Miyerkules, Hulyo 6, 2016

Ukiyo-e prints ng Mt. Fuji gagamitin sa bagong disenyo ng Japanese passport

Ni Florenda Corpuz

Ang Great Wave off Kanagawa ang kauna-unahan at pinakapopular 
na disenyo na gagamitin sa pasaporte.
Inanunsyo na ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan ang bagong disenyo na ilalagay sa mga Japanese passports na ilalabas sa taong 2019, isang taon bago ang 2020 Tokyo Olympics and Paralympic Games.

Gagamitin ng MOFA ang serye ng landscape paintings ng Mt. Fuji na may titulong “Fugaku Sanjurokkei” (Thirty-six views of Mount Fuji) na iginuhit ng popular na ukiyo-e artist na si Katsushika Hokusai (1760-1849).

Ipinapakita rito ang Mt. Fuji mula sa iba’t ibang lokasyon, panahon at klima.

Ayon sa MOFA, ito ay para mas maipakita ang kulturang Hapon at para na rin sa mas mataas na antas ng seguridad laban sa mga pekeng pasaporte.

Ilalagay sa 10-taong pasaporte (pula) ang 24 na paintings habang sa limang-taong pasaporte (asul) naman ay magtataglay ng 16 na paintings. Bawat parehas ng pahina na tatatakan ng immigration stamp ay lalagyan ng iba’t ibang paintings mula sa serye.

Hindi naman babaguhin ang disenyo ng passport covers.     

Bago inilabas ng MOFA ang desisyon ay kumunsulta muna ito sa mga eksperto kabilang ang National Printing Bureau ng Japan na nag-iimprenta ng mga pasaporte.

Sa kasalukuyan, ang mga pahina ay may mga patterns ng cherry blossoms o sakura.

Unang nag-isyu ng Japanese passports ang bansa sa mga mamamayan nito taong 1866 ngunit ito ang unang beses na lalagyan ito ng mga paintings bilang disenyo.


Taong 1992 nang ilabas ang kasalukuyang disenyo ng mga Japanese passports na regular na sumasailalim sa maliliit na pagbabago tulad ng pagbawas ng sukat nito. Habang noong 2006 naman inilunsad ang pasaporteng may integrated circuit chips.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento