Ipinapakita ang mga post na may etiketa na photography. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na photography. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hulyo 4, 2017

7 Negosyo na bagay sa mga introvert

Ni MJ Gonzales


Mahalaga ang pagkilala sa personalidad ng tao, hindi lamang sa personal na aspeto, kundi  maging usaping trabaho at pagnenegosyo. Hindi lahat ay masayahin, palabati, at madaling makisalamuha sa ibang tao. Ang iba ay sadyang tahimik, at mas nakakagawa ng kanilang trabaho kapag mag-isa o iyong  mga tinatawag na introvert.  Kung sa tingin mo ay may ganito kang personalidad, pwede ka kaya na magnegosyo?

Kung kilala mo sina Bill Gates, Warren Buffet, Mark Zuckerberg,  Emma Watson, at JK Rowling ay alam mong ilan lamang sila sa mayayaman at matagumpay na tao sa kani-kanilang larangan. Subalit maliban sa mga ito ay pare-pareho rin silang may introvert personality. Ibig sabihin na kung nagawa nila ay magagawa din ng iba pang introvert na magnegosyo. Ang kailangan lamang ay tamang istratehiya at pagpili ng negosyo na papasukin.

Katunayan,  ilan sa kalakasan ng mga introvert ay pagiging magaling sa pag-aanalisa, pakikinig o obserbasyon, at paghahanap ng solusyon sa problema.  Marami rin na malikhain o artist ang may ganitong personalidad.

“We can stretch our personalities, but only up to a point. Bill Gates is never going to be Bill Clinton, no matter how he polishes his social skills, and Bill Clinton can never be Bill Gates, no matter how much time he spends alone with a computer,” saad ni Susan Cain, isang Amerikanong manunulat,  sa kanyang librong  “Quiet: The Power of Introverts in a World That Can’t Stop Talking.”

Samantala, ang sumusunod ay ilan lamang klase ng larangan o negosyo na bagay sa mga introvert:

Graphic, web designing o web developing. Karamihan ng mga introvert ay magaling sa computer at ilan na nga rito ay may kinalaman sa graphic design, web design, at web developing. Maliban sa ang gawain na ito ay hindi kailangan ng masyadong interaksyon at maaaring gawin online ay in-demand pa. Ito ay dahil na rin sa dami ng mga kliyente na gusto na magkaroon ng sarili at magandang website.  

Writing services.   Gaya sa web designing, marami ngayon ang kumukuha ng writing services para sa kanilang websites. Siyempre hindi na rin mawawala ang pangangailangan para sa pagsusulat para sa marketing at advertising campaigns, business proposals, at company manuals. Dagdag na rin dito ang pagkuha ng writers para sa e-book, ghost writing, speech, personal blogs, at iba pa.

Consulting/ tutoring business. Marami ang gusto ng one-on-one coaching lalo na para sa mga abalang tao. Mainam ito para sa mga introvert dahil sa kanilang natural na katangian na mahusay makinig, makisimpatya, at magbigay ng sinserong payo.  Pasok sa aspetong ito ang negosyong may kinalaman sa consultation gaya ng mga ginagawa ng mga financial advisors at private lessons sa anumang asignatura.

Online selling. Maraming maidudulot ang pagbebenta online. Hindi mo na kailangan halos na magtayo ng pisikal na tindahan at ang halos lahat ng transaksyon ay computer na lamang. Dagdag pa rito ay dumadami na rin ang mapagpipilian pagdating sa delivery courier at pagbabayad ng customers.

Bookkeeping at accounting services.  Malaki o maliit na kumpanya man ay nangangailangan   at nag-a-outsource ng bookkeeper at accountant.  Marami rin kasing  entrepreneur na hindi maalam pagdating sa bagay na ito at nahihirapan na pamahalaan pa ang bahaging ito sa pagnenegosyo.  Samantala, maaaring skills at experience lang ang kailangan sa bookkeeping.  Subalit pagdating sa accounting ay kailangang lisensyado bago ito gawin.

Photography, videography, painting at iba pa.  Mahilig sa party at events ang mga Pinoy at hindi mawawala  sa mga  ito ang pagkuha ng litrato, at video. Sa ngayon ay uso na rin ang photobooth na pwedeng dagdag na  negosyo. Bukod sa dalawang ito ay hindi rin mawawala ang iba pang negosyo na may kinalaman sa sining na katulad ng  painting, sculpting, desktop publishing, at iba pa.


Sources:

Miyerkules, Mayo 1, 2013

Danny Dungo: Through the Lens

Ni Enrique  Gonzaga

Filipino photographer Danny Dungo
Usong-uso ngayon ang pagkuha ng litrato bilang isang paraan ng pagkakakitaan o bilang isang libangan. Sa dami ng mga nagpapakilalang photographers sa iba’t ibang larangan, mayroon at mayroon pa rin mangingibabaw sa lahat.

Isa na rito si Danny Lapina Dungo na tubong San Pablo, Laguna at kasalukuyang naninirahan sa Japan. Sabi nga, ang pagiging isang magaling na litratista ay hindi nangyayari ng isang araw kundi matagal na panahon nang paglilinang ng talento at abilidad.

Nagsimula si Danny na magkaroon ng interes sa photography noong 1980's kung saan film pa ang ginagamit sa mga camera at “black and white” ang isa sa mga pangunahing uri ng pagkuha ng litrato.

Lalong nabuhay ang interes ni Danny sa pagiging litratista sa pagpasok ng bagong teknolohiya at ang paggamit ng DSLR camera at iba’t ibang klase ng lente. “Landscape photography” ang tinutukan ni Danny kung saan ang kalikasan ang pangunahing tema ng kanyang mga litrato.
Para kay Danny, ang pagkuha ng litrato ng kalikasan ay pagbibigay ng halaga at paraan ng pagpapakita sa kamangha-manghang likha ng Diyos na siyang nakapaligid sa buong mundo.

Black and white ang naging pundasyon ni Danny sa kanyang mga obra bilang isang litratista dahil para sa kanya ito ay nakakadagdag ng drama at damdamin sa mga litrato.

“Ang pagpapakita ng damdamin sa isang litrato ay hinuhugot sa masining na pagdama ng isang tao sa paggamit ng tamang komposisyon at paglalaro sa kulay o sa kaso naman ng “black and white photography” ang pagtamo ng matingkad na epekto nito,” ani Danny.

Ang nanalong photo entry ni Danny noong 2012.
Sa pagdaan ng panahon ay hinasa ni Danny ang sarili sa pagkuha ng magagandang litrato sa pamamagitan ng pag-alam sa iba’t ibang techniques. Nagbunga naman ito dahil noong isang taon ay nanalo ang kanyang litrato na ang subject ay mga kawayan na kanyang inilahok sa isang paligsahan sa paggunita ng “Araw ng Kalayaan."

Kamakailan lamang ay napag-alaman ni Danny mula sa My Japan Project na malaki ang naitulong ng kaniyang mga litrato para makapag-ipon ng pera ang organisasyon at makapagbigay ng tulong sa Japan Emergency Network. Napasama rin ang ilang litrato ni Danny sa isang libro na nakatakdang ilabas sa darating na Nobyembre at dahil dito ay napansin ang mga gawa ng Pinoy photographer ng NHK Japan.

Iniisip ni Danny na ang pinakamahalagang bagay para sa isang lensman ay ang mabuo ang sariling antig sa sining na nasa loob ng kaniyang pagkatao at kung paano ito mapabuti para maging epektibo sa mga tao. Naniniwala si Danny na ang photography ay isang sining kung saan ipinagsasama ang kulay, damdamin at mahalagang sandali upang gumawa ng panghabambuhay na dokumentasyon na maaaring hindi na mangyari ulit.

Ito rin ang isa sa mga dahilan kung kaya isinusulong niya ang wedding photography sa kasalukuyan. Sa katunayan, sa buwan ng Hunyo ay isang kasalan ang kukunan ni Danny sa Marilag, Tagaytay.

Si Danny ay isang freelance photographer na nakapaglathala ng kaniyang mga litrato sa Digital Photographer Philippines (DPP), Photographer England, Essential Photography England, Lonely Planet at Mabuhay Magazine, isang in-flight magazine ng Philippine Airlines.