Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sabel. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Sabel. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Hunyo 8, 2015

Iza Calzado, busy with a musical and new international film

Iza Calzado
Tuluy-tuloy ang magagandang pangyayari at proyekto sa karera ni Iza Calzado ilang taon mula nang lumipat ito bilang isang exclusive talent sa ABS-CBN nitong 2012 sa ilalim ng Star Magic. Naging exlusive talent si Calzado sa GMA Artist Center mula 2004-2011. Nakapirma rin si Calzado sa isang non-exclusive contract sa Star Cinema, ang film production arm ng ABS CBN.

Kamakailan natupad ang isa sa pangarap ni Calzado na maipinta ng isa sa nirerespetong pangalan sa industriya ng sining sa bansa, ang National Artist for Visual Arts na si Benedicto “BenCab” Cabrera.  Hindi naitago ng aktres ang kanyang kagalakan sa natatanging pagkakataon na ito. Ipininta si Calzado ng dalawang portrait ni Cabrera, kung saan ang isa rito ay ginamit bilang publicity poster para sa musical na “Sabel” na pinagbibidahan din ni Iza.

Kauna-unahang pagkakataon ito para kay Calzado  na maging pangunahing karakter ng isang musical. Aniya, isang bagong karanasan ito para sa kanya. Dagdag ng aktres, magandang pagkakataon din ito para matuto ng ibang mga bagay at maipakita ang ibang Iza Calzado mula sa kanyang mga pagganap sa telebisyon at pelikula. Naniniwala rin siya ng lubos sa kakayahan ng direktor nitong si Freddie Santos. Isinulat din ni Santos ang mga liriko at libretto sa naturang musical.

‘Sabel: Love and Passion’

Pinamagatang “Sabel: Love and Passion” ang musical na tungkol sa buhay ni Sabel, ang inspirasyon ni Bencab sa kanyang pagpipinta. Tinalakay ng kwento sa pamamagitan ng interpretasyon ng sayaw mula sa Philippine Ballet Theater (PBT) at sinasabayan ng mga makaantig damdaming mga kanta ang pagkasilang ni Sabel hanggang sa pagiging comfort woman, nightclub dancer, isang ina at kalaunan bilang isang babaeng sumasayaw sa kalye na siyang magbibigay inspirasyon sa isang batang magpipinta para sa kanyang pinakamagandang obra.

Nakatakda ang kwento ng Sabel sa mga panahong mahalaga sa kasaysayang ng bansa, nang umalis ang mga Kastila at namuno ang mga Amerikano. Nagmula ang inspirasyon ng Sabel sa 1965 na obra ni Cabrera ng isang babaeng nagngangalang Sabel na namumulot ng mga basura. Nagsilbi rin na pangunahing handog ang Sabel bilang selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ni Cabrera sa industriya. Ginanap ang World Premiere Gala ng Sabel kamakailan at regular run sa Hunyo 26-27 sa Music Museum.

‘Showdown in Manila’
Maliban sa musical, abala rin si Calzado sa upcoming international film na “Showdown in Manila” kasama ang mga Fil-Am Hollywood stars na sina Tia Carrere at Mark Dacascos, Casper Van Dien at Cary Hiroyuki Tagawa. Gaganap si Calzado bilang isang pulis sa pelikula na mula sa direksyon ni Dacascos.

Ayon kay Calzado, nagustuhan nito ang kanyang karanasan sa pelikula dahil hindi siya na-typecast. Itinuturing din niyang kakaibang karanasan ang karakter niya bilang pulis. Bagaman natatakot siya kapag may baril, ginawa pa rin ni Calzado ang lahat ng kanyang makakaya para sa karakter niya.

Pangalawang beses na ito kay Calzado sa isang international film, una sa “The Echo” (2008) na English remake ng pelikulang “Sigaw” (2005) kung saan kabilang din siya sa cast. Aniya, bukas siya sa posibilidad na subukan ang mga proyekto sa Hollywood kung mayroong casting calls. Nagbigay inspirasyon din sa kanya ang pagiging bahagi niya ng Showdown in Manila para subukan mag-aral ng acting sa Los Angeles.

Inilunsad din ni Calzado ang isang instructional fitness video, ang “Level Up! Make That Change Now.”


Kilala si Calzado sa mga pelikulang “Moments of Love,” “Mulawin The Movie,” “Batanes: Sa Dulo Ng Walang Hanggan,” “Maria Leonora Teresa” at “Starting Over Again” at sa telebisyon sa “Encantadia,” “Atlantika,” “Impostora,” “Kahit Puso’y Masugatan” at “Hawak Kamay.” 

Biyernes, Pebrero 7, 2014

The BenCab Museum: House of Art

Ni Len Armea
Isa sa pinupuntahan sa Baguio ay ang
BenCab Museum. (Kuha ni Oliver Calingo)

Isa sa pinakapopular na lugar na pinupuntahan ng mga turista sa Baguio City ay ang BenCab Museum kung saan makikita ang mga naggagandahang paintings at iba pang art collections ng National Artist for Visual Arts na si Benedicto Reyes Cabrera, mas kilala sa tawag na BenCab.

Pagpasok na pagpasok sa apat na bahagdan na museo ay agad na bubungad ang ilan sa mga paintings ng 71-taong-gulang na artist kabilang na ang naging pinakainspirasyon nito sa pagguhit na si “Sabel.” Binubuo ang museo ng iba’t ibang galleries kung saan ang bawat isa ay may kanya-kanyang tema na kaaaliwaan at hahangaan ng mga bumibisita.

Hindi mo mamamalayan ang oras sa pagpunta sa bawat gallery: BenCab Gallery, Cordillera Gallery, Erotica Gallery, Sepia Gallery, Philippine Contemporary Art Gallery 1, Philippine Contemporary Art Gallery 2, Maestro Gallery, Print Gallery, Patio Salvador and Larawan Hall.
Makikita sa Bencab Gallery ang mga gawa mismo ni BenCab -- mga paintings na kanyang iginuhit sa loob ng apat na dekada niyang pagpipinta. 

Makikita sa mga paintings na ito ang naging inspirasyon ni BenCab sa paglikha ng kanyang obra partikular na si “Sabel” na isang taong-grasa na kanyang nakita nang siya’y nakatira pa sa Maynila. Halos ang mga paintings na ito ang nagkukuwento sa naging buhay ni BenCab at naging impluwensiya sa kanya mula sa kanyang paglaki sa Maynila, pagpunta sa Lodon, pagbabalik ng Pilipinas noong 1980s at pagpili sa pagtira sa Baguio City noong 1986.

Nakabahay naman sa Maestro Gallery ang ilan sa mga gawa nina Aguinaldo, Chabet, Edades, Joya, Legaspi, Luz, Magsysay-Ho, Sanso, Zobel at ilan pang kilalang artists mula sa larangan ng sining sa bansa.

Mamamangha naman ang mga bisita sa iba’t ibang collection ni BenCab ng mga tribal artifacts at indigenous artifacts na mula sa Baguio City na isa sa mga dahilan kung bakit nito pinili na mamalagi sa Baguio. Kabilang sa mga collection niya ay ang bulol granary gods, at ilang bagay na nililok mula sa kahoy tulad ng furniture, kutsara, kasangkapan, at baskets.

Sa Print Gallery naman matutuklasan ang isa pang hilig ni BenCab – ang pagkuha ng litrato. Matatagpuan dito ang ilan sa mga makabagong litrato, postcards at lumang mapa.

Sa Erotica Gallery naman matatagpuan ang mga paintings, sculptures, drawings at iba pang artworks ni BenCab at ilan pang artists kung saan may temang sekswal.

For nature lovers

Napakalawak ng Bencab Museum kaya bukod sa pagligid at paghanga sa mga obra maestro ay magugustuhan din ng mga bisita ang nasa paligid ng museo. Mayroong mini-forest sa labas, herb garden kung saan nakatanim ang carrots at spring onions, mga halaman at iba’t ibang klase ng bulaklak, kubo sa gitna ng mini-lake, at hanging bridge. Matatanaw din sa paligid ang mga bulubundukin ng Baguio City.

Mayroon din restaurant sa baba ng museo na tinawag na Café Sabel.

BenCab: The Artist

Ipinanganak noong 1942, hindi naging madali para kay BenCab na ipinanganak sa Malabon at lumaki sa Sta. Cruz, Manila na tuparin ang kanyang pangarap. Subalit, simula noon pa ay hindi ito tumigil sa pagguhit at pagpipinta. Sa edad na pito ay nagpipinta na sa mga pader at palitada si BenCab.

Nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-aral ng kursong Fine Arts sa University of the Philippines noong 1960s sa pamamagitan ng Castro Scholarship ngunit hindi niya ito natapos. Nagtrabaho si BenCab bilang layout artist sa Liwayway Magazine at sa edad na 24 ay nagkaroon na siya ng kauna-unahan niyang painting exhibition.

Noong 1964 ay natagpuan nito ang kanyang “muse” o inspirasyon sa pagpipinta sa katauhan ng isang taong-grasa na nagngangalang Sabel. Para kay BenCab, si Sabel ay simbolo ng kahirapan, kawalan ng pag-asa at pag-iisa dala ng mga pangyayaring hindi inaasahan.

Nagtuloy-tuloy ang pagpipinta ni BenCab, nakarating siya sa London, nagsagawa ng ilang art exhibits, kinilala ang kanyang galing at nagtamo ng  mga parangal, at lalo nitong pinalawig at pinag-ibayo ang kaalaman at kagalingan sa sining.

Noong 2006, itinanghal si BenCab na National Artist for Visual Arts, isa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang alagad ng sining.