Martes, Hunyo 25, 2013

PM Abe, kinilala ang kabayanihan ni Rizal


Naging bida sa talumpati na ibinigay ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang mga kataga na isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, sa dinaluhan nitong conference kamakailan.

Tinalakay ni Abe sa 19th Annual Nikkei International Conference na may temang “The Future of Asia” ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng Japan. Sa kanyang talumpati na pinamagatang “An Asia of Tolerance and Humility That Learns from Each Other”, sinabi ni Abe na  malaki ang pagpapahalaga ng mga bansa sa Asya sa edukasyon at kasarinlan na ipinaglaban ni Rizal noon.

Bilang pagpapakita ng lubos na paghanga kay Rizal, binanggit ng lider ng Japan ang isa sa mga pamosong linya na isinulat ni Rizal sa El Filibusterismo na isa dalawang librong nilimbag ng bayani bilang pagtutol sa mga katiwalian ng mga Espanyol sa pagsakop sa Pilipinas.

“It is a useless life that is not consecrated to a great ideal. It is like a stone wasted on the field without becoming a part of any edifice,” ang linya na binanggit ni Abe.

Bukod dito, isinama rin ni Abe, na ngayon ay umaani ng parehong pagsuporta at pagtuligsa sa ipinapatupad na economic reform na “Abenomics”, ang linya sa isang sanaysay ni Rizal na nailathala sa La Solidaridad noong 1890.

“Without education and liberty, which are the soil and sun of man, no reform is possible, no measure can give the result desired.”

Naging batayan umano ang pagpapahalaga ni Rizal sa edukasyon at kasarinlan ng limang prinsipyo ng ASEAN diplomacy ng Japan na kanyang iginiit sa huling biyahe niya sa Southeast Asia noong Enero.

Binigyang-diin ni Abe ang lubos na paghanga ng mga Japanese sa kabayanihan ni Rizal at sa katunayan umano ay kanilang ipinagmamalaki ang 50-taong-gulang na rebulto ng pambansang bayani sa Hibiya Park sa Chiyoda Ward, Tokyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento