Ni Enrique Gonzaga
'Koinobori' |
Isa sa pinakaaabangan na holidays dito sa Japan ay ang tinatawag na “Golden Week” dahil ito ang pagkakataon na magkaroon ng
mahabang bakasyon mula sa trabaho. Halos lahat ng mga opisina sa Japan ay
sarado ng isang linggo kaya’t sinasamantala ng marami pati na ng migranteng
Pilipino na magbakasyon – sa loob o labas man ng bansa.
Umaapaw ang tao sa halos lahat ng paliparan at
istasyon ng tren sa Japan para pumunta sa ilang tourist attractions. Sinasamantala
rin ito ng ilang mga Pilipino na makasaglit ng pag-uwi sa Pilipinas para
makapiling ang mga pamilya.
Abril 29 nagsisimula ang Golden Week kung saan ginugunita
rin ang kaarawan ng Showa Emperor kaya tinawag ito na “Showa- no- hi” o “Araw
ng Showa.” Ang pangalawang araw naman ay tinatawag na “kenpou-kinen-bi” o “Constitution
Memorial Day” na sinundan naman ng “midori-no-hi” o “Greenery Day.” Ang
pinakahuling holiday ay tinatawag na “kodomo-no-hi” o “Araw ng mga Kabataan” na
nangyayari sa ika-5 ng Mayo.
Ang kodomo-no-hi ay tinatawag din na “Araw ng mga Batang Hapon
na Lalaki” na kung tawagin ay “tango-no-sekku” kung saan pinagdarasal na ang
lahat ng mga batang lalaki ay magiging malusog ang paglaki bilang mga binata.
Isang tradisyon sa pamilya ng mga lalaking kabataan ang pagsabit
ng “koinobori” o ang palawit na hugis isdang karpa. Ito ay nilalagay sa labas
ng bahay tuwing bakasyon at pinapaniwalaan na ang mga karpang isda ay
nagbibigay kahulugan para sa tagumpay ng mga kabataan. “Gogatsu ningyo” o “May
Dolls” naman ang tawag sa mga Samurai na manika na pinapakita sa mga kabahayan.
Pangkaraniwan na ang buwan ng Mayo ang pinakaaya-ayang panahon ng
paglalakbay sa Japan kaya maraming mga Hapon ang nagpapahinga at bumibiyahe
tuwing pagsapit ng buwan ng Mayo. Ang mga sikat na destinasyon ng mga Japanese o ibang dayuhan ay
ang America, Canada, Australia, Guam, Saipan, Hawaii, Pilipinas at iba’t ibang
parte ng Asya.
Pagkakataon
din ito ng mga Pilipino sa Japan na bisitahin ang kanilang pamilya, kaanak at
kaibigan sa iba’t ibang sulok ng Japan o sa
pamamagitan ng pag-uwi sa Pilipinas para makapiling ang mga mahal sa buhay.
Tunay
nga na ang Golden Week ay isang mala-gintong pagkakataon para sa sambayanan na
namnamin ang oportunidad na walang trabaho sa loob ng pito hanggang sampung
araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento