Ipinapakita ang mga post na may etiketa na BBL. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na BBL. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Abril 14, 2015

Ang insidente sa Mamasapano

Ni Al Eugenio

Halos isang linggo pa lamang ang nakakalipas matapos ang mapayapang pagbisita ng Santo Papa sa ating bansa ay naganap naman ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Forces (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao. Ikinalungkot at ikinagalit ng buong sambayanan ang paraan ng pagpatay na ginawa sa mga kapulisan.   Marami sa mga ito ay buhay pa at maaari namang gawin na lamang bihag ayon sa batas ng bawat labanan, ngunit nagtatawanan pang pinagbabaril sa ulo ang mga nagmamakaawang kawal. Halos hindi na sila makilala nang sila ay matagpuan.

Dahil sa ganitong pamamaraan ng pakikipaglaban ng mga nasa kabilang panig,  marami ang nagtaas ng kilay sa usaping pangkapayapaan na sana ay malapit nang lagdaan upang ganap na raw magkaroon ng katahimikan sa buong Mindanao.

Sa mga ginawang imbestigasyon ng Senado at Kongreso tungkol sa insidenteng naganap sa Mamasapano, nalaman ng marami na hindi sa mga MILF lamang dapat makipagkasundo. Marami pang iba’t ibang grupo ng mga rebelde sa Mindanao ang dapat kausapin upang ganap na magkaroon ng pangmatagalang katahimikan, bukod pa sa mga grupo tulad ng Abu Sayaff na hindi naman para sa kaayusan ang hangarin kundi ang makapaghanap lamang ng pagkakaperahan.

Mapapansin din na sa likod ng mga nakikipag-usap nating mga kapatid na Muslim sa Mindanao ay inaalalayan sila ng mga kapwa nila Muslim na taga-Malaysia at Indonesia. Marami tuloy ang nagsasabing kung maisasakatuparan ang Bangsamoro Basic Law at magkakaroon ng karapatan ang mga MILF sa Mindanao, tuluyan nang malilimutan ang hinahabol na karapatan ng Pilipinas sa mga pag-aari natin sa ilang bahagi ng Sabah.

Ano ba ang nilalaman ng Bangsamoro Basic Law (BBL)? Halos lahat ng mamamayang Pilipino ay hindi ito alam. Kahit ang mga nasa Senado at Kongreso, marami sa kanila ang hindi lubusang nalalaman ang mga nilalaman nito. Ngayon lamang, dahil sa insidente sa Mamasapano, ay marami ang nagsimulang magtanong. Marami rin naman ang pumipigil sa pag-usad ng usapang ito. 

Habang pinag-uusapan ang mga pangyayari sa Mamasapano, marami ang nagkakaroon ng kaalaman sa kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao na hindi masyadong binibigyan ng pansin ng nakakarami mula pa noon.

Marami rin ang ating natutuhan tungkol sa kakayahan ng ating sandatahang lakas at mga kapulisan. Ang kanilang mga kagitingan at mga kapalpakan. Nagkaroon din tayo ng pagkakataon na malaman ang mga pamamaraan ng ating pamahalaan sa mga ganitong sitwasyon. Ang kanilang mga kanya-kanyang tungkulin at ang kanilang mga kahinaan.

Ang paglaki ng mga problema sa Mindanao ay kagagawan ng kawalan ng maayos na  pamamahala ng mga nakaraang administrasyon. Pinagkaitan ng kaunlaran ng mga namumuno ang mayamang bahaging ito ng ating bansa. Mistulang kinalimutan, pinabayaan, at dahil malayo mula sa kinalalagyan ng pamahalaan, naaalala lamang ang Mindanao  sa panahong  mayroong malaking pinakikinabangan.   

Ipinagsawalang bahala ng ating pamahalaan ang mga kasaysayan ng maraming lugar ng Mindanao. Ang mga natatangi nitong kultura at mga kaharian. Ang mayaman nitong kalikasan na sana ay patuloy na pinakikinabangan hindi lamang sa turismo at agrikultura kung hindi pati na rin sa industriyal.

Mula  pa noon,  sa Mindanao nanggagaling ang pinakamaraming saging at pinya na natitikman sa iba’t ibang panig ng mundo. Bukod sa masaganang lupa nito ay mayaman din ang mga karagatan dito. Kaya naman mula sa General Santos, marami ang umaangkat ng tuna patungo sa ibang bansa. Sa Dipolog naman nagmumula ang masasarap na sardinas na natitikman natin sa Maynila.

Subalit sa kabila ng malaking pakinabang mula sa mga produktong nagmumula sa lugar na ito, walang maipagmamalaking kaunlaran ang naibabahagi sa Mindanao. Tulad din sa maraming lugar sa ating bansa, ang may mga kapangyarihan lamang ang may karapatang yumaman,  ang pangkaraniwanng mamamayan ay palaging nagtitiis na lang.

Ginagamit ng mga pulitiko ang maraming lugar sa Mindanao upang makakuha ng maraming boto. Sa pamamagitan ng bala at pera, marami ang natatalong kandidato sa lugar na ito. Gaano ka man ka-popular,  gaano ka man ka-paborito. Isang halimbawa na lamang ang pagkatalo rito ng yumaong si Fernando Poe Jr. Sa pelikula ni FPJ, binabaril ng mga manonood ang screen ng sinehan kapag sa palabas ay nasa likod niya at hindi nakikita ang kalaban. Hindi makapaniwala ang marami na natalo siya rito sa eleksyon. 

Marami ang nagalit sa pamamaraan ng pagpatay sa 44 na SAF commando.   Marami ang gusto ng “all-out war” sa Mindanao. Sinasabi ng marami na mas mabuti ang ginawa ni Erap. Halos naubos niya ang mga kalaban. Ngunit marami ang naniniwala na  hindi ganito ang paraan. Hindi lamang marami ang mapipinsala at mamamatay, marami rin ang magtatanim ng galit at paghihiganti na siyang magdudulot ng walang katapusang hindi pagkakaunawaan.

Papaano na ang mga darating pang henerasyon? Ang mga kabataan. Marahil, dahil sa naganap sa Mamasapano, marami ang nabuksan ang isip. Marami ang nagising. Marami na ang mga nagbibigay ng iba’t ibang kuro-kuro. Marami ang nagmumungkahi ng iba’t ibang paraan upang mapagbuti na ng magkabilang-panig ang mga dapat gawin para sa kaayusan ng usaping pangkapayapaan sa Mindanao.


Sana ay hindi pa huli ang lahat. Sana, sa kabila ng pagkakawatak-watak, hindi pagtitiwala at labis na poot dahil sa mga nakaraang karanasan, ay magkaroon pa rin ng pagkakataon ang kapayapaan sa buong Mindanao para sa ating mga nakakabatang mga kababayan doon, maging ano man ang kanilang relihiyon, maging ano man ang kanilang tribo. Sana lahat sila ay magkaroon ng pagkakataon na mamuhay tulad ng pangkaraniwang Pilipino. 

Miyerkules, Enero 28, 2015

Bangsamoro Law prayoridad ng Senado ngayong 2015

Senate president Franklin Drilon (Malacanang Photo Bureau)
Sinabi ni Senate President Franklin Drilon na isa ang Bangsamoro Basic Law sa mga prayoridad na kailangang maipasa sa Senado ngayong taon upang tuluyan nang makamit ang kapayapaan sa Mindanao at masiguro ang paglago ng ekonomiya sa bansa.

Patuloy umano ang pagsasagawa ng pagdinig hinggil dito ng Senate committee on local government and peace unification na pinamumunuan nina Senador Bongbong Marcos at Teofisto Guingona III at Senate committee on constitutional amendments and revision codes na pinangungunahan naman ni Senador Miriam Defensor-Santiago.

“The present situation provides many opportunities towards sustainable peace. We cannot fail our brothers and sisters in Mindanao. The Senate is one with the administration in its goal to pass the BBL, and we remain confident that even with the many important debates, we can pass the BBL within the year,” pahayag ni Drilon.

“We cannot afford to err on this most-sought piece of legislation, if we truly want to secure this peace in Mindanao which we have now realized after decades of hostilities. It is therefore incumbent upon us to make sure that the efforts exerted by both panels will not be put in vain, by ensuring that the Bangsamoro Law falls within the four corners of the Constitution, and that it can withstand judicial scrutiny,” dagdag pa nito.

Bukod sa Bangsamoro Basic Law, isa pa sa pagtutuunan ng pansin ng Senado ay ang Build Operate Transfer Law upang magkaroon ng mas matibay na Public-Private partnerships.

“In 2014, the Senate passed important legislation on social and health services, and education, such as the law on automatic Philhealth coverage for senior citizens, the Graphic Health Warning Act, and the Iskolar ng Bayan Act. This year, we are directing our efforts to the economic sector, to ensure that the nation’s progress will not be hindered by events in the local and global markets,” ani Drilon.

 “We need to create a better enabling policy environment for Public-Private Partnerships. We need to invite more investments from the private sector through the most appropriate incentives, and at the same time, our policies need to ensure that the buying public will get fair and reasonable prices and efficient services from such PPP projects or ventures,” dagdag pa nito.

Nais din ni Drilon na makakuha ng mas malaking kita sa industriya ng pagmimina sa pamamagitan pagsusog sa ilang batas na may kaugnayan dito.

“Our view is that we need to increase the government’s share from mining revenues, since it is imperative that the Filipino people must have their fair share in an economic activity such as mining, which involves the extraction of our natural, finite and limited non-renewable resources. The minerals are owned by the Filipino people, and not by those who have mining licenses,” aniya.