Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Prime Minister Shinzo Abe. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Prime Minister Shinzo Abe. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Hulyo 2, 2017

Cayetano, nag-courtesy call kay PM Abe

Ni Florenda Corpuz

Nagkita sina Prime Minister Shinzo Abe at DFA Secretary Alan Cayetano
sa Tokyo, Japan kamakailan para sa isang courtesy call.
(Kuha mula sa Cabinet Public Relations Office)

Nagkaroon ng courtesy call si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano kay Prime Minister Shinzo Abe sa Prime Minister’s Office kamakailan.

Ayon sa DFA, naging mabunga ang talakayan nina Cayetano at Abe tungkol sa pangkalahatang estado ng relasyon ng Pilipinas at Japan pati na rin ang taos-puso at mainit na pagkakaibigan nina Abe at Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanilang pag-uusap, tiniyak ni Abe ang patuloy na suporta ng Japan sa development priorities at kampanya ng pamahalaan ng Pilipinas laban sa ilegal na droga at terorismo.

Muli naman binigyan ng katikayan ni Cayetano si Abe na kontralado ng pamahalaan ang sitwasyon sa Marawi City.

Sinusuportahan ng Japan ang Mindanao Peace Process (MPP) sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.

Samantala, nakipagpulong din ang kalihim sa kanyang Japanese counterpart na si Foreign Minister Fumio Kishida sa isang working dinner na ginanap sa Iikura Guest House.

Nagpahayag ng pasasalamat si Cayetano sa walang tigil na suporta ng Japan para sa ikakaunlad ng Pilipinas kung saan tinukoy niya ang isang trilyong yen na financing package.

Nakipagkita rin si Cayetano sa iba pang opisyal ng pamahalaang Hapon at nagbigay ng press briefing sa Japan National Press Club. Nakipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo.

Nagtungo si Cayetano sa Tokyo para sa apat na araw na working visit. Nagbigay siya ng talumpati sa 23rd Nikkei International Conference on the Future of Asia noong Hunyo 6 kung saan niya inilahad ang mensahe ni Duterte na nakatakda sanang dumalo sa forum.

Photo: Nagkita sina Prime Minister Shinzo Abe at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa Japan para sa isang courtesy call.





            

Martes, Hulyo 7, 2015

Ambeth Ocampo, na-appoint sa Advisory Board ng Japan Foundation Asia Center

Ni Florenda Corpuz

Dr. Ambeth R. Ocampo kasama si Japanese Prime Minister Shinzo Abe
 (Kuha mula sa Facebook page ni Dr. Ambeth Ocampo)

Pormal na ang appointment ng kilalang mananalaysay ng kasaysayan, mamamahayag at manunulat na si Dr. Ambeth R. Ocampo sa Advisory Committee ng Japan Foundation Asia Center.

Sa kanyang Facebook post ay ibinalita ni Ocampo na tinanggap niya ang appointment.

“Accepted an appointment to the Advisory Board of the Japan Foundation Asia Center. After our recent meeting in Tokyo the ASEAN members paid a courtesy call on the Prime Minister of Japan.”

Isa si Ocampo sa 15 miyembro ng kumite na nagsagawa ng courtesy call kay Prime Minister Shinzo Abe sa Prime Minister’s Office noong Marso 31.

Mainit na tinanggap ng lider ng Japan sina Ocampo na nagpahayag ng pagkalugod para sa kanilang ambag sa promosyon ng kultura at pagkakasundo sa rehiyon.

“I would like to extend a warm welcome to the Prime Minister’s Office to all the ‘WA Project: Towards Interactive Asia through “Fusion and Harmony’ Advisory Board members.”

“The WA Project deepens the spiritual bonds between Japan and the other ASEAN nations, and I am delighted to welcome all of you who play such an important role as advisors to the project,” pahayag ni Abe.

Ang WA Project ay sinimulan base sa anunsyo ni Abe sa ASEAN-Japan Commemorative Summit Meeting noong Disyembre 2013 bilang bagong Asian cultural exchange policy na magpapatupad sa mga cultural exchanges sa pagitan ng mga bansa sa Asya, pangunahin ang mga kasaping bansa sa ASEAN.

Ang Japan Foundation Asia Center ay binubuo ng 21 cultural figures at experts mula sa Japan at kasaping bansa sa ASEAN kung saan si Ocampo ang kinatawan ng Pilipinas. Itinatag ito upang itaguyod at palakasin ang bilateral cultural exchange sa pagitan ng Japan at mga bansa sa Asya.


Pag-aaralan ng board ang mga ipinapatupad na programa ng Asia Center bago magsagawa ng rekomendasyon sa pangulo nito. Napag-usapan sa una nilang pulong ang progreso ng mga proyekto sa loob ng mga nakalipas na taon at mga plano sa hinaharap.

Huwebes, Oktubre 9, 2014

Limang kababaihan pasok sa Gabinete

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Prime Minister’s Office of Japan

TOKYO, Japan – Nagtalaga ng limang bagong opisyal na pawang mga kababaihan si Prime Minister Shinzo Abe bilang mga miyembro ng kanyang binalasang Gabinete kamakailan.

Nadagdag sa 18-miyembrong Gabinete sina Yuko Obuchi, 40, bilang economy, trade and industry minister; Sanae Takaichi, 53, bilang internal affairs minister; Haruko Arimura, 43, bilang state minister in charge of women's activities; Eriko Yamatani, 64, bilang state minister in charge of the abduction issue; at Midori Matsushima, 58, bilang justice minister.

Ito ang kauna-unahang pagbalasa ni Abe sa kanyang Gabinete matapos ang kanyang pagbabalik sa posisyon noong 2012 kung saan 2/3 sa mga miyembro ang pinalitan at dobleng higit ang mga kababaihan na itinalaga sa posisyon.

“Today, I reshuffled my Cabinet in order to work on the issues where we should lay greater emphasis, including building up vibrant and affluent local regions, bringing about a society in which women shine, and developing seamless security legislation,” pahayag ni Abe.

“Under this new line-up, the Cabinet will go all out to take on policy issues both foreign and domestic, with an invigorated approach and even greater effectiveness,” dagdag pa ng lider.

Binigyang-diin ni Abe ang kahalagahan ng pagpapalakas ng social status ng mga kababaihan sa bansa. Sa isang pahayag, sinabi nito na hindi dapat bababa sa 30% ang posisyon na ookupahin ng mga kababaihan sa pampubliko at pribadong sektor pagsapit ng taong 2020.

Samantala, isinagawa kamakailan ang kauna-unahang “World Assembly for Women in Tokyo” kung saan mahigit sa 100 prominenteng kababaihan mula sa bansa at iba’t ibang panig ng mundo ang dumalo.
           

Kauna-unahang ‘World Assembly for Women’ sa Tokyo ginanap

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Prime Minister’s Office of Japan
TOKYO, Japan – Matagumpay na ginanap ang kauna-unahang “World Assembly for Women in Tokyo” (WAW! Tokyo 2014) sa Keidanren Kaikan, Roppongi Hills at iba pang lugar sa bansa mula Setyembre 12 hanggang 14.

Pinangunahan ni Prime Minister Shinzo Abe at maybahay na si First Lady Akie Abe ang tatlong araw na pagpupulong na dinaluhan din ng mga prominenteng kababaihan sa larangan ng negosyo at pulitika mula sa iba’t ibang bansa.

“’Creating a society in which women shine,’ has consistently been one of my highest priority issues since the launch of my administration in December 2012… I reshuffled my Cabinet on September 3, where I appointed five women, and that number is said to be equal to the highest number ever in Japan,” pahayag ni Abe sa kanyang welcome remarks.

“Changes are now underway. And we have just now come to stand at the starting line. I will stand at the forefront as we work to build a society in which all people – both men and women – shine. I hope you can join me in taking action now,” dagdag ng lider.

Kabilang sa mga dumalo ay sina IMF Managing Director Christine Lagarde na siyang nagbigay ng keynote speech, U.S. Ambassador to Japan Caroline Kennedy, Disney/ABC President Anne Sweeney at dating U.K. First Lady Cherie Blair. Nagbigay din ng video message si dating U.S. Secretary of State Hillary Clinton.

Kinatawan naman ng Pilipinas si Senador Loren Legarda na kilalang tagapagtaguyod ng women empowerment sa bansa lalo na pagdating sa disaster risk reduction and management.

“To rescue the Japanese economy is to empower its women… Dynamism and ingenuity is what we need,” pahayag ni Legarda sa kanyang keynote speech.

Tinalakay sa pulong ang mga isyu ukol sa kababaihan tulad ng “economic benefits achievable by promoting the active roles of women, diversity in working styles, the development of society, and the common issues relating to women throughout the world.” Mula sa mga pagpupulong na ito ay ipinahatid ng Tokyo sa buong mundo ang mga mensahe at ideya kung paano mas maitataguyod ang papel ng kababaihan sa lipunan.

Ang “WAW! Tokyo 2014” ay inorganisa ng apat na organisasyon – The Government of Japan, KEIDANREN (Japan Business Federation), Nikkei Inc., at ng Japan Institute of International Affairs at suportado rin ng Japan Center for Economic Research. Ito ay taunan nang gaganapin sa bansa.


Isa ang Japan sa mga mayayamang bansa sa buong mundo na may maliit na porsyento ng female workforce. Kasama sa “Abenomics” policy ni Abe ang pagpaparami ng mga kababaihan sa workforce upang maiangat ang ekonomiya ng bansa.

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Aquino, balak gamitin ang Japanese ISDB-T

 Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Robert Vinas/MalacaƱang Photo Bureau

Nagpahayag ng interes si Pangulong Benigno Aquino III na gamitin ng Pilipinas ang Japanese Integrated Service Digital Broadcasting – Terrestrial (ISDB-T) standard kapag lumipat na ang bansa sa digital terrestrial television o DTV.

Sa bilateral meeting na ginanap sa Brunei Darussalam kamakailan kasama si Japanese Prime Minister Shinzo Abe, sinabi ni Aquino sa kanyang Japanese counterpart ang ginagawang pag-aaral ng pamahalaan sa planong transisyon sa bagong tv standard.
           
Ayon kay Pangulong Aquino, nakumpleto na ng technical working group ang kanilang assessment at iminungkahi ng mga stakeholders na gamitin ng Pilipinas ang Japanese system. 

“May last step na gagawin ang NTC, which is to hold a hearing among the stakeholders who were actually the proponents. So parang we are migrating to the Japanese digital standards—that’s one thing we discussed,” pahayag ng Pangulo.

Dinagdag pa ng Pangulo na magpapatawag ng final hearing ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa mga stakeholders na siyang huling hakbang para sa gagawing transisyon.

“The reason why Philippine industry experts prefer the Japanese standard is its ability for an emergency broadcast during emergencies. We are told that it was used during the Fukushima incident. ‘Yung Shinkansen bullet trains managed to stop x number of seconds on a minute prior to the earthquake hitting, (and) saved lives; ‘yung ability to turn on television sets to broadcast this warning maski na naka-off,” paliwanag ng Pangulo.

Sa kabilang banda, sinabi naman ng mga proponents ng European system na kaya rin nilang gumawa ng tulad ng sa Japanese system na may parehong kapabilidad. Ani pa ni Pangulong Aquino, bentahe ng Japanese system ay ang madalas na pagbisita ng mga sakuna sa Japan tulad ng Pilipinas, at ang sistemang ito ang kanilang ginagamit.

“The European continent is not visited by the disasters that Japan and we are visited with. So they might be able to meet that need, whereas Japan has demonstrated that they are actually meeting this particular facility of service,” saad ng Pangulo.

Nauna nang inindorso ng NTC sa Department of Science and Technology (DOST) ang adoption sa Japanese standard sa halip na ang European standard para sa migration ng Pilipinas sa digital terrestrial TV sa taong 2015.

Samantala, nilagdaan na ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang circular for “Standard for Digital Terrestrial Television (DTT) Broadcast Service” kamakailan na maghuhudyat ng pagbubuo ng technical working group na magsasagawa ng implementing rules at regulations sa Disyembre.

Sinasabing naglabas ng ilang bilyong piso ang mga pangunahing networks sa bansa para sa paghahanda ng paglilipat sa digital TV: ABS-CBN (P2 bilyon), GMA (P1 bilyon) at TV5 (P500) milyon.

Kinakailangang magbayad ng mga mamimili ng halagang P1,000 para sa set-top box sa mga TV sets na may analog tuners. Ang device na ito ang makakatanggap ng signal para sa digital TV.


Matatandaang ipinahayag ni Abe ang kanyang pag-asam na gagamitin ng Pilipinas ang digital terrestrial television system ng Japan noong bumisita ito sa bansa noong Hulyo 27. 

Martes, Hunyo 25, 2013

PM Abe, kinilala ang kabayanihan ni Rizal


Naging bida sa talumpati na ibinigay ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang mga kataga na isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, sa dinaluhan nitong conference kamakailan.

Tinalakay ni Abe sa 19th Annual Nikkei International Conference na may temang “The Future of Asia” ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng Japan. Sa kanyang talumpati na pinamagatang “An Asia of Tolerance and Humility That Learns from Each Other”, sinabi ni Abe na  malaki ang pagpapahalaga ng mga bansa sa Asya sa edukasyon at kasarinlan na ipinaglaban ni Rizal noon.

Bilang pagpapakita ng lubos na paghanga kay Rizal, binanggit ng lider ng Japan ang isa sa mga pamosong linya na isinulat ni Rizal sa El Filibusterismo na isa dalawang librong nilimbag ng bayani bilang pagtutol sa mga katiwalian ng mga Espanyol sa pagsakop sa Pilipinas.

“It is a useless life that is not consecrated to a great ideal. It is like a stone wasted on the field without becoming a part of any edifice,” ang linya na binanggit ni Abe.

Bukod dito, isinama rin ni Abe, na ngayon ay umaani ng parehong pagsuporta at pagtuligsa sa ipinapatupad na economic reform na “Abenomics”, ang linya sa isang sanaysay ni Rizal na nailathala sa La Solidaridad noong 1890.

“Without education and liberty, which are the soil and sun of man, no reform is possible, no measure can give the result desired.”

Naging batayan umano ang pagpapahalaga ni Rizal sa edukasyon at kasarinlan ng limang prinsipyo ng ASEAN diplomacy ng Japan na kanyang iginiit sa huling biyahe niya sa Southeast Asia noong Enero.

Binigyang-diin ni Abe ang lubos na paghanga ng mga Japanese sa kabayanihan ni Rizal at sa katunayan umano ay kanilang ipinagmamalaki ang 50-taong-gulang na rebulto ng pambansang bayani sa Hibiya Park sa Chiyoda Ward, Tokyo.

Lunes, Mayo 27, 2013

Senator Angara, pinarangalan ni Emperor Akihito


Senador Angara at Ambassador Lopez

Dahil sa kanyang malaking kontribusyon sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Japan, pinarangalan si Senador Edgardo Angara ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun ni Emperor Akihito sa Imperial Palace, Tokyo kamakailan lamang.

Bukod sa parangal na ito, mismong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang nagbigay din ng certificate na kasama ng naturang award. Labis na ipinagpasalamat ni Angara na personal na pumunta sa Japan para tanggapin ang naturang parangal.

“I am deeply humbled by this recognition from the government of Japan. This honor is a testament to Japan’s abiding interest in the enhancement of their ties with the Philippines. I am resolved to continue my own long-standing advocacy of further strengthening the bonds of friendship and cooperation between our peoples,” pahayag ni Angara pagkatapos ng awarding rites.

Matatandaan na noong 1988 ay itinatag ni Angara ang Philippine-Japan Parliamentarians Association (PJPA) kung saan siya rin ang tumayong pangulo. Pinangunahan din niya ang kauna-unahang PJPA delegation na bumisita sa Japan para makipagpulong sa ilang miyembro ng National Diet at iba pang opisyales.

Isa rin si Angara sa sumuporta sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) na naipasa sa Senado noong 2008.

Ibinibigay ang Order of the Rising Sun sa mga indibiduwal na nagkaroon ng malaking kontribusyon sa international relations, pagtataguyod sa kulturang Hapon, pangangalaga sa kalikasan, at pagsulong sa mga programang nakakapagpaunlad ng lipunan.

Ilan sa mga nabigyan na ng Order of the Rising Sun, na binuo noong Abril 1875, ay sila Singaporean Prime Minister Lee Kuan Yew, dating UNICEF executive director Carol Bellamy, dating Brookings Institution president Michael Armacost, dating Foreign Affairs secretary at UNGA president Carlos P. Romulo at dating Ambassador to Japan Alfonso Yuchengco.