Ni Jovelyn Javier
Isa ang award-winning animated
feature na “The Tale of the Princess Kaguya” ng Studio Ghibli at mula sa
direksyon at panulat ni Isao Takahata, isa sa founders ng Studio Ghibli ang
itinampok sa kamakailang Cinemalaya 2015 sa Independents: Asian Showcase. Kilala
si Takahata sa iba pang Studio Ghibli films kagaya ng “Grave of the Fireflies,”
“Only Yesterday,” “My Neighbors The Yamadas” at “Pom Poko.”
Base ang kwento ng The Tale of the
Princess Kaguya sa isang ika-10 siglong katutubong kwento na “The Tale of the
Bamboo Cutter” at itinuturing na pinakaunang Japanese prose narrative mula sa
Tokugawa period. Ngunit sa pagsasapelikula nito, binigyan ito ng bago at
modernong pakiramdam na maiintindihan at matatanggap ng mga tao.
Sentro ng pelikula ang
pagkakatuklas ng isang bamboo cutter na si Okina (Takeo Chii) ng isang maliit
na sanggol sa loob ng isang kawayan. Naniniwala si Okina na isang espesyal na
sanggol ito at regalo mula sa kalangitan. Inuwi niya ang sanggol sa kanyang
maybahay na si Ona (Nobuko Miyamoto) at nang kargahin niya ito ay biglang
lumaki ang sanggol.
Pinangalanan nilang Kaguya (Aki
Asakura) ang sanggol, na ang ibig sabihin ay “radiant night” dahil nang
matagpuan siya ni Okina sa loob ng kawayan ay may nakasisilaw na liwanag na nagmula
rito.
Napansin ng ibang mga bata ang mabilis
na paglaki ni Kaguya at sinimulan siyang tawaging “Takenoko” o little bamboo
dahil kagaya ng isang kawayan ay mabilis din siyang lumaki. Naging malapit siya
sa mga batang ito lalo na kay Sutemaru (Kengo Kora).
Isang araw, may natagpuang ginto
at magagandang tela si Okina mula sa isang kawayan at lalo itong nakumbinse na
isang banal na prinsesa si Kaguya. Umalis sila sa nayon patungo sa siyudad, tumira
sa isang mansyon na may mga tagasilbi, hanggang sa mga naggagandahang kasuotan
at istriktong pagsasanay para maging isang marangal na prinsesa si Kaguya.
Kalaunan, opisyal na siyang
pinangalanang Kaguya-hime (Princess Kaguya) dahil sa kakaibang ningning na
nagmumula sa kanya kapag nakikita siya ng ibang tao. Habang ipinagdiriwang ang
opisyal na pagbibigay pangalan sa kanya, kinutya ng ilang mga bisita ang
kanyang ama na isang simpleng dalaga lang naman si Kaguya at ginagamit lang ni
Okina ang kanyang pera.
Nang hindi na makayanan ni Kaguya
ang mga mabigat at ipinipilit na tungkulin sa kanya bilang prinsesa sa lupa,
humingi siya ng tulong sa buwan. Dito napagtanto ni Kaguya na galing siya sa
buwan at dumating siya sa lupa dahil sa pagbali niya ng batas sa buwan sa
kagustuhang maranasan ang buhay mortal.
Ipinapakita ng pelikula kung
paanong ang isang hindi mortal gaya ni Kaguya ay nakahanap ng kaligayahan sa
piling ng kanyang mga mortal na magulang at
mga kaibigan. At bagaman ‘di perpekto ang buhay, nadiskubre niya ang
napakaraming kasaganaan ng buhay sa lupa na puno ng kulay at iba’t ibang mga
nilalang, dito niya naranasan ang sarap ng buhay at ang kahalagahan ng
pagkakaroon ng malapit na koneksyon sa mga tao.
Kapansin-pansin din ang kakaibang
animation style ng pelikula na hand-drawn o brush-troke na animo’y inii-sketch
ang bawat eksena sa harap ng manonood habang nangyayari ito. Maihahalintulad
din ito sa mga traditional painting ng Japan. Dagdag pa ni Takahata, pinili
niya ang istilong ito dahil gusto niyang hindi ito makalimutan ng mga tao at
dahil may kakayahan ang mala-painting na animation para pagalawin ang malawak
na imahinasyon at kaisipan ng manonood.