Martes, Marso 26, 2013


TEPCO idinemanda ng Pinay
Ni Enrique Gonzaga

Dalawang taon na ang nakalipas simula noong niyanig ng malakas na lindol at tsunami ang Fukushima na bahagi ng Tohoku region. Isa sa mga naging epekto nito ay ang nangyaring “meltdown” ng Fukushima nuclear power plant na pinamamahalaan ng Tokyo Electric Power Co. Ltd (TEPCO) at nagdulot ng banta sa kalusugan dahil sa radiation levels.

Isa mga naapektuhan nito ay ang pamilya ni Shigekiyo Kanno na nakapangasawa ng isang Pinay na si Vanessa Abordo at mayroong dalawang anak na lalaki. Pangunahing pinagkakakitaan ng mag-asawa ang sakahan sa Soma, Fukushima na hindi na napakinabangan dahil sa naturang sakuna.

Umabot sa 40 ang baka na inaalagaan ng mag-asawa bago maganap ang trahedya na pinagkukuhanan nila ng binibentang gatas. Subalit, 10 araw pagkatapos ng trahedya ay nagkaroon ng “core meltdown” ang tatlong nuclear reactors ng TEPCO kaya’t inatasan ang mga naninirahan dito na likasin ang kanilang mga tahanan. Ipinatigil din ng gobyerno ang pag-uungkat ng mga produkto na mula sa Fukushima kabilang na ang gatas, na negosyo ng mag-asawa, dahil sa panganib na “radioactive contamination.”

Napilitang umuwi ng Pilipinas si Vanessa noong Abril 2011 upang doon muna patirahin ang kanilang dalawang anak habang naiwan si Shigekiyo sa Japan. Nangako si Shigekiyo kay Vanessa na maghahanap na lamang ng bagong trabaho para pantustos sa gastusin ng pamilya.

Imbes na maghanap ng trabaho ay pinili ni Shigekiyo na magpakamatay. Lingid sa kaalaman ni Vanessa ay nakautang pala ang kanyang asawa ng limang milyong yen para sa pagpapagawa ng compost pit para sa kanilang sakahan.

Nag-iwan si Shigekiyo ng paumanhin sa kanyang asawa at pamilya dahil sa kanyang ginawa dahil nawalan na umano siya ng gana na maghanap ng bagong trabaho matapos ang nangyari sa ipinundar na sakahan.

 “Ipagpatawad mo na naging ama ako sa mga anak natin at hindi nakagawa ng kahit ano para sa inyo,” ayon pa sa isinulat ni Shigekiyo sa kanyang iniwang sulat.

Pinayuhan din ni Shigekiyo ang asawa na huwag ng bumalik ng Japan at siguraduhing palakihin ng mabuti at malusog ang kanilang dalawang anak na lalaki.

Dahil sa malungkot na nangyari, nagpasya si Vanessa na magsampa ng demanda sa TEPCO makalipas ang dalawang taon. Ani Vanessa na hindi siya nagtatanim ng galit sa TEPCO ngunit humihingi siya ng kabayaran sa danyos-perwisyo na sanhi ng nuclear plant meltdown.

“Lahat gagawin ko para sa aking mga anak,” ani Vanessa.

Ayon kay Yukuo Yasuda, abogado ni Vanessa, mabibigyan ito at ang kanyang mga anak ng compensation mula sa TEPCO dahil hindi sila tumira sa pabahay ng gobyerno na inilaan para sa mga biktima ng Fukushima.
Dagdag pa ni Yasuda, ang pagpapakamatay ni Shigekiyo ay bunsod ng nangyaring nuclear plant meltdown kaya’t dapat na magbigay ng compensation ang TEPCO sa pamilya ni Shigekiyo.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento