Kumpara sa pansariling budget,
mas mapanghamon ang pagba-budget para sa pamilya. Ang pera ay hindi na para sa
isa kundi paiikutin para sa kapakanan ng
lahat. Iba pang usapan dito kung mayroong mga anak na pinapaaral, ari-ariang
pinupundar, o utang na binabayaran.
Usapang regular
Mahalaga na mapag-usapan ng
mag-asawa kung paano at ano ang budget ng pamilya. Papasok dito ang inaasahang
araw-araw, linggo-linggo, at buwan-buwang babayaran para malaman kung magkano
ang perang regular na bubunuin. Kung may
isa lamang ang bahala sa budget, napakainam kung suportado ito ng kabiyak sa
pinansyal at aksyon. Mahirap din kasi mag-budget kung wala namang titipirin at
hahatiing pera. Kung dalawa naman ang kumikita sa pamilya ay dapat magkasundo sila
sa pagpapartehan na gastos.
Ang mga regular na binabayaran
ay kuryente, tubig, telepono, internet, tuition fee, upa ng bahay (kung
umuupa), insurance, at iba pa. Kasama rin dito ang alokasyon ng pera para sa
pamasahe, baon, uniform, at grocery. Humigit-kumulang
ay alam ang halaga ng babayaran sa mga ito, maliban na lang kung hindi marunong
sa pagtitipid ang pamilya.
Regular din at malaking
bahagdan din sa family budget ang napupunta sa pagkain. Subalit isa ito sa
mahirap na ikalkula dahil sa paiba-ibang presyo sa merkado, gayon din sa
sistema ng paghahanda at pagtatabi ng pagkain.
The short term and long term goals
Kapag may malaking perang
hawak ngayon at nabayaran na ang mga bills ay posibleng mauwi itong sobrang
perang panggastos sa anumang gusto. Ito iyong mga luho o bagay na may halaga
pero hindi pa naman kailangan. Pasok dito ang pagbili ng bagong damit, mobile
phone, at kasangkapan.
Ganito ang ideya kung walang
isinasaalang-alang na short term at long term goals. Kapag hindi mo inisip at
sineryoso ang iyong mga layunin ay madali mo rin itong makaligtaan. Kaya ang resulta ay sala-salabat na problema
sa hinaharap na apektado ang buong pamilya. Ilan na rito ay ang hindi
inaasahang pagkakasasakit, pagkawala ng trabaho, matumal na negosyo, o sakuna.
Ang isa pang dagok sa kawalan
ng layunin ay paglimot sa pagbabayad ng utang. Kung ito ay utang na may interes
at hindi nababayaran sa takdang oras, maaaring ang kapalit ay mahahalagang
bagay sa budget. Katunayan ay may mga
pagkakataon na may naibebentang
ari-arian at napapahinto sa pag-aaral na anak dahil sa kagipitan.
Kagipitang nagsimula sa lumobong halaga
ng utang.
Budget vs lifestyle
Ang isang simple pero radikal
na paraan para maging kontrolado ang budget ay nagsisimula sa pagtuturo nang
maayos na pamumuhay. Malaking tulong kung walang may bisyo at walang maluho sa
pamilya. Ang lingguhang pagkain sa labas
pagkatapos ng pagsimba ay gastos. Subalit, mas mainam naman ito kaysa
kanya-kanya ang gimik ng magulang at mga anak.
Gayon din kapag ang magulang
ay magandang ehemplo at nadidisiplina ang anak pagdating sa pera, ang pagsunod
sa budget ay hindi mahirap. Bukod sa
madali nilang makukuha kung bakit ay madali rin silang makikiayon sa sitwasyon.
O baka nga hindi pa nila maramdaman ang krisis dahil likas na sila ay simple.
Malayo ito kung ang buong pamilya ay nasanay sa pagsunod sa layaw. Mahihirapan ang
pamilya kung may krisis at kung paano sila mag-budget.
Ang isa pang maganda sa
simpleng pamumuhay ng pamilya ay pagkilala na wala sa materyal na bagay ang kasiyahan.
Kung iuugnay ito sa pagba-budget, hindi makakagawian ng mga anak na maging
maiinggitin at ikumpara ang kanilang sarili sa ibang kabataan. Kung gustuhin
man nilang bumili ng bagay ay naroon ang kontrol.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento