Lunes, Pebrero 27, 2017

Japan nag-alok ng tulong sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia laban sa pamimirata at terorismo

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Department of National Defense

 Siniguro ng Japan sa gobyerno ng Pilipinas ang kahandaan nito na tumulong na labanan ang pamimirata at terorismo upang makapag-ambag sa trilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia.

Ito ang inihayag ni Japanese Vice-Minister for International Affairs Ro Manabe kay Undersecretary for Defense Policy Ricardo David Jr. sa ginanap na 5th PH-Japan Vice-Ministerial Meeting na ginanap sa Tokyo kamakailan.

Hiniling ni Manabe kay David na iparating sa gobyerno ng Japan kung paano ang pinakamainam na paraan para sila ay makatulong para labanan ang pamimirata at kidnapping sa shared maritime areas ng tatlong bansa.

Tiniyak din ng Japan ang suporta nito sa Pilipinas sa Chairmanship ng ASEAN ngayong taon. Inulit din niya ang pagnanais ng Japan na palaganapin ang defense cooperation sa ASEAN member states at sinabing handa ang Japan na ituloy ang mas malalim na defense cooperation sa Pilipinas sa pamamagitan ng exchanges at defense equipment transfer.

Kinilala naman ni David ang kontribusyon ng Japan sa capability upgrade ng Philippine defense forces partikular ang pagpapaarkila ng limang TC-90 aircraft para sa maritime surveillance kung saan ang dalawa ay ide-deliver sa Marso. Nagbigay din ang Japan ng capacity building assistance partikular ang humanitarian assistance at disaster response.

Dinagdag pa ni David na kailangang pagtibayin ang lagay ng visiting forces agreement ng dalawang bansa lalo pa’t interesado ang Japan na magsagawa ng pagsasanay kasama ang Pilipinas.

Bago ang pagpupulong ay tinalakay muna ng Japanese delegation sa Philippine delegation ang pinakabagong developments sa South China Sea na mino-monitor ng Japan.

Sinigurado rin ng Japan ang patuloy na pagbibigay ng napapanahong impormasyon sa bansa partikular ang mga paglabag sa mga tuntunin ng batas bilang pagtukoy sa desisyon na inilabas ng Permanent Court of Arbitration noong Hulyo ng nakaraang taon.

           



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento