Ni
Florenda Corpuz
Dr. Ambeth R. Ocampo |
Nakatakdang gawaran ng pagkilala ng
Fukuoka City ang kilalang historian (mananalaysay) at manunulat na si Dr.
Ambeth R. Ocampo, 54, dahil sa kanyang kontribusyon sa akademiko, pangkultura
at panlipunang pag-unlad sa Pilipinas.
Tatanggapin ni Ocampo ang Academic
Prize, isa sa tatlong parangal na ibibigay ng Fukuoka Prize 2016, sa gaganaping
award ceremony sa Fukuoka Symphony Hall, ACROS Fukuoka 1F sa Setyembre 16.
“For his achievement in reclaiming
history as the property of ordinary citizens, for his contribution to promote
an open-minded nationalism and global sensibility in the Philippines, and for
his great service to international cultural exchange, Dr. Ambeth R. Ocampo is a
truly worthy recipient of the Academic Prize of the Fukuoka Prize,” sabi sa
bahagi ng award citation.
Nagtapos sa De La Salle University,
kumuha ng Master of Arts in Philippine Studies si Ocampo. Ilan sa mga best-selling
na aklat niya ang “Looking Back” (1990) at “Rizal Without the Overcoat” (1990).
Nag-aral din siya sa London. Sa kasalukuyan ay may mahigit sa 20 aklat na
siyang naisulat.
Nagsilbi si Ocampo bilang Chairman ng
National Historical Institute (2002-10), Chairman ng National Commission for Culture
and the Arts (2005-07), Chairman ng National Historical Commission of the
Philippines (2010-11) at Chairman ng Department of History, Ateneo de Manila
University (2010-12). Siya ay kasalukuyang associate professor sa Ateneo de
Manila University.
Iginawad kay Ocampo ang
Presidential Medal of Merit noong 2013 sa Tokyo nang magtungo sa Japan si
Pangulong Benigno S. Aquino III.
Si Ocampo ang ikalimang Pilipino na
ginawaran ng Fukuoka Prize na kinabibilangan din nina Leandro V. Locsin
(architect), Marilou Diaz-Abaya (filmmaker), Reynaldo C. Ileto (historian) at
Kidlat Tahimik (filmmaker).
Magsasagawa ng public lecture si
Ocampo na pinamagatang “Memory and Amnesia in Public History: Japan‐Philippines
Relations Revisited” sa Setyembre 18 sa Event Hall B2F, ACROS Fukuoka.
Bukod kay Ocampo, kikilalanin din
ang kontribusyon nina A.R. Rahman ng India (Grand Prize) at Yasmeen Lari ng
Pakistan (Arts and Culture Prize) para sa kanilang kontribusyon sa larangan ng
musika at arkitektura.
Ang Fukuoka Prize ay itinatag ng
Fukuoka City noong 1990 bilang parangal na kikilala sa mga natatanging ambag ng
mga indibidwal, grupo at organisasyon para pangalagaan at itaguyod ang mga
natatangi at magkakaibang kultura ng Asya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento