Ipinapakita ang mga post na may etiketa na News. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na News. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 27, 2019

Pagbisita ni Duterte sa Japan ngayong Mayo, kinumpirma ng MalacaƱang


Ni Florenda Corpuz

Nakisalamuha si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga botante sa
Davao City noong nakaraang halalan. (Presidential photo)
Tiyak na ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan ngayong Mayo matapos itong kumpirmahin ng MalacaƱang.

Sinigurado ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo kamakailan.

“Sure na pupunta siya roon,” pagtitiyak ni Panelo nang tanungin ng isang mamamahayag.

Ito na ang magiging pangatlong pagbisita ni Duterte sa Japan simula nang siya ay mahalal bilang pangulo ng Pilipinas noong 2016 – una noong Oktubre 2016 at sumunod noong Oktubre 2017.

Nakatakdang dumalo si Duterte sa 25th International Conference on the Future of Asia na gaganapin sa Mayo 30 at 31 sa Tokyo.

Ayon sa conference program, magbibigay ng keynote speech ang Pangulo sa pangalawang araw ng global conference na isa sa pinakamalaki sa Asya.

Bukod kay Duterte ay nakatakda rin dumalo rito sina Malaysian Prime Minister Mahathir bin Mohamad, Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina, Cambodian Prime Minister Hun Sen at Lao Prime Minister Thongloun Sisoulith.

Magugunitang kinansela ang nakatakda sanang pagbisita ni Duterte sa Tokyo noong Hunyo 2017 para daluhan ang 23rd International Conference on the Future of Asia bilang isa sa mga keynote speakers sa imbitasyon ng Nikkei Inc. dahil sa kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.

Martes, Abril 30, 2019

Japan papasok sa Reiwa era simula Mayo 1


Ni Florenda Corpuz


Simula Mayo 1 ay papasok na ang Japan sa Reiwa era kasabay nang pag-upo ni Crown Prince Naruhito sa Chrysanthemum Throne bilang bagong emperador ng bansa kapalit ng kanyang ama na si Emperor Akihito na bababa naman sa trono sa Abril 30.

Nitong Abril 1 ay inanunsyo ni Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga ang pangalan ng bagong era pagkatapos ng espesyal na pagpupulong ng Gabinete kung saan itinaas niya ang isang karatula na nakasulat ang kanji characters nito.

Ayon kay Suga, ang pangalan na “Reiwa” ay hango mula sa “Manyoshu,” ang pinakalumang koleksyon ng tula ng Japan. Ang unang kanji character na “rei” ay sumisimbolo sa “good fortune” habang ang pangalawang kanji character naman na “wa” ay nangangahulugang “peace” o “harmony.”

Ang tula kung saan ito hinango ay naglalarawan sa “ume” (Japanese apricot flower) na namumulaklak sa panahon ng tagsibol matapos ang panahon ng taglamig.

Ang Reiwa ang pang-248 na era name ng Japan simula nang itatag ang Chinese-style system noong 645. Ito ang unang beses na kinuha ang era name ng bansa mula sa classical Japanese literature imbes na sa Chinese.

“On May 1, His Imperial Highness the Crown Prince will accede to the Imperial throne, and this new era name will be used from that day forward. I ask for the understanding and cooperation of the people on this.

“The government is taking all possible measures to prepare for this historic succession to the Imperial throne from a living Emperor – the first such instance in approximately 200 years – to take place smoothly, and for the Japanese people to celebrate the day with one accord,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa isang press conference na ginanap matapos ang pag-anunsyo.

“Era names have, together with the long-standing tradition of the Imperial Household and a profound wish for the peace and security of the nation and the well-being of the people, woven together the history of our nation that spans almost 1,400 years,” aniya.

Ang pangalan ng era o “gengo” sa Japan ay ginagamit sa mga barya, kalendaryo, papeles at iba pa. Ginagamit din ito sa Japan sa pagbibilang ng taon.

“Era names are also integrated into the hearts and minds of the Japanese and support the Japanese people’s inner sense of unity. It is my sincere wish that this new era name will also be widely accepted by the public and take root deeply within the daily lives of the Japanese people,” dagdag pa ng lider ng Japan.

Pagbaba sa trono

Kasabay nang pagbaba sa trono ni Emperor Akihito, 84, ay ang pagtatapos din ng Heisei (achieving peace) era na nagsimula noong Enero 8, 1989.

Nagsimula ang Japan sa pagpili sa pangalan ng bagong era simula noong Meiji Period tuwing may bagong emperador na uupo sa trono.

Sa panayam kay Emperor Akihito nitong Pebrero sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng pag-upo niya sa Chrysanthemum Throne ay sinabi nito na patuloy siya sa pag-iisip kung paano siya magiging magandang simbolo sa taumbayan.

“Ever since I ascended the throne, I have spent my days praying for the peace of the country and the happiness of its people, as well as contemplating how I should behave as a symbol,” pahayag ng Emperor.

“The journey to figure out the idea of a symbolic emperor, as defined by the Constitution, has been endlessly long, and I hope my successors in the next eras to come will keep exploring an ideal form of this symbolic role and build on the version from this departing era,” aniya.

Matatandaan na noong 2016 ay nagbigay ng talumpati ang Emperor na nagbibigay senyales ng kanyang hangarin na bumaba na sa trono dahil sa kanyang edad at kalusugan. Siya rin ang kauna-unahang emperador na bababa sa kanyang trono sa loob ng 200 taon.
                                                                                                                                
Bagong simbolo ng Japan

Ipinanganak noong 1960 si Crown Prince Naruhito, 59, na siyang panganay sa tatlong magkakapatid. Siya ang magsisilbing ika-126 na emperor sa kasaysayan ng Japan at sinasabing hinog na para mamuno sa Imperial Throne sa dami na ng ginagawa nitong opisyal na trabaho.

Maging siya mismo ay tahasang nagsasabi na handa na siya sa mga responsibilidad.

“When I think of what is coming up, I feel very solemn,” pahayag ni Crown Prince Naruhito noong kanyang kaarawan nitong Pebrero.

Lumaki sa Tokyo, nagtapos si Crown Prince Naruhito sa Gakushuin University ng kurso sa kasaysayan. Pagkaraan ay nag-aral siya sa Merton College ng Oxford University ng kursong history transportation sa loob ng dalawang taon.

Siya ang kauna-unahang tagapagmana sa trono na pinayagang mag-aral sa ibang bansa. Nilarawan niya ang kanyang pag-aaral sa Oxford na “happiest years of my life” sa isang libro na inilathala.

Nakilala rin si Crown Prince Naruhito sa matagal niyang panliligaw kay Princess Masako at ang pagprotekta niya sa kanya lalo na noong mayroong matinding pressure na mag-anak ng lalaki.

Mayroong anak sina Prince Naruhito at Princess Masako na si Aiko, 17.


Linggo, Marso 3, 2019

Pope Francis, bibisita sa Japan sa Nobyembre

Ni Florenda Corpuz


            Si Pope Francis noong siya ay bumisita sa Pilipinas noong 2015. 

(Kuha mula sa MalacaƱang Photo Bureau)
Nakatakdang bumisita si Pope Francis sa Japan sa darating na Nobyembre.

Ito mismo ang inanunsyo ng Santo Papa sakay ng papal plane patungong Panama kamakailan para daluhan ang isang pagtitipon ng mga batang Katoliko.

“I will go to Japan in November,” aniya sa tanong ng isang mamamahayag na Hapon kung plano ba niyang bumisita sa bansa.

Hinimok din niya ang mga tao na maghanda.

Ayon kay Alessandro Gisotti, ang interim Director ng Holy See Press Office, ang Apostolic Voyage of the Pope to Japan “is in the phase of being studied.”

“As the Holy Father has already said on other occasions, he has a great desire to go to this country,” dagdag pa niya.

Ito ang magiging kauna-unahang papal visit sa Japan matapos ang halos 40 taon kasunod nang pagbisita rito ni Pope John Paul II noong 1981 kung saan siya ay lumuhod at nagdasal sa harap ng Hiroshima Peace Park.

Matatandaang hiniling ni Prime Minister Shinzao Abe pati na rin ng mga alkalde ng Hiroshima at Nagasaki na bisitahin ni Pope Francis ang dalawang prepektura para palaganapin ang kamalayan tungkol sa mga panganib na dulot ng nuclear weapons.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Japan nag-donate ng protective equipment sa PNP


Ni Christopher Lloyd Caliwan


Sina Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda at 
PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa ginanap na 
seremonya sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Pormal nang ibinigay ni Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda ang mga bagong protective equipment na donasyon ng gobyerno ng Japan sa Philippine National Police (PNP).

Tinanggap ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang mga kagamitan sa isang seremonya na ginanap sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City kamakailan.

Kabilang sa donasyon ang anim na bagong units ng bomb suit, anim na units ng ballistic shield at 440 units ng ballistics helmet na nagmula sa Grant Aid for Economic and Social Development Program ng Japan na nagkakahalaga ng ¥500 milyon. Sinusuportahan nito ang counter-terrorism campaign at public safety service ng PNP.

“I hope that the bomb suits, ballistic shields and helmets we will turn over today will further build up the defenses of PNP personnel nationwide in their relentless bid to curb terrorist acts and illegal drug abuse. I salute the PNP’s valiant men and women in uniform who risk their lives to the call of duty,” ani Haneda.

Ayon pa sa Japanese envoy, dapat ipagmalaki ng PNP ang tagumpay nito sa kanilang counter-terrorism at drug enforcement operations at sinabing patuloy na magpapaabot ng tulong ang Japan sa kampanyang ito.

Sinabi naman ni Albayalde na ipapagamit sa Explosive Ordinance Detection Units ang mga bomb suits at ballistic shields para maprotektahan nila ang kanilang mga sarili tuwing may bomb threat response operations at iba pang kaugnay na insidente.

Dagdag pa niya na ang mga ballistics helmets ay ibibigay sa police units na naghahawak sa internal security at anti-terrorism operations upang matiyak ang kanilang personal na kaligtasan.

“All this donated equipment will certainly go a long way in enhancing police capability in addressing security issues and threats to public safety,” saad ni Albayalde.

¥110-M halaga ng disaster reduction equipment ibinigay ng Japan sa DPWH



Sina Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar 
at Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda sa naganap 
na turnover ceremony kamakailan. (Kuha mula sa DPWH)
Opisyal ng ibinigay ni Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda kamakailan ang disaster reduction equipment na donasyon ng gobyerno ng Japan sa Pilipinas.

Kabilang sa ¥110-million package ang walong units ng mobile drainage pump at 17 power generation set with tower lights na gagamitin para mapabuti ang flood fighting activities at disaster response ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang donation package na nakuha ng Japan International Cooperation System (JICS) ay bahagi ng Non-Project Grant Aid (NPGA) for Provision of Japanese Disaster Reduction Equipment 2014 ng Japan para sa Pilipinas.

Ayon kay DPWH Undersecretary for UPMO Operations and Technical Services Emil Sadain, uumpisahan na ang distribusyon ng mobile drainage pumps sa DPWH Regions 1, 2, 5, 6, 9, 10, 12 at National Capital Region (NCR) para sa emergency responding sa mga flooding situations.

Ang mga floodlights naman ay ipapamigay sa lahat ng DPWH Regional Offices at Bureau of Equipment.

Pinasalamatan ni DPWH Secretary Mark Villar ang gobyerno ng Japan para sa patuloy nitong pagtulong sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito.

Magugunitang nakatanggap din ng walong mobile drainage pumps ang DPWH mula sa Japan noong 2014 na ginamit naman sa Regions 3, 4-A, 7, 8, 11, 13 at NCR.

Martes, Mayo 1, 2018

Fujifilm ititigil na ang pagbebenta ng monochrome film


Inanunsiyo kamakailan ng Japanese firm na Fujifilm Imaging Systems Co. ang kanilang desisyon na itigil na ang pagbebenta ng monochrome photographic film dahil sa bagsak ng kita nito lalo na’t uso na ngayon ang digital cameras.

Ang huling batch ng black-and-white films na ibebenta ng kumpanya ay magagawa ngayong Oktubre at hindi na muling gagawa ang kumpanya ng bago kapag naubos na ang mga stocks nito. Hindi na rin sila magbebenta ng printing paper para sa monochrome photography simula Marso 2020.

Sa isang pahayag na ipinaskil sa kanilang website, nagpasalamat ang Fujifilm sa mga tumangkilik sa monochrome photographic film at sa pag-unawa ng publiko sa kanilang desisyon na itigil na ang paggawa nito.

“Fujifilm Imaging Systems Co., Ltd. has worked hard to absorb cost, such as improving production and cost savings for black-and-white film and black-and-white photographic paper that we have used for many years. However, as the demand decreased, sales will be terminated.

“Thank you for your kind understanding,” pahayag ng Fujifilm.

Ito na ang pagtatapos ng 82-taong kasaysayan ng kumpanya sa monochrome film production. Batay sa Kyodo News, tinatayang 15 porsyento hanggang 20 porsyento ang ibinababa kada taon ng kita ng black-and-white film.

Matatandaan na noong 1936 nagsimula na magbenta ang Fujifilm ng monochrome photographic film na naging pangunahing produkto ng kumpanya partikular nang maging popular ito noong 1960s. Subalit, unti-unting bumaba ang demands para rito nang nauso ang color photography at lalo pang bumaba simula nang mauso ang digital cameras.

Martes, Abril 3, 2018

Libreng Wi-Fi sa bullet train ilulunsad ng Japan Railway


Para matugunan ang demand ng mga dayuhang turista bago sumapit ang 2020 Tokyo Olympics and Paralympics ay sisimulan na ng Japan Railways (JR) ang paglalagay ng libreng serbisyo ng wi-fi sa mga Shinkansen bullet trains nito.

Nakatakdang ilunsad ng East Japan Railway Co. (JR East) ang free wi-fi service nito sa Akita, Hokuriku at Tohoku Shinkansen lines sa darating na Mayo, sa Yamagata Shinkansen Line sa fiscal 2019 at sa fiscal 2020 naman sa Joetsu Shinkansen Line.

Sisimulan naman ng Central Japan Railway Co. ang free wi-fi service nito sa Tokaido Shinkansen Line sa kalagitnaan ng 2018. Sa parehong taon din ay isasagawa din ito ng West Japan Railway Co., Kyushu Railway Co. at Hokkaido Railway Co.

Una nang naglunsad ng libreng serbisyo ng wi-fi ang Toei subway at Tokyo Metro subway noong 2015 at inaasahang mailalagay sa lahat ng tren nito pagsapit ng 2020.

Isinagawa na rin ito ng Toei buses na una nang nagpatupad sa libreng serbisyo ng wi-fi noong Marso 2014.

Target ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe na magtala ng 40 milyong foreign tourist arrivals pagsapit ng taong 2020 kasabay ng pagho-host ng Tokyo sa Olympic at Paralympic Games.

Lunes, Abril 2, 2018

Abe, Trump magpupulong sa Abril tungkol sa North Korea

Sina President Donald Trump at Prime Minister Shinzo Abe sa
 isang joint press conference sa Akasaka Palace, Tokyo, Japan
noong  Nobyembre 6, 2017. (Kuha ni Andrea Hanks/White House)

Nakatakdang lumipad sa Estados Unidos sa Abril si Japanese Prime Minister Shinzo Abe upang makipagpulong kay U.S. President Donald Trump tungkol sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa North Korea at nuclear weapon and missiles program nito.

Ito ay matapos na tanggapin ni Trump ang imbitasyon ni North Korean leader Kim Jong-Un na makipagkita sa darating na Mayo, na ayon kay South Korea National Security Office head Chung Eui-yong.

Sa isang tawag sa telepono, nagkasundo ang dalawang lider ng Japan at U.S. na patuloy na hikayatin ang North Korea na itigil na ang kanilang nuclear weapon and missiles program na tinututulan ng maraming bansa.

Naniniwala rin si Abe na ang ginawang hakbang ng North Korea na maging bukas sa pakikipag-usap kay Trump ay isang senyales na maaaring mag-iba na ang desisyon ng North Korea tungkol sa kanilang ipinapatupad na programang nuclear.

“I agreed with President Trump that (this development) is the result of Japan, the United States and South Korea, together with the international community, having continued to put a high level of pressure on North Korea,” pahayag ni Abe.

“The solid position of Japan and the United States — that we will continue to put maximum pressure on North Korea until it takes concrete actions toward the complete, verifiable and irreversible abandonment of its nuclear (weapons) and missiles — is absolutely unwavering,” dagdag pa nito.

Tinalakay din nina Abe at Trump ang ginawang pagdukot ng North Korea sa ilang Japanese nationals noong 1970s hanggang 1980s. Nakiusap si Abe kay Trump na tulungan siya upang maresolba ang isyung ito sa North Korea.

“I want to work even more closely with President Trump to resolve various issues related to North Korea, such as its nuclear weapon and ballistic missile programs and the abduction of Japanese nationals,” giit ni Abe.

Matatandaan na ilang beses nang kinondena ng Japan ang mga isinasagawang nuclear missile tests kung saan nakadirekta ito sa Japan. Noong nakaraang Setyembre ay isang missile mula sa North Korea ang bumagsak sa karagatan ng Hokkaido.

“The Self-Defense Forces detected and tracked the missile perfectly from launch through landing,” ani Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga noong Setyembre.

“We didn’t intercept it because no damage to Japanese territory was expected,” dagdag pa nito.

Japan, ‘world’s most powerful passport’ ng Henley Index; PH nasa pang-75 pwesto


Ni Florenda Corpuz


Inungusan ng Japan sa unang pwesto ang Germany sa pagkakaroon ng travel freedom dahil sa visa-free access nito sa 180 bansa sa buong mundo, ito ay ayon sa Henley Passport Index.

Kapantay ng Japan sa unang pwesto ang Singapore.

Ayon sa Henley Passport Index 2018 na inilathala noong nakaraang buwan, nalipat sa pangalawang pwesto ang Germany matapos itong maghari sa loob ng nakalipas na limang taon, sa pagkakaroon nito ng visa-free access sa 179 destinasyon.

“Japan and Singapore rose to the top of the index after, among other developments, Uzbekistan lifted visa requirements for Japanese and Singaporean nationals in early February. Uzbekistan’s efforts to increase tourist inflows saw a number of other countries in Asia and the Middle East (including Turkey, Indonesia, and Israel) gaining access,” saad sa website ng Henley & Partners, isang law firm.

Sinabi naman ni Dr. Parag Khanna, Senior Fellow sa Centre on Asia and Globalisation sa National University of Singapore na patuloy na lumalago ang kapangyarihan ng mga bansa sa Asya.

“It is perhaps long overdue that wealthy Asian states such as Singapore and Japan would equal and now even exceed Germany’s ranking among the world’s most powerful passports,” aniya. “These two states in particular are identified as peaceful commercial powers, with their citizens interested primarily in business and investment activities.”

“For its part, Japan has long been one of the world’s leading capital exporters, and this role has grown in the wake of ‘Abenomics,’ the set of economic policies implemented by Japanese Prime Minister Shinzo Abe at the outset of his second term. Singapore, which has long been the portal for investment into Southeast Asia, is now also the major conduit for outbound Asian investment as well,” dagdag pa niya.

Nasa ikalimang pwesto ang Japan noong nakaraang taon na may visa-free access sa 172 bansa.

Kabilang naman sa top 10 ngayong taon ang mga sumusunod: Denmark, Finland, France, Italy, Sweden, Spain, South Korea na may visa-free access sa 178 na bansa; Norway, United Kingdom, Austria, Luxembourg, Netherlands, Portugal - 177; Switzerland, Ireland, United States, Canada -176; Belgium, Australia, Greece - 174; New Zealand, Czech Republic, Malta - 173; Iceland -172; Hungary - 171; at Latvia -  170.

Ang Pilipinas naman ay nasa pang-75 pwesto kasama ang mga bansang Cuba, Cape Verde Islands at Azerbaijan na may visa-free access sa 63 bansa.

Huli naman sa listahan ang Afghanistan na may visa-free access sa 24 na bansa.

Ang Henley Passport Index ay base sa eksklusibong datos ng International Air Transport Association (IATA) na may hawak ng pinakamalaki at pinakatiyak na database ng travel information ng buong mundo.       

PHL Embassy pinag-iingat ang mga Pilipino sa mga alok na refugee visa


Ni Florenda Corpuz

Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Tokyo ang mga mamamayang Pilipino laban sa mga indibidwal at organisasyon na nag-aalok ng refugee visa kapalit ng malaking pera para manatili at makapagtrabaho sa Japan.

Ayon sa advisory na inilabas ng Pasuguan sa kanilang website nitong Marso, nanguna ang mga Pilipino sa bilang ng mga aplikante na umabot sa 4,895 batay sa talaan ng Ministry of Justice subalit wala kahit isa sa mga aplikasyong ito ang naaprubahan.

“Ayon sa batas ng Japan, ang mga aplikante para sa refugee visa na hindi kikilalanin ng Ministry of Justice ay hindi na mabibigyan ng pagkakataong mamalagi at magtrabaho sa Japan,” saad sa advisory.

“Ang pagtrabaho sa Japan na walang working visa ay paglabag sa Immigration Control Act ng Japan na may kaparusahang pagkulong, deportasyon at isa (1) hanggang sampung (10) taong hindi pagpasok sa Japan,” dagdag pa rito.

Inilarawan din dito ang refugee bilang “isang taong napilitang lumikas sa kanyang bansa dahil sa pag-uusig, digmaan, o karahasan. Ang isang refugee ay may malinaw at matatag na batayan ng pagkatakot sa pag-uusig dahilan sa kanilang lahi, relihiyon, nasyonalidad, opinyon sa pulitika o pagiging kasapi sa isang partikular na grupo ng lipunan.”

Dinagdag pa ng Embahada na “hindi kinikilala na refugee ang mga mamamayang lumikas ng kani-kanilang bansa dahil may kaalitan na kapitbahay, kakilala, o gang dahil sa pagkakautang at iba pa; may kaalitan na kamag-anak dahil sa mana, away ng mag-asawa, pagkakautang at iba pa; nagnanais magtrabaho sa Japan; at nagnanais na magpagamot sa Japan.

Matatandaang nauna nang pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Pilipino na iwasan ang mga alok na trabaho sa Japan gamit ang “tourist-to-refugee” recruitment scheme.

Ito ay matapos iulat ng Office of the Undersecretary of Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang nagngangalang “Mara” na nanghihikayat sa mga aplikante na pumunta sa Japan gamit ang tourist visa at tinuturuan sila na mag-apply ng refugee visa sa Immigration Bureau ng Japan para sa employment purposes sa pamamagitan ng social media.

Hiniling ng OUMWA sa POEA na magsagawa ng imbestigasyon para sa posibleng kaso ng illegal recruitment o trafficking in persons kung saan sangkot ang sindikato na nag-o-operate sa Saitama Prefecture.

Binanggit din sa ulat na isang broker na nakabase sa Maynila ang naghahanda ng mga pekeng dokumento tulad ng certificate of employment at bank statement para sa visa application ng aplikante. Naniningil umano ang sindikato ng Php55,000 hanggang  Php95,000 bawat aplikante para sa mga pakunwaring serbisyo.

Sa hiwalay na ulat, sinabi ng refugee recognition office ng Immigration Bureau na ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong aplikante bilang technical trainees ay nag-a-apply ng refugee status kapag mawawalan na ng bisa ang kanilang visa.

Miyerkules, Pebrero 28, 2018

Alyansa ng Estados Unidos at Japan, matatag – Pence

Sinalubong ni  Japanese Prime Minister Shinzo Abe
 si U.S Vice President Mike Pence sa Japan kamakailan. 
(Kuha mula sa U.S Embassy and Consulates in Japan)

Iginiit ni U.S. Vice President Mike Pence na nananatiling matatag ang alyansa ng Estados Unidos at Japan partikular na sa panawagan sa North Korea na itigil na ang kanilang nuclear weapons and missile programs.

Sinabi ni Pence na magkatuwang ang dalawang bansa sa pagtiyak sa seguridad at kapayapaan sa mundo.

“We will continue to stand shoulder to shoulder with the people of Japan, the people of South Korea and our allies and partners across the region until we achieve the global objective of the denuclearization of the Korean Peninsula,” pahayag ni Pence nang sandaling bumisita ito sa Japan kamakailan bago tumulak sa South Korea para sa 2018 Pyeongchang Olympics.

Binisita rin ni Pence ang Japanese Patriot PAC-3 missile battery at nakipagkamay sa mga opisyal at ilang miyembro ng Self-Defense Forces (SDF). Nakipagpulong din si Pence kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Sa isang joint statement, sinabi nina Abe at Pence na nagkakaisa sila sa panawagan sa South Korea na huwag itong magpabuyo sa “smile diplomacy” na ipinapakita ng North Korea.

“Today, I shared the recognition with Vice President Pence once again that Japan, the U.S. and South Korea need to maximize pressure against North Korea through every possible measure. I was able to coordinate our North Korea policy completely,” pahayag ni Abe.

“Security is the foundation of our prosperities, and security in the Indo-Pacific is the main reason I came to Japan today. Working together, the United States and Japan will continue to confront the most dangerous threat in the Indo-Pacific, the rogue regime … North Korea,” ani naman ni Pence.

“We will continue to intensify our maximum pressure campaign… The United States is committed to provide Japan with additional cutting edge defense systems. Our nations are now working together to deliver these new defense systems as quickly as possible,” dagdag pa nito.

Para kay Abe, malabo na magkaroon ng diyalogo sa pagitan ng Japan at North Korea hangga’t hindi nito itinitigil ang nuclear programs.

“Unless North Korea shows sincere willingness to denuclearize itself and take concrete steps toward that goal, we cannot expect any meaningful dialogue,” ani Abe.

“Our alliance between Japan and the United States has become more robust and unwavering than ever,” giit pa nito.


Matatandaan na noong nakaraang taon ay isinagawa ng North Korea ang missile launce kung saan bumagsak ito sa karagatan ng Japan na mariing kinondena ng huli.