Ni
Florenda Corpuz
Tuloy na tuloy na ang pagbisita ng
Japanese imperial couple na sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa
Pilipinas mula Enero 26 hanggang 30.
Inaasahan na kabilang sa itinerary
ng Japanese imperial couple ang pagdalo sa mga kaganapan na may kaugnayan sa
pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng relasyon ng Japan at Pilipinas pati na rin
ang pagbisita sa himlayan kung saan nakalibing ang mga Pilipinong sundalo na
nasawi noong World War II.
Dadalaw din sina Emperor Akihito at
Empress Michiko sa bantayog ng mga Hapon na namatay sa digmaan na matatagpuan
sa Caliraya, Laguna lulan ng isang helicopter na sakay naman ng Japan Coast
Guard patrol vessel Akitsushima sa Enero 29. Tinatayang aabot sa mahigit sa
kalahating milyong sundalong Hapon ang nasawi sa Pilipinas noong giyera, ang
pinakamalaking bilang na naitala sa labas ng Japan.
Nakatakdang daluhan nina Emperor
Akihito at Empress Michiko ang welcoming ceremony na gaganapin sa Enero 27.
Makikipagkita rin sila kay Pangulong Benigno S. Aquino III sa MalacaƱang Palace
bago dumalo sa isang banquet.
Mag-aalay din sila ng bulaklak sa
monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta pati na rin sa
Libingan ng mga Bayani sa Taguig.
Makikipagkita rin sina Emperor
Akihito at Empress Michiko sa mga kinatawan ng Japanese-Filipino community sa
Pilipinas.
Ang pagbisita ng Japanese imperial
couple sa Pilipinas ay bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Aquino nang ito
ay magtungo sa Japan para sa isang state visit noong Hunyo 2 hanggang 5.
Sina Emperor Akihito at Empress
Michiko ang kauna-unahang Japanese emperor at empress na bibisita sa Pilipinas.
Una silang bumisita sa bansa noong Nobyembre 1962 bilang crown prince at princess.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento