Lunes, Pebrero 27, 2017

Pagbabawas ng work hours tuwing ‘Premium Friday’ ipinatupad na




Nitong Pebrero 24 ay ipinatupad na ng pamahalaan ang labor campaign na tinawag na “Premium Friday” kung saan maaari nang umalis ng opisina ng alas-tres ng hapon tuwing huling Biyernes ng bawat buwan ang mga manggagawa. Ito ay upang maiwasan ang “karoshi” o death by overwork at mapalakas ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng consumer spending.

Ipinu-promote ng Ministry of Economy, Trade, and Industry (METI) at 15 pang business organizations ang kampanya kabilang ang Japan Business Federation, Japan Department Stores Association, Japan Chain Stores Association at National Federation of Shopping Center Promotion Associations.
           
Hindi tiyak ang bilang ng mga kumpanya at negosyo na lalahok dito dahil hindi ito mandatory. Hihikayatin naman ng Japan Business Federation (Keidanren) na binubuo ng aabot sa 1,300 kumpanya na lumahok ang mga miyembro nito. Base sa datos noong 2006 ay may mahigit sa 2.5 milyong rehistradong negosyo sa bansa.

Magugunitang naging mainit na usapin ang karoshi ng magbitiw sa pwesto ang pinuno ng Dentsu, isang advertising agency, kasunod nang pagpapakamatay ng empleyado nito na si Matsuri Takahashi, 24, noong Disyembre 2015 matapos ma-depressed nang magtala ng mahigit sa 100 oras ng overtime work kada buwan.


Isa rin si Joey Tocnang, 27, Pilipinong trainee sa Gifu Prefecture na nagtrabaho sa isang casting company, ang nagpakamatay dahil sa karoshi. Ayon sa Gifu Labor Standard Inspection Office, nagtala siya ng 122.5 hours overtime kada buwan bago ito namatay. Pumanaw siya noong 2004 dahil sa heart failure. Ito ang pangalawang pagkamatay sa Japan na may kinalaman sa foreign trainee. Una ay noong 2010 kung saan isang Chinese ang namatay sa Ibaraki Prefecture.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento