Kuha mula sa Philippine Embassy in Tokyo / Mrs. Bebelita Takayasu |
Tinatayang humigit-kumulang sa
1,000 katao ang dumalo sa pormal na pagdiriwang ng pagiging ōzeki ng Filipino-Japanese
sumo wrestler na si Akira Takayasu na ginanap sa Grand Prince Hotel New Takanawa
sa Shinagawa, Tokyo kamakailan.
Ang 27-taong-gulang na si
Takayasu ang kauna-unahang Japanese-Filipino na nakakuha ng rango na ozeki, ang
ikalawa sa pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo wrestling.
Bukod sa pamilya, kaanak at
malalapit na kaibigan, dinaluhan ang pagdiriwang ng matataas na opisyal at
personalidad sa sumo wrestling at Filipino community. Isa si Philippine
Ambassador Jose Laurel V sa personal na nagbigay ng parangal at papuri kay Takayasu,
na ang inang si Bebelita ay isang Pilipina na mula sa Bohol at Cebu.
Sinabi ni Laurel na isang
kamangha-manghang tagumpay ang ibinigay ni Takayasu sa Pilipinas partikular na
sa mga Pilipinong nasa Japan.
“Ōzeki Takayasu has brought a
very rare honor not only to his family and his sumo stable, but also to the
Philippines and the 270,000-strong Filipino community in Japan. This is a feat
that we will not probably see repeated in 50 years,” pahayag ni Laurel.
Pinuri ng ambassador si Takayasu dahil
sa kanyang disiplina at pagpupunyagi upang marating ang tugatog ng tagumpay.
“As a Japanese-Filipino who
achieved success through discipline and fortitude, his accomplishment mirrors
the great heights to which Philippine-Japan relations have risen in recent
years, and the great possibilities that remain. We have high hopes for Ōzeki
Takayasu and wish him well in his coming tournaments,” ani ng ambassador.
Matatandaan na pormal na
inanunsiyo ng Japan Sumo Association (JSA) ang pagiging ōzeki ni Takayasu mula sa
pagiging sekiwake nitong nakaraang Mayo matapos na magtala ng mahigit sa 33
panalo na isang pamantayan para sa promosyon.
Sa tagumpay na ito, abot-kamay na
ni Takayasu ang oportunidad na maabot ang ranggo na yokozuna, ang pinakamataas
na ranggo sa sumo wrestling kung saan apat na wrestlers ang may hawak ng ganitong
ranggo sa kasalukuyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento