Martes, Nobyembre 1, 2016

Say no to beauty sins


Kung pag-uusapan ang kagandahan, hindi ka pwedeng tatamad-tamad. Maraming mga beauty regimen ang kailangang gawin, mga produkto na kailangang subukan, mga pagkain na kailangang iwasan para lamang matamo ang makinis na balat. Ika nga ng maraming beauty and fashion experts, kung gusto mong maging maganda may mga sakripisyo ka na kailangang gawin.

Narito ang ilan sa mga beauty sins na kailangan ninyong iwasan upang maging maganda ang inyong kutis:

Make-up on. Sa trabaho, madalas na paggimik at mahalagang okasyon ay kailangan kang naka-makeup. At sa mga ganitong lakad kalimitan ay napapagod ka na at sobrang gabi na makakauwi kung kaya’t malaki ang tsansa na dumiretso na sa kama para matulog. Hindi maganda sa kutis ang pagtulog na mayroong make-up lalo na kung madaling magkaroon ng tigyawat. Ito ay dahil sa sumusuot ang dumi sa mga pores at buong gabi na nasa balat ang dumi. Kaya kung alam na gagabihin ng pag-uwi o sobrang mapapagod, maghanda ng make-up wipes para maalis ang make-up ng hindi na kailangang pumunta ng banyo.

Over Exfoliating. Isang beauty regime ang pag-e-exfoliate ng kutis ngunit hindi kailangang araw-arawin ito. Totoo na sa pamamagitan ng exfoliation ay natatanggal ang mga dead skin cells ngunit mas nagiging sensitibo ang balat sa araw at sa mga beauty products na ginagamit. Mainam na mag-exfoliate ng tatlong beses kada linggo ngunit kung winter season ay gawin lamang isang beses kada linggo upang hind maging dry ang balat.

Sleeping. Alam naman ng lahat kung gaano kahalaga ang pagtulog. Nagiging mas maganda ang balat kung may sapat na oras ng tulog dahil sa mga panahon na iyon nare-replenish ang balat. Kahit na mayroon kang mamamahaling make-up products ay hindi nito maitatago ang pagka-panget ng balat kung kulang na kulang ka sa tulog.

Tanning. Hindi maganda sa balat ang madalas na pagpapa-tan. Ito man ay sa pamamagitan ng tanning beds o sa pagbababad sa ilalim ng araw. Madaling magkakaroon ng wrinkles, brown spots at higit sa lahat ang tsansa na magkaroon ng skin cancer. Iminumungkahi ng mga dermatologists ang palaging paglalagay ng sunscreen protection o lotion para panlaban sa UV rays.

Picking at your pimples. Ugali ng karamihan na kinukutkot ang tigyawat at blackheads sa mukha. Ito ang isang bagay na hindi dapat makasanayan dahil maaari itong magdulot ng impeksyon, peklat at pwede rin magresulta sa broken blood vessels. Hinding-hindi mawawala ang pimples sa pamamagitan ng pagkutkut kundi ang paggamit ng ilang produkto tulad ng OTC benzyl peroxide at salicylic acid treatment o kaya’y pagkonsulta sa dermatologist.


Over Moisturizing. Kahit ano basta sobra ay hindi maganda. Ang labis na paglalagay ng moisturizing ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng tigyawat at white spots lalo na kapag na-trap ang dead skin cells sa pores.

Lav Diaz: The virtuoso of immaculate, deep-seated cinema


“It looks beautiful. This is for my country, for the Filipino people, for our struggle, for the struggle of humanity. Thank you, thank you, thank you so much,” ang pahayag ni Lav Diaz sa kanyang pagtanggap ng Golden Lion trophy para sa “Ang Babaeng Humayo” (The Woman Who Left), sa awarding ceremony ng 73rd Venice Film Festival na ginanap kamakailan sa Sala Grande Theater.

Pinangungunahan ni Charo Santos-Concio ang pelikula sa kanyang pagbabalik sa pag-arte bilang si Horacia, isang guro na 30 taong nakulong dahil sa krimen na hindi niya ginawa. Makaraan ang 30 taon, lumaya siya kung saan naging matinding pagsubok sa kanya kung paano muling magsisimula sa lipunang batbat na ng maraming pagbabago.

May tagal na 228 minuto ang pelikula na si Diaz din ang nasa likod ng editing, screenplay at cinematography. Umani ng maraming papuri ang obra mula sa media at nirerespetong film critics.

“A succinct, poignant revenge drama with immaculate imagery in high-contrast black and white. It is an immensely immersive and engaging tale about a wronged individual’s grueling struggle between reconciliation and revenge,” ang pahayag ni Clarence Tsui ng Hollywood Reporter.

A master of art house Philippine cinema

Ayon kay Diaz, nakuha niya ang inspirasyon sa Ang Babaeng Humayo mula sa “God Sees the Truth, But Waits,” isang maikling kwento ni Leo Tolstoy noong 1872 na pangunahing karakter din ang isang preso na huli na nang mapawalang-sala ngunit ang pagkakaiba ay sa unang bahagi pa lang nito ay nabigyang patawad na ang mga nagkasala.

Inilalarawan ng maestro ang sarili niya bilang isang tagapagsalaysay na gumagawa ng mga obra tungkol sa mga pagsusumikap ng kanyang mga kababayan. Ang mga pelikula niya ay mga kalmadong salaysay ng kalungkutan at katibayan ng mga mamamayang ipinagkanulo ng isang nasyon pagkatapos ng maraming taon nito ng kolonisasyon, na layuning ipamahagi ang self-renewal at patuloy na pagtatanggol sa kalayaan sa mga tao.

Malaking inspirasyon ni Diaz ang premyadong direktor na si Lino Brocka, na isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino. At inihahalintulad din ang istilo niya sa pamamaraan noon ni Brocka sa kanyang mga rebolusyonaryong obra.

Breakthrough in international cinema

Nagtrabaho sa Maynila bilang direktor at scriptwriter si Diaz, na lumaki sa Cotabato, noong 1990s at sa gitnang bahagi ng dekada ay sinimulan niya ang “Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino” na natapos lamang noong 2004. Bago nito, naunang nailabas ang “Serafin Geronimo: Kriminal ng Barrio Concepcion” at “Hubad sa Ilalim ng Buwan.”

Taong 2001 naman nang magsimulang makilala si Diaz sa industriya sa pelikulang “Batang West Side” na umani ng maraming papuri sa loob at labas ng bansa gaya ng Cinemanila International Film Festival, Brussels Independent Film Festival, at Gawad Urian.

Nasundan ito ng “Hesus, Rebolusyunaryo” (2002), “Heremias (Book One: The Legend of the Lizard Princess” (2006), “Kagadanan sa Banwaan Ning Mga Engkanto” (2007), “Melancholia” (2008), “Walang Alaala ang mga Paru-paro” (2009), “Siglo ng Pagluluwal” (2011), “Elehiya sa Dumalaw Mula sa Himagsikan” (2011), at “Florentina Hubaldo” (2012).

Ngunit dumating ang pinakamalaking international break ni Diaz sa “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” (2013) na binigyan ng Un Certain Regard sa 2013 Cannes Film Festival, na hinirang din sa Gawad Urian. Nagtuluy-tuloy ito hanggang sa “Mula sa Kung Ano ang Noon” (2014) na pinarangalan ng Golden Leopard, International Critics’ Prize at Don Quixote Prize, gayon din ang best actress para kay Hazel Orencio sa  Locarno International Film Festival at grand prize sa World Premieres Film Festival.

Ginawaran din ng Silver Bear (Alfred Bauer Prize) ang isa pang obra ni Diaz, ang “Hele sa Hiwagang Hapis” (A Lullaby to the Sorrowful Mystery) sa 66th Berlin International Film Festival nitong unang bahagi ng taon.





Breast Cancer Awareness Month: Breaking new boundaries


Taun-taon tuwing Oktubre ay ipinagdiriwang ang Breast Cancer Awareness Month, na unang ginunita noong 1985, na may layuning palawakin pa ang kaalaman at kamalayan sa breast cancer at para makalikom ng pondo sa pagsasaliksik ukol dito at makatuklas ng lunas.

Ngayong taon, tinatayang 246,660 na bagong kaso ng invasive breast cancer at 61,000 non-invasive breast cancer ang inaasahang makakaapekto sa mga kababaihang Amerikano ayon sa Breastcancer.org, isang nonprofit organization. Ani ng Breastcancer.org, nagsimulang bumaba ang incidence rates ng breast cancer noong 2000 pagkatapos ng dalawang dekadang pagtaas nito.

Tinukoy na bahagi ng pagbaba ng mga kaso ay dahil sa nabawasan ang sumasailalim sa hormone replacement therapy (HRT), isang estrogen treatment para mabawasan ang mga sintomas na dulot ng menopause. Makikita ang kaugnayan ng HRT at breast cancer risk sa  resulta ng pag-aaral na Women’s Health Initiative noong 2002.

New developments

Sa parehas na mauunlad at paunlad pa lang na mga bansa, ang breast cancer ang pinaka-pangkaraniwang klase ng sakit na nakakaapekto sa mga kababaihan, ngunit higit sa mga low/middle-income countries dahil sa kakulangan ng kamalayan ukol dito, na kadalasa’y nasa late stages na kapag nakumpirma ang sakit. 

Sa kabila nito, may ilang mga pagbabago partikular na sa pagtukoy at gamutan sa naturang sakit. Mas alam na ng mga doktor ngayon ang mga pangunahing aspetong nagdudulot ng cancer, ang pinakamainam na panahon para sa screening at ang pagtukoy sa mga klase ng cancer na mataas ang posibilidad na kumalat sa ibang bahagi.

Dagdag pa ng Breatcancer.org, ‘di laging kinakailangan na sumailalim agad sa mga karaniwang treatment gaya ng chemotheraphy, radiation o surgery, lalo na’t maraming dulot na side effects ang mga ito sa kalusugan ng pasyente. Nadiskubre ng mga siyentipiko na hindi lahat ng breast lesions ay kakalat kagaya Stage 0 at ductal carcinoma in situ (DCIS), isang non-invasive cancer kung saan may mga abnormal cells sa lining ng breast milk duct ngunit hindi ito kumalat sa ibang breast tissues.

Customized screening and treatments

Sa pamamagitan ng mga mas makabagong aparato gaya ng 3D mammography at MRI, gayon din ang genetic tumor tests ay mas naaayon na ang mga pamamaraan para sa iba’t ibang pasyente.

Pangungunahan ni Dr. Laura Esserman ng University of California ang Women Informed to Screen Depending on Measures of Risk (WISDOM) study kung saan tinatayang 100,000 kababaihan ang sasailalim sa personalized screening regimen upang alamin kung kailan dapat magsimula ng mammogram ayon sa individual risk at ang iba naman ay sa nakasanayang taunang mammogram. 

More than the common risk factors

Karaniwang risk factors, ‘di lang sa breast cancer maging sa iba pang mga sakit ang genetics at klase ng pamumuhay. Ngunit ang genes na minana mo ay nagbabago dala ng iba’t ibang aspeto – weight, diet, exercise, alcohol consumption, smoking, estrogen exposure, birth control pills, at maging stress at kahit ang iyong kapaligiran.

Sa katunayan, mas malaki pa ang porsyento ng lifestyle choices at environmental exposure na may 75 – 80 porsyento kaysa sa genes na dahil naman sa mutations ayon sa American Cancer Society. Gayunpaman, maaari naman kontrolin ang naunang nabanggit sa pagsunod sa mga nakasanayang payo – healthy weight, regular exercise, pag-iwas sa pag-inom at paninigarilyo at healthy diet (high in plants, healthy fats like olive oil, low in animal fats).



World Robot Summit gaganapin sa Japan sa 2020

Ni Florenda Corpuz


Para lubusang mapakinabangan ng lipunan ang kapasidad ng mga robot ay isang international robot competition ang isasagawa sa bansa sa taong 2020.

Ito ang inanunsyo ng Ministry of Economy, Trade and Industry (METI) kamakailan kung saan pangungunahan ng ahensya ang pagsasagawa ng iba’t ibang programa tulad ng exhibit at labanan ng mga humanoid at industrial robots.

Ayon sa METI, ilan sa mga malilikhang oportunidad ng World Robot Summit ay ang “accelerating R&D of robots and implementation of R&D achievements in society; bringing together worldwide attention-grabbing highly-advanced robotics technologies from inside and outside of Japan and striving to develop such technologies as much as possible; at deepening public understanding of robots by practically overcoming challenges at sites, stimulating proactive discussion on the utilization of robots, and developing concrete methods.”

Hindi pa tiyak ang eksaktong petsa at lugar na pagdarausan ng kumpetisyon ngunit umaasa ang METI na dadagsa ang mga high-tech robot mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa kaganapan.

Naglabas na rin ng anunsyo ang ahensya para sa mga munisipalidad sa buong bansa na nais mag-apply bilang host site.

Ang Japan ay kilala sa buong mundo dahil sa high-tech at mayamang robot industry. Sa katunayan, ito ay nangungunang bansa pagdating sa dami ng bilang ng domestically-operating industrial robots. Ngunit ito ay sinusubok ng patuloy na pagtanda ng populasyon ng bansa, pagtaas ng kakulangan sa trabaho at pati na rin social security costs. Dahil dito ay naisip buuin ang “New Robot Strategy” kung saan kabilang ang pagsasagawa ng isang international robot competition.



Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Ano ba ang ‘solopreneurship’ at kaya mo ba ito?

Ni Hoshi Laurence


Sabi nga ni Bob Marley “You never know how strong you are until being strong is your only choice.” Swak na swak din ito sa pagnenegosyo dahil masusubukan talaga rito hindi lamang ang bigat ng iyong bulsa kundi pati tibay ng iyong loob. Makakayanan mo kaya ito na mag-isa lalo na kung iyon din naman ang tanging pagpipilian mo? Kapag sinuong mo ang pagnenegosyo mag-isa, puwede ka na rin tawaging  “solopreneur.”

Marahil bago lamang sa karamihan ang katagang solopreneur. Subalit baka ginagawa mo na ito o ng mga magulang mo bago mo pa malaman.  Pwede rin kasing matawag na solopreneur ang mga “freelancers” at “self-employed.” Ito ay lalo na kung pamamaraang pang-negosyante ang kanilang ginagamit sa pagtatrabaho sa kanilang mga kliyente. Ang mahalagang  punto rito ay kung ano ba ang mindset mo sa pagkakaroon ng hanapbuhay na mag-isa.

Ano ba ang mapapala mo sa pagiging solopreneur?

Maraming bentahe  ang pagiging solopreneur gaya na lamang ng pagtatamasa ng tagumpay at halos walang limitasyon na pagkita.  Iyan ay depende sa kung anu-anong istratehiya ang iyong gagawin upang maabot ang iyong inaambisyon.  Dahil mag-isa ka, kailangan mo rin na isaalang-alang ang iyong kakayahan sa ngayon pagdating sa pamumuhunan, nalalaman, at handang isakripisyo. 

Maaaring mahirap din ang pagiging solopreneur para sa mga nagtataguyod ng pamilya, kinakapos lagi ang sahod, at may palaging pinaglalaanan ng pera. Subalit kung determinado ka, narito pa ang ilang magandang punto ng pagiging solopreneur:

·              Sa iyo ang oras mo – Hindi lahat ng nagso-solopreneur ay pagkita lamang ng pera ang iniisip.  May iba na ang hangarin lamang ay magkaroon ng mahaba pang oras kasama ang kanilang pamilya. Mainam na halimbawa rito ay mga work at home moms (WAHM), home-based businessmen, at professionals na nagnanais na gawin ang kanilang trabaho sa oras na kanilang gusto. Ibang-iba ito sa pangangamuhan na susunod ka sa itinakdang oras ng trabaho o mapapa-overtime ka palagi dahil maraming trabaho.  

·        Seguridad sa pananalapi – Maraming makapagpapatunay na iilan lamang ang pinagpapala sa pagnenegosyo.  Ito’y malayo sa pagtatrabaho na ang mga empleyado ay nakatatanggap ng sahod kada kinsenas at katapusan ng buwan.  Pero magkaiba ang job security at financial security. Tandaan na hindi lahat ng nagtatrabaho ay kumikita ng sapat, nararapat, at may kasiguraduhan. Ang pagkakaroon ng job contract ay pagsasaayos ng iyong nakatakdang sahod at nakatakdang panahon.

     “Smart solopreneurs work for a diversity of clients, not just one. This means that unlike full-time employees, you can’t be laid off and lose your entire income all at once. And while the loss of a client can certainly make a dent in your earnings, finding new business is a quicker and easier process than finding a full-time job. So there’s an argument to be made that solopreneurs have more income stability, not less than their full-time employed counterparts,” saad ni Minda Zetlin, isa sa may akda ng “The Geek Gap: Why Business and Technology Professionals Don’t Understand Each Other” sa kanyang artikulo sa INC.com.

Likha ng Pinoy designers, inirampa sa Japan Fashion Week

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Japan Fashion Week website


Muling nagpakita ng angking talento at husay ang mga Pinoy fashion designers sa international runway sa kanilang pagsabak sa ikalawang pagkakataon sa Amazon Fashion Week Tokyo o Japan Fashion Week.

Inirampa sa Amazon Fashion Week Tokyo 2017 S/S ang koleksyon nina Joseph Agustin Bagasao, Carl Jan Cruz at Karen Topacio sa isang runway show na pinamagatang “Asian Fashion Meets Tokyo” na ginanap kamakailan sa Shibuya Hikarie Hikarie Hall A.

Kabilang din sa inirampa ang koleksyon ng kilalang global Pinoy brand na Bench sa pangunguna ng founder nito na si Ben Chan na dumalo sa naturang palabas.

Ang mga koleksyon nina Bagasao, Cruz, Topacio at Bench ay binubuo ng mga men’s & women’s / ready to wear and accessories.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakasali ang mga Pinoy designers/ brands sa Japan Fashion Week na isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events sa buong mundo.

Matatandaang mainit na tinanggap dito noong nakaraang taon sina Renan Pacson, Ken Samudio at John Herrera nang kanilang ibida ang kanilang 2016 S/S collection.


Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginaganap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.

Tech-voc education sa Pilipinas suportado ng Japanese gov’t

Ni Florenda Corpuz

Inanunsyo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na susuportahan nito ang technical vocational education sa K to 12 program ng Pilipinas para makatulong sa employability ng mga kabataang Pilipino na magtatapos sa ilalim nito.

“Technical-vocational trainings in secondary schools could help bridge the gap in linking the academe with industry particularly in developing sufficient skills for the job market,” ani JICA Poverty Reduction Section Chief Flerida Chan.

Binanggit ng JICA ang pinakamahusay na pagsasanay ng Rogongon Agricultural High School (RAHS) sa Iligan City sa Mindanao na kanilang tinutulungan sa community-based, hands-on trainings para sa mga senior high school na estudyante.

Bumuo ng community-based technical vocational program for horticulture ang paaralan na nagbibigay din ng pagkakataon para sa mga out-of-school high school students, community members at indigenous people na miyembro ng Higaonon Tribe.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, nakapagbibigay sila ng kabuhayan sa mga mag-aaral at komunidad sa lugar dahil nagagamit nila ang agricultural land habang ang mga mag-aaral ay nakikinabang naman mula sa kanilang practicum sa pamamagitan ng mentored community immersion para sa agricultural crop production.

“We hope that more students will realize the opportunities in technical vocational education, including agriculture-related courses,” ani Richard Talaid, school head ng RAHS na isa sa 25 partisipante mula sa Pilipinas na sinanay ng JICA sa Japan.

“Our training in Japan made me realize the importance of not only classroom knowledge but more importantly practical applications given availability of agricultural land in the area,” sabi nito.

“The challenge is to help change the perception about technical vocational education and that graduates of this track have equal chances of getting quality jobs as those that took the conventional education pathway,” dagdag pa nito.

Ang RAHS ay isa sa mga recipients ng grant na ibinigay ng JICA sa mga technical vocational school sa Pilipinas upang matulungan na mapahusay ang implementasyon ng technical vocational curriculum.

Binigyan ng JICA ng mga kagamitan para sa agrikultura ang paaralan para magamit ng mga estudyante sa kanilang mga proyekto.

Kabilang din sa mga pilot technical vocational high schools sa ilalim ng DepEd-JICA cooperation ang Don Alejandro Roces Sr. Science and Technology High School, Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottage Industries, Subangdaku Technical Vocational High School at San Pedro Relocation Center National High School na mas pinalawak din ang kanilang work immersion program, ang mga guro ay nagsanay sa  Japan at nakatanggap ng technical guidance mula sa ekspertong Hapon.

Ang grant ay bahagi ng senior high school modelling program ng Department of Education (DepEd) at JICA upang matulungan ang K to 12 system link schooling para sa industry needs at employment.


‘Piloti’ itinayo sa Leyte bilang proteksyon sa bagyo

Itinayo  sa Tanauan, Leyte ang dalawang palapag na “Piloti,” isang klase ng processing plant na makatutulong upang makaiwas sa pagsalanta ng malakas na bagyo. Pinondohan ang naturang proyekto ng Embahada ng Japan sa Pilipinas sa ilalim ng Japan Official Development Assistance program.

“The facility is constructed of reinforced concrete in two-story “piloti” type architecture. Pilotis or piers are ground supporting columns that raise a building above ground level. This piloti feature will be useful and prevent damage during storm surges. The facility will enhance the quality of life of Tanauan fisher-folks, reduce their losses and give added value to the processed seafood products,” pahayag ng Embahada ng Japan.

Nagdaos ng turnover ceremony ang Embahada na dinaluhan nina Embassy of Japan’s First Secretary Kenji Terada, JICA Headquarters’ Sectional Representative Atsutoshi Hirabayashi, JICA Philippines Office’s Sectional Representative Yoshiyuki Ueno, Department of Agriculture Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’s Regional Director Juan Albaladejo, Department of Science and Technology’s Regional Director Edgardo Esperancilla, at 50 mangingisda mula sa Barangay Sta. Cruz.

Ang proyektong ito ay bahagi ng “Quick Impact Project for Typhoon Yolanda Affected Areas.”
“The Grass-root Technical Cooperation Project on ‘Development of mariculture and processed products using Oku-Matsushima techniques in typhoon Yolanda affected areas’ will complement this project and provide technology development in aquaculture, processing, marketing and capacity building. 


“Though these projects, we look forward to seeing a pilot site of good quality seafood products, and hope this endeavor will expand all over the Philippines,” dagdag pa ng Embahada.

Kasal-Kasali-Magkabahay: Bakit tamang mag-invest sa real estate kaysa mangupahan?

ni MJ Gonzales


Kapag sarili o pagmamay-ari ninyo ang inyong bahay, hindi ba’t napakasarap na tawaging “aming tahanan” ito? Ito ay ibang-iba kung ikaw ay nangungupahan o nakikipisan lamang. Kaya naman magandang paglaanan ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa pamilya.

Totoo rin na sa panahon ngayon ay mahirap at napakamahal magkaroon ng bahay. Kailangan mong maghigpit ng sinturon at gawin ang lahat ng paraan para mas lumaki ang iyong kita para maunti-unti ang pagtatayo ng pangarap mong bahay. Hanggang bata ka pa at kumikita ay mainam na unahin ang pag-iipon sa pagtatayo ng bahay kaysa sa mga bagay na madaling bumaba ang value.

Bakit nga ba tama rin na mag-invest sa real estate ang mag-asawa o magiging magkabiyak pa lamang?

Temporary vs. permanent house

Kadalasan sa anumang application forms ay kailangang sagutin mo kung ano ang iyong “current address” at “permanent address.” Kung iisa ang iyong permanente at kasalukuyang address ay maaaring simpleng “same” o pareho lamang ang iyong isusulat sa form.  Subalit, kung magkaiba ay hindi ba’t pinaalala lamang nito na tumitira o nakikipisan kayo  sa bahay ng iba?  Baka nga sa susunod ay iba na ulit ang numero, kalye, at lungsod na ilalagay mo.

Sa realidad ay marami talagang mag-asawa ang nagsisimulang  mangupahan dahil sa sumusunod na kadahilanan:

  • Para makabukod kaagad sa kani-kanilang pamilya. Ito ay para na rin makaiwas sa away o anumang negatibong isyu  sa magkakamag-anak.


  • Para manirahan malapit sa trabaho, paaralan, at pamilihan. Ito ay lalo na’t parehong nagtatrabaho ang mag-asawa.


  • ·   Para makapagsimula ng bago at tumayong mag-isa bilang mag-asawa. Iba rin ang may kalayaan kayong magdesiyon para sa inyong plano. Ang inyo lamang pinagtutuunan ng pansin ay para sa inyong kapakanang  mag-asawa o bilang pamilya.

Ang buhay-renter at ang buhay-house owner

Bago man o medyo matagal na, mahirap pa rin sa isang magkabiyak ang mag-budget. Ang  buhay-renter ay hindi lamang nangangahulugan ng pagbabayad ng buwan-buwan. Ang halaga nito ay maaaring tumaas pa depende sa pulisiya  ng may-ari ng bahay.  

Bukod pa rito ay kailangan din na ireklamo at ipagbigay alam pa sa landlady o landlord kapag may kailangang ipagawa. Sa madaling sabi, ikaw na ang naabala at ikaw pa rin ang gagastos sa nasira. Siyempre ay wala pa riyan ang uri ng kapaligiran at pakikisama na kailangan n’yong gawin. Maaaring hindi ma-enjoy ang pribadong oras o kaya naman ang iyong landlady ay parang kontrabida sa mga teleserye kung makapaningil.

Maaaring magastos nga ang bumili ng sariling bahay, condo unit o mag-invest sa real estate. Subalit, ang mga bagay na ikinukunsidera mong abala ngayon ay siya palang magbibigay sa iyo ng ginhawa sa darating na panahon.

Ang pagsasama ng kita, pag-iipon, at pagba-budget ng mag-asawa ay dapat na napupunta sa kanilang magkatuwang na investment.  Isa pa’y ang ang sariling bahay ay nagbibigay ng seguridad na may disente kayong bahay na uuwian, pagbibigay ng tuldok sa walang katapusang paglipat ng bahay, at higit sa lahat ay may matatawag na tahanan para sa inyong pamilya.




Bela Padilla, dumalo sa Kyoto Film Festival

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa KIFF2016

Bela Padilla and Jacky Woo
Dumalo ang aktres na si Bela Padilla sa kakatapos pa lamang na 3rd Kyoto International Film and Art Festival (KIFF) kung saan ipinalabas ang kanyang pelikula na “Tomodachi.”

Dinaluhan ni Padilla ang opening ceremony ng KIFF na ginanap sa makasaysayang Nijo Castle kasama ang aktor na si Woo.

Ginampanan ni Padilla ang papel ng Pilipinang si Rosalinda na nagkaroon ng relasyon sa Hapon na si Toshiro na ginampanan naman ng Japanese-Chinese actor na si Jacky Woo. Malapit na kaibigan ng nakakatandang kapatid ni Rosalinda na si Edilberto (Pancho Magno) si Toshiro na kilala bilang tomodachi (kaibigan) sa Cavite.

Nang pumutok ang World War II, bumalik si Toshiro bilang opisyal ng Japanese Imperial Army at ang dalawang magkaibigan ay nagkaroon ng hindi pagkakasunduan dahil si Edilberto ay lumalaban para sa mga guerilla.

Ito ay idinirehe ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

“It wasn’t conventional for Rosalinda to be in love with a Japanese soldier so she had to be strong, stick by her decision. I guess in that era things were simpler…so if you liked someone back then there was a 100% chance you were going to end up with them. So I think that is where the characters were coming from,” paliwanag ng batang aktres sa mga press at manonood na dumalo sa screening ng pelikula na ginanap sa Aeon Cinema Kyoto Katsuragawa.

Napanaluhan ng World War II drama ang Best Foreign Language Feature Film at Best Musical Score sa 2016 Madrid International Film Festival.

Pagkatapos sa KIFF ay nakatakda rin itong ipalabas sa Berlin Art Film Festival at Milano Film Festival sa Italy.

Samantala, inaasahan din na dadalo si Padilla sa 29th Tokyo International Film Festival kung saan ang kanyang pelikulang “I America” ay lalaban sa Asian Future section ng prestihiyosong festival.