Ni Len Armea
Isa sa pinupuntahan sa Baguio ay ang BenCab Museum. (Kuha ni Oliver Calingo) |
Isa sa pinakapopular na lugar na
pinupuntahan ng mga turista sa Baguio City ay ang BenCab Museum kung saan
makikita ang mga naggagandahang paintings at iba pang art collections ng
National Artist for Visual Arts na si Benedicto Reyes Cabrera, mas kilala sa
tawag na BenCab.
Pagpasok na pagpasok sa apat na
bahagdan na museo ay agad na bubungad ang ilan sa mga paintings ng
71-taong-gulang na artist kabilang na ang naging pinakainspirasyon nito sa
pagguhit na si “Sabel.” Binubuo ang museo ng iba’t ibang galleries kung saan
ang bawat isa ay may kanya-kanyang tema na kaaaliwaan at hahangaan ng mga bumibisita.
Hindi mo mamamalayan ang oras sa pagpunta
sa bawat gallery: BenCab Gallery, Cordillera Gallery, Erotica Gallery, Sepia
Gallery, Philippine Contemporary Art Gallery 1, Philippine Contemporary Art
Gallery 2, Maestro Gallery, Print Gallery, Patio Salvador and Larawan Hall.
Makikita sa Bencab Gallery ang
mga gawa mismo ni BenCab -- mga paintings na kanyang iginuhit sa loob ng apat
na dekada niyang pagpipinta.
Makikita sa mga paintings na ito ang naging inspirasyon
ni BenCab sa paglikha ng kanyang obra partikular na si “Sabel” na isang
taong-grasa na kanyang nakita nang siya’y nakatira pa sa Maynila. Halos ang mga
paintings na ito ang nagkukuwento sa naging buhay ni BenCab at naging
impluwensiya sa kanya mula sa kanyang paglaki sa Maynila, pagpunta sa Lodon,
pagbabalik ng Pilipinas noong 1980s at pagpili sa pagtira sa Baguio City noong 1986.
Nakabahay naman sa Maestro
Gallery ang ilan sa mga gawa nina Aguinaldo, Chabet, Edades, Joya, Legaspi,
Luz, Magsysay-Ho, Sanso, Zobel at ilan pang kilalang artists mula sa larangan
ng sining sa bansa.
Mamamangha naman ang mga bisita
sa iba’t ibang collection ni BenCab ng mga tribal artifacts at indigenous
artifacts na mula sa Baguio City na isa sa mga dahilan kung bakit nito pinili
na mamalagi sa Baguio. Kabilang sa mga collection niya ay ang bulol granary
gods, at ilang bagay na nililok mula sa kahoy tulad ng furniture, kutsara,
kasangkapan, at baskets.
Sa Print Gallery naman matutuklasan
ang isa pang hilig ni BenCab – ang pagkuha ng litrato. Matatagpuan dito ang
ilan sa mga makabagong litrato, postcards at lumang mapa.
Sa Erotica Gallery naman matatagpuan
ang mga paintings, sculptures, drawings at iba pang artworks ni BenCab at ilan
pang artists kung saan may temang sekswal.
For nature lovers
Napakalawak ng Bencab Museum kaya
bukod sa pagligid at paghanga sa mga obra maestro ay magugustuhan din ng mga
bisita ang nasa paligid ng museo. Mayroong mini-forest sa labas, herb garden kung
saan nakatanim ang carrots at spring onions, mga halaman at iba’t ibang klase
ng bulaklak, kubo sa gitna ng mini-lake, at hanging bridge. Matatanaw din sa
paligid ang mga bulubundukin ng Baguio City.
Mayroon din restaurant sa baba ng
museo na tinawag na Café Sabel.
BenCab: The Artist
Ipinanganak noong 1942, hindi
naging madali para kay BenCab na ipinanganak sa Malabon at lumaki sa Sta. Cruz,
Manila na tuparin ang kanyang pangarap. Subalit, simula noon pa ay hindi ito tumigil
sa pagguhit at pagpipinta. Sa edad na pito ay nagpipinta na sa mga pader at
palitada si BenCab.
Nabigyan siya ng pagkakataon na
makapag-aral ng kursong Fine Arts sa University of the Philippines noong 1960s sa
pamamagitan ng Castro Scholarship ngunit hindi niya ito natapos. Nagtrabaho si
BenCab bilang layout artist sa Liwayway Magazine at sa edad na 24 ay nagkaroon
na siya ng kauna-unahan niyang painting exhibition.
Noong 1964 ay natagpuan nito ang
kanyang “muse” o inspirasyon sa pagpipinta sa katauhan ng isang taong-grasa na
nagngangalang Sabel. Para kay BenCab, si Sabel ay simbolo ng kahirapan, kawalan
ng pag-asa at pag-iisa dala ng mga pangyayaring hindi inaasahan.
Nagtuloy-tuloy ang pagpipinta ni
BenCab, nakarating siya sa London, nagsagawa ng ilang art exhibits, kinilala
ang kanyang galing at nagtamo ng mga
parangal, at lalo nitong pinalawig at pinag-ibayo ang kaalaman at kagalingan sa
sining.
Noong 2006, itinanghal si BenCab
na National Artist for Visual Arts, isa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay
sa isang alagad ng sining.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento