Lunes, Hulyo 14, 2014

MUSIC BITS: One Direction, Philpop, Taylor Swift, Teeth, Maja Salvador


Pinoy fans ng One Direction napaiyak ng maubusan ng tickets

Hindi napigilang mapaiyak ng mga Filipino fans, karamihan ay mga teenagers, na pumila ng ilang oras nang maubusan na sila ng tickets para sa concert ng sikat na English-Irish boyband na One Direction sa darating na Marso 21, 2015.

Nagtiyagang pumila ang libo-libong fans ng One Direction na hindi ininda ang kamahalan ng tickets na nasa Php17,000 (VIP); Php14,000 (Diamond); Php7,000 (Titanium); Php3,500 (Gold); Php2,000 (Silver) at Php1,000 (General Admission).

Inaayos na ng produksiyon na nasa likod ng “One Direction on the Road Again Tour 2015” na gaganapin sa SM Mall of Asia Concert Grounds na magkaroon ng second day concert para makapanood din ang marami pang fans na hindi nakakuha ng tickets.

Ang One Direction ay binubuo nina Harr Styles, Niall Horan, Liam Payne, Louis Tomlinson, at Zayn Malik na kamakailan lamang ay naglabas ng kanilang third album na pinamagatang “Midnight Memories” na ngayon ay hit album na.

Universal Records producer ng Philpop 2014 album

Ipinagmalaki ng Universal Records na sa ikalawang pagkakataon ay nakipagtulungan sila Philippine Popular Music Festival (Philpop) upang ilabas ang Philpop 2014 album na itinatampok ang ilan sa orihinal na kantang Pinoy.

Naglalaman ng 12 kanta ang naturang album na siya rin entries para sa gaganaping Philpop Festival. Ang mga kantang nakapaloob sa album ay ang “QRush On You” ni Q-York, “Torpe” ni Daryl Ong, “Babalikan Mo RIn Ako” ni Soc Villanueva, “Awit Mo’y Nandito Pa” ni Toto Sorioso, “The Only One” ni Popsie Saturno-San Pedro, at “Hangout Lang” nina Allan Feliciano a Isaac Joseph Garcia.

Kasama rin ang “No Girlfriend Since Break” ni Davey Ryan Edward Langit, “Song on a Broken String” ni Jude Gitamondoc at Therese Marie Villarante, “Kung Akin ang Langit” nina Chi Datu-Bocobo at Isaac Garcia, “Dear Heart” ni Mike Villegas, “Salbabida” ni Jungee Marcelo, at “Langit Umaawit” ni Toto Sorioso.

Ilan sa mga kilalang mang-aawit ang napiling mag-interpret ng mga kantang ito tulad nina Kyla, Kris Lawrence, JayR, Elmo Magalona, Tom Rodriguez, Nikki Gil, Duncan Ramos, Kiana Valenciano, Clara Benin at Mcoy Fundales.

Taylor Swift pinakilig ang Pinoy fans sa concert

Isang sold-out concert ang ginanap kamakailan tampok ang “Country Music Princess” na si Taylor Swift nang mag-concert ito sa SM Mall of Asia Arena kamakailan bilang bahagi ng kanyang “The Red Tour.”

Kinanta ni Taylor ang ilan sa kanyang mga pinasikat na kanta na kinabibilangan ng “Red,” “I Knew You Were Trouble,” “22,” “Love Story,” “I Knew You Were Trouble,” “We Are Never Getting Back Together,” at “Everything Has Changed.”

Namangha rin ang fans sa mga magagarang kasuotan at produksiyon na sinuot at ginawa ni Taylor kabilang na rin ang pagsambit nito ng mga salitang Pinoy tulad ng “Mahal kita” at “Mabuhay.”

90’s Pinoy rock band na The Teeth nagdaos ng reunion concert

Sumikat noong 1990s, isang reunion concert sa Metrotent sa Pasig ang idinaos ng Pinoy grunge rock band na The Teeth, na nagpasikat ng ilan sa mga Pinoy songs, para sa kanilang fans na huli silang narinig mahigit 10 dekada na ang nakararaan.

Kinanta ng grupo ang mga kantang nakapaloob sa kanilang albums na “Bum Squad,” “Time Machine” at “I Was a Teenage Tree.” Binuksan ng banda ang concert sa pamamagitan ng pagkanta ng “Tugtugan Na” na sinndan ng “Galit sa mundo,” “Epekto,” “Hay Sarap,” “Time Machine,” “Take a Ride,” “Bum Squad,” “Unleaded,” “Me,” “Chicharon,” “BMX,” “Dogs Can Fly,” “Darating,” “Sorry,” at “Shooting Star.”

Highlight ang pagkanta ng banda ng “Tampo,” “Prinsesa” at “Laklak” kung saan lahat ng nasa concert ay hindi napigilang umindak, tumalon at sumabay sa pagkanta.

Ang The Teeth ay binubuo nina Glenn Jacinto (vocalist), Dok Sergio (bassist), Pedz Narvaja (bassist), Dok Sergio (bassist), Jerome Velasco (guitarist), at Mike Dizon (drummer).

Maja Salvador, naluha sa Gold record award’

Naluha sa tuwa ang actress-singer na si Maja Salvador matapos tanggapin ang Gold record award para sa kanyang unang album na “Believe” na iginawad sa kanya sa noontime variety show, ASAP.

Ayon sa music label n Maja, bumenta ng 7,400 copies ang album ni Maja dalawang buwan matapos itong ilabas sa music stores. Labis naman ang pagpapasalamat ng Kapmilya actress at “The Legal Wife” star sa mga bumili ng kanyang album na akala niya ay mananatiling pangarap lamang.


“Hindi ko akalain na magkakaroon ako ng album, kasi dati niloloko ko lang na gusto kong magka-album at tinupad po ‘yon ng Ivory. Sa lahat po ng bumili ng aking album, ang sarap ng pakiramdam, gold na, thank you po,”  pahayag ni Maja.

Kyla shares ‘Journey’ in new album

Ni Len Armea

Masayang-masaya ang R&B Princess na si Kyla nang humarap sa press kamakailan para ibahagi ang kanyang bagong album na pinamagatang “Journey.” Ito ay dahil apat na taon na ang nakalipas mula ng makapag-record siya ng mga kanta para sa album niya noon na “Private Affair.”

Hindi naikubli ng 33-taong-gulang na mang-aawit at ngayo’y mommy na ng isang-taong-gulang na bata na si Toby Elsiah ang kagalakan habang ikinukuwento ang nilalaman ng kanyang bagong album na mayroong anim na orihinal na mga kanta.

“Para sa akin, wala namang nasayang na oras. When I was taking a break I was still writing songs, iyong dalawa sa mga kanta ko sa album na ito ay nagawa ko noong buntis ako. Nakatulong sa akin iyong break kasi mas naging excited ako na gumawa ulit ng album. Iba iyong excitement, mas may gigil,” pahayag ni Kyla.

Ang tinutukoy na dalawang kanta ni Kyla na kanyang isinulat ay ang title track na “Journey” na kung saan kasama niyang maglapat ng musika ang R&B Prince na si JayR habang ang isang kanta naman ay ang “I Got This” na kanyang ginawa kasama ang kaibigang si Yosha Honasan.

Naisulat ni Kyla ang Journey habang sila ay nagbabakasyon ng asawa at basketbolistang si Rich Alvarez sa ilang bansa sa Europe. Ani ng magaling na singer, manghang-mangha siya sa magagandang lugar na kanilang napuntahan at ito ang naging inspirasyon niya sa pagkakalikha ng naturang kanta.

Ipinagmalaki rin ni Kyla ang kantang “My Heart” na ginawa ni Brian McKnight bilang regalo sa kanilang kasal noong 2011. Inamin ni Kyla na isa sa mga hinahangaan niyang singer si Brian kaya’t labis niyang ikinatuwa nang pumayag ang international singer na makipag-duet sa kanya.

“Ipinagdasal at nilakasan ko talaga iyong loob ko na tanungin siya kung puwede kaming mag-duet at pumayag naman siya kaagad. I’m thankful to God for the opportunity to record a song with one of my idols,” aniya.

Bukod sa tatlong kanta, kasama rin sa album ang “Kunwa-Kunwari Lang,” na isinulat ng pamosong composer na si Jungee Marcelo kasama si Francis Salazar; ang “Dito Na Lang,” na nakakapagpaalal kay Kyla sa kanyang kantang “Hanggang Ngayon”; at ang “Atin ang Walang Hanggan,” na nagpakita ng galing ni Kyla sa R&B.

Hindi rin ikinaila ni Kyla na malaki rin ang ginagampanan ni Rich at ni Toby sa kanyang buhay bilang isang mang-aawit dahil mas naging sensitibo umano siya sa bawat kantang inaawit. Sa pagdaan ng panahon ay mas nahasa ang kanyang galing sa pag-awit dala na rin ng kanyang kagustuhan na maging inspirasyon din sa ilan na nangangarap na magkaroon ng karera sa musika.

“When I listen to my old albums, it sounded so much different. Ngayon kasi mas may maturity, mas technical, mas may puso,” giit ni Kyla na pinapangarap na makapagdaos muli siya ng concert sa malaking venue gaya ng Araneta Coliseum at maka-duet ang isa pang hinahangaang idolo na si Alicia Keys.

“I have been praying and dreaming of having a concert this year because my last major concert was in 2005 at the Araneta Coliseum. In television, we are only given a few seconds or a few minutes to showcase our talent and sometimes it’s not even enough to showcase anything.

“Sa concert kasi maipapakita ko talaga iyong passion ko sa pagkanta, iyong mga kaya ko pang gawin, na maka-inspire rin ako sa ibang tao. I’m hungry for it.”

Martes, Hulyo 8, 2014

Parasailing Away!

Ni Herlyn Alegre

Ilan sa mga pinakapatok na beach activities tuwing summer ay ang surfing, snorkeling, scuba diving, helmet diving at kamakailan, unti-unti na rin nagiging popular ang cliff diving. Pero hindi lang mga water sports ang pwedeng pagkaabalahan tuwing summer. Para sa mga naghahanap ng bagong experience, magandang subukan ang parasailing.

Parasailing vs. Paragliding
           
Ang parasailing ay kilala rin sa tawag na “parakiting.” Nakasabit ang parasailers sa isang malaking parachute gamit ang harness. Ang parachute na ito ay especially designed para sa activity na ito at naiiba sa mga karaniwang ginagamit sa skydiving.

Naiiba rin ito sa paragliding dahil ang parasail ay hinihila ng isang sasakyan. May dalawang uri ng parasailing – aquatic at terrestrial. Sa aquatic, hinihila ang parasail ng isang speedboat o yate, habang sa terrestrial naman ay hinihila ito ng isang 4x4 jeep. Walang control ang parasailers sa kanilang parasail dahil ang may control sa pagtaas at pagbaba nito ay ang mga tao na nasa sasakyang humihila nito. Samantalang sa paragliding naman, may kakayahan ang paraglider na ikontrol ang taas, bilis at direksyon ng paraglide. Karaniwang pinalilipad ang parasail sa taas na 400ft-1200ft, samantalang umaabot naman sa 15,000ft ang paraglide.

Sa pagtake-off ng parasail, kailangan walang ibang bagay na nakasasagabal sa paglipad nito. Karaniwan itong ginagawa sa isang open space o sa gitna ng laot kung saan hindi masyadong malakas ang alon. Hindi nagiging stable ang pag-angat ng parasail kung nauuga ang bangka ng malakas ng alon. Samantalang, sa paragliding naman, kailangan itong gawin sa isang mataas na lugar tulad ng bundok kung saan may tamang lakas ng hangin.

Parasailing sa Boracay

Ang isa sa mga pinakakilalang lugar sa Pilipinas kung saan maaaring magparasailing ay walang iba kung hindi sa Boracay. Nagkakahalaga ng P1,500 bawat tao ang parasailing. Maaari itong gawin ng dalawa o tatlong tao ng magkakasabay. Sa una ay isasakay ang parasailers sa isang speedboat na magdadala sa kanila sa laot. Sa laot ay ililipat sila sa isa pang maliit na yate kung saan isusuot ang life vests, helmets at iba pang safety gear. Dito rin ikakabit ang kanilang mga harness sa parasail. At dito dahan-dahang paaangatin ang parasail hanggang sa maabot na nito ang gustong taas.  

Tips sa mga Mga Nais Sumubok mag Parasail

Sadyang nakakakaba talaga sa una ang pagpaparasail lalo na yung panahon kung kalian dahan-dahan itong itinataas sa ere. Pero hindi naman mabilis ang pagtataas na ito, mabagal at maingat itong ginagawa kaya ligtas naman. Ang sumusunod ay ilang tips para sa mga nais sumubok ng parasail:

  • l  Huwag titingin sa ibaba. Tumingin sa malayo at i-appreciate ang laot, ang mga isla, ang papalubog na araw, pero ‘wag na ‘wag titingin sa ibaba dahil siguradong magbibigay kaba at lula lamang ito.
  • Kumapit sa harness at mag-relax. Sa una lang naman nakakatakot ang pagpaparasail, pero kung nasa itaas ka na ay nakakarelax na ito. Presko ang simoy ng hangin at tahimik. Marami kang mga makikita at madidiskubreng mga bagay mula sa pagtanaw mula sa ibabaw ng dagat. May makikita kang mga lumulundag na mga isda, may mga taong kumakaway mula sa mga dumadaang pampasaherong barko, may magagandang isla sa malayo at marami pang iba.  
  • Magsama ng pamilya o malapit na kaibigan. Mas masaya kung may kasama kang kabahan, matakot, tumawa at tumingin sa ganda ng paligid. Mas nagiging maganda ang mga tanawin kung nakikita mo ito kasama ang mga taong mahalaga sa’yo.  


Parasailing sa Japan

Hindi lamang sa Pilipinas maaaring masubukan ang parasailing. Marami rin mga lugar sa Japan kung saan maaaring subukan ang parasailing, Okinawa ang pinakapopular dito. Tulad ng sa Pilipinas, maganda rin ang dagat sa Okinawa – malinaw ang tubig at maraming mga magagandang magkakalapit na isla. Pwede rin subukan sa Kanagawa, Chiba at Saitama ang parasailing. Mayroong mga package online na maaaring ipa-book ilang linggo bago ang planong pagpaparasail para hindi maubusan ng slots lalo na kung peak season.


Kaya ngayong summer, para maiba naman, isang magandang experience ang subukan ang parasailing. Hindi lamang ito isang bagong paraan ng pagtanaw sa paligid, kung hindi isang bagong paraan sa pagsalubong ng tag-init!

Lunes, Hulyo 7, 2014

An enjoyable summer at Tokyo’s Sanno Matsuri

Ni Florenda Corpuz

Tuwing sasapit ang buwan ng Hunyo ay inaabangan ng maraming tao ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri na isa sa pinakapopular na festivals sa lungsod ng Tokyo at isa rin sa tatlong pinakamalaking festivals sa buong Japan.

Nitong Hunyo 13 ay sinimulan ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri na tatagal nang mahigit sa isang linggo kung saan iba’t ibang kaganapan ang isasagawa kabilang na ang pangunahing prusisyon na kung tawagin ay “Jinkosai”. Ang Jinkosai ay nagaganap lamang tuwing even number ang taon. Dito, daan-daang katao ang makikitang nakasuot ng makukulay at sinaunang kasuotan habang may buhat na “mikosho” o portable shrines at “dashi” o festival floats na napapamalamutian ng phoenix, isang uri ng ibon, sa tuktok nito. Habang ang iba naman ay may hawak na drums o di kaya’y nakasakay sa kabayo.

Makakakita rin ng mga taong nakadamit tulad ng goblin na nagngangalang Tengu na may pulang mukha at mahabang ilong at pinaniniwalaang nagtataglay ng mga supernatural powers. Sila ay nagpuprusisyon mula Hie-jinja Shrine kung saan nakadambana ang guardian deity ng Tokyo na pinaniniwalaang tagapagbantay ng siyudad patungo sa Tokyo Station, Diet Building, Ginza at iba pang pangunahing lugar sa lungsod. Tumatagal ng halos 10 oras ang prusisyon na umaabot sa mahigit sa 600 metro ang haba.

Bukod sa Jinkosai, kaabang-abang din ang “Sanno Chinkasai,” isang purification ceremony na ginaganap sa Hie Shrine kung saan ang mga tao ay nagtutungo sa isang malaking bilog na hinabi gamit ang kawayan na pinaniniwalaang nag-aalis sa mga kasalanan na nagawa sa nakalipas na anim na buwan at nakapagbibigay ng swerte. Makakakita rin ng mga display ng mga bulaklak na nakaayos sa istilo ng Ikebana. Maaari rin makatikim ng masarap at espesyal na Japanese green tea. 

Ayon sa kasaysayan ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri ay iniaalay para sa mga tagapamuno noong Edo period (1603-1867). Sa kasalukuyan, nag-aalay ng panalangin para sa Imperial Family. Noong 2012, nag-alay naman ng panalangin para sa mga naging biktima ng Great East Japan Earthquake.


Sa paglipas ng panahon, ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri ay hindi na kasing grandiyoso noong Edo period upang hindi makaabala sa trapiko at komersyo. Kung dati’y aabot sa 40 floats ang pinaparada, iilan na lang ito sa kasalukuyan. Sa kabuuan ng pagdiriwang, maaaring makisaya sa iba’t ibang kaganapan na nagpapakita ng mayamang kultura at tradisyon ng mga Hapon.

Linggo, Hulyo 6, 2014

Jiro Ono and his perfect sushi

Ni Florenda Corpuz

 
Jiro Ono. Kuha mula sa Magnolia Pictures

Kamakailan ay mainit na tinanggap ni Prime Minister Shinzo Abe si U.S. President Barack Obama nang bumisita ito sa bansa sa pamamagitan ng pagdadala rito sa Sukiyabashi Jiro, ang pinakamasarap na sushi restaurant sa buong mundo na ginawaran ng prestihiyosong three-star rating ng Michelin Guide.

Ang three-star Michelin rating ay nangangahulugan na sulit magtungo sa isang bansa para lamang kumain sa isang partikular na restaurant. 

Matatagpuan sa basement ng isang gusali sa subway station sa Ginza, ang Sukiyabashi Jiro ay 10-seat, sushi-only restaurant na naging popular sa mga lokal at dayuhang turista dahil sa TV show ni Anthony Bourdain na “No Reservations.” Lalo pa itong naging pamoso matapos ipalabas ang documentary film na “Jiro Dreams of Sushi” ni David Gelb.

Sa docu film, ipinakita kung paano inihahanda ang sushi sa nasabing restaurant mula sa masusing pagkuha ng mga sangkap sa Tsukiji Fish Market at mabusising paghahanda rito ng mga apprentices na mahigit 10 taon na pinag-aralan ang mga technique hanggang sa kanila itong maperpekto.

Sabay na ninamnam ng dalawang lider pati na rin ng kanilang entourage ang masasarap na sushi na inihain sa kanila ng 89-taong-gulang na si Jiro Ono, ang may-ari ng Sukiyabashi Jiro na tinaguriang “World’s Greatest Sushi Chef.” Pagkatapos ng hapunan ay hindi napigilang sambitin ni Obama ang mga katagang “best sushi I’ve ever had in my life.”

Dahil sa popularidad ng Sukiyabashi Jiro, may kamahalan ang presyo ng sushi na inihahain dito na aabot sa Y30, 000. Ito ay ang Chef’s Recommended Special Course na binubuo ng 20-piece sushi at inihahanda sa loob lamang ng lampas 20 minuto. Sadyang napakarami ng mga taong nagnanais na matikman ang perfect sushi ni Jiro Ono kaya naman kinakailangan magpareserba isang buwan bago ang nakatakdang pagbisita.

Isinilang si Jiro Ono noong Oktubre 25, 1925 sa Shizuoka at nagsimulang matuto ng paggawa ng sushi noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang. Sa paglipas ng panahon, naperpekto niya ang paggawa nito kaya naman ngayon ay itinuturing siyang national treasure ng bansa.

Sa kasalukuyan, katuwang ni Jiro Ono ang kanyang panganay na anak na si Yoshikazu Ono at kanilang mga apprentices sa pagpapatakbo ng Sukiyabashi Jiro. Habang ang pangalawa naman niyang anak na si Takashi Ono ay ang siyang nangangasiwa sa kanilang Roppongi branch.

            Samantala, kumalat kamakailan ang kontrobersiya ukol sa isang Chinese student na nag-aaral sa Japan na hindi nagustuhan ang hilaw na sushi na inihanda rito. Nag-request ang estudyante na iluto ito na mariing tinanggihan nina Jiro Ono sapagkat ito ay taliwas sa kanilang nakagawian. Naayos din ang problema nang muling bumalik ang estudyante sa restaurant at personal na humingi ng paumanhin na tinanggap naman ng master sushi chef.


Huwebes, Hulyo 3, 2014

Proud Celebrity Dads

Ni Joseph Gonzales


Bigyang-tanaw natin ang ilan sa pinakamaiinit na celebrity dads sa mundo ng lokal na aliwan. Maliban sa kanilang popularidad at achievements sa larangang ninais kabilangan, maipagkakapuri rin sila sa pagiging mabubuti at huwarang ama na mapagmahal at mapagkalinga sa kanilang pamilya lalo na sa mga supling. Tulad ng mga normal na haligi ng tahanan, supportive sila at matamang ginagabayan ang kanilang mga anak kaya lumalaki ang mga itong maaayos sa kabila ng kanilang pagiging abala sa kanilang trabaho bilang mga aktor.


·         RICHARD GOMEZ---Iisa lamang ang anak nila ni Lucy Torres-Gomez, si Juliana na marami ang nagsasabing mas hawig kay Goma habang lumalaki. Bata pa lang ay aktibo na si Juliana at malaki ang impluwensya ni Richard dito. Kilala bilang isang sportsman, unti-unti nitong naipamukha sa anak ang kahalagahan at benepisyo ng mga larong pampalakasan para sa kalusugan. Hindi nakapagtatakang maging atleta rin si Juliana tulad ng kanyang ama balang-araw.

·         AGA MUHLACH---Kambal ang anak nila ni Charlene Gonzalez, sina Andres at Atasha na parehong magagandang bata. Protective si Aga sa kanyang mga anak. Oo nga’t nakagawa na ang mga ito ng TV commercial na kasama silang mag-asawa pero hindi niya hinahayaang pasukin ng mga ito ang showbiz sa kanilang murang edad. Mahalaga pa rin para kay Aga na makapagtapos muna ang mga ito ng pag-aaral at saka pa lamang makapagde-desisyon kung susunod din ba ang mga ito sa mga yapak ng kanilang mga sikat na magulang.

·         ZOREN LEGASPI---Isa ring mapagmahal na ama si Zoren sa kambal nila ni Carmina Villaroel na sina Mavey at Casey. Maayos ang pagpapalaking ginawa nila ni Mina sa mga ito. May mga TV commercial na silang nagawa bilang isang pamilya at kitang-kita kung gaano sila ka-close at paanong asikasuhin ni Zoren ang mga anak at asawa.

·         RYAN AGONCILLO---Masipag na tatay si Ryan at kitang-kita ito sa drive niyang magtrabaho para sa mga anak na sina Lucho at Yohan. Maganda ang tandem nila ng asawang si Judy Ann Santos. Supportive sila sa mga pangangailangan ng mga bata, hindi lamang sa materyal na aspeto kundi maging sa pagpapadama ng pagmamahal. Sa kabila ng kanilang busy schedule sa showbiz, isinisingit pa rin nila ang mahahalagang bonding moments tulad ng pagbiyahe para buo silang pamilya na nagsasaya.

·         ROBIN PADILLA---Protective father naman si Binoe sa mga anak. Liban sa pagiging good provider, nariyan siya palagi upang gabayan at proteksyunan ang kapakanan ng mga ito. Tulad na lamang ng pag-alalay niya noong pasukin ng anak na si Kylie ang pag-arte. Nariyan ang kanyang mga paalala at payo kung paano i-handle ang namumukadkad nitong acting career at maging noong maugnay ang dalaga kay Aljur Abrenica ay laging ipinadarama ni Binoe ang kanyang presensya bilang ama na handang dumamay dito sa lahat ng sandali.

·         PIOLO PASCUAL---Si PJ ang tipo ng ama na konserbatibo pero cool din kung kinakailangan. Malaki na rin ang anak niyang si Iñigo pero hindi niya gaanong ini-expose sa publiko upang proteksyunan ang privacy nito. Nais pa rin ng award-winning actor na lumaki itong normal na malayo sa maintriga at magulong mundo ng showbiz.

·         MARK HERRAS---Naging matapang naman si Mark sa pag-amin na meron na siyang anak, si Ada na bininyagan na kamakailan. Sa ngayon ay pitong buwan na ang batang babae na sinabi ni Mark na hindi niya kailanman maituturing na pagkakamali sa buhay. Kaya nga hindi na niya itinago pa ang katotohanang ito kahit marami ang nagsabing baka makaapekto ito sa estado ng kanyang career. Kitang-kita nga ang pagmamahal ni Mark sa bata at nangako pang iiwas na sa imaheng “bad boy” at “playboy” alang-alang dito.

·         RICHARD GUTIERREZ---Proud father na rin nga ang dating Prime Time King ng GMA. Sa wakas ay tinuldukan na rin niya ang mga haka-haka at inamin sa reality show ng kanilang pamilya sa E! Channel ang tungkol sa pagbubuntis at panganganak ng lady love nitong si Sarah Lahbati. Ang kanyang anak na lalake na pinangalanan nilang Zion ay bininyagan noon mismong Father’s Day. Sa Instagram photos nga ay makikita kung gaano kasaya si Chard sa pagdating ng anak sa kanyang buhay.

·         OGIE ALCASID---Mapagmahal. ‘Yan ang perpektong deskripsyon kay Ogie kung ang pag-uusapan ay pagiging ama. May dalawa siyang anak na babae sa dating asawang si Michelle Van Eimeren, sina Leila at Sarah at isang anak na lalake kay Regine Velasquez, si Nate. Aminado ang singer-comedian-songwriter na balanced siya bilang isang ama: spoiler at disciplinarian siya. Hindi niya alintanang magpabalik-balik sa Australia para bisitahin ang mga anak doon at kadalasa’y kasama pa si Regine at Baby Nate.


·         MARVIN AGUSTIN---Kambal din ang anak ni Marvin, sina Sebastian at Santiago. Naging matapang din noon ang aktor sa pag-amin sa publiko tungkol sa mga bata. Hindi niya inalintana ang magiging epekto nito sa kanyang career. Pero sa obserbasyon ng karamihan ay nakabuti pa nga ito dahil lalo siyang sinuwerte hindi lamang sa showbiz career kundi maging sa pagiging restaurateur. Ang lahat ng pagsisikap at tagumpay ni Marvin ay iniaalay niya sa mga anak.

Martes, Hulyo 1, 2014

Top 5 Popular Musicals

Kung mahilig ang mga Pilipino sa panonood ng pelikula ay ganoon din naman sa mga itinatanghal na musicals. Isa sa mga dahilan ay ang malaking pangalang nilikha ni Lea Salonga na ngayon ay kilala at respetadong Broadway Star at iba pang Pilipino tulad ni Isay Alvarez at Rachelle Anne Go. 

Isang kakaibang sining ang pagtatanghal sa teatro – ibang disiplina, ibang paraan ng pagpapahayag ng kuwento. Ang musical theatre ay isang paraan ng theatrical performance kung saan pinagsasama ang pagkanta, pag-arte, at pagsasayaw. 

Simula pa noong sinaunang panahon ay mayroon nang pagtatanghal ng ganitong uri partikular na sa kagustuhan ng mga hari at reyna ngunit noong 19th century umusbong ang tinatawag na Wester musical theatre. Noong unang bahagi ng 20th century ay mas nakilala ito sa tawag na musicals.

Narito ang ilan sa popular Broadway (New York) at West End (London) productions, na naitanghal na ng mahigit sa 2,500 beses. Ang Broadway at West End productions ang pinakamalaki, pinakapopular na commercial theatre na pinagtatanghalan ng mga musicals.

1.Les Miserables

Base sa nobela ni Victor Hugo, ang Les Miserable o mas kilala sa tawag na Les Mis ang longest-running musical sa West End at pangalawang longest-running musical sa Broadway. Mahigit sa 10,000 beses na ito naitanghal at tuluy-tuloy pa rin ang produksiyon nito.  Kuwento ito ni Jean Valjean, isang magsasakang Pranses, na nakulong sa loob ng 19 taon dahil sa pagnanakaw ng tinapay para sa nagugutom na anak ng kanyang kapatid. Tumakas si Valjean para magsimula ng bagong buhay ngunit patuloy ang pagtugis sa kanya ng pulis na si Javert.

Nanalo ang Les Miserables ng walong Tony Awards, isa sa mga presitihiyosong award-giving body sa Broadway, kabilang na ang Best Musical at Best Original Score. Nitong 2012 ay ginawa itong pelikula na pinagbidahan ni Anne Hathaway, Russell Crowe at Hugh Jackman na tumabo sa takilya.

2.Miss Saigon

Isang musical na likha nina Claude-Michel Schönberg at Alain Boublil na hango sa opera na ginawa ni Giacomo Puccini na may pamagat na “Madame Butterfly.” Kuwento ito ng pag-iibigan sa pagitan ng isang babaeng Vietnamese at Amerikano sa Saigon sa kalagitnaan ng Vietnamese war.

Una itong itinanghal sa London noong 1989 at sa Broadway noong 1991. Dito sumikat si Lea Salonga na gumanap bilang bidang babae na si Kim.

3.Phantom of the Opera

Tungkol ito sa istorya ng isang misteryong henyo sa musika na nahumaling sa magandang dilag na isang soprano singer. Hango ang istorya ng Phantom of the Opera sa French novel na Le Fantôme de l'Opéra ni Gaston Leroux kung saan ang musika ay nilikha nina Andrew Lloyd Webber, Richard Stilgoe at Charles Hart.

Nagsimula itinanghal sa West End noong 1986 at sa Broadway noong 1988, naparangalan na ito sa Olivier Award at Tony Award. Ito ang pinakamatagumpay na musical sa kasaysayan na kumita na ng humigit-kumulang sa $5.6 bilyon at napanood na ng halos 130 milyong katao mula sa 145 lungsod ng 27 bansa, batay sa talaan noong 2011.

4.Cats

Isang musical na nilikha ni Andrew Lloyd Webber batay sa Old Possum's Book of Practical Cats ni T. S. Eliot, ito’y tungkol sa tribo ng mga pusa na tinatawag na Jellicles at ang gabi na gumawa sila ng “Jellicle Choice” kung saan nagdedesisyon sila kung sino ang aakyat sa Heaviside Layer upang mabuhay muli. Tumakbo ito sa West End sa loob ng 21 taon habang tumagal ang produksiyon nito sa Broadway sa loob ng 18 taon.

5.The Lion King

Ang The Lion King musical na hango sa animated film ng Disney noong 1994 na may parehong pamagat ang nagtala ng may pinakamataas na kita na umabot na sa hmuigit-kumulang sa $1 bilyon. 

Mayroong mga bahagi sa musical ang iniba mula sa pelikula tulad ng pagbabago ng kasarian ni Rafiki na ginawang babae at ang eksena na nagkaroo ng pag-uusap sa pagitan nina Mufasa at Zazu. Agad na naging matagumpay ang The Lion King nang una itong ipalabas sa Orpheum Theatre sa Minnesota noong 1997. Ganoon din ang naging pagtangkilik ng mga manonood ng una itong itanghal sa Lyceum Theater sa West End noong 1999 at sa kasalukuyan ay tuluy-tuloy pa rin ang produksiyon nito.

Naimbitahan din ang West End production na magtanghal sa Royal Variety Perfomance noong 2008 sa London Palladium kung saan ilan sa mga nanood ay miyembro ng British Royal family.