Miyerkules, Mayo 30, 2018

Songwriting contest tampok sa 2018 Migrant Workers’ Day; ‘Kasarinlan’ ipapalabas na



Tampok ang songwriting contest na pinamagatang “Buhay at Pag-ibig ng OFWs” sa pagdiriwang ng taunang Philippine Migrant Workers’ Day na may layon na magbigay-pugay sa mga masisipag na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Japan.

Ayon sa FILCOM Intersocietal Events Organizing Committee (FIEOC) na nangangasiwa sa pagdiriwang, ginagawa ang songwriting contest sa pagdiriwang upang bigyan ng oportunidad ang mga OFWs na may talento sa pagsusulat ng kanta. Ang bawat kanta ay may tema ng buhay at pag-ibig ng mga OFWs.

“As we celebrate this meaningful event this year, we intend to continue to highlight it with the songwriting contest as this will open great opportunities to our ‘kababayans’ who have the passion in writing,” pahayag ng FIEOC.

Gaganapin ang pagtatanghal ng mga orihinal na komposisyon sa pagdaraos ng 2018 Migrant Workers’ Day Celebration sa darating na Hulyo 1 na gaganapin sa Akasaka Kumin Hall. Libre lamang ito para sa mga nais na manood.

Tatayong chairman of the board of judges ng songwriting contest si Trina Belamide, na multi-awarded singer-songwriter, vocal arranger, record producer, at kasalukuyang miyembro ng Board of Trustees ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc (FILSCAP).

Tatanggap ang tatanghaling Best Songwriter ng ¥100,000 cash at round trip ticket papunta sa Pilipinas habang ang mapipiling Best Singer/Interpreter ay mananalo ng ¥50,000 cash at iba pang prize package.

Katulong ng FIEOC ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Labor Section ng Philippine Embassy sa Tokyo.

Samantala, ipapalabas naman ang pelikulang “Kasarinlan” na idinirehe ni Joey Manalang sa Hunyo 10, ala-una hanggang alas-siyete ng gabi, sa Philippine Embassy-Tokyo. Ito ay bilang pre-independence celebration para sa mga OFWs sa Japan.

Libre ang palabas ngunit hinihikayat ng FIEOC ang mga Pilipinong dadalo na magsuot ng Barong Tagalog at Filipiniana sa naturang event.

Ang Kasarinlan event na ito ay inorganisa ng Philippine Embassy-Tokyo, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), FIEOC, at POLO.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento