sa kanilang sining, kultura at kasaysayan, naging dahilan ito ng kanilang pagkakaisa bilang isang lahi na iginagalang at hinahangaan mula pa noong una silang makilala bilang isang bansa. 

Ang kasaysayan ng mga taong nagbuwis ng buhay upang tayo ay maging malaya at kilalanin din bilang isang bansa ay hindi natin dapat kinakalimutan. Ang ganda ng ating sining at ang husay ng ating mga kababayan na hinahangaan sa maraming lugar ay dapat  nating  pinapahalagahan. Ang pagtulong sa ating mga kababayan kahit na sa maliit na paraan ay makakapagpakita ng pagmamahal natin sa ating bansa,  lalo pa at ang mga ito ay dahop sa mga makabagong kaalaman.  

Sa kabila ng lahat na dinaranas ngayon ng Pilipinas, unti-unti nang nagigising ang  ating mga kababayan sa tunay na kinakailangan upang magkaroon ng kaayusan ang ating lipunan. Marami ng lihim ang nabubunyag, marami ng mga bagong pamamaraan ang nagaganap dahil sa social media ay naririnig na ang boses ng lahat.

Alam natin na ang pagbabago ay hindi magiging madali ngunit hindi tayo dapat bumitiw. Kailangan nating ingatan at ipagtanggol ang lahat ng tungkol sa ating pagiging Pilipino. Ang lahat ng tungkol sa ating bayan. Huwag nating ipapagbili sa kung kani-kanino lang para sa pansariling kapakanan. Sapagkat saan man tayo magtungo sa ating pangingibang-bansa,  darating pa rin ang panahon  na  doon pa rin sa ating bayan natin hahanapin ang totoo nating tahanan.        

Linggo, Enero 26, 2014

OFWs sa Japan respetado ng mga dayuhang employer

Ni Florenda Corpuz

Ambassador Lopez (Kuha ni Din Eugenio
Puring-puri at respetado ng mga Hapon at dayuhang employers ang marami sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho sa Japan, ito ang pahayag ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez kamakailan.

Sa kanyang opening remarks sa ginanap na pakikipagdayalogo ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga lider at miyembro ng Filipino community sa Japan sa National Olympics Memorial Youth Center, sinabi ni Lopez na malaki ang respeto at bilib ng mga employers sa mga Pilipinong manggagawa.

“Our kababayans represent a wide range of professions and backgrounds. But they share several things in common – they are all hardworking, talented and source of great pride to the Filipino nation,” pahayag ni Lopez.

“They are solid and united as a community. They have no serious rift or division,” dagdag pa ni Lopez.

Ayon kay Lopez 70% ng mga tripulante sa mga barkong Hapon ay mga Pilipino, habang pinapahalagahan naman ang mga kababayang nurses at caregivers dahil sa kanilang ipinapamalas na malasakit sa kanilang mga pasyente.

Inihalimbawa ni Lopez ang apat na Pilipinong caregivers na kinilala ng pamahalaang Hapon dahil sa hindi pag-iwan sa kanilang mga matatandang pasyente nang mangyari ang Great East Japan Earthquake noong 2011 kahit na nalagay sa peligro ang kanilang mga buhay.

Sa kabilang banda, sinabi rin ni Lopez na marami sa mga Pilipino ang kasal sa mga Hapon kung saan ang kanilang mga supling ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng dalawang bansa na magkaiba ang kultura.


Sa kasalukuyan, 10% ng mga dayuhang namimirmihan sa Japan ay mga Pilipino na siyang pangatlo sa may pinakamaraming bilang na aabot sa 202,974. 

Lunes, Disyembre 2, 2013

Robin Padilla, nagpugay sa mga OFWs sa Japan


Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Robin Padilla kasama ang writer ng artikulong ito.
Bakit tinatawag na makabagong bayani ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs)? Ang number one na dahilan, ayon sa pag-aaral ng Central Bank of the Philippines, ay ang money remittance o padala ng mga OFWs na humigit-kumulang sa dalawang bilyon na nakakadagdag  sa kaban ng Pilipinas kada taon. Napakasakit lamang isipin na naibubulsa na ng mga kurakot na politicians at false non-government organizations (NGOs) ni Napoles at iba pa ang karamihan nito imbes na mapunta sa mga proyekto na makikinabang ang mga pangkaraniwang Pinoy.  Ito ang panawagan ni Robin Padilla nang ipinadala siya sa Tokyo at Gifu ng MoneyGram. 

Napakasaya ng mga taong nakarating sa Mitaka, Tokyo at sa Gifu pagkakita kay Binoe na talaga namang sandaling nakalimutan ang pagod at problemang dala-dala.  Bukod sa pag-promote ng MoneyGram remittance sa ‘Pinas through SBI remittance from Japan ay siya rin ang nagdala mismo ng kanyang personal na mga regalo sa mga fans gaya ng kanyang music record album, Robin Padilla brand perfume, at mga posters.  Dahil nga libre ang entrance (ayon sa kanyang suggestion) sa lahat ng kanyang appearance at hindi kumita ang MoneyGram at SBI ay siya pa mismo ang nanlibre ng dinner sa mga representatives sa Tokyo.  Narito po ang sabi ng isang Pinoy na taga-Gifu sa Instagram picture ni Robin, @twenny01, “thank you so much, Kuya Robin, at pinasaya mo kami lahat kanina. Super bait n’yo po at ilang ulit po ako pumila para makapagpicture sa’yo …sana maulit uli ang pag-visit mo rito sa Kani Shi Fukushi Center. Grabe talaga ang saya namin, @robinhoodpadilla.”

Pagkatapos dito sa Japan ay nagpunta rin siya sa Jeddah at Beirut sa Middle East na ayon sa mga larawan at videos sa Instagram ni Binoe ay talaga namang nagsiksikan at nagkaroon pa ng stampede at may mag-ama pang nasaktan at na-ospital. 

Nabanggit natin noong nakaraang issue ng Pinoy Gazette ang tungkol sa paghawak ng pera at sinasabi sa Bibliya na pinagnanakawan natin ang Diyos kung ating ninanakaw o ibinubulsa ang hindi nararapat sa atin o kaya ay hindi tayo nagbibigay sa kawanggawa o charity sa mga nangangailangan.  Dahil sa nakaraang supertyphoon na pinangalanangYolanda na lumipol sa mga lugar at mga tao sa Tacloban, Samar, Leyte, Bohol, Cebu, Mindoro, at iba pa, ngayon ang natatamang panahon ng pagbibigay-balik sa Diyos ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga donasyon.  Siguraduhin lang po natin na ang ating mga donasyon ay matatanggap mismo ng mga nasalanta at hindi daraan sa mga opisyales ng barangay, munisipyo o anumang sangay ng gobyerno upang hindi mapurnada ang ating pagtulong. 

Robin Padilla, wrote the following prayer in his Instagram bago bumalik ng ‘Pinas galing ng Beirut noong nakaraang November 12, “Sa ngalan ng Allah ang mapagpala at ang mahabagin. Maraming maraming salamat po Panginoong Lumikha sa mga biyaya, pagpapala at kasayahan na ibinigay Niyo sa amin ng aking mga kababayan dito sa Middle East. Hinihingi po namin ang inyong patnubay sa aming pag-uwi. Pag-ingatan Niyo po ang aming paglalakbay upang makarating po kami ng matiwasay sa Inangbayang Pilipinas. Kung ano man ang aming mga naging pagkukulang sa aming pananampalataya at sa pakikipagkapwa-tao ay humihingi po kami ng patawad sa inyo at nagsusumamo ng lakas upang sa mga susunod na paglalakbay ay mapunuan ito at hindi na maulit.  Muli po, Panginoong ng lahat mga daigdig, maraming maraming salamat po.”

Mahal na inspirasyon ng bayan, Robin Padilla, isa ka ring tunay na bayani na kumikila sa mga OFWs bilang makabagong bayani. More power and God bless you more and more each day. Dasal naming humaba pa ang iyong buhay upang marami ka pang mapasaya at matulungan!


Martes, Oktubre 8, 2013

Aishiteru, Mahal Kita


Ni Florenda Corpuz
Allison at Yumiko

Patuloy sa paglobo ang bilang ng mga interracial marriages sa Japan. At isa ang mga Pilipino sa nangunguna sa listahan ng mga dayuhang nagpapakasal sa mga Hapon. 

Kadalasan, mga kababaihang Pilipino ang nakakapangasawa ng kalalakihang Hapon ngunit may ilan din na mga lalakeng Pinoy ang nakakapangasawa ng Haponesa. Magandang bunga ng interracial marriage na ito ang mga Japanese-Filipino children, samantalang diborsyo naman ang hindi magandang mukha ng pagsasamang ito.

Marami man ang malungkot na kwento ng hiwalayan, may mga matagumpay na pagsasama naman na pinagbuklod ng tunay at wagas na pag-ibig sa kabila ng pagkakaiba ng kultura. 

Dumating sa Japan noong 1993, nakilala ng Pilipinong si Allison Opaon ang kanyang maybahay na Haponesa na si Yumiko noong 1994 habang siya ay nagbibigay ng theater workshop sa lugar ng Kamata. Nagkagustuhan at ikinasal noong Disyembre 25, 1996, naninirahan sa Yokohama ang mag-asawa. Paborito nilang pasyalan ang mga lugar ng Tsurumi, Minato Mirai, Kamakura, Kyoto, Hokkaido at Okinawa. 

Nagtatrabaho bilang ordinaryong manggagawa si Allison habang si Yumiko naman ay isang graphic designer at reporter sa isang diyaryo. Kung hindi abala sa trabaho, aktibo si Allison sa teatro, charity concerts at volunteer works kasama ang maybahay na todo-suporta sa kanya. 

“Wala akong general o particular adjustments na ginawa para sa asawa ko. Wala naman kaming naramdamang mabigat na pagsubok sa aming pagsasama dahil lang sa magkaiba kami ng kulturang kinagisnan. Siguro iyong language barrier pa lang noong una, pero nabura na ‘yan ngayon,” pahayag ni Allison na bilib sa organisado at kumportableng pamumuhay sa Japan. 

Hindi man naging madali ang mga unang taon ng buhay mag-asawa nina Allison at Yumiko dahil sa language barrier, nalampasan naman nila ito dahil sa pag-unawa nila sa kaibahan ng isa’t isa. 

“Sa tingin ko, magiging mahirap talaga para sa isang haligi ng tahanan kung hindi sila magkakasundo ng kanyang maybahay regardless of nationality. Kahit parehong Pilipino o parehong Hapon ang mag-asawa, dadaan sila sa stage na may crisis ang relasyon pero para sa akin, wala akong naranasan na nahihirapan ako sa asawa kong si Yumiko,” sagot ni Allison sa tanong kung mahirap ba ang maging asawa ng isang Haponesa.

Sinubukan din ng mag-asawa na mamuhay sa Pilipinas taong 2008. Sa Bohol at Dumaguete City ay binalak nilang magtayo ng isang restaurant subalit hindi naging madali ito para sa kanila.

“Mahirap pala mawalay bigla sa mga volunteer works na iyong nakasanayan. Iyong tipong nawawala ka sa network ng mga taong kasa-kasama mo sa gawaing pagtulong sa kapwa, marami kang dapat i-adjust sa Pilipinas partikular na ang communication system (Internet connection). At parang mali ang timing din siguro ang magnenegosyo na halos walang pera ang mga tao dahil malaki ang unemployment rate. Anim na buwan lang ang nakayanan ng asawa ko, bumalik siya sa Japan dahil nag-iisa na lang sa buhay ang ina niya bukod sa matanda na, lagi siyang nag-aalala, nalulungkot. Pagkatapos ng isang taon ko sa Pilipinas, sumunod na rin ako sa kanyang bumalik dito sa Japan dahil ayokong magkalayo kaming mag-asawa,” ani Allison.

Sa tanong sa kung ano ang sikreto sa isang matagumpay na interracial marriage, ito ang winika ni Allison, “Paggalang at respeto sa kinagisnang kultura sa halip na ihahambing, pagiging bukas at tapat sa isa’t isa o walang paglilihiman, magtiwala sa isa’t isa, pagtutulungan, bigayan, pang-unawa at palakasin kung alin ang tingin mo’y kahinaan niya, laging susuportahan ang isang pananaw o ideya kung tingin mo’y maganda ang kalalabasan, marunong tumupad sa pangako, laging pangunahing iisipin kung ano ang makakabuti.”

“Sa pag-aasawa, hindi pinipili ang nasyonalidad at hindi dapat pinapairal ang pagkakaiba bagkus ay sa pagkakapareho dapat mag-focus. Mahalin at alagaan ang pamilya, gawing priority sa buhay. Laging bukas sa suhestiyon mula sa iyong asawa, bigayan at pagpapasensiya kung may pagkukulang ang isa. Ituturo sa mga anak ang dalawang kultura dahil karapatan nilang matutuhan ito,” payo ni Allison sa mga kapwa Pilipino na may asawang Hapon.

Hindi man nabiyayaan ng supling, masaya ang mag-asawang Allison at Yumiko sa kanilang pagsasama at nangakong hindi magiging hadlang ang pagkakaiba ng pinagmulan at kultura sa kanilang pag-iibigan. 

Linggo, Oktubre 6, 2013

Kapag tayo’y pauwi na


Ni Al Eugenio

Makalipas ang mahabang panahon nang pagtigil dito sa Japan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang pipiliing sa Pilipinas magretiro kasama ng pamilya. 

Totooong masarap manirahan dito sa Japan. Maayos at tahimik ang pamumuhay, maganda ang serbisyo, masarap ang mga pagkain at magaganda ang mga lugar pasyalan. Sa Pilipinas naman, kahit na sabihin pa na talamak ang pangungurakot at nakawan, madalas ang pagbaha, baku-bakong mga daan at tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilihin ay wala pa rin itong katulad, ika nga “there’s no place like home.”

Dahil na rin marahil sa hindi gaanong seryosong magdala ng problema ang mga Pilipino kaya’t sa pakiramdam natin ay mas magaan ang mamuhay at manirahan sa Pilipinas. Marami nga sa mga Hapon na asawa ng mga Pilipina ay nais sa Pilipinas manirahan. Kahit na malaki ang mga problema ay mayroon pa rin katatawanan, huwag lang na mag-a-apply ka ng trabaho, mayroong disenteng t-shirt at shorts ay makakarating ka na kahit saan. Iwasan lang ang sobrang porma at yabang para hindi maholdap at makainisan at kung mapag-alala ka sa kapwa at sa iyong kapaligiran ay tiyak na marami ang matutuwa sa iyo at marami kang magiging kaibigan. Kung tutuusin, simple lang ang mamuhay sa Pilipinas ngunit nakahanda ka na kaya?

Maraming mga bagay ang dapat na pag-aralan at ihanda bago dumating ang panahon ng ating pag-uwi at pagretiro tulad halimbawa ng kung saan lugar tayo titira. Sa isang lugar ba na sariwa ang hangin at malayo sa polusyon o mas hinahanap-hanap mo ang saya ng buhay sa lungsod? Para sa iba, mahalaga na mas malapit sa pamilya at mga kamag-anak na hindi nakapiling sa maraming taon na pamimirmihan sa Japan. Ano ang ating magiging hanapbuhay pagbalik ng Pilipinas? May sapat ba na ipon upang makapagsimula ng maliit na pagkakakitaan?          

Maaaring ito ang pinamalaking katanungan para sa ating mga kababayan na nagnanais nang permanenteng manirahan sa Pilipinas. Marami sa atin ang walang sapat na kaalaman tungkol sa kung anong uri ng hanapbuhay ang maaari nating pasukan sa Pilipinas. Tayo ba ay magiging empleyado? Tulad halimbawa ng pagiging call center agent. Mag-negosyo kaya? Tulad ng tindahan o kainan.

Marami sa kababayan natin ang maagang nakapaghanda at nakapag-ipon para sa pagreretiro sa Pilipinas. Ito ay sa tulong na rin ng mga masisinop na kamag-anak na nagbibigay-halaga sa perang pinaghirapan dito sa Japan. Ngunit may ilan din na walang pinatunguhan ang pagtitiis at paghihirap dahil sa mga pagwawaldas ng mga kamag-anak na para bang madali lamang kumita at magpadala ng pera na parang agos ng tubig na walang katapusan.

Makakatulong ang madalas na pag-uwi sa Pilipinas upang personal at tunay na maramdaman ang mga pagbabago ng ating bansa. Ito’y makakatulong sa pagdedesisyon kung anong uri ng pagkakakitaan ang maaari nating umpisahan kapag tayo ay bumalik na rito. 

Para sa mga walang pagkakataong umuwi, ang pagsasaliksik sa pamamagitan ng Internet ay makakapagbigay ng mga impormasyon na makadaragdag sa ating kaalaman. Mayroong mga palatuntunan sa radyo at telebisyon sa Internet na makakapagbigay ng mga ideya tungkol sa pagnenegosyo.

Ang  Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay patuloy din na nag-iimbita ng mga kawani ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang magbigay ng seminar tungkol sa pagnenegosyo. Kalakip nito ang suporta at pag-alalay ng naturang ahensya sa mga OFWs na susubok mag-invest sa bagong negosyo pag-uwi sa Pilipinas. 

Sa katunayan, dumating kamakailan si Department of Agriculture Sec. Proceso Alcala at hinimok ang mga OFWs dito na mamuhunan sa agribusiness sa Pilipinas. Ito ay bahagi ng re-integration program ng pamahalaan na mabuksan ang kaisipan ng ating mga OFWs sa Japan at sa buong mundo na may magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila sa Pilipinas.

Nais ko pong pasalamatan sina Ginoong Felipe P. Reolalas ng Livestock Development Council  na nagsama sa amin ng walang gastos sa Tiaong Quezon, gamit ang sasakyan ng Department of Agriculture at kay Dr. Rene C. Santiago, Center Chief ng National Swine and Poultry Research and Development Center sa pagbibigay sa amin ng napakaraming kaalaman tungkol sa pamumuhunan sa livestock  industry. 

Lunes, Agosto 5, 2013

Buhay Okinawa


Ni Kate Lariosa

“Nasa Okinawa, Japan ako ngayon.” Ito ang lagi kong sagot sa mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na walang sawang tinatanong kung nasaang bansa na ako ngayon. Pero sa tuwing sinasagot ko sila, samu’t saring reaksyon ang nakukuha ko gaya ng: “Malapit ba kayo sa tsunami na nangyari sa Japan?”, “Siguro malapit ka sa Tokyo, ano?”, “Marami bang harajuku dyan?”, “Nakarating ka na ba sa Tokyo, Disneyland?”, “Genki desu ka?”, “Ohayou gozamaisu!”, “Konnichiwa!” na para bang bigla ko na lang natutuhan ang mga salitang ito nang dumating ako sa bansang ito. 

Nakakatuwang isipin na halos ganito rin ang mga tanong at reaksyon ko nang natanggap ng aking kabiyak ang travel orders namin apat na taon na ang nakakalipas. Isang sundalo sa United States Air Force ang aking asawa at itinuturing namin na isa sa mga benepisyo ang mapapunta sa iba’t ibang lugar. Pero sa totoo lang, hindi man lang ito napabilang sa listahan ng mga magagandang lugar na ninais kong puntahan. Pagkasambit niya ng Japan, biglang pumasok sa isip ko ang Tokyo, Kyoto at Yokohama na talagang popular sa mga turista na gustong bumisita sa bansa.  Pero sabi nga naming mga asawa ng sundalo ng USAF, “Home is where our airman is.” Kaya kahit hindi namin alam kung ano ang naghihintay sa aming pamilya rito, nagdesisyon kaming tanggapin ang oportunidad na ito.

Nobyembre 30, 2009 nang kami ay dumating dito sa Okinawa. Tandang-tanda ko pa dahil sa hindi man lang nakapag-trick or treat ang anak ko dahil sa wala pa kaming kakilala rito. Maalinsangan pa noon ang panahon at palibhasa’y galing kami sa Amerika, ang pagkasanay sa ibang klima ang nagpaalala sa akin na para akong nasa Pilipinas. Pero ano nga ba ang nagpabago ng puso ko kung bakit ngayon ay sobra ang pagmamahal ko sa lugar na ito? Kung tutuusin, iilang lugar pa lamang sa mundo ang napuntahan ko. Mga ilang lugar sa Amerika, Pilipinas at dito pa lang sa Okinawa ang nararating ko. Hindi ako eksperto o bihasa sa pagsasabi na ito na ang pinakamagandang lugar sa buong mundo. Pero sa ngayon, sa isang dayuhang katulad ko, nanaisin ko na balang araw ay dito na kami manirahan ng pamilya ko. 

Ilan sa mga bagay na nagustuhan namin dito ay ang kultura ng mga Okinawans. Sa halos apat na taon naming pamamalagi rito, wala pa kaming masamang karanasan kung pakikisalamuha ng mga Okinawans sa mga dayuhang kagaya namin ang pag-uusapan. Marahil isa na ito sa mga dahilan kung bakit hindi kami masyadong nanibago sa lugar. Ang pagiging magalang at maayos na pakikitungo nila sa amin ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami sa mga pamilya ng US military ang gustong dito manirahan. 

Maraming mga Pilipino rin kaming nakilala kinalaunan. Mahilig sa basketball ang aking asawa at marami kaming nakilalang mga kapwa-Pilipino sa mga liga ng basketball sa loob at labas ng military base. Ang aking anak naman ay kasalukuyang pumapasok sa paaralan sa labas ng base. Napanatag ang loob namin dito dahil halos lahat ng kanilang mga guro ay Pilipino at maganda ang kalidad ng pagtuturo nila. 

Dahil sa napakagagandang lugar na maaari mong puntahan dito, naengganyo akong bumili ng camera para makuhanan ang mala-paraisong lugar na ito. Malilinis na dagat ang pinakapaborito kong lugar dito kagaya ng Tonnaha Beach, Ikei Beach, Okuma at marami pang iba. Nasa Okinawa din ang Charaumi Aquarium, ang pangatlo sa pinakamalaking aquarium sa buong mundo. Marami ka rin mapupuntahang dam, falls, shrines at recreational park. Kaya naman marami sa mga taga-mainland Japan ang nagpupunta rito para magbakasyon. Tipikal na island life ang buhay namin dito. 

Dahil sundalo ang aking asawa, may mga pagkakataon na napapalayo siya sa amin kapag na-deploy. Hindi rin ito nagkaiba sa mga pamilya ng OFW na kailangang malayo sa pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Ang pinagkaiba lang, wala ka sa Pilipinas na kasama ang iyong mga pamilya. Dito, sarili mo lang ang iyong maaasahan. Mabuti  na lang, may mga programa ang military base upang matulungan ang mga maybahay ng deployed military kung kinakailangan nila ng tulong. Nagkaroon na rin ako ng trabaho sa loob ng military base kaya halos dito nauubos ang oras ko maliban sa oras ko sa aking pamilya.

Masaya na mahirap ang buhay namin sa Okinawa. Masaya dahil ang paraisong ito ang nagpapasaya sa amin sa pansamantalang paninirahan dito. Mahirap dahil katulad ng kahit sinong Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, hindi mo pa rin maiiwasan ang hanap-hanapin ang mga tradisyon at lugar na kinasanayan mo na sa ating lupang sinilangan. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan ng pagkalungkot o pagkadismaya. Kahit saan mang lugar tayo mapadpad, importanteng matuto tayong tanggapin at yakapin ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng mga bansang ito. Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na maranasang marating ang mga lugar na ito kaya ito ang dapat nating ipagpasalamat.