Linggo, Hunyo 17, 2018

Aireen Oikawa: Pinay on the Rise


Isa si Aireen Oikawa, na kasalukuyang naninirahan sa Iwate-ken, sa mga Pilipina na gumagawa ng sariling pangalan sa pagkanta. Nito lamang ay siya ang napiling kumanta ng “If We Believe in Love,” kung saan siya rin ang composer, para sa music video ng pelikulang “Maid in London” na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann, Matt Evans, at Polo Ravales sa ilalim ng Viva Films. Ipapalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas ngayong darating na Hunyo 13.

Subalit, hindi naging madali para sa 42-taong-gulang na Pinay ang magkaroon ng karera sa pagkanta sa Japan at tuparin ang pangarap na maging singer-songwriter. Puspusang pag-eensayo at pagsali sa mga singing contests ang ginawa ni Aireen para sanayin ang sarili sa pagkanta at magkaroon ng sapat na karanasan para magtanghal.

Noong bata pa lamang siya ay pinanghihinaan siya ng loob dahil sa hindi siya madalas manalo sa singing contests.

“Sa Bulacan, nasabak ako sa mga singing contest sa iba’t ibang barangay tapos maraming beses na talo ako kasi maraming magagaling sa Bulacan. Lagi akong nagmumukmok kapag natatalo ako tapos sinasabi ko sa pamilya ko na ayoko nang sumali,” pahayag ni Aireen sa Pinoy Gazette.

“Pero sabi ng tatay ko sa akin, ‘paano mo malalaman na mananalo ka kung hindi ka sasali uli.’ Iyong singing contests ang naging training background ko,” dagdag pa ni Aireen na ipinanganak sa Bicol at lumaki sa Bulacan.

Napasali sa isang female band sa Sampaloc, Manila si Aireen noong siya ay 16-toang-gulang at pagkaraan ng dalawang taon ay lumipad siya sa Japan para maging entertainer.

Matiyaga at may pangarap, nagsikap si Aireen at hindi nagsayang ng oras sa pagtatrabaho at pagpapayaman ng kaalaman para mapagbuti ang sarili at mapaghusay ang talento. Aniya, hindi niya iniisip ang mga sakripisyo at hirap dahil sa kanyang pananaw ay bahagi ito upang maging matagumpay sa larangang napili.

“Ako kasi kapag pumasok sa isang bagay, I make sure na mag-stand out ako. Katwiran ko kasi, nandito na ako so why not make the most out of it. Lahat naman tayo may kanya-kanyang kakayahan. Pagyamanin mo ang bagay na alam mong kaya mong gawin at magiging masaya ka,” ani Aireen na nakapag-asawa ng Japanese sa edad na 30.

“Importante kasi na masaya ka sa ginagawa mo,” paninindigan ng Pinay na isa rin asawa, ina, radio DJ at songwriter.

Ilan sa mga piyesang kanyang inawit at isinulat ay ang “Ika’y Biyaya,” “Lahat Para Sayo,” at “Hanggang Kailan.”

Patuloy si Aireen sa pag-aaral ng bagong kanta at lengguwahe ng Japan, pag-alam sa mga pasikot-sikot sa radio broadcasting, at paghingi ng payo mula sa mga tao na mas bihasa sa kanya pagdating sa pagkanta at pagtatanghal.

“Huwag mahiyang magtanong at matuto sa ibang tao. Maging mapagkumbaba na napakaimportante kapag nasa entertainment world ka. Kailangan marunong kang mag-adapt sa lahat ng sitwasyon at taong makakaharap mo,” ani Aireen.

Sa huli, simple lamang ang kahulugan ng tagumpay para kay Aireen.

“Para sa akin, ito iyon malaman mo na suportado ka ng pamilya mo at mga kaibigan mo sa gusto mong gawin at kasama mo silang natutuwa sa mga nangyayari sa career mo,” pagtatapos ni Aireen na nangangarap din na makapagtayo ng restaurant business sa Pilipinas at makagawa ng music video na isasali sa international competition. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento