Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ozeki. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ozeki. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Oktubre 1, 2017

Japanese-Filipino Akira Takayasu, pinarangalan sa pagiging ōzeki


Kuha mula sa Philippine Embassy in Tokyo / Mrs. Bebelita Takayasu
Tinatayang humigit-kumulang sa 1,000 katao ang dumalo sa pormal na pagdiriwang ng pagiging ōzeki ng Filipino-Japanese sumo wrestler na si Akira Takayasu na ginanap sa Grand Prince Hotel New Takanawa sa Shinagawa, Tokyo kamakailan.

Ang 27-taong-gulang na si Takayasu ang kauna-unahang Japanese-Filipino na nakakuha ng rango na ozeki, ang ikalawa sa pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo wrestling.
Bukod sa pamilya, kaanak at malalapit na kaibigan, dinaluhan ang pagdiriwang ng matataas na opisyal at personalidad sa sumo wrestling at Filipino community. Isa si Philippine Ambassador Jose Laurel V sa personal na nagbigay ng parangal at papuri kay Takayasu, na ang inang si Bebelita ay isang Pilipina na mula sa Bohol at Cebu.

Sinabi ni Laurel na isang kamangha-manghang tagumpay ang ibinigay ni Takayasu sa Pilipinas partikular na sa mga Pilipinong nasa Japan.

“Ōzeki Takayasu has brought a very rare honor not only to his family and his sumo stable, but also to the Philippines and the 270,000-strong Filipino community in Japan. This is a feat that we will not probably see repeated in 50 years,” pahayag ni Laurel.

Pinuri ng ambassador si Takayasu dahil sa kanyang disiplina at pagpupunyagi upang marating ang tugatog ng tagumpay.

“As a Japanese-Filipino who achieved success through discipline and fortitude, his accomplishment mirrors the great heights to which Philippine-Japan relations have risen in recent years, and the great possibilities that remain. We have high hopes for Ōzeki Takayasu and wish him well in his coming tournaments,” ani ng ambassador.

Matatandaan na pormal na inanunsiyo ng Japan Sumo Association (JSA)  ang pagiging ōzeki ni Takayasu mula sa pagiging sekiwake nitong nakaraang Mayo matapos na magtala ng mahigit sa 33 panalo na isang pamantayan para sa promosyon.

Sa tagumpay na ito, abot-kamay na ni Takayasu ang oportunidad na maabot ang ranggo na yokozuna, ang pinakamataas na ranggo sa sumo wrestling kung saan apat na wrestlers ang may hawak ng ganitong ranggo sa kasalukuyan.

Linggo, Hulyo 2, 2017

Sikat na Filipino-Japanese sumo wrestler ganap ng ozeki

Ni Dr. Chino Manding Caddarao


Isang malaking tagumpay para sa 27-taong-gulang na Filipino-Japanese na si Takayasu Akira ang ma-promote bilang isang ozeki, ang ikalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo wrestling.

Ipinagkaloob ng namumuno ng Japan Sumo Association kay Takayasu ang rango na ozeki mula sa sekiwake kamakailan dahil sa kanyang pagkakasunod-sunod na panalo sa Sumo Grand Tournaments ng Tokyo, Osaka, Nagoya at Fukuoka. Isa ito sa pinakamabilis na desisyon sa kasaysayan ng Japan Sumo Association.

Ginanap ang paglulunsad kay Takayasu bilang ozeki sa Imperial Hotel na dinaluhan ng local at foreign press mula sa iba’t ibang diyaryo at telebisyon kung saan kasamang nakisaya ang mga magulang ng sikat na sumo wrestler na sina Eiji Takayasu, isang Japanese, at Bebelita Torreon Bernadas, isang Pinay na tubong Getafe, Bohol.

Hindi madali para kay Takayasu ang naabot na tagumpay ngayon sa larangan ng sumo wrestling.  Masasabing ang kanyang pagpapahalaga sa sport na sumo, pagbibigay prayoridad sa disiplina sa sarili at pagiging butihing anak sa mga magulang at sa kanyang stable master ang dahilan kung bakit naabot niya ang pangalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sport na sumo.

Kaya naman sa kanyang pagtanggap sa nasabing promosyon, ipinangako niya na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maglaro ng malinis at respetadong tunggalian sa sumo. Ito, aniya, ay upang mabigyan ng katuparan ang respeto at pagpapahalaga sa sumo bilang sports ng Japan.   Nangako din siyang pag-iibayuhin ang kanyang darating na mga laro upang magampanan niya ang ipinagkaloob sa kanyang ranggo na ozeki. 

Libu-libong mga Pilipino sa Japan ang nagbunyi ng matunghayan nila sa telebisyon at mga pahayagan ang pagkapanalo ni Takayasu sa nasabing tournament. Para sa maraming Pilipino, isang malaking karangalan ang pagka-Pilipino ni Takayasu lalo na’t ang sumo wrestling ay pambansang laro sa Japan at itinuturing nila itong sagrado. 

Bunsod nito, inaasahan na patuloy na susuportahan ng mga Pilipino sa Japan at maging ng mga nasa Pilipinas ang kanyang unang pagsabak bilang isang ozeki sa Nagoya Grand Tournament na gaganapin sa Hulyo 9. Kailangang manalo ng isang ozeki ng back-to-back championships upang magawaran ng yokozuna na pinakamataas na ranggo sa sumo wrestling.

Matatandaang unang sumabak sa sumo wrestling si Takayasu noong 2005 at nanguna sa makuuchi division noong 2011 na nagbigay sa kanya ng record bilang unang sumo wrestler na nakagawa nito sa ilalim ng Heisei era.

Nakakuha siya ng siyam na special prizes: apat para sa Fighting Spirit, tatlo para sa Outstanding Performance at dalawa para sa Technique. Nanalo rin siya ng apat na gold stars ng matalo niya ang isang yokozuna.