Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Jisedai No To. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Jisedai No To. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Disyembre 11, 2014

Tugon sa pagkakait ng social benefits at mga panlalait sa mga dayuhan sa Japan

Ni Cesar Santoyo

Nagsimula ng umepekto ang panukala ng Korte Suprema ng Japan noong nakaraang buwan ng Hulyo na limitahan ang pagbibigay ng social benefits sa mga dayuhan na may permanent visa. May mga kumikilos na sa antas ng mga munisipyo, siyudad at pambansang saklaw para subukan na tanggalin ang mga natatanggap na social benefits ng mga dayuhan.

Sa hindi pinahintulutang kahilingan ng isang 82-taong-gulang na Chinese mula sa Oita Prefecture ay hinusgahan ng pinakamataas na hukuman at inilinaw na ang mga dayuhan na permanenteng residente ay hindi kuwalipikado sa pampublikong pondo para sa welfare benefits sa kadahilanang hindi sila Japanese. Ayon sa Article 1 ng 1950 Public Assistance Law ay nagsasabing ang katagang “lahat ng mamamayan” ay nakaukol lamang sa mga Japanese, ayon sa interpretasyon ng Korte Suprema. 

Sa kabila ng panukala ay patuloy na nagbibigay ng pabuya ang welfare ministry sa matagal ng polisiya sa pagbibigay ng patas na welfare protection sa mga dayuhan katulad ng sa mga Japanese. Ito ay batay sa mga inilabas na anunsyo sa mga munisipyo noong taong 1954.  Sa polisiyang ito, ang mga munisipyo ay namahagi ng welfare benefits mula pagbibigay ng tulong-pinansiyal, libreng paggamot, tulong sa pabahay at iba pa sa mga nangangailangan na dayuhan na may permanent o long term visa, kasama ang mga asawa ng Japanese at mga migrante mula sa Brazil.

Subalit ang patakaran noong buwan ng Hulyo ng Korte Suprema ay nagbigay ng pagkakataon sa ibang puwersang pulitikal kasama ang may mga kontra-dayuhang sentimiento na bawasan ang “sayang daw” na gastusin ng gobyerno at subukan na limitahan ang pagtanggap ng social welfare ng mga dayuhan.

Isa na rito ay ang Jisedai no To (Partido ng Susunod na Henerasyon), isang minoryang partidong oposisyon na nakaporma na magsusumite sa darating na extra Diet session sa katapusan ng Nobyembre, ng panukala na gawing masmahirap ang kalagayan ng mga dayuhan sa Japan kaugnay ng pagtanggap ng social welfare benefits.

Sa labis ng panggigigil ng liderato ng Jisedai no To, ayon sa mga napaulat, ang gustong ipanukala ay bigyan ng isang taon ang mga matagalan ng dayuhan sa bansa na magdesisyong magpa-Japanese citizen o bumalik na sa sariling bansa. Malamang ay nakaukol ang kanilang puntirya sa mga matagal ng naninirahan na mga Chinese at Korean na ayaw maging Japanese citizen.

Sa pananaw naman ni Taro Kono, isang kongresista at pinuno ng proyekto ng mayoryang partido sa Kongreso at Senado ng Japan, ang Liberal Democratic Party o LDP, ay nagsabing hindi maaapektuhan ang mga may permanent residence visa sa pagrebisa ng bagong polisiya sa welfare benefits. Subalit ang may mga mid-to-long term na visa ang maaaring maapektuhan.

Ang maaaring pagbabago na maisagawa ay sa paraan ng hindi pagbibigay ng pampublikong tulong para sa may mga takdang panahon mula ng dumating sa Japan para maiwasan ang pag-abuso ng mga tumutungo sa bansa para lamang makatanggap ng welfare benefits. Dagdag pa, ayon kay Kono, kailangan pang pagdesisyunan ang haba ng buwan at taon ng pananatili bago mabigyan ng pagkakataon ang dayuhan na makakuha ng pabor sa welfare benefits.

Lalong lumalakas din ang pagkilos ng mga kontra-dayuhan para harangan ang pagtanggap ng welfare benefits pati na rin ang mga rasistang komentaryo laban sa mga dayuhan. Sa mga social networking site kagaya ng Twitter ang mga keyword search gaya ng “seikatsu hogo” o welfare at “gaikokujin” o mga dayuhan ay ang may mga pinakamahabang tala ng mga sensational tweets na nananawagan na agadang itigil ang pagbibigay ng pabuyang pinansiyal sa mga dayuhan lalo ang mga Chinese at Koreano.

Ang patakaran ng Korte Suprema noong buwan ng Hulyo ay nag-udyok din sa isang lalaki na naninirahan sa Narashino, Chiba Prefecture na magsumite ng petisyon sa Narashino Municipal Assembly noong Agosto na itigil ang pagbibigay ng welfare benefits sa dayuhan. Hindi pinaburan ang nasabing petisyon na ibinasura ng asembliya ng Narashino noong September 30, 2014. Sa nasabing buwan rin ng Setyembre ay naghain din ng isa pang petisyon ang nasabing lalaki na naninirahan sa Narashino na nanawagan na gumawa ng hotline para sa mga pinaghihinalaang umaabuso sa pagkuha ng welfare benefits ayon sa kagawad ng asembliya Hisako Ichikawa.

Malamang ay marami pang mga pakulo ang gagawin ng mga kontra-dayuhan na tanging damdamin lamang nila, at hindi ng karamihan ng mamamayan sa Japan, ang nagpupumilit na alisan ng benepisyo ang mga dayuhan dito sa bansa. Maliban sa ginagawang patakaran laban sa mga dayuhan na alisan ng welfare benefits ay ang buwanang pag-atake sa pamamagitan ng mga demonstrasyon laban sa mga Koreano na isinasagawa ng mga tinaguriang ultra-rightist ng Japan.

Ang mga masasamang katagang mapanlait na ibinabato sa mga distrito na maraming nakatirang Koreano mula sa mga ultra-rightist na demonstrador ay nakatawag pansin sa U.N. Committee on the Elimination of Racial Discrimination. Sa rekomendasyon ng nasabing kumite laban sa diskriminasyon ng United Nations sa pamahalaan ng Japan ay nagsabing ang “hate speech” o panlalait at ibang pakikitungo na nagpapahiwatig ng rasistang pag-atake sa mga demonstrasyon, media kasama ang sa internet, ay hindi iniimbistigahan at pinarurusahan ng mga kinauukulan ng mga awtoridad.

Iginiit ng nasabing panel ng U.N. laban sa diskriminasyon na dapat imbestigahan ng pamahalaan ng Japan ang mga “panlalait” sa dayuhan sa mga demostrasyon, imbestigahan ang indibiduwal at organisasyon responsable sa mga aktong rasista at parusahan ang mga pampublikong opisyan at politiko na nagbibigay ng “hate speech” laban sa mga dayuhan.

Pinasubali rin ng nasabing U.N. panel na dapat tugunan ng Japan ang mga “ugat ng kadahilanan” ng mga panlalait sa dayuhan at palakasin ang paraan ng pagtuturo, edukasyon, kultura at impormasyon sa pananaw laban sa mapanlait na patungo sa diskriminasyon sa ibang lahi at palaganapin ang pag-uunawaan, pagbibigayan at pagkakaibigan ng mga bansa at sa mga lokal at etnikong grupo.


May kasabihan na kung batuhin ka ng bato ay batuhin mo ng tinapay. Tahimik lamang ang mga dayuhang Filipino sa Japan na sa ngayon ay ang mga nangangalaga sa mga matatanda bilang caregivers. Pinoy rin ang mga nagtuturo sa pag-aaral ng English ng mga batang Japanese pati mga wasto sa gulang. Sa ating panibagong trabaho at misyon ngayon bilang caregiver at English teacher, ito ang tinapay na ating ibinabato sa mga mapanikil na patakaran at mapanlait na pananalita laban sa mga dayuhan.

Lunes, Oktubre 13, 2014

Pamilyang Japanese-Filipino at usapin ng social benefits

Noong ika-26 ng Agosto ng kasalukuyang taon ay nailathala sa mga pahayagan sa Japan ang plano ng isang partidong pulitikal, ang Jisedai No To o Partido Para sa Bagong Henerasyon, na magpanukala ng bagong batas para alisin sa mga tumatanggap ng suporta mula sa goyerno ang mga naghihirap na dayuhan.

Sa kasalukuyan na kalakaran, ang mga munisipyo ay nagpapabuya ng mga benepisyo gaya ng buwanan na panggastos sa pamumuhay at upa sa bahay para sa mga kapos na dayuhan na may permanent at long term visa.

Ang pinagbatayan ng mga lokal na pamahalaan ay ang pahayag ng punong pamahalaan noong taong 1954 na nagtagubilin na tanggapin ang aplikasyon ng mga nangangailangan na dayuhan ng tulong batay sa makataong kadahilanan.

Maraming nakikinabang sa welfare benefits na mga kapos sa pamumuhay na mga dayuhan kasama ang ating mga kababayan. Ito ay sa kabila na ang nakasaad sa public assistance law ng Japan ay tanging ang mga Japanese lamang ang tatanggap ng kabayaran mula sa pampublikong benepisyo. 

Ayon sa Pangkalahatang Kalihim ng partido, Hiroshi Yamada, kanilang tungkulin na baguhin ang batas para sa pampublikong serbisyo pagkatapos ng naging desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo. Ayon sa Korte Suprema, ang mga dayuhan na may permanent visa ay hindi kabilang sa pagtanggap ng pampublikong serbisyo kahit na nagbabayad ang mga ito ng tax.

Ang Jisedai No To, na itinatag lamang nitong Agosto, ay may plataporma na huwag bigyan ng pagkakataon ang mga permanenteng dayuhan na bumoto o iboto sa mga halalan. Kabilang din sa layunin ng partido na pahigpitin ang patakaran para sa aplikasyon na maging Japanese citizen ang mga dayuhang pirmihan na naninirahan sa Japan.

Kung makapagsumite man ng batas o hindi ang Jisedai No To sa darating na extraordinary Diet session, ang malaking katanungan ay kung makakapasa naman kaya ito sa Japanese Diet at makakaapekto kaya ito sa sariling pagdedesisyon ng lokal na pamahalaan.

Ang kaban ng pamahalaan para sa social benefits ay mula sa buwis ng mga mamamayan ng Japan kabilang na ng mga dayuhan. Bilang nagbabayad na buwis, nanalig tayo na ang mga batas na ipapatupad ay pabor din sa mga pirmihang migrante na kailangan din makipag-usap sa mga mambabatas para matupad ito.

Pang-apat na pinakamalaking bilang ng mga dayuhan ang mga Filipino, na ang karamihan ay mga magulang ng Japanese-Filipino children. Sa madaling sabi, ang mga kababayan natin na naninirahan bilang kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino na ang bilang ay aabot sa 180,000 ay ang bagong sibol na ethnic minority sa bansa.

Importante na kilalanin natin ang katangian ng mga Pinoy bilang kasapi ng “ethinc minority” ng lipunan ng Japan. Ito ay dahil ang paninindigan bilang ethnic minority ay nangangahulugan ng pagbibigay ng karampatang pagkilala at paggalang ng lipunan.

May natatanging kakayanan at kapasidad batay sa kinalakihang kultura ang mga kasapi ng ethnic minority. Sa katunayan, ang mga Pilipino sa Japan ngayon ay mas nakikilala na bilang mga English teachers at mga caregivers. Ang pagtuturo ng English sa partikular at ang pagtuturo ng lengguwahe sa mga bata at matatanda ay isang malinaw na ambag sa lipunan na  kung wala ang mga ito ay malaking kakulangan ito sa pagpapaunlad ng lipunan. 

Kailangan ng kamalayan sa pag-uugnay ng ethnic minority mula sa sariling pananaw at sa pamumuhay at pakikipag-ugnayan sa lipunan. Nararapat lamang na iugnay na ako ay English teacher sapagkat ako ay Pilipino na kabilang sa ethnic minority ng lipunan ng Japan. Sapagkat sa pag-uugnay ng kasapi ng ethnic minority ay nagbibigay-linaw at pahiwatig na tayong mga Pilipino ay kabahagi ng lipunan, tanggapin man o hindi ng mga Japanese.

Manipis rin kasing kadahilanan na sabihing ako ay dayuhan na pirmihan naninirahan sa Japan at nagbabayad ng tax at nararapat na mabiyayaan ng pampublikong serbisyo. Bagamat bilang taxpayer ay may karapatan sa konsultasyon at pag-alam saan napunta ang buwis na binayaran, nanatili ang pahayag na ito na labas o hindi nakapaloob sa lipunan ng Japan kundi isang bisitang dayuhan. Ang kasapi ng ethnic minority, ang mga kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino, ay nakaugat sa lipunan sapagkat ang magulang at mga anak ay may dugong Japanese.

Bilang mga magulang ng Japanese-Filipino ay may ambag din tayong dugo sa lipunan ng Japan na hindi maaaring isantabi bilang dayuhan. Kung idadagdag pa ang kontribusyon ng ating ambag na trabaho sa produksyon at edukasyon bilang mga teacher, caregiver, manggagawa sa pabrika, empleyado at iba pa, nararapat lamang na siguraduhin ng pamahalaan ng Japan, lokal man o pambansa, ang karapatan para sa social benefits sa lahat ng dayuhan pirmihan ng naninirahan sa bansa.

Malamang ay lingid sa kaalaman ng Jisedai No To na kontra sa mga dayuhan na ang mga Japanese-Filipino ay Japanese ang nasyonalidad. Kaya hindi nalalayo na sa kadahilanan na nakikita ng mga kabataang Japanese-Filipino kung papaano kitilin ng mga pulitiko ang karapatan ng kanilang mga  magulang, hindi nalalayo ang pagkakataon na magkakaroon sa hanay ng mga kabataan Japanese-Filipino na tumuntong sa pulitika para ipagtanggol ang magulang at ang lahat ng mga dayuhan.


Kung maganap man ito, sila, ang mga Japanese-Filipino ang totoong kinatawan para sa bagong henerasyon na kakalinga sa karapatan at kagalingan ng lahat ng mga dayuhan sa bansa.