Linggo, Pebrero 22, 2015

Manila Cathedral, tampok sa 66th Sapporo Snow Festival

Ni Florenda Corpuz 


Kuha mula sa DOT Tokyo
Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang tanyag na landmark ng Pilipinas ang naitampok sa sikat na snow festival sa Hokkaido.

Kabilang sa mga atraksyon sa 66th Sapporo Snow Festival na ginanap noong Pebrero 5 hanggang 11 ang makasaysayang Manila Cathedral.

Ginamitan ng 220 10-ton trucks ang 13-metrong ice replica ng Manila Cathedral na itinayo sa tulong ng Self-Defense Force ng Japan sa Hokkaido, sa koordinasyon ng Philippine Tourism Board, Philippine Embassy in Japan at Hokkaido Broadcasting Co. (HBC) na siya rin nag-sponsor sa snow exhibit ng Pilipinas.

Ayon kay Sapporo City Mayor Fumio Ueda, napili nila ang Manila Cathedral dahil “it’s resilience symbolizes the resilience of the Filipino people.”

“The 400-year old historical structure had withstood both the test of time and the trials brought about by natural and man-made catastrophes,” saad pa ni Ueda sa ginanap na turn-over ceremony at opening ceremony ng HBC Philippine Square.

Sa isang pahayag na binasa ni DOT Undersecretary Benito C. Bengzon, Jr., pinasalamatan ni Tourism Sec. Ramon Jimenez, Jr. ang mga organizers ng snow festival sa pagbibigay ng pagkakataon sa Pilipinas na ipamalas ang isa sa mga magagandang atraksyon ng bansa.

“First time ever! Ice replica Manila Cathedral at Sapporo Snow Festival. What an honor. Mabuhay!” sabi pa ni Jimenez sa kanyang twitter.

Isa rin sa nagpatingkad sa Manila Cathedral snow sculpture ay ang Philippine folk dance performance ng Sindaw Dance Troupe. Pinatingkad pa ng HBC Philippine Square ang pagdiriwang sa pamamagitan ng booth kung saan iba’t ibang pagkaing Pilipino ang inihanda kabilang na ang adobo, sisig, kape at beer.

Isa pa sa mga atraksyon ay ang photo booth kung saan ang white sand beach ng Boracay ang background. Nakatanggap naman ng espesyal na regalo na VPY pouches with disposable heat pads ang mga bisitang nag-post ng litrato sa kanilang facebook account. Ipinakita rin sa malaking monitor ang pinakabagong “Visit the Philippines Year” (VPY) promotional videos.

Dumalo rin sa turn-over ceremony sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at TPB COO Domingo Ramon Enerio.

Pangatlo ang Japan sa mga bansang may pinakamalaking foreign tourist arrivals sa Pilipinas. Umabot sa humigit kumulang 460,000 ang mga Hapon na bumisita sa bansa noong 2014.

“Various strategic promotional activities are lined up to dovetail the year-long calendar of exciting and fun events for the ‘Visit the Philippines Year.’ We believe that we will breach the 500,000 threshold of Japanese arrivals to the Philippines in 2015, thus, making the Philippines a major tourist destination for Japanese outbound travelers,” ani Philippine Department of Tourism Tokyo Attache Valentino Cabansag.

             


            

Linggo, Pebrero 8, 2015

Halina’t mamasyal at kumain sa Fukuoka!

Ni Herlyn Alegre


Kilala ang Fukuoka bilang “Gateway to Asia” dahil sa lokasyon nito sa hilagang bahagi ng isla ng Kyushu na nagbubukas sa Japan sa mga bansa sa South East Asia tulad ng Pilipinas at North Asia tulad ng South Korea at China. Dahil dito, maraming turista ang dumadagsa kada taon upang makita ang magagandang tanawin dito at matikman ang masasarap na pagkaing dito orihinal na nagmula.

Ang kasaysayan ng Fukuoka

            Ang makabagong lungsod ng Fukuoka, na nabuo mula sa pinagsamang bayan ng Fukuoka at Hakata, ay itinatag ni Kuroda Kanbei noong Abril 1, 1889. Ang Fukuoka noon ay kilala na tahanan ng mga samurai samantalang ang Hakata naman ang sa mga mangangalakal. Dahil malapit sa daungan ang Hakata, dito lumago ang komersyo. Ang mga detalye ng kasaysayan ng Fukuoka ay matatagpuan sa Fukuoka City Museum kung saan makikita ang halos 3,350 historical items tulad ng mga espada, pananggalang, golden seals, paintings at mga dokumento patungkol sa martial arts na pagmamay-ari ng mga sinaunang feudal lords. Samantalang sa Fukuoka Art Museum naman matatagpuan ang 440 kagamitan at 262 dokumento. Mayroon din na mabibili na iba’t ibang souvenir sa Fukuoka tulad ng mga Hakata dolls na isang lokal na produkto. Mayroon din na mga cookies na may mukha ni Kanbei o mga postcard na may picture ng anime version ni Kanbei.

Mga bisita ng Fukuoka

            Dahil highly accessible ang Fukuoka sa maraming bansa sa Asya, marami nang turista ang dumarayo rito mula sa ibang bansa. Kahit noong sinaunang panahon ay nagsilbi na itong daan upang magkaroon ng pagpapalitan ng kultura at kalakal ang mga magkakalapit-bansa. Taun-taon, ang Fukuoka ay dinarayo ng dalawang milyong turista, karamihan sa kanila ay mula sa South Korea at China.

            Ayon sa Jalan Research Center na nagsagawa ng survey sa mga Taiwanese, Chinese at Korean na turista sa Japan, Fukuoka ang nagkatanggap ng pinakamataas na satisfaction rating. Nagtamo ito ng 3.74 points habang pumangatlo lamang ang Chiba kung saan matatagpuan ang Disneyland na may 3.53 points. Pagdating naman sa pagkain, nakatanggap ito ng ng 3.84 satisfaction rating.

Daungan ng cruise ship

            Popular rin ang Fukuoka sa mga turista na mahilig mag-cruise. Isa itong kilalang daungan ng mga Cruise Ship. Noong 2012, pumangalawa ang Fukuoka sa lahat ng mga daungan sa Japan na may pinakamaraming dumadaong na cruise ship na pagmamay-ari ng lokal at international shipping companies. May 112 cruise ships na dumaong sa Hakata Port noong 2012 samantalang may 142 naman sa Yokohama na nanguna sa listahan.

Seafood galore

            Ilan sa kilalang pagkain sa Fukuoka ay ang Hakata Ramen at motsunabe pero marami pang katakamtakam na putahe ang pwedeng subukan sa Fukuoka. Hindi dapat palagpasing matikman ang sariwang seafood sa Fukuoka. Pangalawa ang Fukuoka sa buong Japan na may pinakamaraming kinakalakal na isda na umabot sa 17,064t. Pumangalawa ang Fukuoka sa Hyogo na may 29,713t.

Pangalawa rin ang Fukuoka na may pinakamaraming seafood restaurants sa buong bansa. Ayon sa website ng Fukuoka, mayroong 36 na seafood restaurant kada 100,000 tao sa Fukuoka. Noong 2012 unang ginanap ang Oyster Competition of Japan na inorganisa ng Japan Oyster Association. Kinikilala sa kumpetisyong ito ang prefecture na may pinakasariwa at pinakamasarap na oyster. Sa kasalukuyan, pangalawa ang Fukuoka sa buong bansa na may pinakamasarap na oyster. Nanguna naman ito sa Design Category at Texture Category sa kumpetisyon.
           
Hindi lamang sa ramen at seafood nangunguna ang Fukuoka, kinilala rin ito ng CNN travel website na may pinakamasarap na street food sa Asya habang pangatlo naman ang Maynila. Magandang pumasyal sa mga yatai stalls sa tabi ng ilog sa Nakasu District na nagbebenta ng iba’t ibang streetfood tulad ng yakitori.

Child-Friendly Fukuoka

            Hindi rin problema ang pamamasyal sa Fukuoka kung may kasamang bata dahil maituturing na child-friendly ang buong lungsod. May halos 279 establishments sa Fukuoka ang may baby station tulad ng feeding station, diaper changing station at hot water for milk. Noong 2009, 188 lamang ito, pero kada taon ay mas maraming establishments ang nagiging prayoridad ang pangangailangan ng mga residente at turistang namamsyal na may kasamang bata. Kaya noong 2013 ay naging 279 establishments na ang mayroong baby stations, isang patunay na sensitibo sa pangangailangan ng mga byahero ang lungsod ng Fukuoka.

Transportasyon

            Dahil “Gateway to Asia” ang Fukuoka, napaka-accessible nito sa maraming lugar sa Japan at Asya. May 10 direct flights araw-araw na nagbabyahe ng Fukuoka-Manila. May haba lamang na tatlong oras at kalahati ang byaheng ito. Kung nasa Japan naman, maaaring mag-shinkansen o ‘di kaya naman ay kumuha ng murang ticket sa eroplano gamit ang mga low cost domestic airlines. Kunektado ang Fukuoka sa 22 lungsod sa Japan. Halos isang oras at kalahati lamang ang tagal ng biyahe mula Tokyo papuntang Fukuoka kung nakaeroplano. May ferry din na maaaring sakyan papuntang Busan, South Korea.   

“Imbisibol” sa Japan

Dahil sa scenic views ng Fukuoka at mga magigiliw na mga taong nakatira dito, napili itong lokasyon para sa ilang bahagi ng isang independent film na pinamagatang “Imbisibol” na idinirek ni Lawrence Fajardo, isang kilalang filmmaker mula sa Bacolod City. Bahagi ang pelikulang ito ng Sinag Maynila, isang bagong independent film festival na nabuo sa pagtutulungan ng award-winning director na si Brillante Mendoza at ng Solar Entrainment Corporation. Nakatakdang ipalabas ang “Imbisibol” sa mga SM Cinemas ngayong Marso.

Ang “Imbisibol” ay hango sa isang one-act play na may parehas na titulo at isinulat ng inyong lingkod. Una itong ipinalabas sa Cultural Center of the Philippines bilang bahagi ng Virgin Labfest 9 noong 2013 at muling ipinalabas sa Virgin Labfest 10 noong 2014. Sinusundan ng “Imbisibol” ang buhay ng apat na Pilipinong nagtatrabaho sa Japan. Pinangungunahan ng mga batikang mga aktor na sina JM de Guzman, Ces Quesada, Bernardo Bernardo at Allen Dizon ang pelikulang ito.

Naging posible ang produksyon na ito sa tulong at suporta ng Fukuoka Film Commission at Fukuoka Independent Film Festival. Itinatampok sa pelikula ang ilan sa mga magagandang lugar sa Fukuoka tulad ng Ohori Park, Fukuoka Tower at iba pang magagandang lugar sa Fukuoka.







Huwebes, Pebrero 5, 2015

Washoku: Traditional Japanese Cuisine as Cultural Heritage

Ni Florenda Corpuz

      Ang Ichiju-Sansai (rice, miso soup, mukou-zuke, yaki-mono, taki-awase) 
       ay pinagsaluhan ng mga dayuhang mamamahayag sa reception. 
       Ito ay inihanda ng Aoyagi, isang traditional Japanese restaurant.
           
“Food speaks volumes about a culture.”

Isa ang Japan sa paboritong destinasyon ng mga dayuhang turista sa buong mundo, patunay nito ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga turista sa bansa na umabot na sa mahigit sa 13 milyon noong 2014. Bukod sa hitik sa kasaysayan, mayamang kultura at magagandang lugar, atraksyon ng bansa ang masasarap na pagkain nito kabilang na ang “washoku” na kamakailan ay napabilang sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage.

Kasaysayan ng Washoku

Nag-ugat ang kasaysayan ng washoku (traditional Japanese cuisine) kasabay nang pagpapakilala ng rice cultivation sa bansa.

Nagsimula ang paglilinang ng bigas dito bago matapos ang Jomon period, may 3,000 taon na ang nakakalipas. Sinasabing dinala ito sa Korean Peninsula mula sa Jiangnan region ng China at nakarating sa Kyushu. Pinapaniwalaan din na direkta itong nakarating sa Kyushu mula sa Jiangnan region ng China. May mga nagsasabi rin na ipinakilala ito sa Amami islands pagkatapos ay dinala sa Southern Kyushu mula China sa pamamagitan ng Miyakojima sa Okinawa. Mabilis itong kumalat sa buong bansa kung saan ang full-scale rice cultivation ay inumpisahan noong Yayoi Period o may 1,700-2,300 taon na ang nakakalipas, mula sa Northern Kyushu patungo sa Kinki, sunod sa Tokai, na bumagay at sumang-ayon sa klima at natural na kapaligiran ng bawat rehiyon sa bansa, maliban sa Hokkaido.

Katangian ng Washoku

May apat na katangiang taglay ang washoku. Una, ang paggamit ng sariwang sangkap at ang natural nitong mga lasa. Pangalawa, ang well-balanced at healthy diet. Pangatlo, ang paggalang sa kalikasan na makikita sa presentasyon nito. At ang huli ay ang koneksyon nito sa taunang kaganapan sa pamamagitan ng paggamit ng tradisyonal na kaalaman at kaugalian na malapit sa kalikasan.  

Bukod sa mga katangiang ito, binubuo rin ng tatlong pangunahing elemento ang washoku: ang lutong kanin (gohan) na nagsisilbing staple food, soup, side dishes at Japanese pickles. Ito ay karaniwang tinatawag na “Ichiju-Sansai” (a bowl of soup and three side dishes). Dahil palagi naman kabilang ang lutong kanin at Japanese pickles, hindi na ito sinama sa terminolohiya.

Kaugalian sa Pagkain

Ang paggamit ng mga chopsticks at tablewares tulad ng earthenware bowls at wooden soup bowls ay isa rin sa mga katangian ng washoku. Sinasabing ang tablewares na ginagamit sa washoku ang pinakakakaiba sa buong mundo kung saan iba’t ibang hugis ang ginagamit na ang iba ay hango pa sa hugis ng mga hayop o dahon, gamit ang iba’t ibang materyal tulad ng ceramic, kahoy, kawayan at salamin. Bihira o walang makikita na gawa sa metal.

Kadalasan ay makikita sa hapag kainan ang washoku tuwing ipinagdiriwang ang Bagong Taon. Naghahanda ng mga espesyal na pagkain ang mga tao na may magagandang disenyo gamit ang mga sariwang sangkap na may makabuluhang kahulugan. Natatangi rin ang lugar na pinagkakainan sapagkat nilalagyan nila ito ng dekorasyon na hango sa panahon tulad ng pag-display ng mga seasonal flowers.

Pinapalakas ng washoku ang relasyon ng bawat miyembro ng pamilya na sama-samang kumakain nito habang pinapahalagahan ang mga sangkap mula sa kalikasan.

Ang Washoku Bilang Isang Cultural Heritage

Noong Disyembre 2013 ay napabilang sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage ang washoku sa ilalim ng pangalang “Washoku, traditional dietary cultures of the Japanese,” dahil sa mayaman nitong kasaysayan, kasama ang French, Mediterranean, Turkish at Mexican cuisines. Ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng isang reception para sa mga dayuhang mamamahayag sa Tokyo.

Bilang paggunita rin sa unang anibersaryo nang pagkakatalaga ng washoku sa UNESCO Intangible Cultural Heritage, gaganapin ang WASHOKU-DO: The World Japanese Cuisine Show sa iba’t ibang lugar sa Kyoto mula Enero 30 hanggang Pebrero 1.

Inaasahan na ang pagkakabilang ng washoku sa prestihiyosong listahan ay magiging daan upang  ito ay mas makilala at kalaunan ay ituring na global food, makadagdag sa interes ng mga dayuhang turista sa pagkaing Hapon, at sa Japanese rice bilang pundasyon ng Japanese dietary cuisine.



           

           



           


             

Martes, Pebrero 3, 2015

Japanese mascot na si ‘Kumamon,’ kinilala sa Hollywood

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Dentsu Public Relations
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggap ng parangal ang isang Japanese mascot sa Amerika.

Nanalo si Kumamon, ang mascot ng Kumamoto prefecture, sa prestihiyosong 2014 WOMMY Awards na ginanap sa Loews Hollywood Hotel, Hollywood, U.S.A. kamakailan.

Tinanggap ni Kumamon ang bronze award sa kategoryang Engagement Award para sa proyektong “Where are my cheeks?” ng Kumamoto Prefectural Government. Ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ang isang kumpanyang Hapon o organisasyon ng WOMMY Award.

Ang WOMMY Awards ay nagsimula noong 2006 at pinamumunuan ng WOMMA (Word of Mouth Marketing Association), ang opisyal na trade association para sa word of mouth at social media marketing na sinimulan naman noong 2004.

Pinagbidahan ni Kumamon ang kampanyang “Where are my cheeks?” kung saan nagising na lamang siya isang araw na nawawala na ang kanyang trademark na rosy red cheeks. Makalipas ang tatlong araw na paghahanap dito ay napagtanto niyang nahulog ang mga ito dahil sa labis na pagkain niya ng kulay pulang pagkain ng Kumamoto.

Isinagawa ang proyekto upang i-promote ang brand image ng “Kumamoto-no-aka” (red prefecture) na umani ng mahigit sa 280,000 views sa internet. Nakatanggap na rin ito ng 16 na parangal mula sa Japan at sa abroad.

Ang Kumamoto Prefecture, sa south-western island ng Kyushu, ay kilala bilang pangunahing food producer ng bansa, lalo na ng mga red-colored food tulad ng kamatis, strawberry, water melon at beef. Bukod dito ay kilala rin ang mga tao sa lugar sa kanilang leadership, hospitality at passion.

Sinusubukan ng lokal na pamahalaan na ipakilala bilang red prefecture ang lugar dahil mas kilala ito sa kulay berde. Dahil sa mga kampanyang isinagawa noong Oktubre 2013 sa tulong ni Kumamon, napalitan ng kulay pula sa brand consciousness ng mga tao ang Kumamoto prefecture. Tumaas din ng 10 porsyento ang brand sales ng rehiyon kumpara noong 2012.

Sa kasalukuyan, si Kumamon ang pinakamatagumpay na export ng lugar na napapansin na rin ng international media tulad ng The Guardian at Wall Street Journal.

Isa na ngayon si Kumamon sa pinakasikat na Japanese mascot simula nang siya ay ilunsad bilang bahagi ng prefectural tourism promotion campaign noong Marso 2010.


306 Pinoy nurses, caregivers patungong Japan sa Hunyo

Ni Florenda Corpuz


  Chargés d'affaires Amano with the candidates
 (
Kuha mula sa Embahada ng Japan sa Pilipinas)
Nasa 306 Pinoy nurses at caregivers ang inaasahang darating sa Japan sa Hunyo upang sumailalim sa Japanese language training.

Ang mga nabanggit na health workers ay miyembro ng ika-pitong batch ng mga trainees na sasailalim sa “Preparatory Japanese Language Training for Nurse and Certified Care Worker Candidates” sa Pilipinas at Japan sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA.

Nagsimula noong Nobyembre 11 ang pagsasanay ng mga trainees kung saan 203 sa kanila ang tinuturuan ng mga Hapon at Pinoy language teachers sa Language Skills Institute ng Technical Education & Skills Development Authority (TESDA) habang ang nalalabing 103 naman ay sa Nihongo Center Foundation, Inc. Sinasanay at itinuturo sa mga trainees ang mga pangunahing kaalaman na may kinalaman sa kultura at wikang Hapon.

Bibiyahe patungong Japan ang mga trainees sa Hunyo kung saan sila ay muling sasailalim sa anim na buwang Japanese language training.

Sinabi ni Charge d'affaires to the Philippines Tetsuro Amano na ang bilang ay mahigit 60 porsyento mas mataas kumpara noong nakaraang taon.

“More than 300 of you comprise the 7th batch. This is more than a 60% increase from last year. This eloquently signifies the increasing demand and expectation for Filipino nurses and careworkers in Japan,” pahayag ni Amano.

“I expect that more and more Filipino nurses and careworkers will work in Japan. I, myself, may be attended to by one of you in the future. So rest assured that the Japanese Government, in cooperation with the Philippine Government, will continue to support you,” dagdag pa nito.

Sasailalim sa tatlong taong on-the-job-training sa Japan ang mga Pinoy nurses at caregivers upang maging kwalipikado sa pagkuha ng Japanese Licensure Examinations kung saan sila ay bibigyan ng isang pagkakataon na maipasa ang pagsusulit na tanging paraan upang sila ay permanenteng makapagtrabaho sa bansa.

Samantala, aabot sa 41 nurses at 97 caregivers na ang nakapasa sa licensure examination ng Japan simula noong 2010. Nagsimulang tumanggap ang Japan ng mga Pinoy nurses at caregivers noong 2008 bilang bahagi ng Economic Partnership Agreement (EPA).

          


Lunes, Pebrero 2, 2015

Japanese envoy nangakong kukuha ng mas maraming Pinoy health workers

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Office of the Vice President
Nangako si Japan Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa na gagawin niya ang kanyang makakaya upang mas maraming Pilipinong healthcare workers ang makapagtrabaho sa Japan.

Sinabi ni Ishikawa sa kanyang courtesy call kay Vice President at Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Concerns Jejomar Binay sa Coconut Palace kamakailan na balak ng pamahalaang Hapon na mas padaliin ang proseso sa pagkuha ng mga Pilipinong nurses at caregivers patungong Japan.

Kasabay nito, nangako rin ang bagong Japanese envoy na babaguhin nila ang Japanese nursing licensure examinations na isinasagawa sa wikang Hapon upang tumaas ang passing rate ng mga Pilipinong trainees.

Nagpasalamat naman si Binay kay Ishikawa at sinabing magandang oportunidad ito sa para sa mga Pilipinong nurses at caregivers na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Nagsimulang tumanggap ang Japan ng mga Pilipinong nurses at caregivers taong 2008 bilang bahagi ng Economic Partnership Agreement (EPA) na nilagdaan naman noong 2006.

Sa kasalukuyan, nasa 105 Pilipinong nurses at 222 caregivers ang nasa Japan.

Samantala, inaasahan din ang pagbuti ng relasyong pang-ekonomiya ng Japan at Pilipinas matapos ang courtesy call na ginawa rin ni Ishikawa kay Trade and Industry Sec. Gregory L. Domingo.

Inaasahan na mas dadami ang Japanese investments sa Pilipinas lalo na sa proyektong pang-imprastraktura.

Darating sa Pilipinas ngayong Pebrero ang malaking Japanese business na aabot sa humigit kumulang 40 kumpanya.
           

           


            

Libreng Wi-Fi sa 143 Tokyo subway stations, sinimulan na

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Tokyo Metropolitan Bureau of Transportation at Tokyo Metro Co., Ltd.


Tokyo, Japan – Bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na 2020 Tokyo Olympics and Paralympics, nagsimula nang magbigay ng libreng wi-fi service ang Tokyo Metropolitan Bureau of Transportation at Tokyo Metro Co., Ltd. sa 143 subway stations sa lungsod simula Disyembre 1.

Kabilang sa mga wi-fi spots ang 35 istasyon sa apat na Toei subway lines at 108 istasyon sa siyam na Tokyo Metro subway lines na kadalasang ginagamit ng mga dayuhang turista na bumibisita sa lungsod.

Inilunsad ang programa kasunod ng reklamo ng mga dayuhang turista hinggil sa kawalan ng maayos, mabilis at libreng internet access.

Maaaring gamitin ang libreng wi-fi service sa pamamagitan ng pag-download ng mga users ng “Japan Connected-free Wi-Fi” app sa kanilang mobile devices. Ire-rehistro nila rito ang kanilang valid email address at magkakaroon na sila ng tatlong oras na libreng wi-fi access bawat session kahit ilang beses sa isang araw.

Bukod sa mga subway stations, maaari rin ma-access ang libreng wi-fi sa humigit- kumulang 90,000 access points kabilang na ang 1,452 Toei buses na una nang nagpatupad sa serbisyo noong Marso 2014.


Ayon sa JTB Corp., isang travel agency sa bansa, tinatayang aabot sa 15 milyong dayuhang turista ang papasok sa bansa ngayong 2015 dahil sa mas pinadaling pagkuha ng visa at mahinang palitan ng yen.