Ni
Florenda Corpuz
Inaasahan ang lalo pang paglakas ng
pwersang pang-seguridad ng Pilipinas at Japan sa nakatakdang pagbisita sa bansa
ng kanilang Defense Minister.
Sa ulat ng Kyodo News, maaaring
maganap ang pagbisita sa Pilipinas ni Gen Nakatani sa huling bahagi ng Abril
hanggang unang bahagi ng Mayo.
Makikipagkita si Nakatani kay Philippine
Secretary of National Defense Voltaire T. Gazmin upang pag-usapan ang
pagpapalakas ng security ties ng Pilipinas at Japan sa gitna ng patuloy na
gusot sa agawan ng teritoryo sa South China Sea/West Philippine Sea.
Parehong may alitan sa teritoryo
ang Pilipinas at Japan laban sa China.
Maaaring talakayin ni Nakatani kay
Gazmin ang pagbibigay ng Japan ng TC-90 training aircraft sa Pilipinas na
magagamit sa pagsasagawa ng surveillance sa South China Sea/West Philippine Sea.
Inaasahan din ang pagtalakay ng
dalawa tungkol sa pagpapalawak ng joint exercises sa pagitan ng Japan Maritime
Self-Defense Force (JMSDF) at Philippine Navy, pati na rin ang iba pang hakbang
ng Japan para suportahan ang iba pang aspeto ng Philippine military.
Ipapaabot din ng Japanese Defense
Minister ang suporta ng kanyang bansa sa pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas
na maisaayos ang gusot sa agawan sa teritoryo laban sa China sa pamamagitan ng
kasong isinampa nito sa UN Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang ipinagtibay nina
Pangulong Benigno S. Aquino III at Prime Minister Shinzo Abe noong APEC Summit
sa Maynila ang defense at security relations ng Pilipinas at Japan sa
pamamagitan ng kanilang pagsang-ayon sa Transfer of Defense Equipment and
Technology na inaasahan nilang malalagdaan sa nalalapit na panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento