Miyerkules, Marso 6, 2013

KMP: Nakatuon sa mga isyu ng migranteng Pinoy


Ni Enrique Toto Gonzaga

Nagsimula bilang Maryknoll Missonaries na unang pinamunuan ni Father Patrick O’Donoghue, dating pinuno ng Maryknoll Japan at ng Pag-aalay ng Puso Foundation noong 1999, nagsagawa ng pastoral outreach program ang grupo upang maabot ang mga Pilipino sa Japan sa pamamagitan ng spiritual retreats.

Kinalaunan ay tinawag na ang grupo  na Maryknoll Philippine Center, isang Philippine Help Desk na nagbibigay serbisyo sa mga Pilipino sa Japan tungkol sa problemang legal at iba pang usapin.

Tuwing panahon ng tagsibol at taglagas, humihiling ang grupo sa Pag-aalay ng Puso Foundation para pangunahan at gumawa ng mga serye ng mga seminar, legal consultation, conferences at iba pang kaganapan na mahalaga sa mga Pilipino.

Ilan sa mga ito ay ang legal conference na pinamunuan ni Undersecretary Merlin M. Magalona kasama ang ilang propesor ng University of the Philippines College of Law at iba pang Japanese lawyers, Mayo ng 2001.
Sinundan ito legal consultation ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang International Labor Organization (ILO) para sa mga migranteng Pilipino na ginanap sa Maryknoll Center.  Pangunahing layunin nito na maipalam na suportado ng gobyerno ang mga Pilipinong nangingibang-bansa at ang kahandaang tumulong sa mga problemang dinadanas.

Idinaos din sa Tokyo Inernational Forum ang kauna-unahang legal symposium sa Tokyo kung saan nabuo ang Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP) na pinamunuan ni Marian Chiquette D. Tanizaki. Dinaluhan ito ng ilang opisyales tulad nina dating Ambassador Domingo Siazon, Teofisto Guingona at iba pa.

Mula ng naidaos ang legal symposium na iyon noong 2001, patuloy na ang pagdami ng mga Pinoy na pumupunta sa tanggapan para makipagpulong sa mga abogado ng Pilipinas at ng Immigration of Japan. Idinulog ng mga ito ang kani-kanilang problema na karamihan ay nabigyan ng solusyon.

Nito lamang Disyembre nang nakaraang taon ay idinaos muli ang isang symposium na pinamagatang “Keeping an Eye on the Law” sa Waseda University. Dinaluhan ito ng halos 100 katao na mga kinatawan ng iba’t ibang Filipino communities sa Japan.

Tinalakay ang maraming bagay na may kinalaman sa buhay ng mga Pilipino tulad ng tungkol sa indulto na magagawad sa mga Pilipinong matagal nang naninirahan sa Japan, halos 20 hanggang 25 na taon, ngunit walang kaukulang dokumento.

Isang mahabang diskusyon ang namagitan sa mga bisita, kinatawan ng Embahada ng Pilipinas na si Consul General Marian Jocelyn R. Tirol – Ignacio, Dean Merlin M. Magalona, Atty. Danilo Concepcion, Professor Patricia Daway at iba pang mga abogado. Pinag-usapan ang mga batas at patakaran ng Immigration of Japan at ang mga karapatan at tungkulin ng mga migranteng Pilipino sa Japan.

Pinamunuan ni Tanizaki ang buong kaganapan kung saan napagtuunan din ng atensiyon ang “Amnesty Program” o indulto ng mga Pilipino sa pagkuha ng legal na dokumento katulad ng pasaporte. Taliwas umano ang mga regulasyon ng Embahada at ng gobyerno ng Pilipinas hinggil sa pagbibigay ng pasaporte sa mga hindi dokumentadong Pilipino sa Japan.

Hiling ng karamihan na mabigyan ng pansin ang bagay na ito dahil maraming mga Pilipino ang nangangailangan ng pasaporte para maisugod sa Immigration of Japan ang kani-kanilang petisyon. Ito ay para magkaroon ng karapatan na manatili sa Japan sa pamamagitan visa.

Hanggang sa kasalukuyan ay pinag-uusapan pa ang bagay na ito na kailangan mabigyan kaagad ng solusyon sa lalong madaling panahon upang mabigyan ng karapatan ang nais manatili sa Japan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento