Ni
Florenda Corpuz
Kuha
ni Din Eugenio
Dumagsa ang mga sikat na
bituin mula sa Japan at ibang bansa sa red carpet event ng ika-10 edisyon ng
Okinawa International Movie Festival (OIMF) na ginanap sa Kokusai Dori sa Naha
City kamakailan.
Hindi inalintana ng
daan-daang movie fans ang malakas na buhos ng ulan at kulog makita lamang ang
kanilang mga paboritong artista na lumakad sa red carpet na inilatag sa
kahabaan ng dalawang kilometrong kalsada mula Mutsumibashi Intersection hanggang
Tenbusu Plaza.
Naghiyawan ang mga
tagahanga nang makita ang sikat na Okinawan-born comedian na si Toshiyuki
Teruya na direktor ng pelikulang “Born Bone Born” na ipinalabas sa festival.
Pinatingkad din ng
presensya ng iba pang Okinawan stars tulad nina Shogen ng inventive drama na
“Smokin’ On The Moon,” Rino Nakasone ng food drama na “Jimami Tofu” at Meisa
Kuroki ang red carpet event.
“It took 10 years for me
to be invited,” biro ni Kuroki na nagsilbi rin bilang host ng “My Favorite
Movie” na bagong kaganapan sa festival.
Hindi naman binigo ng
sikat na aktor na si Hiroshi Abe ang kanyang mga tagahanga nang siya ay
makipagkamay at lumagda ng autographs habang nilalakad ang kahabaan ng red
carpet.
“I am so thankful people
are here to support us even in the rain,” aniya.
Dumalo rin ang
Myanmar-born Hollywood star at Japanese boyband singer na si Win Morisaki na
bumida sa pelikulang “Memories of Whale Island.” Ito ang kanyang kauna-unahang
international film festival.
Naging bahagi rin ng
apat na araw na kasiyahan ang grupong HPN3, ang Japanese comedy trio na
naninirahan sa Pilipinas, na binubuo nina Yuki Horikoshi, Tanaka Kazuki at
Inoue Kazuo.
Opisyal na nagtapos ang
OIMF 2018 sa pagsasagawa ng closing ceremony kung saan nagtanghal ang comedy duo
na Garage Sale kabilang si Teruya. Ginawaran din ng Audience Choice Award ang
mga pelikulang “In Pursuit of the General,” isang Chinese historical epic na
napili ng mga manonood bilang paboritong foreign language film habang ang body-switch
comedy na “Reon” naman bilang best-loved Japanese film.
Nagpatuloy ang kasiyahan
ng mga tao sa konsyerto na ginanap sa harbor side ng Naminoue Umisora Park kung
saan nagtanghal ang mga Okinawan musicians mula sa iba’t ibang grupo kabilang
ang Kariyushi58, Begin at Kiiyama Shouten. Kumanta rin sina Rimi Natsukawa,
Hiro at Hiroaki Kato.
Ang OIMF ay inisponsoran
ng Yoshimoto Kogyo Co, Ltd., ang pinakamalaki at pinakakilalang entertainment
agency para sa mga komedyante sa bansa. Sumesentro ang tema nito sa “fun, peace
and laughter.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento