Linggo, Hulyo 10, 2016

Music and aroma therapy: A good combination for mental stability



Kinagawian na ng marami ang makinig sa musika habang ginagawa ang iba’t ibang mga bagay; sa trabaho man o mga gawaing bahay, sa biyahe pagpasok at pag-uwi sa trabaho, sa gitna ng ‘di makausad-usad na trapiko, para lunurin ang ingay ng mga tao, at sa kung anu-ano pang kadahilanan at layunin.

Maliban sa musika, gumagamit naman ng aroma therapy ang iba sa pamamagitan ng mood-booster scents gaya ng lemon, lavender, cinnamon, citrus, pine, jasmine, rosemary, peppermint, vanilla, fresh-cut grass, apple, olive oil, rose petals, coffee, at iba pa para makapag-relax.

Dalawang paraan lamang ito upang makaiwas sa stress na nakakaapekto sa work productivity ng mga empleyado. Kaya higit na siniseryoso ng mga kumpanya sa Japan ang mapanatili ang mental stability ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kanilang working environment.

Stress check efforts through aroma therapy

Simula nitong nakaraang Disyembre, ginawang mandatory ng gobyerno ng Japan sa mga kumpanya na may 50 at pataas na bilang ng empleyado na magsagawa ng stress check isang beses sa isang taon.
Sinusuri at pinag-aaralan ang stress level ng mga empleyado sa pamamagitan ng ilang serye ng pagtatanong tungkol sa kanilang work load, relasyon sa mga katrabaho at boss, sa company culture at environment at iba pang mga bagay para matukoy ang stress level at ang mga posibleng hakbang para tugunan ito.

At dahil sa mandatory stress check, ilang kumpanya na ang nagsagawa ng mga malalaking pagbabago sa kanilang mga opisina, gaya na lang ng Tokyo-based interior design company na Mitsui Designtec Co. Sinasalubong ang mga empleyado ng Mitsui ng citrusy lemon  mula sa isang aroma diffuser at ng malalamig sa matang mga halaman na nakapwesto sa mga mesa at sa mga bintana sa kanilang pagpasok sa opisina. 

Ayon sa mga empleyado nito, wari ay nagtatrabaho sila sa isang garden kung kaya’t mas nare-relax at nakakapag-concentrate sila sa kanilang trabaho. NaIpinatupad din ng kumpanya ang open/free seating system, coffee space, at adjustable desks (raised or lowered) nang magsagawa ng renovation ang opisina.

Naging positibo ang resulta ng implementasyon ng aroma therapy at ng newly-renovated office, ayon na rin sa renovation officer ng kumpanya na si Yasuo Ishida. Dagdag pa ni Ishida, nabawasan ng tinatayang walong oras at kalahati ang ginugugol ng bawat empleyado bawat buwan para mag-overtime.

Music therapy induces concentration, reduces stress
Batay sa pag-aaral ni Haruhisa Wago, propesor ng Saitama Medical University, ang mga classical pieces gaya ng musika ni Mozart, piano o guitar instrumentals ay nakakatulong para mabawasan ang stress at paigtingin ang konsentrasyon kaya’t hindi kataka-taka na maging kapakipakinabang din ito sa corporate sector.

Kung aroma therapy ang sa Mitsui, musika naman sa staffing agency na Staff Service. Tuwing umaga, binabati ng tunog ng chirping birds ang mga empleyado sa pagpasok nila, radio broadcasting music naman kapag alas-tres ng hapon at “Going Home” ng Czech composer na si Antonin Dvorak kapag uwian na ng alas-siyete ng gabi.

Sa paraang ito, ayon kay Moe Ishizuka (company background music in-charge), nahihikayat nito ang mas maayos na komunikasyon ng bawat isa kumpara sa isang opisinang sobrang tahimik. Lumalawak na rin ang interes dito ayon sa Usen Corp., isang music background service provider.

Kung iisipin, hindi ba’t nakakaengganyo at nakakagana nga talaga ang pumasok sa trabaho sa ganitong company environment? Kaugnay nito, kailangan din ikunsidera ang opinyon o suhestiyon ng mga empleyado, partikular na sa mga may allergies, kaya rekomendasyon ang delicate scents at musikang may pleasant chords ngunit dapat ay iniiba-iba ang musika sa loob ng dalawang linggo para patuloy na maging epektibo at responsive ang mga empleyado.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento