Martes, Enero 22, 2019

Suwerte sa negosyo at karera, pwedeng kusang maakit?


Ni MJ Gonzales



Heto na ang Bagong Taon at uso na naman ang mga pampasuwerte. Ito rin kasi ang panahon ng pag-asam na sana’y gumanda ang takbo ng karera, pananalapi, pagnenegosyo, o ibang bagay.  Maaaring may aspeto na hindi natin hawak pero marapat nga lang ba na iasa sa lucky charms ang katuparan ng ating mga kahilingan?  Posible kayang sa halip na hintayin ang buwenas ay kusa itong dumating sa ating landas?

Karma

Ang aral sa likod ng “kung ano ang iyong itinanim ay siya mo rin aanihin” ay maraming beses na binanggit sa kasaysayan at pilosopiya.  Ito ay nakapaloob din sa “golden rule’ ng Confucian, sa Bibliya, at  maging sa paniniwala sa iba’t ibang relihiyon.

Maiuugnay din ito sa “karma” na mula sa aral ng Hinduism, Buddhism, Jainism at Sikhism.  Ang pinagkaiba nga lamang ang karma ay bunga ng masama o mabuting nagawa sa iba.  Kaya naman kung nais mong umani ng buwenas o good karma sa hinaharap ay mabuting sundin mo na ngayon ang golden rule.

Ganito rin naman ang pundasyon sa likod ng tagumpay ng mga negosyante. Ang mga kliyenteng ginawan nila nang mabuting serbisyo ay siya rin na magbabalita sa kanila sa ibang tao. Ang kanilang mga empleyado na kanilang pinakikisamahan nang mabuti ay nagbibigay nang mahusay na serbisyo para sa pag-asenso ng kanilang kumpanya.  Maliban dito ay may mga taong handang magbigay ng rekomendasyon para sa mga taong ginawan sila nang mabuti.

Serendipity

May mga magagandang bagay na biglaang dumarating na hindi mo inaakala o inaasahan na tinatawag din na “serendipity.” Subalit, sa maliit o malaki mang porsyento ay ang buwenas na dumating ay maaaring resulta ng kagagawan dati. Maaaring iyon ay isa pa lang natabunan na alaala, kakilalang nakaligtaan na, o hindi mo nakitang pagkakataon.  Kaya bagaman hindi mapanghahawakan ang hinaharap ay pwedeng mag-aya ng serendipity sa pamamagitan ng iyong gawa. Paano?

Bawat isang tao ay may kani-kaniyang galing at talino.  Mayroong mabilis na umaangat habang mayroong naghihintay ng kanilang pagkakataon.   Sa mga umangat at aangat ay hindi ibig sabihin noon ay sila na ang pinakamahusay sa kanyang larangan.  Subalit, maaaring sila ang nakilala dahil sila ang handang magpakilala.

Tulad ito ng suwerteng nakamit ng mga sikat na artista, sila man ay puno ng talent o medyo-medyo lamang. Ang rason sa kanilang suwerte ay maipapalagay na masayang aksidente o serendipity.  May nakapasok sa reality show, nanalo, at naging sikat na artista. Mayroon natagpuan sa sinehan, restaurant, o kasama lang ng isang contestant na nag- audition.  Kaya kung hindi sila lumabas sa kanilang bahay at naglakas-loob, wala rin ang suwerte.

Siyempre walang makakapagsabi kung ilan ang dapat mong makilala o ilang beses na magpakilala (networking). Pero posible may isa o ilan sa kanila ang makapagbibigay sa iyo ng oportunidad  na hinahangad o hindi mo inaasahan.  Tandaan lang na para dumami ang iyong kakilala, kailangan mo rin matutuhan na magpakilala nang mainam at kumilala ng pagkatao.

Eureka

Nagkaroon ka na ba ng sandali na napa- “aha” ka at doon nagsimula ang pagbabago sa iyong pananaw?   Ang isang tawag doon ay “eureka” na isang pagpapahayag ng kasiyahan ng mga Griyego. Nasasambit ito kapag may natuklasan o napagtagumpayang bagay. 

Maaaring hindi inaasahan ang eksaktong “aha moment” ngunit hindi ka rin darating doon nang ganun-ganoon lamang.  Maaaring nagsimula iyon sa iyong pagiging mausyoso, interesadong matututo, at dumiskubre ng bagay-bagay.  Katunayan maaaring ang kasanayan na pwede mo pa lang mapakinabangan o mapagkakitaan ay nagsimula sa interes na iyong napag-aralan.

Ang punto sa mga ito, kasama na ang “law of attraction,” ay ang suwerte ay hindi lang ayon sa tadhana, lucky charms, at kahit pa ilang beses na pagdarasal.  Ang suwerte sa karera, negosyo, o pagyaman ay pwedeng ikaw din pala ang makakagawa. Kung negatibo kang mag-isip at umaksyon, kahit nariyan na ang ipinagkaloob ng Maykapal ay balewala rin.   Kaya para masiguro mo ang buwenas mo sa hinaharap ay maging positibo sa isip, salita, at gawa. Ika nga ni Peter Drucker, “The best way to predict the future is to create it.”  
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento