Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pagkaing Pinoy. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pagkaing Pinoy. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Oktubre 13, 2014

Ang Lasang Pilipino

Ni Al Eugenio
 
Menudo, sinigang, kare-kare at pinakbet. Minatamis na saging con yelo, leche flan, gulaman at halo-halo. Bibingka, palitaw, sapin-sapin at kalamay. Puto bumbong, suman, halaya at kapeng Batangas. Ilan pa sa atin ang nakakaalala ng tunay na lasa ng mga pagkaing ito?

Mahirap nang maghanap ng pagkaing Pilipino na tama ang lasa sa mga panahong ito. Madalas, kahit pa sa mamahaling lugar, ang mga inihahaing pagkain sa atin ay parang may mali sa timpla. Para bang hindi na kilala ng mga tao ngayon ang totoong lasa ng mga pagkaing isinisilbi nila. Totoo, ang bawat nagluluto ay may kanya-kanyang istilo, pero ang bawat putahe ay mayroong natatanging lasa.
           
Ang timpla at lasa ng mga pagkaing Pilipino ay nagpasalinsalin na sa matagal na panahon. Mula sa ating mga magulang na natutuhan din nila mula sa kanilang mga ninuno pa, ang mga natatanging lasa na hinahanap-hanap palagi ng lahat. Natatanging lasa, kaya naman kapag napasobra ang alat o kaya naman ang asim ay mayroon laging pumupuna.

Bagama’t mayroong iba’t ibang istilo ang mga nagluluto, hindi lumalayo sa natatanging lasa ng bawat putahe ang naluluto nila. Maaaring mas maanghang pero hindi sobra ang alat. Maaaring medyo malasado pero hindi sobra ang asim. May pagbabago man ng kaunti ang itsura ng pagkain pero tama pa rin ang lasa kahit na sa unang tikim.

Malaki ang ipinagbago ng lasa ng ating mga pagkain nang inumpisahang pakialaman ng mga gahamang negosyante ang ating hapag kainan. Umimbento sila ng mga produktong makapagbibigay ng katulad na lasa ng ating mga pagkain. Inilagay nila ito sa mga “Shashei” o kaya naman ay mga naka  “cubes”.

Matapos na mapalambot lamang natin ang karne at mailagay ang mga gulay, ihalo lang ang mga produktong ito at “Presto!” Sinigang na ang ulam ninyo! Hindi na kailangan maghiwa ng kamatis, wala nang ginagayat na sibuyas. Wala ng luya. Wala ng bawang. Hahanguin na lamang at kainan na.

Ang mga produktong ito ay nakapagpagaan sa buhay ng maraming maybahay.  Nabawasan na ang kanyang oras sa pamamalengke at sa isang banda ay maaaring nakatipid pa sila. Ang hindi nila nalalaman ay kung anu-ano kaya ang mga isinangkap upang mapalabas ang lasang ibinibigay ng mga produktong iyon.

Dahil din sa mga instant na panlasang ito,  marami sa mga nagluluto ang umaasa na lamang sa mga produktong ganito. Marami sa kanila ang tuluyan nang nalimutan ang tunay na pamamaraan ng pagluluto ng ating mga pagkain. Dinaraan na lamang sa “tsamba”. Kung hindi sigurado ay magtatanong. Ang iba naman ay nagre-research sa Internet. Totoo, mayroong recipe sa Internet, pero hindi ito sapat. Hindi ito laging kumpleto at laging tama. Marami sa mga recipe sa Internet ay may mga binago na rin at nahaluan na ng mga recipe mula sa ibang bansa.

Iba ang natutuhan ng ating mga nakakatanda sa kanilang pag-aaral nang pagluluto.  Hindi lamang ang pagpili ng mga nararapat na sangkap. Hindi rin lamang ang klase o parte ng mga karne o isda na kanilang lulutuin. Naroroon din ang uri ng paglulutuan. Kaldero ba o palayok? Kahoy ba o uling? Ang bawat putahe ay pinaglalaanan ng tamang kagamitan at pati na rin ang tinatawag na “timing” kung kailan ilalagay ang sangkap para tama ang lasa.

Noong araw ay asin lamang ang pang-alat sa ating mga pagkain. Ngunit ng dumating ang mga Intsik at Hapon, ang “toyo” ay natutuhan na rin na gamitin. At sumunod na ang iba’t ibang uri ng mga pampalasa sa ating mga pagkain. Ito na ngayon ang naging bagong panlasa ng pagkaing Pilipino.

Kapag kumakain tayo sa mga fastfood, maging sa karamihan ng mga restaurant, para bang ipinakakalimot na nila sa atin ang lasa ng mga pagkaing Pilipino. Para bang sinasabi nila na ito na ang lasa ng pagkaing Pilipino ngayon. Masanay na kayo!

Kailan kayo kumain ng masarap na halo-halo? Tama ba ang mga nilalaman nito? Mayroon bang minatamis na saging at kamote? Mayroon bang kaong, nata de coco at ube? Meron bang langka? Meron bang leche flan sa ibabaw at hindi ice cream? Ang ice cream ay dapat sa ibabaw ng ice cream cone, hindi sa ibabaw ng halo-halo!

May sinasabing masarap daw na halo-halo ang Razon’s. Hindi ba hinahalong mais lang ‘yon. Ganun na ba ang halo-halo ngayon? Kunsabagay hinahalo pa rin ‘yon.


Nasubukan ninyo na ba ang sinangag sa Jollibee? Ano ang pagkakaiba sa sinangag na kaning lamig na pinitpitan ng bawang at nilagyan ng asin? Walang toyo. Walang sinangag mix. Hindi sausage at itlog kundi pritong tuyong may kalislis.   Nasubukan ninyo na kaya? Kung hindi ninyo pa nasusubukan, hindi ninyo pa ganap na alam ang lasang Pilipino.

Martes, Mayo 6, 2014

Balat-sibuyas

Ni Rey Ian Corpuz

Noong nakaraang buwan ay kumalat sa Facebook, Twitter at iba pang social media sites ang samu’t saring reaksiyon ukol sa blog ng isang turista na Polish. Dito ay inihayag niya ang kanyang negatibong opinyon sa mga pagkaing Pilipino nang bumisita sa bansa.

Sumiklab ang damdamin ng mga Pilipino at tila dumami ang mga makabayan sa pagtatanggol at pagpapaliwanag na masarap ang pagkaing Pinoy. Kilala ang mga Pilipino sa pagtatanggol sa bayan kapag may negatibong opinyon ang mga banyaga hinggil sa bansa.

Unang una, bilang isang Polish na naninirahan sa bansang malamig tulad ng Poland, mataas ang standard nila sa pagkain. Tulad dito sa Japan, mahigpit ang panuntunan hinggil sa kalidad, kalinisan at nutrisyon ng pagkain. Hihimayin natin kung anu-ano ang mga katangian ng ating mga pagkain.

Mga negatibong aspeto ng ating pagkain:

1. Puro karne. Ang pagkaing Pilipino ay halos puro karne, mamantika at kaunti lang o ni walang sahog na gulay. Tama ba? Ito ang pinakanegatibong aspeto ng ating pagkain na kung ikukumpara mo sa ibang kultura ay malayung-malayo. Halimbawa, lechon, dinuguan, crispy pata, lechon liempo at manok at marami pang iba. Ang mga ito ay walang halong gulay at hitik na hitik sa mantika. Masarap dahil karne pero hindi katanggap-tanggap sa ibang kultura dahil nakakasama sa kalusugan.

2. Ang pangkaraniwang pagkaing Pilipino ay hindi presentable. Tama ba? Ang karaniwang pagkain sa ating hapag ay walang “sense of presentation.” Mula sa kaldero o kawali kapag ito ay inihain ay iyon na. Wala nang kung anu-anong garnish na gulay para maging kaaya-aya sa ating mga mata. Sa ibang kultura, ang presentasyon ay isang mahalagang bahagi ng pagkain. Dito sa Japan, kahit saang restaurant ka o-order ng pagkain o maging sa tahanan ay ginagawa itong kaaya-aya sa paningin ng customer.

3. Ang pagkaing Pilipino ay napaka--. Napaka? Ano iyon? Lahat ng lasa maliban sa malabnaw at maanghang ay pwede mong ilagay. Napakaalat, napakatamis, at napaka-oily. Tama ba? Halimbawa ng napakaalat: adobo dahil sa sobrang toyo, bagoong isda, bagoong alamang, daing (bulad sa Bisaya), tuyo,at  itlog  na maalat.

4. Ang pagkaing Pilipino ay hindi para sa mga mahihina ang sikmura. Tama? Unang una, bilang isang mainit na bansa iba ang kalidad ng ating mga sangkap. Ang tubig na ginagamit na pangluto ay minsan hindi kaaya-aya sa tiyan ng mga banyaga. Kaya kahit anong pakulo mo sa tubig o iyong pagkain mismo, nahihirapan pa rin na masikmura ng mga banyaga. Isa sa mga traditional na sangkap na ating ginagamit ay ang katas ng niyog o coconut milk. Hindi lang sa Pilipinas, kundi sa Thailand at Vietnam, ang coconut milk ay isa sa pangunahing sangkap sa mga tradisyonal na lutuin. Maraming mga banyaga tulad ng mga Hapon ay hindi kayang kainin ang mga pagkaing Pilipino na may coconut milk.

5. Ang pagkaing Pilipino ay hindi balanse. Tama? Kung karne, karne talaga at kaunti lang ang gulay. Kung gulay, gulay talaga at kaunti lang ang karne. Halimbawa sa gulay ay ang pinakbet (utan) at dinengdeng (lao-uy). Itong mga putaheng ito ay nag-uumapaw sa gulay pero ang karne ay kakaunti lang. Ang dalawang putahe na ito ay hinahaluan ng bagoong (isda at alamang) at patis na kung saan maalat ang lasa. Tama ba? May isa pa, karamihan sa atin inuulam ang pansit sa kanin. Tama ba? Puro carbohydrates iyon di ba? Kung ang Pilipinas ay hitik sa prutas at gulay, bakit walang matituturing na “standard” para sa salad? Maalala ko noon ang nanay ko parating naghahain ng atsara o pickled na manibalang na papaya. Kahit man lang saging o mga salad na gulay ay minsan kulang o wala.

Iba-iba ang katangian ng pagkain ng bawat bansa, mahal natin ang mga bagay na kakaiba sa atin, kung kaya’t nararapat lamang din na tanggapin natin kung anuman ang tingin ng mga banyaga sa uri ng pagkain natin positibo man o negatibo. Napakasarap ng pagkaing Pilipino dahil dito nasusukat ang ating kultura.

Huwag maging balat sibuyas. Kung tutuusin, hindi rin natin kayang sikmurahin ang pagkain ng ibang bansa. Ang naramdaman at opinyon ng Polish blogger ay kapareha lang ng magiging opinyon natin kung tayo ay pupunta sa bansang malayong-malayo sa ating kultura lalo na sa pagkain.

Dapat respetuhin natin kung anong meron ang bibisitahing bansa. Maging malawak sana ang ating pag-unawa na hindi lahat ng pagkain sa mundo ay pareha. Ang blogger na iyon ay isa lamang kaysa ikumpara mo sa mga international celebrities na gusto ang ating mga pagkain tulad ni Anthony Bourdain at marami pang iba. Ang Pilipinas ay may 7,107 na isla. Marahil kung napuntahan niya ang karamihan nito ay mag-iiba ang kanyang pananaw hinggil sa ating pagkain na kung saan ang bawat isla ay may ibang kultura ng pagkain.