Ni Dr. Chino Manding Caddarao
Isang malaking tagumpay para
sa 27-taong-gulang na Filipino-Japanese na si Takayasu Akira ang ma-promote
bilang isang ozeki, ang ikalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo
wrestling.
Ipinagkaloob ng namumuno ng
Japan Sumo Association kay Takayasu ang rango na ozeki mula sa sekiwake
kamakailan dahil sa kanyang pagkakasunod-sunod na panalo sa Sumo Grand
Tournaments ng Tokyo, Osaka, Nagoya at Fukuoka. Isa ito sa pinakamabilis na
desisyon sa kasaysayan ng Japan Sumo Association.
Ginanap ang paglulunsad kay Takayasu
bilang ozeki sa Imperial Hotel na dinaluhan ng local at foreign press mula sa iba’t
ibang diyaryo at telebisyon kung saan kasamang nakisaya ang mga magulang ng sikat
na sumo wrestler na sina Eiji Takayasu, isang Japanese, at Bebelita Torreon
Bernadas, isang Pinay na tubong Getafe, Bohol.
Hindi madali para kay Takayasu
ang naabot na tagumpay ngayon sa larangan ng sumo wrestling. Masasabing ang kanyang pagpapahalaga sa sport
na sumo, pagbibigay prayoridad sa disiplina sa sarili at pagiging butihing anak
sa mga magulang at sa kanyang stable master ang dahilan kung bakit naabot niya
ang pangalawang pinakamataas na ranggo sa larangan ng sport na sumo.
Kaya naman sa kanyang
pagtanggap sa nasabing promosyon, ipinangako niya na gagawin niya ang lahat ng
kanyang makakaya upang maglaro ng malinis at respetadong tunggalian sa sumo.
Ito, aniya, ay upang mabigyan ng katuparan ang respeto at pagpapahalaga sa sumo
bilang sports ng Japan. Nangako din
siyang pag-iibayuhin ang kanyang darating na mga laro upang magampanan niya ang
ipinagkaloob sa kanyang ranggo na ozeki.
Libu-libong mga Pilipino sa
Japan ang nagbunyi ng matunghayan nila sa telebisyon at mga pahayagan ang pagkapanalo
ni Takayasu sa nasabing tournament. Para sa maraming Pilipino, isang malaking
karangalan ang pagka-Pilipino ni Takayasu lalo na’t ang sumo wrestling ay
pambansang laro sa Japan at itinuturing nila itong sagrado.
Bunsod nito, inaasahan na
patuloy na susuportahan ng mga Pilipino sa Japan at maging ng mga nasa
Pilipinas ang kanyang unang pagsabak bilang isang ozeki sa Nagoya Grand
Tournament na gaganapin sa Hulyo 9. Kailangang manalo ng isang ozeki ng
back-to-back championships upang magawaran ng yokozuna na pinakamataas na ranggo
sa sumo wrestling.
Matatandaang unang sumabak sa
sumo wrestling si Takayasu noong 2005 at nanguna sa makuuchi division noong
2011 na nagbigay sa kanya ng record bilang unang sumo wrestler na nakagawa nito
sa ilalim ng Heisei era.
Nakakuha siya ng siyam na special
prizes: apat para sa Fighting Spirit, tatlo para sa Outstanding Performance at
dalawa para sa Technique. Nanalo rin siya ng apat na gold stars ng matalo niya
ang isang yokozuna.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento