Sa nalalapit na pagtatapos ng termino
ng administrasyong Aquino, napag-alaman ang limang naunsyaming public-private
partnership (PPP) projects. Isa rito ang Php374.5 bilyon na Makati-Pasay-Taguig
Mass Transit Loop System (MTSL) na sana ay kauna-unahang subway system ng bansa
na proposal ng Department of Transportation and Communication (DOTC).
Kung natuloy sana, higit na makakaluwag
ito sa trapiko, mababawasan ang polusyon at mapapabilis ang transportasyon ng
mga Pinoy ngunit tinanggal ito sa proyekto dahil sa scheduling constraints
partikular na sa final alignment ng subway.
Bagaman iminumungkahi sa bagong
Department of Transportation (DOT) na buhayin muli ang MTSL project, malabo
pang makitaan ito ng kasiguruhan lalo na’t kailangan pa aniya ng ibayong
pag-aaral ng Japan International Cooperative Agency (JICA).
Ngunit isang imbesyon sa China ang
maaari nang maging tugon din ng bansa sa parehong problema ng trapiko at
polusyon, ito ang tinatawag na “straddle bus.” Agaw-pansin ang pinakabagong
concept design nito mula sa Beijing-based na Transit Explore Bus (TEB) na
inilunsad sa 19th International High Tech Expo sa Beijing kamakailan.
Hindi man world’s largest polluter
ang bansa at ‘di kasing-tindi ang trapiko ng sa China ay mayroon din tayong
problema sa tumataas na car ownership at overpopulation gaya nila na nagdudulot
ng traffic jams. Ang parehas na sitwasyon ay maaaring gamitin ng mga eksperto
sa bansa bilang basehan na posibleng ang straddle bus ang mas madaling solusyon
sa dalawang pangunahing problema na ito kumpara sa isang full-scale subway
system na mas mahal, mas matagal itayo at mas kailangan ng maintenance.
Tinawag itong straddle bus dahil
sa haba nitong 60 metro at two lanes-wide o halos walong metro ang lapad kung
saan maaaring dumaan ang mga sasakyan na may taas na mas mababa sa pitong metro
kahit tumatakbo o nakatigil ang bus. At dahil dito, hindi nakakaharang ang bus
sa daloy ng trapiko. Sa kasalukuyang estado ng trapiko sa bansa, malaking
bahagi ng pagsisikip ay dahil sa mga malalaking sasakyan gaya ng bus.
Ayon kay Chief Engineer Song
Youzhou, kaya rin nitong palitan ang 40 karaniwang bus sa kalsada dahil 1,400
pasahero ang kapasidad nito na may bilis na 60 kph kung saan sasakay ang mga
pasahero sa mga designated stations sa pamamagitan ng elevator. At dahil
kuryente ang gamit nito, makakatipid ng mahigit 800 tonnes ng gasolina bawat
taon at makakaiwas ng 2,480 tonnes ng carbon emissions sa kalikasan.
Hindi na gaanong bago ang ideya
dahil ang orihinal nito ay una nang nabuo noong 1969 ng dalawang arkitekto na
sina Craig Hodgetts at Lester Walker bilang redesigning proposal para sa New
York. Ito ay tinawag na Bos-Wash Landliner na mula Washington, D.C. hanggang
Boston ngunit nanatili lamang itong ideya.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon
na binuhay muli ang konsepto dahil noong 2010 ay una nang ipinakilala ni Song
ang ideya sa tulong ng Shenzhen-based Huashi Future Parking Equipment. Bagaman maraming
siyudad sa China ang nagpakita ng interes, sa ikalawang pagkakataon ay hindi pa
rin ito nabuo.
Ngayon, posibleng “third time’s
the charm” nga ang kapalaran ng konsepto dahil muli ay may mga siyudad nang nagpapakita
ng interes para buuin ang ideya, at kasalukuyan ay gumagawa na ang TEB ng
life-size prototype sa Changzou na nakatakdang isagawa ang test-run nito sa
huling bahagi ng Hulyo o Agosto.
Malaking tulong man ang ganitong
teknolohiya, tandaan natin na bahagi tayo ng kasalukuyang problema at dapat
lamang magbigay tayo ng kontribusyon na makakatugon dito. Ilan sa mga simpleng
paraan ay ang pagbabago ng ating saloobin at interpretasyon sa pagmamay-ari ng
sasakyan at sa polusyon, disiplina sa pagmamaneho at pagsunod sa batas trapiko at
ang paggamit ng eco-friendly fuel alternatives para sa mga may sasakyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento