Miyerkules, Hulyo 6, 2016

Best hiking spots in Japan

Ni Herlyn Alegre


Bukod sa pagpunta sa mangilan-ngilang magagandang dalampasigan sa Japan, isa sa mga pinakakinagigiliwang gawin ng mga Hapon tuwing summer ay ang pag-akyat ng bundok. Hindi lamang mainam sa katawan ang pagha-hike, masaya rin itong bonding activity ng pamilya at barkada.

Maraming mga bundok kung saan maaaring umakyat all year-round, mayroon din naman mga seasonal lamang tulad ng Mt. Fuji na maaari lamang akyatin tuwing Hulyo hanggang Agosto. Ang Mt. Fuji ay inaakyat ng halos 20,000 tao, kapwa turista at residente, bawat taon.

Nakamamanghang makita na magkasamang umaakyat ang mga maliliit na bata at mga retiradong matatanda sa Mt. Fuji. Ang tatlo sa pinakamatataas na bundok sa Japan ay ang Mt. Fuji na may taas na 3,776m at matatagpuan sa Shizuoka at Yamanashi; ang Kita-Dake (Minami Alps), may taas na 3,192m, ay kilala sa tawag na “Shirane-san” na ang ibig sabihin ay three peaks (binubuo ng Kita-Dake, Aino-Dake at Notori-dake) at matatagpuan sa Nagano, Shizuoka at Yamanashi; at ang Hodaka-dake (Kita Alps) na may taas na 3,190m at matatagpuan sa Gifu at Nagano.

Kung hindi ka man ganoon kahanda para umakyat sa tatlong nabanggit na bundok, marami pa rin na ibang bundok na maaaring akyatin ngayong summer.

Mga kilalang hiking spots bawat rehiyon

Ang Daisetsuzan National Park ay tinatawag rin na “Roof of Hokkaido” dahil matatagpuan dito ang pinakamatataas na bundok sa Hokkaido na binubuo ng Asahidake, Tokachidake, Shikaribetsu at Ishikari. Noong 1993, kinilala ito bilang pinakamalaking national park sa Japan na may lawak na 230,000 hectares.

Hindi lamang magagandang tanawin ang makikita mula rito, matatagpuan din na naninirahan sa bundok ang iba’t ibang uri ng hayop tulad ng ezo deer, blakiston’s fish owl at black woodpecker. Mag-ingat lamang dahil mayroon din na mga brown bear na nakatira rito.

Ang Shirakami Sanchi ay binubuo ng mahahabang bulubundukin sa pagitan ng Aomori at Akita. Naging UNESCO World Heritage Site ito noong 1993, isa sa mga pinakaunang nabigyan ng ganitong karangalan sa Japan. Isa sa mga pangunahing atraksyon nito ang three-tiered Anmon Falls. Bukod dito, naninirahan din sa makapal nitong kagubatan ang black bear, serow, golden eagle at 87 pang uri ng mga ibon.

Kung sawa na sa pag-akyat sa Mt. Takao na isa sa pinakasikat na hiking site malapit sa Tokyo, maaaring alternatibo ang Mt. Mitake. May layo lamang na dalawang oras mula sa sentro ng Tokyo, mainam ito para sa mga gustong mag-unwind at makapiling ang kalikasan. Mula sa cable car station sa bundok, aabutin ng 20 minuto papaakyat sa pinakatuktok kung saan naroon ang Musashi Mitake Shrine. Maaari rin nang ituloy ang hike papuntang Mt. Hinode bago bumaba.

Ang Kamikochi sa Nagano ay isa sa pinakakilalang hiking spots sa rehiyon. Tinatawag din itong “gateway to the alps.” Sinasabing isang Buddhist priest na nagngangalang Banryu ang unang umakyat dito noong sinaunang panahon kung saan ang pag-akyat sa mga bundok ay ginagawa bilang pagsamba sa kalikasan. Noong Meiji Period, mas naging katanggap-tanggap ang pag-akyat ng bundok bilang leisure activity dahil na rin sa impluwensiya ng mga banyaga. Higit na pinasikat ni Reverend Walter Weston, isang Ingles, ang Kamikochi nang ikwento niya sa kanyang librong “Mountaineering and Exploration in the Japanese Alp” ang mga karanasan niya sa pag-akyat dito.

Ang Mt. Koya sa Wakayama ay hindi lamang kilala bilang isang ordinaryong hiking site kung hindi isang iginagalang na pilgrimage site. Dito nakabase ang Shingon School of Buddhism kasama ang 100 pang ibang templo at monastery. Maaari rin na manuluyan at magpalipas ng gabi sa mga Buddhist temples dito na tinatawag na “shukubo.” Huwag din palagpasing bisitahin ang Okunoin Cemetery kung saan nakahimlay si Kobo Daishi, kilala rin sa tawag na Kukai, na siyang nagtatag sa Shingon School of Buddhism.

Ang Kankakei Gorge ay tinatayang isa sa pinakamagagandang gorge sa buong Japan. Matatagpuan ito sa Shodoshima Island, pangalawa sa pinakamalaking isla sa Seto Inland Sea, sa Shikoku. Mayroong dalawang trail na maaaring pagpilian paakyat ng bundok pero mayroon din ropeway na magdadala sa iyo direkta sa tuktok. Bukod sa Kankakei Gorge marami pang ibang lugar sa isla ang maaaring bisitahin tulad ng Twenty-Four Eyes Village, lokasyon ng nobela ni Sakae Tsuboi na ginawang pelikula noong 1954 at 1987, at ang Sakate Port, isa lamang sa pitong daungan sa paligid ng isla, kung saan maaaring kumain ng fresh seafood habang pinagmamasdan ang ganda ng dagat.
           
Ang Yakushima sa Kagoshima sa isla ng Kyushu ay kinilala noong 1993 bilang UNESCO World Heritage Site. Kilala ito sa mga puno ng “yakusugi,” mga ancient cedar trees na sinasabing naging inspirasyon sa anime na Princess Mononoke na ginawa ni Hayao Miyazaki. Isa sa pangunahing atraksyon dito ang “Jumonsugi,” tinatayang pinakamatandang puno ng cedar sa buong mundo, na may edad na 7,000 taon.


Iba-iba man ang dahilan ng pagha-hike, mapa-leisure man kasama ang pamilya, pilgrimage man o self-searching, maraming trail na pagpipilian sa iba’t ibang kabundukan sa Japan. Tandaan lamang: pag-aralan nang maigi ang mapa, basahing mabuti ang mga trail signs, magsuot ng angkop na sapatos at damit at magdala ng hiking gadgets na makakatulong sa pag-akyat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento