Ni
Phoebe Dorothy Estelle
Sa dalawang tao na may relasyon
ay bagay na maipayo ang awitin ni Patty Smyth, na “Sometimes Love Just Ain’t
Enough.” Kung gusto ng magkasintahan o mag-asawa na mas tumagal at lumalim ang kanilang
pagsasama ay handa dapat silang maging committed sa isa’t isa. Ito ay iyong tipong kahit sa hirap o ginhawa,
sa maganda at pangit na panahon, o sa may bonus o wala ay itinalaga nilang
magsama sila habambuhay.
Subalit, alam mo bang hindi
lamang sa relasyon sa tao magagamit ang commitment? Ito rin ay angkop pagdating
sa pagkamit ng iyong pangarap at hangarin kahit sa pananalapi.
Tama na magkaroon ng
malinaw na plano para sa iyong mga pangarap gaya ng makaipon ng pera. Para naman magkaroon ng progreso ang mga
plano ay kailangan ng aksyon. Napakadaling gawin ng mga ito, iyan ay kung
inspirado ka at positibo ang iyong pakiramdam.
Paano naman sa mga araw
na hindi? Sa mga araw na pwede namang huwag kang maghulog at gumastos? Kaya iba
pa rin kung hindi ka lang nagpaplano at umaaksyon, dapat ay alam mong pangatawanan
ang planong makaipon o yumaman. Tandaan
din na ang mga ganitong klaseng layunin ay pang matagalan o long term kaya
tiyak na masusubok ang iyong katatagan.
“The secret to reaching
your goals is commitment,” pahayag ni Heidi Reeder, PhD, may-akda ng “Commit to Win: How to Harness the Four
Elements of Commitment to Reach Your Goals” sa WebMD.com.
Ani pa ni Reeder, ang isang
rason kung bakit ayaw mag-commit ng mga tao sa kanilang gusto ay dahil sa
kanilang pagkainip sa resulta. Dapat din
umano ay hindi mawawala ang pagtutok sa
pangarap at paggawa ng solusyon kahit pa sa maliliit na problemang
mapagdadaanan.
Commitment,
habit, lifestyle
May mga nagsasabi na ang
commitment ay hindi disiplina. Subalit masasabing kapag committed ka ay makukundisyon
ka na gawin ang mga bagay palagi at may kusa. Iyan ay kahit tinatamad ka pa,
may pag-aalinlangan, at may sumpong. Ito rin ang magtutulak sa iyo para paglaban
ang dati mong nakasanayan, at higit sa lahat ay kapag may mga tukso lalo na sa
paggastos.
Ang pagiging committed sa
iyong hangarin o pangarap ay gaya rin sa pagmamahal sa isang tao. Kahit nahihirapan
ka ay hindi mo siya susukuan kasi nagdesisyon ka na mahalin siya sa hirap at
ginhawa.
Paano naman maging
committed?
Kumpara sa relasyon sa
tao na ang pag-ibig ang susi para maging committed ka sa iyong hangarin ay
kailangan matukoy mo muna ang iyong malalim na hangarin. Kung gusto mo na makaipon
ng pera ay para kanino o para sa anong rason. Kung gusto mong yumaman, sa anong
dahilan?
Ito ba ay dahil galing ka
sa hirap na minsan ay ‘di mo alam kung makakain pa kayo? Iyong ayaw mo kasing maranasan na kapag
nagkasakit sino man sa kapamilya mo ay wala kayong pang-ospital? Iyon bang dahil ayaw mo na manghiram ng pera?
Ayaw mong kabahan na baka bukas wala na kayong kuryente, tubig, at bahay? Ito
ba ay dahil gusto mong matikman ang mga ipinagdamot at hindi mo pa nararanasan?
Ano man ang iyong rason ay importante ito para may paghuhugutan ka sa mga
simple o malaking hakbang na gagawin mo para yumaman.
“Your beliefs become your
thoughts. Your thoughts become your words. Your words become your actions.
Your actions become your habits. Your habits become your values.
Your values become your destiny,” ang tinuran ni Mahatma Gandhi.
Ang sunod na hakbang para
maging committed ay pagdedesisyon na gawin ang iyong balak, maniwala sa iyong
hangarin, at pagsasabuhay nito. Ang
pagkakaiba din ng pagiging committed ay magagawa nitong mabago ang iyong pagdadalawang-isip
at pagpapadala sa emosyon. Higit sa lahat sa tulong nito ay mababago nito ang
iyong buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento