Linggo, Mayo 31, 2015

Pangulong Aquino, balik-Japan sa Hunyo

Ni Florenda Corpuz

Pangulong Benigno Aquino (Kuha ni Din Eugenio)
Tokyo, Japan – Halos isang taon matapos ang kanyang huling pagpunta sa bansa ay muling bibisita rito si Pangulong Benigno S. Aquino III para sa isang state visit sa imbitasyon ng pamahalaang Hapon mula Hunyo 2 hanggang 5.

Sisimulan ni Aquino ang kanyang pagbisita sa pamamagitan ng isang state call kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Palace kung saan isang welcome ceremony at state banquet ang maghihintay sa kanya.

 “As a State Guest, the President will be received by His Majesty Emperor Akihito and Her Majesty Empress Michiko at the Imperial Palace in Tokyo for a Welcome Ceremony and a State Call. Their Majesties will also host a State Banquet in honor of the President,” sabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas sa isang pahayag.

Makikipagpulong din si Aquino kay Prime Minister Shinzo Abe kung saan tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapaunlad sa strategic partnership ng Pilipinas at Japan. Magpapalitan din sila ng pananaw tungkol sa pinakabagong pag-unlad sa rehiyon.

Dadaluhan din ng pangulo ang state dinner na ihahanda ni Abe.

Samantala, sinabi ng DFA na magaganap ang state visit “at an auspicious and important juncture in bilateral ties, which are presently at their most dynamic and excellent levels heading into the 60th anniversary of relations next year.”
           
Samantala, nagpahayag din ng kasiyahan ang pamahalaang Hapon sa nakatakdang pagbisita ni Aquino sa bansa.

“The Government of Japan sincerely welcomes the visit of the President, which will further strengthen the friendly relations between Japan and the Republic of the Philippines,” pahayag ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA).

Huling bumisita si Aquino sa Japan noong Hunyo 24, 2014 upang makipagpulong kay Abe sa Tokyo at magbigay ng keynote address sa “Consolidation for Peace for Mindanao Conference” na ginanap sa Hiroshima.

Matatandaan na ilan sa tinalakay sa luncheon meeting nina Aquino at Abe noong 2014 ay ang pagpapatibay sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa disaster response at seguridad at agawan sa teritoryo sa rehiyon.

“The President and I agreed to further strengthen our cooperation and security in areas such as disaster relief, building on the track record of cooperation, such as that I have described,” ani Abe.

Ipinaliwanag din ni Abe noon ang mga hakbang na kanilang isinasagawa “under the policy of proactive contribution to peace” para maresolba ang alitan sa rehiyon kabilang na ang muling pagtingin sa Japanese Constitution upang magawa ng bansa na ma-exercise ang “right to collective self-defense” kasama ang Pilipinas at iba pa nitong kaalyado. Matatandaang parehong may sigalot sa teritoryo ang Pilipinas at Japan kontra sa China dahil sa agawan sa West Philippine Sea (South China Sea) at East China Sea.

“In the face of the regional situation becoming increasingly severe, both nations are closely coordinating. I reaffirmed with President Aquino today the significance of the three principles of the rule of law, which I outlined at the Shangri-La dialogue and at the G7 Meeting,” pahayag ni Abe.


Huwebes, Mayo 28, 2015

Darren Espanto: From ‘The Voice’ stage to MOA Arena

Ni Len Armea


Naging mabilis ang pag-usad ng music career ni Darren Espanto simula nang maging runner-up siya sa “The Voice Kids” noong nakaraang taon. Simula ng matapos ang palabas, dumagsa ang mga proyekto sa 13-taong-gulang na bata tulad ng kanyang first solo concert sa Music Museum at ang pagkakaroon niya ng self-titled debut album, “Darren.”

Lahat ng proyekto na kanyang gawin ay pumapatok gaya ng kanyang album na noong lumabas nitong Disyembre 2014 ay agad na nag-number one sa music stores at maging sa iTunes chart at naging gold record kaagad.

Inamin ni Darren sa ibinigay sa kanya na mini-presscon ng MCA Music na hindi siya makapaniwala sa tagumpay na kanyang nakamit sa loob ng halos isang taon simula ng pumunta siya ng Pilipinas mula sa Calgary, Canada kung saan siya lumaki.

“It’s been less than a year since The Voice Kids. After po ng show, parang ang bilis po ng mga pangyayari and up until now I’m still adjusting but I’m enjoying everything that I do and I’m taking things step by step,” pahayag ni Darren sa panayam ng Pinoy Gazette.

Kaya naman puspusan ang paghahanda ni Darren sa gaganaping major concert sa Mall of Asia Arena sa darating na Mayo 29 bilang regalo sa kanyang mga fans partikular na ang Darrenatics. Pinamagatang “Darren Espanto D birthday Concert,” aminado ang binatilyo na kinakabahan siya lalo na’t malaking venue ang Mall of Asia Arena na kayang pumuno ng 20,000 katao.

“I was a bit nervous but I’m very excited because it’s my first time to perform at MOA Arena. Meydo kinakabahan po ako sa magiging reaction ng tao pero sabi po nila the sales are going well and it’s almost sold out. I’m hoping that it’s going to be a soldout concert,” pag-amin ni Darren.

Kaya naman puspusan ang kanyang paghahanda at pag-eensayo upang mabigyan ng magandang palabas ang libu-libo niyang tagahanga na nagpahayag ng pagsuporta sa kanyang birthday concert. Nagdiriwang ng kanyang kaarawan si Darren ngayong Mayo 24.

Sinabi ni Darren na maraming sorpresa ang kanyang ihahanda partikular na ang pagkanta niya ng medley songs, ballads at acoustic. Mayroon din dancing production numbers na aniya ay kakaiba dahil unang beses niya itong gagawin sa concert.

“Marami pong pasabog and there are things that I’ll be doing for the first time. I am very happy and excited to perform the setlist.

“Mayroon pong acoustic, marami pong medley anf ballads. We’re going to do production numbers that I hope have the same effect as when we’re doing The Voice Kids. Marami pong surprises, there’s a lot of dancing, too,” ani Darren na binansagang “The Total Performer.”

Ilan sa special guests ni Darren sa concert ay ang “The Voice of the Philippines” Season 1 and 2 Grand Champion Mitoy Yonting at Jason Dy, at ang runner-up na si Alisah Bonaobra, host/actor Robi Domingo at marami pang iba.

Kung mayroon man natutuhan si Darren sa mga nagaganap sa kanyang karera, ito ay ang pagiging mapagpakumbaba sa gitna ng tinatamasang kasikatan. Kaya naman hindi maikakaila na magiging isa sa pinakamalaking pangalan sa music industry si Darren sa mga darating na panahon.

“Always stay humble. Without humility, you wouldn’t go as far as you would want to go and always look back to where you started. Sa The Voice po, hindi mo kailangang manalo para mapatunayan ang sarili mo. Just keep doing your best, sabi po sa akin ni coach Sarah [Geronimo],” pagtatapos ni Darren.







  

Lunes, Mayo 25, 2015

Japan Fashion Week: Pinakamalaking fashion event sa bansa

Ni Florenda Corpuz
           

Muling nagtipun-tipon ang mga fashion designers, models, manufacturers, apparel retailers, fashion journalists at bloggers mula sa iba’t ibang bansa para daluhan ang pinakamalaking fashion event sa Japan, ang Japan Fashion Week (Mercedes-Benz Fashion Week Tokyo) na ginanap sa Shibuya Hikarie at iba pang lugar.

Tinatayang 52 fashion brands (46 Japanese brands, 6 international brands) ang nagsagawa ng runway show at installation para ipakita sa publiko ang kanilang 2015-16 Autumn/Winter collection.

Bawat brand ay nagpamalas ng orihinal at kakaibang konsepto at tema sa kanilang mga palabas. Sinimulan ito ng “Sretsis,” isang popular na brand mula Thailand sa kanilang floral at fairy tale-inspired show.

Dalawa rin sa mga runway shows na pinakaabangan ng publiko ay mula sa mga sikat na Japanese fashion brands na Hanae Mori at Jotaro Saito.

Tampok sa Hanae Mori ang kanilang 2015-16 Autumn/Winter collection na idinisenyo ng Japanese fashion designer na si Yu Amatsu. Makikita sa kanyang disenyo ang basic brand concept ng Hanae Mori na “Graceful, Gorgeous and Stylish.”

Nagsimula ang karera ni Yu noong 2002. Lumipat siya sa New York noong 2004 kung saan niya unang inilunsad ang kanyang koleksyon. Ang “edgy design and creative theme” na kanyang ipinakita sa GEN ART International Design Competition ang nagbigay-daan upang siya ay makilala internationally. Sa magkasunod na taon ng 2006 at 2007 ay iginawad sa kanya ang “Avant-Garde Grand Prix.”
           
Ang Hanae Mori ay isa sa pinakasikat na Japanese fashion houses sa buong mundo.

Hindi naman binigo ng sikat na Japanese kimono designer na si Jotaro Saito ang kanyang mga tagahanga sa kanyang nakakabighaning 2015-16 Autumn/Winter collection.

Sumabak si Saito sa fashion industry noong siya ay 27-taong-gulang at tinaguriang pinakabatang kimono fashion designer ng bansa. Kilala siya sa istilo na may “classic and contemporary sensibilities, in the pursuit of creating kimono as fashion that compliments contemporary space.” Sa kasalukuyan, kanyang ipino-promote ang “lifestyle of enjoying Japanese taste,” sa kanyang interior at product designs.
           
Ang Japan Fashion Week ay isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events sa buong mundo na kinabibilangan din ng Milan, Paris, London at New York.

Ilang Japan-based Pinoy bloggers na ang naimbitahang dumalo rito tulad nina Gervin Paulo Macion ng “Jenne Chrisville”, Carey Kho-Watanabe ng “Chic Sensei,” Ashley Dy ng “Candy Kawaii Lover” at Florenda Corpuz ng “The Filipino-Japanese Journal.”

Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginanap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.


Japan, Pilipinas nagsagawa ng joint exercise sa Cavite

Binigyan ng arrival honors ng PCG personnel si Admiral Yuji Sato, 
commandant of JCG nang bumisita nito sa headquarters ng PCG. 
(Kuha mula sa Philippine Coast Guard)
Nagsagawa ng joint exercise ang Japan Coast Guard (JCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng probinsiya ng Cavite upang mapalakas ang pwersa ng dalawang bansa laban sa pirate at magnanakaw sa karagatan noong Mayo 6.

Nakibahagi sa 5th Joint Maritime Law Enforcement (MARLEN) Exercise ang PCG at ang JCG vessel na PLH22 Yashima na dumaong sa South Harbor ng Pilipinas noong Mayo 4.

“The event aims to further enhance the capabilities of PCG and JCG to combat piracy and armed robbery at sea, to acquire knowledge and skills in conducting airlift rescue operations, and to established friendship and mutual understanding among the Heads of Asian Coast Guard agencies specifically between JCG and PCG,” pahayag ng PCG.
           
Ang PLH22 Yashima ay may habang 130 metro at may bigat na 5,204 gross tons. Ito ay pag-aari ng Ministry of Land, Infrastructure and Transport at naka-base sa Coast Guard Office sa Fukuoka.

Sa joint exercise, ginamit ng PLH22 Yashima ang mga assets nito tulad ng Bell 412 helicopter, rigid hull inflatable boat for board at search and seizure procedure habang dineploy naman ng PCG ang floating at air assets.

Nag-obserba sa drill ang mga pinuno ng Asian Coast Guard Agencies na nasa Pilipinas mula Mayo 3-7 para daluhan ang 11th Heads of Asian Coast Guard Agencies-High Level Meeting na ginanap sa Malate, Maynila.

Parehong may sigalot ang Japan at Pilipinas laban sa China dahil sa agawan sa teritoryo sa East China Sea at South China Sea.


Linggo, Mayo 17, 2015

‘Omotenashi’ program ng Narita airport para sa int’l transit passengers mas pinalawak

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Wikipedia
 Dinarayo ng milyun-milyong dayuhang turista taun-taon ang Japan kaya naman upang mas lalo pang maengganyo ang mga ito na bisitahin ang bansa ay mas pinalawak ng Narita airport ang kanilang “Omotenashi” o Japanese hospitality program para sa mga international transit passengers ngayong Abril.

Kabilang sa hospitality program ang libreng paggamit ng mga international transit passengers (lilipat sa pagitan ng dalawang international flights sa Narita airport) sa Traveler’s Lounge Rassurants na kadalasan ay may bayad na ¥1,030. Dito ay may kape, tsaa at wifi connection.

Magagamit din ng mga international transit passengers ang shower rooms sa halagang ¥500 mula sa dating ¥1,030 sa Terminal 1 at ¥1,000 sa Terminal 2.

Para ma-enjoy ang mga serbisyong ito ay kailangan lamang ipakita ng mga international transit passengers ang kanilang connecting flight ticket o boarding pass sa reception counter ng pasilidad na gustong gamitin.

Bukod sa mga special offers na ito ay may cultural events din na mae-enjoy ang mga international transit passengers na layong hikayatin sila na bumalik sa bansa.

Rickshaw Ride

Masasakyan ang rickshaw, isang tradisyonal na Japanese vehicle, na kadalasang makikita lamang sa mga popular na tourist spots sa bansa. Lilibot ito sa Narita Sky Lounge “WA”, isang bagong pasilidad na nagbukas noong Abril 24. Maaari rin itong kunan ng litrato.

Kimono Experience

Kung nais naman maranasan na makapagsuot ng kimono ay hindi ito imposible sa loob ng Narita Sky Lounge “WA.” May shooting spot din dito kung saan maaaring magpakuha ng litrato habang suot ang kimono.

Maiko Apprentice Geisha Walk-by Event

Tiyak na hahangaan ang mga “maiko” o apprentice geisha na lumilibot sa boarding area sa kanilang naggagandahang suot na kimono at mahinhin na paggalaw.

Bukod sa mga ito ay mayroong din na calligraphy at origami workshops, Japanese concerts at bonsai exhibition.