Lunes, Pebrero 27, 2017

Livelihood program para sa mga biktima ni ‘Yolanda’


Kuha mula sa JICA
 Nagsisilbi bilang susi sa pagbangon ng mga kababaihang biktima ng bagyong Yolanda sa isang remote, coastal barangay sa Sta. Cruz, Tanauan, Leyte ang milkfish (bangus) livelihood program kung saan ang dalawang palapag na processing facility ay bahagi ng technical cooperation project ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Sa proyekto na tinawag na “Urgent Development Study for the Rehabilitation and Recovery from Typhoon Yolanda of the Japan International Cooperation Agency” sinasanay ng JICA at ng Municipal Agriculture Office ang mga kababaihan sa pagbuo, paggawa at packaging ng mga produktong bangus.

Karamihan sa kanila ay maybahay ng mga mangingisda na ang kabuhayan ay nakasalalay sa industriya ng aquaculture ng Leyte. Matapos ang bagyo ay nawala ang kanilang kabuhayan at ang processing facility na itinayo noong nakaraang taon ang nagbigay sa kanila ng oportunidad na muling maisaayos ang kanilang buhay.

“Noong bumalik kami dito pagkatapos ng bagyong Yolanda, akala ko wala na talagang pag-asa. Pero ngayon dahil may sarili na kaming kita, unti-unti na kaming nakakabangon,” kwento ni Menchie Frumencia, ang head ng Sta. Cruz Women Fisherfolk Association. 

Ilan sa mga gawain nila ay ang marinating, cooking at packing ng bangus sa vacuum-sealed packaging bago dalhin sa mga groceries at iba pang mamimili.

Ang soft-boned, pressure cooked bangus ay may kasamang homemade sauce na gawa ng mga kababaihan. Kamakailan ay nakatanggap sila ng orders na mahigit sa 150 piraso mula sa Japan.

“Sana makakuha pa kami ng buyers para tuluy-tuloy ang income namin,” dagdag ni Frumencia.

Tatlong taon matapos ang trahedyang dulot ng bagyong Yolanda ay may kislap na ng pag-asa sa mukha ang mga kababaihang biktima nito dahil batid nila na muling mapapabuti ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng livelihood program tulad nito.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento