Lunes, Marso 11, 2013

OAV: Kailangan pa ba ito?

Ni Ramil Lagasca

Gaganapin na naman ang midterm election sa Pilipinas sa darating na Mayo 13 at lingid sa kaalaman ng lahat na kahit na nasa ibang bansa ang mga Pilipino ay maaari pa rin itong bumo sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voters (OAV). Simula Abril 13 hanggang Mayo 13, maaaring bumoto ang mga Overseas Filipino Wokers (OFWs).

Naisabatas ang OAV o Republic Act no. 9189 noong Pebrero 13,2003 na nagbibigay ng oportunidad bilang isang mamamayan ng Pilipinas na makilahok sa pagboto sa halalan kahit nasa labas ito ng bansa. Subalit, marami sa OFWs ang hati ang opinyon hinggil sa pagpapatupad ng batas na ito.

Malaking isyu sa Pilipinas ang pagbili umano ng mga kandidato ng boto para manalo na hindi magagawa sa mga Pinoy na nasa Japan. Sino nga ba ang magbebenta ng boto sa halagang P500 kung sumasahod ka ng Y8,000 kada araw? Ang mas malaking katanungan ay kung kilala ba nila ang mga kandidato dahil karamihan ay matagal ng hindi nakakauwi ng bansa at wala rin sapat na oras para subaybayan ang plataporma ng bawat pulitiko. Ito ang dahilan kaya ang ilan ay mga beterano o kilalang kandidato na lamang ang binuboto.

Ang ilan sa mga migranteng kababayan natin ay nagsasabi na mas maiging ilaan na lang ang budget sa pagpapagawa ng mga paaralan at imprastruktura sa bansa kaysa gastusin sa OAV. May mga komento rin ang ating mga kababayan na hindi na mababago o makakaapekto sa pagbabago ng sistema kahit bumoto pa dahil sa maliit lamang ang bilang ng mamboboto sa ibang bansa. At ang iba ay nawalan na rin ng interes dahil sa pag-aalala na baka hind imaging matuwid ang iboboto. Mas ninanais ng iba na maupo at manahimik na lamang at ‘wag makialam dahil sila`y mas kampante na sa kasalukyang estado sa buhay sa ibang bansa.

Bukod dito, marami rin ang nagtatanong kung paano nga ba ang proseso sa OAV? Saan nga ba makukuha ang Voter`s ID? Kailan matatanggap ang balota at paano makakasiguro na ligtas ang mga balota? Iyan lamang ang iilan sa mga katanungan ng ating mga kababayan na hindi masyadong naipaliwanag noong sila ay nagparehistro.

Subalit, marami rin naman ang pabor sa OAV dahil karapatan umano ng bawat Pilipino na bumoto na isa sa kanilang pakunsuwelo dahil sa kanilang remittance na umaabot ng milyun-milyong dolyares kada taon na nagpapaganda sa ekonomiya. Isang malaking partisipasyon ito para sa OFWs upang makakadagdag ng boto sa karapat-dapat na kandidato dahil mahalaga ang bawat boto.

Sumugod din ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa iba’t ibang bahagi upang hikayatin ang mga Pilipino na magparehistro at makilahok sa OAV. Nagpalabas din ang Embahada sa kanilang website ng listahan noong nakaraang buwan ng mga pangalan ng maaaring maalis dahil sa hindi pagboto ng dalawang magkasunod na beses. Maaari naming manatili pa rin sa listahan basta’t ipagbibigay-alam sa kinauukulan.

Magbago man o hindi ang sistema sa Pilipinas, ang karapatan sa pagboto ay hindi maaring hadlangan lalo na’t nakasaad ito sa batas. Kung babalikan ang kasaysayan ng bansa ay napakaraming nang buhay ang ibinuwis laban sa pananakop sa mga Kastila , Amerikano at Hapon upang makamit lamang ang tunay na  kalayaan at kasama sa kalayaan na ito ay ang pagboto.

Ang mamamayang nawawalan ng pag-asang makamit ang kaunlaran at kapayapaan sa Pilipinas ay parang isang sundalong sumuko sa gitna ng labanan kahit may kakayanan pa itong lumaban. Kaya`t huwag sayangin ang panahon, bumoto ng tama para sa ikabubuti ng kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
       
Sa darating na halalan, sana naman ang mga Pilipino ay matuto nang pumili ng tamang taong maninilbihan sa bansa, isang kandidato na hindi makakalimutang pagsilbihan ng maayos at igalang ang mga taong nagluklok sa kanilang pwesto kabilang na iyong mga nasa ibang panig ng mundo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento