Linggo, Agosto 7, 2016

Mikimoto Pearl Island: The birthplace of Japan’s pearl industry


Ni Florenda Corpuz

Isa sa ipinagmamalaking isla ng Toba Bay sa Mie Prefecture ang kamangha-mangha at pamosong Mikimoto Pearl Island kung saan isinilang ang pearl cultivation sa buong mundo noong 1893 sa pangunguna ni Kokichi Mikimoto.

Matapos ang matagumpay na pag-culture ng semi-spherical pearl sa Ojima, lumipat si Kokichi sa Tatoku Island para ipagpatuloy ang pearl aquaculture. Matapos ang ginawang pagbisita sa Amerika at Europa noong unang bahagi ng ika-20 siglo, sa impluwensiya ni Eiichi Shibusawa, siya ay nagsagawa ng private-sector diplomacy program kung saan pinalitan niya ang pangalan ng Ojima at tinawag na Mikimoto Pearl Island pagkatapos ay binuksan sa publiko noong 1951.

Simula noon ay milyun-milyong lokal at dayuhan na ang naaakit pumasyal sa berdeng isla.

Sa loob nito ay iba’t ibang pasilidad ang makikita na nagbibigay kaalaman tungkol sa kasaysayan, sining, craftsmanship at produksyon ng perlas.

May bayad na ¥1,500 ang entrance fee rito para sa matatanda habang ¥750 naman para sa mga bata.
           
Ilan sa mga prominenteng tao na ang nakapasyal dito tulad nina Queen Elizabeth at Prince Philip noong 1975.

Kokichi Mikimoto Memorial Hall

Ito ay itinayo noong 1993 para gunitain ang ika-100 anibersaryo ng cultured pearls. Sa pamamagitan ng audio visual presentation ay malalaman ang kwento ng buhay (mula kapanganakan hanggang kamatayan) ni Kokichi na tinaguriang “Pearl King” pati na rin ang kanyang pagmamahal sa bayang sinilangan, ang Ise-Shima, at ang kanyang pag-ibig para sa perlas.

Pearl Museum

Nagbukas noong Setyembre 1985, matututuhan dito ang kasaysayan at iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa perlas base sa temang “Pearls and People” – mula sa paggawa hanggang sa pag-produce nito. Iba’t ibang koleksyon din ng perlas ang makikita sa loob ng museo kabilang ang likha ng mga manggagawa ng Mikimoto.

Pearl Plaza

Dito ay makakabili ng iba’t ibang klase ng perlas na may iba’t ibang disenyo at istilo, may kamahalan nga lamang presyo.

Ama o women divers

Hindi naman kumpleto ang proseso ng paggawa ng perlas kung wala ang mga “ama” o women divers na kasama na ni Kokichi simula pa noong panahon na siya ay naglalagay ng mga mother oysters sa ilalim ng dagat bago muling hanguin. Mula sa isang silid ay mapapanood ang mga ama na sumisisid para makakuha ng mga oysters na nagtataglay ng mamahaling perlas.

Kokichi Mikimoto Statue

Ito ang itinuturing na simbolo ng isla. Itinayo ito noong 1953 kung saan si Kokichi ay may hawak na Imperial Award habang suot ang kanyang trademark Yamataka na sombrero at kapa.

Ilang kaalaman tungkol sa perlas

Ang perlas ay binubuo ng libu-libong layers ng calcium carbonate crystals at conchiolin na isang uri ng hard protein. Ang kulay nito ay pangunahing nagmumula sa epekto ng ilaw tulad ng interference, pigments na taglay ng conchiolin at organic matter.

Ayon sa Mikimoto Pearl Island, sa pagpili ng perlas, ang nacre thickness ang pinakamahalagang katangian na tinitingnan para sa kalidad nito. Habang ang laki, hugis, kulay, kinang at degree of imperfection ay sinusuri naman para malaman ang value nito. Para naman sa mga finished product, mahalaga ang consistency o matching tulad ng sa kwintas na kailangan ay may uniformity.